Poor but Deserving

 

(1) Matapos ang mahabang panahong nagbingi-bingihan ang midyang mainstream sa panawagan ng mga maralita ng Sitio San Roque na ilahad ang kanilang isyu, tumutugon ito ngayon sa naganap na tawag-pansing paglaban ng mga residente ng nasabing lugar noong Setyembre 23. At isang bahagi ng tugon ay mga kolumnistang tumatalakay sa mga usaping ligal kaugnay ng paninirahan ng maralitang lungsod.

Mahalagang pansinin ang tugon na ito, dahil dumarami ang mahihirap na naggigiit ng pag-aari sa mga lupaing sang-ayon sa batas ay hindi naman kanila. Nariyan, halimbawa, ang Kampanyang Bungkalan ng mga manggagawang bukid at magsasaka ng Hacienda Luisita, kung saan nagtatanim sila ng ikabubuhay sa lupaing matagal na inilaan sa pagtatanim ng tubo at pinagbawalang tamnan ng iba pang pananim.

Syempre pa, umiinog ang tugon ng mga kolumnista sa puntong pribadong pag-aari ng ibang tao ang lupain ng Sitio San Roque at iligal na inokupa ito ng ibang tao. “Tao” ang tawag sa parehong may-ari at umookupa dahil hindi pinapansin ang magkaibang uring pinagmulan nila, sang-ayon na rin sa batas. Dumudulo ito syempre sa panawagan, hayag man o hindi, sa Estado na ipagtanggol ang pribadong pag-aari ng mga may-ari.

Sa isang banda, matalas na paghantong ito sa susing papel ng batas at Estado ayon sa pagsusuring Marxista: ang ipagtanggol ang pribadong pag-aari sa abstrakto na walang iba sa kongkreto kundi ang pribadong pag-aari ng mga naghaharing uri. Sa kabilang banda, kakatwa ang pagkukumahog na ito ng mga kolumnista sa paggamit ng batas, patunay ng pagkataranta nila sa harap ng paggigiit ng maralita sa mumunting lupain.

(2) Para bang kapag usapin ng maralitang lungsod at pribadong pag-aari ay wala na ang anumang imahinasyon para unawain ang mga maralita – sociological imagination man o literary imagination. Sa dulo’t dulo, kailangang sumandig sa batas at ikahon dito ang mga usapin. (Kapansin-pansin ding maraming mag-aaral ng agham panlipunan at kultura’t panitikan ang dumidiretso sa kursong Batas pagkatapos gumradweyt.)

(3) Pero kung mababasa sa mga kolumnista ang opensibang ligal kaugnay ng naganap sa San Roque, nagkalat naman ang mga bahagi ng opensibang pangkultura. Sa blog ni Angela Stuart-Santiago, halimbawa, mababasa ang mga sumusunod na komento:

>> Kung malayo man ang Montalban, Rizal, dapat maaga lang umalis sa bahay ang mahihirap. Ginagawa iyan ng mayayaman – maging ang ilipat ng pinag-aaralan ang mga anak.

>> Hindi tinatratong basura ng gobyerno ang mga “squatter” dahil nagtatamasa sila ng libreng lupa at pabahay mula sa gobyerno.

>> Dapat subukan ng mga taong maglakad sa mga lugar ng mahihirap gamit ang kanilang cellular phone at nang suot ang kanilang mga alahas, para maunawaan ang ginagawang “paglilinis” ng gobyerno sa ating “kapaligiran.”

>> Dapat may lupang handang ipamigay sa mahihirap ang mga tumututol sa demolisyon, tutal naniniwala sila sa “karapatan sa lungsod” ng mahihirap.

>> Kapag nananawagan ang mga liberal ng pamamahagi ng lupain, kadalasang hindi kanila ang lupang ipapamahagi, kundi sa Estado o sa “mga Demonyong Kapitalista.”

Makikita sa mga komentong ito ang mga elemento ng opensibang pangkultura kontra sa mga maralitang lungsod. Pagdating sa kalagayan at oportunidad, pareho lang ang sa mayaman at mahirap. Ang kaibahan lang, may problema sa mahihirap: iresponsable, nakaasa sa materyal na bagay mula sa iba – sa ibang tao man o gobyerno – at, idagdag natin, anak nang anak. “Spoiled” nga ang tawag ni Ballsy Cruz sa mga taga-Luisita.

Ang moda, samakatwid, ay ganito: ipinagpapalagay na maayos ang mga istrukturang panlipunan at sistemang pang-ekonomiya, habang sinisisi ang suhetibong disposisyon ng mahihirap. Ang ilang epekto ng sistema sa mahihirap – pagiging istambay, pamamalimos o pagnanakaw, pag-aanak ng marami – ay itinuturing na sakit ng lahat ng maralita, hindi na pinapalalim pa sa mga sanhi nito sa lipunan at kasaysayan.

Maipagpapalagay na mula sa mga panggitnang uri ang mga nagkomento, pero halatang kumikiling sila sa mayayaman. Paano nga naman sila? Hindi ito kataka-taka sa isang lipunang inaambisyon ng mga nasa panggitnang uri ang maging mayaman, habang iniiwasan sa pang-araw-araw na buhay ang makabuluhang pakikihalubilo sa mga mahihirap. Pangarap ang buhay-mayaman; bangungot ang buhay-mahirap.

(4) Bahagi ng ganitong pagsisi sa mahihirap ang balangkas ng Labor Force Survey, o ang pagkalap ng datos ng gobyerno tungkol sa mga may trabaho at walang trabaho. Inalis na sa hanay ng pwersa ng paggawa ang mga walang trabaho pero hindi na naghahanap sa kung anumang dahilan. Sa hakbanging ito, nabawasan na ang walang trabaho, dumami pa ang may trabaho. Hindi na sila bahagi ng problema ng lipunan; problema na nila ang kanilang kalagayan. Hindi lipunan ang may problema kundi sila.

(5) Kinahihindikan ng mga nasa panggitnang uring nakakasalamuha ng mahihirap hindi ang mahihirap mismo, kundi ang pag-angkin ng huli ng yaman, ng halaga – sa pamamalimos o pagnanakaw at sa pagpoprotesta para sa dagdag-sahod, lupa, serbisyong panlipunan – na likha ng paggawa ng mahihirap pero kinokopo ng mayayaman. Ang mga jologs, ipinagpapalagay na GSM o galing sa magnanakaw ang gamit, at nagpapababa ng halaga ng mga gamit na status symbol ng panggitnang uri.

Ang katanggap-tanggap na mahihirap, iyung mga nagtatrabaho at namumuhay sa balangkas ng mga naghahari at mga bayaran nila: ang “mahirap pero karapat-dapat” o “poor but deserving” – mga bibigyan ng halaga sa balangkas na payapang lumilikha at lilikha rin ng halaga para sa mga naghahari at mga bayaran nila. Kaya nga bahagi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng gobyerno ang “Family Development Sessions,” bukod pa sa pagtiyak na nag-aaral ang mga anak ng maralitang beneficiaries.

Hindi ito pagtuligsa sa mahihirap na itinuturing na katanggap-tanggap ng mga naghahari at bayaran nila. Pagtuligsa ito sa “maka-mahirap” na diskurso ng Estado tungkol sa mahihirap. Napwersa lang naman ang Estado na bigyan sila ng halaga dahil sa paggigiit na rin nila at ng sambayanan. Pagbibigay-katwiran lang ng Estado ang diskurso nito ng “mahirap pero karapat-dapat” sa pagbibigay nito ng halaga sa isang seksyon ng mahihirap. At bahagi pa rin ang diskursong ito ng pagbusabos sa kanila.

07 Oktubre 2010

Galing ang unang larawan sa Facebook, hindi ko na masundan kung kanino. Gawa ang ang ikalawa ni Ivan Reverente, at galing ang ikatlo sa blog ni Jodi Dean.

Kaaliw: binanatan ng Marxistang si Rick Wolff ang Keynesian na ekonomistang si Paul Krugman. Aba, aba: Lumolobo pa rin ang tubo ng mga kapitalista ng US sa kabila ng krisis, sa pamamagitan ng pagkaltas sa sahod at pagtanggal sa mga manggagawa.

Para makaiwas sa mga pagkakamali sa pag-aargumento, basahin natin ang entring ito sa Kasama. Bakit ipinagtatanggol ng mga Komunista ang ibang tao? May sagot muli si Mike Ely, at hindi iyan dahil may pakinabang ang mga Komunista sa pagtatanggol – para man sa sarili o sa sektor. Nasa Kasama rin ang pahayag ni Prop. Jose Maria Sison tungkol sa tunguhing pasista sa US.

May parangal ang tambalang E. San Juan, Jr. at Delia Aguilar kay Howard Zinn at mga pagmumuning kaugnay ng pagiging aktibistang propesor niya. Hindi masaya si Karlo Mikhail Mongaya sa pagkapanalo ng reaksyunaryong si Mario Vargas Llosa, hindi ng anti-imperyalistang si Ngugi wa Thiong’o ng Premyong Nobel. Para sa mahihilig sa teorya, at mga librong PDF, kay Prop. Myfel Paluga raw ang magandang blog na ito, ayon kay Oliver Ortega.

Maikling komentaryo ni Mark Angeles sa pangalan ni Charice Pempengco sa Glee. Kolum ni Rolando Tolentino tungkol sa yogurt at new age na gitnang uri. Paboritong salita: “nagspospongha.” May nakakatawang kwento si Aloysius Marana tungkol sa pagsubaybay niya sa tambalang Robin-Mariel.

May bukas na liham si Ces Santos, lider-estudyanteng nanguna sa protesta sa Ulat sa Bayan para sa 100 araw ni Noynoy. Salamat kay Jaime de Guzman sa papuri. Pahabol: hindi po ako isang propesyunal.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • Tine  On October 9, 2010 at 8:54 am

    Masakit talaga sa ulo ang isyu ng pabahay at demolisyon. Matindi ang ating kalaban sa lahat ng aspeto ng isyung ito…

    Naalala ko lang, bilang kakapanuod ko lang, ang dokyu na War on Democracy. Nabanggit dito ang kalagayan sa Venezuela kung san ang malawak na lupang kinatatayuan ng “informal settlers” sa kanilang bayan ay hindi matatagpuan sa mapa. Kumbaga, pilit silang binubura sa mapa at sa isipan ng middle class (na nagsisilakihan ang mga bahay) at lokal elite (ano pa kaya sila kung ang middle class nila ay mayaman na sa ating bansa?). Noong naging presidente na si Hugo Chavez ay binigyan na silang pansin. May isang clip sa pelikulang iyon na nagpapakita ng isang residente na nagbibigay ng kanyang saloobin sa pagbibigay sa kanila ng titulo ng lupa. Sabi nya, hindi dapat ito matapos sa pagbibigay ng titulo. Pagkakuha nito hindi na lang tayo aalis at makokontento na may lupa na tayo. Simula pa lamang ito sa pagpapalakas sa ating barrio kung saan tayo mismo ay malaya nang makakapagpaabot ng ating hinaing, pangangailangan at mga suhestiyon sa gobyerno. Naaliw din ako sa trivia na ang maliit na blue book ng kanilang konstitusyon ay best seller. Tayo kaya, kabisado ba ng mga taong iyan na may karapatan ang bawat isa sa atin na magkaroon ng disenteng buhay at pamamahay? Bukod pa doon ay ang mga komiks sa pakete ng bigas at ibang pagkain sa Venezuelakung saan nakasaad ang ilang excerpts ng kanilang konstitusyon – paalala na may karapatan ang bawat isa sa kanila.

    May isinulat din ako tungkol sa San Roque. Hindi ito sing husay ng sinulat mo Teo kundi isang paunang pagbabalik-tanaw sa aking pamamalagi doon dalawang taon na ang nakakaraan.
    Ang laberinto ng San Roque

  • troy  On October 9, 2010 at 4:07 pm

    Magandang Araw! Ipaalam ko po iyong larawan ninyong ” magkapatid sa hagdan. “

  • kapirasongkritika  On October 10, 2010 at 3:38 am

    @ Tine: Ang humble mo naman. Ang ganda kaya! Naaliw ako sa kwento ng pongkan. Bukas-palad din ang mahihirap, basta kakayanin nila. Iba pa iyung mga lumpen. Sa totoo lang, naholdap na rin ako diyan sa Agham Road dati, 12:00 ng tanghali mismo! Pero hindi ko iyun isisisi sa lahat ng maralita tulad ng gusto ng mga nagkomento sa blog ni Angela.

    True. Ang ganda ng War on Democracy, ano? Dapat mapanood ng mga kasama. Pero hindi sapat na point of agitation sa mga mamamayan iyung “Mas marami pa ang darating…” Ewan ko ba, parang hindi ako komportable kapag bringers of good news ang moda ng mga aktibista. Hehe. Tsaka dapat may kaakibat na edukasyon. Pero on the whole, magandang subaybayan ang eksperimento nina Hugo sa Venezuela.

    @ troy: Sige nga po. Kung alam minyo ang pangalan ng kumuha ng magandang larawang iyan, pakisabi naman po at nang maipakilala at mapasalamatan. Kapag nakipaglaro ka na sa mga bata, imposibleng hindi ka maaantig sa larawan…

  • karlo mikhail  On October 10, 2010 at 6:47 am

    salamat sa link. salamat rin sa pagbanggit sa blog na wamal-wangut. nakaka-aliw.

  • maria lorraine b rigade  On October 12, 2010 at 2:10 pm

    ang mga pundit sa pulitika na hindi man lang lumulubog sa mga urban poor erya ay may matinding pagmamaliit sa kanilang sariling mga analysis. kapag usapin ay mga power struggle, malikaw na tila epiko ang mga nabubuo nilang istorya. ngunit kapag usapin naman ng maralita, nagiging one-dimensional ang kanilang pagtrato sa pulitika, na tila bang nililimot na may istratehikong kapasyahan ang estado na siraan ang sinumang sagka sa interes nito (kadalasan, basura o ang paglaganap ng masasamang elemento ang isinisisi sa maralita).

    kaugnay sa paninira, dapat sigurong linawin na bagamat may malaking probability na may matatagurian ngang “professional squatters”, kailangan rin na iexpose na ang bentahang nagaganap sa pagitan ng mga relocatees at outsider (kontrata lamang ang nakasalang hindi lupa’t bahay) ay maituturing na “ligal” dahil hindi lang basbas, kundi pursyento ang nakukuha ng NHA mula sa transaksyon. ganito sana ang lumalabas sa mga blogs–mga impormasyong sisira sa mga mitong pang-engganyo ng estado, ngunit dahil may pagpapahalaga ang mga pundit na ito sa demokrasya, mas pinipili nilang magpakalat ng tsismis.

  • kapirasongkritika  On October 14, 2010 at 2:57 pm

    @ karlo mikhail: Walang anuman. Oo nga, kaaliw nga siya.

    @ maria lorraine b. rigade: Salamat sa komento! Salamat sa impormasyon! Talaga? Naku, marami pa nga talaga akong dapat aralin kahit sa isyu ng San Roque. Kumikita pala ang NHA sa transaksyon sa pagitan ng relocatees at outsiders? Hala. Baka may iba ka pang impormasyon? Welcome sa blog na ito!

  • Edgar Allan Paule  On October 21, 2010 at 6:36 am

    Ang unang litrato ay galing kay Thomas Tham.
    http://platformten.tumblr.com/post/1248950231/thomastham

  • kapirasongkritika  On October 23, 2010 at 12:52 pm

    Wow! Talaga? Akala ko, sa isang Pinoy sa Facebook. Napakaganda ng kuha niya! Salamat, Edgar Allan Paule!

Trackbacks

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: