Ang Mabuting Balita mula sa San Roque


“Perwisyo” ang salitang pinawalan ng isang tagabasa ng balita sa estasyong Kapuso kaugnay ng matinding trapik sa Edsa at mga karatig-kalsada na idinulot ng demolisyon at ng paglaban dito sa Sitio San Roque, Barangay Bagong Pag-asa, Quezon City kaninang tanghali. Nakakakulo ng dugo.

Isang paglilinaw: Matagal nang nilalabanan ng mga maralitang lungsod sa nasabing lugar ang banta ng demolisyon. Sa pamumuno ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay, kung anu-anong diyalogo ang pinilit nilang gawin sa mga opisyal ng gobyerno para huwag dumulo sa demolisyon ang isyu. Ang totoo, dumulog din sila sa bahay ni Pangulong Noynoy Aquino bago ito manumpang pangulo para ihapag ang kanilang problema at mga kahilingan.

At ito ang dapat maalala at mamalayan ng midya: Katakut-takot na pagsisikap ang ginawa ng mga maralita para matawag ang pansin nito sa kanilang isyu at kahilingan. Kung anu-anong gimik ang kanilang pinag-isipan at ginawa para mapitikan man lang ng larawan ng mga potograpo, makuhanan man lang ng footage ng mga cameraman, at mapag-aksayahan man lang ng ilang salita at laway ng mga mamamahayag. Pero hindi sila tumampok sa alinmang midya.

Sinasabi pa naman ng ilang mamamahayag na mahalaga ang midya sa pagpapatampok sa mga isyu ng mga maralita at mamamayan, para mapwersa ang gobyernong umaksyon. At may katotohanan ito.

Pero sa kaso ng Sitio San Roque, at napakarami pang kaso ng demolisyon, at napakarami pang kaso ng isyu ng mga maralita at mamamayan, hindi “tumulong” ang midya. Hindi nito ibinalita ang isyu para “makatulong” sa pagtawag ng pansin at pag-udyok ng aksyon ng gobyerno. Ngayong lumalaban ang mga maralita gamit ang sariling katawan, mga bato at mga kahoy, “perwisyo” ang dating ng paglaban ng mga maralita sa pagbabalita ng midya.

Sinisisi ngayon ang midya sa madugong pagwawakas ng hostage crisis noong Agosto 23; may kasalanan daw ito sa naganap. Pero mas dapat sisihin ang midya sa naganap na karahasan at trapik ngayong Setyembre 23; may kasalanan ito sa naganap. Sa hindi nito pagbabalita, sa mahabang panahon, sa paglaban sa demolisyon ng mga maralita ng Sitio San Roque, kinunsinti nito ang kawalang-aksyon ng gobyerno at ang kawalang-alam ng publiko. Nag-ambag ito sa pagkakasukol ng mga maralita, sa pagdahas sa kanila at sa paggamit din nila ng dahas.

Sinusuri raw ng midya ngayon ang sarili kaugnay ng hostage crisis ng Agosto 23. Pero higit pa sa pagharap sa mga usapin ng peace and order, na ang kadalasan ding tunguhin ay kontra-maralita, mas dapat suriin ng midya ang pagharap, o hindi pagharap, nito sa usapin ng mga maralita. O bawal itong suriin? Ito ang bawal suriin? Dahil negosyo sila ng mga pinakamayamang kapitalista?

Sa kasalukuyang sistemang panlipunan, laging may kulang, laging limitado, laging kapos, ang tagumpay na nakakamit ng mga maralita. Napigilan ng mga maralita ng San Roque, nang isang araw pa lang ngayon, ang pag-demolish sa kanilang kabahayan, kabuhayan at komunidad. At ito ang mabuting balita mula sa San Roque: kapag nagkakaisa ang mga maralita, kapag handa silang sumuong sa militanteng paglaban, kaya nilang magkamit ng tagumpay.

Habang nanonood ng telebisyon, hindi ko ikakahiyang sabihin sa inyo: naiyak ako sa tuwa, sa galak, sa giting ng napakaraming maralita. Pakiramdam ko, muli na namang isinisilang ang ating bansa.

23 Setyembre 2010

Kuha ni Kenneth Guda ng Pinoy Weekly ang unang larawan sa itaas. Mabuhay! Galing naman sa GMANews.tv ang ikalawa.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • Jaime de Guzman  On September 25, 2010 at 5:54 am

    Ang galing nito!
    Tama at sakto ang mga punto.

    Tabloid kasi ang treatment ng mga TV networks, ang newsworthy para sa kanila ay yung may humor, scandal, conflict tulad ng saksakan, banatan, paluan sa rally, kapag walang ganyang element ang balita e hindi ito ibabalita. HINDI NEWS WORTHY ika nga ng mga kapita-pitagan nating mga anchor. Ang alam ko kasi, ang ibigsabihin ng NEWS WORTHY ay balitang karapat dapat–karapat dapat na malaman ng mga tao hindi lang dahil may tensyon kundi dahil maaaring isa na sila sa makaranas nito o dahil isa na itong patakarang laganap ngayon. tulad ng demolisyon, kahit walang tensyon e news worthy o dapat ibalita dahil isyu ito ng maralita, at maralita ang mayorya ng populasyon natin.

    kupal talaga ang mga mainstream media.

    Nga pala, napanood ko ang mga news tungkol sa naging walk out ng mga kabataan kahapon, at TV 5 lang ang halos may pinakamagandang treatment sa balita. Sabi ba naman ng seven at dos e “NAUWI SA KARAHASAN blah blah blah.” Yan ang mga lead nila. Naisip ko, SA KARAHASAN NG BA TALAGA NAUWI ANG LAHAT KAHAPON? Tingin ko hindi naman. Naku naku naku. Gawan ko ito ng blog maya maya hahaha.

    http://www.akosiliet.blogspot.com may commentary din ako tungkol sa demolition nung 23

  • FreeSince09  On September 25, 2010 at 7:23 am

    http://manggagawangpilipino.tripod.com/board.htm

    Anu ba ang kasaysayan at kasulukuyang direksyon ng grupong to. Also, anu ba ang organizational differences nila sa mga “stalnista”?

  • anti-rj  On September 26, 2010 at 2:39 am

    freesince walang karapatang mag kumento ang mga taong hindi nag aaral. okey na maging stalinista kesa naman “tamad” at mga taong ayaw mag wasto. katulad ng grouplet mo. nga pala,

  • kapirasongkritika  On September 30, 2010 at 4:26 pm

    @ Jaime de Guzman: Salamat sa komento! Iyan naman talaga dapat ang balita. Pero dahil may makitid na interes na pinaglilingkuran ang pinakamalalaking kumpanyang pang-midya, talagang may pagbaluktot sa pag-unawa sa kung ano ang balita. Kaya kailangan talagang pasiglahin ang ibang midya ng mga maralita at mamamayan.

    @ FreeSince09: Hindi ko kabisado ang grupong iyan. Syempre, ang malinaw ay may kaibahang pang-ideolohiya sila sa tinatawag nilang “Stalinista.” Mas Trotskyista ang lumalabas na mga nagtatag niyan — na mas “Stalinista” pa sa mga tinatawag nilang “Stalinista” eh. Kung direksyon, kailangan pa nating alamin. May bali-balitang kumalas na naman itong splinter group na ito sa mas malaking splinter group.

    @ anti-rj: Baka nagtatanong lang naman si FreeSince09. Dangan nga lang talaga’t mahilig siya sa mga website na kakaiba’t kontra sa mga grupong pambansa-demokratiko. Hehe.

  • anti-rj  On October 1, 2010 at 4:32 pm

    nyak, nagtatanong pala, kala ko kasi the website above his post was the one he represents.. hehehe sori naman. nag away ata yung kalbong ingleserong si rusty at yung iba pang big bosses nila, ayun splinter na naman

  • kapirasongkritika  On October 3, 2010 at 5:29 am

    Oo, nagtatanong lang, inaway mo na. Hehe. Ah, talaga? Si Rusty ba iyung akala mo manggagawa o urban poor tapos ang Ingles ay grabe ang twang? Hehe. Anong organisasyon ang nabuo?

  • anti-rj  On October 4, 2010 at 1:12 pm

    partido lakas ng masa, nag away ata si magtubo ng PM at si rusty na darker version ni wally. ayun sumapi si rusty kay sonny melencio na dispalkador ng pera sa kmu nung panahon ni popoy. hay.

  • kapirasongkritika  On October 5, 2010 at 9:06 am

    Ah. Hindi (pa?) gaanong kilala ngayon itong Partido Lakas Masa. Darker version ni Wally ng Eat Bulaga? Haha. Si Sonny Melencio ang malakas sa retorikang sosyalista; si Magtubo parang mas dilawan ang mga moda. Anu’t anuman, ang hirap magkaroon ng apelyido niya tapos nasa kilusang paggawa ka. Haha.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: