HonorExcellenceWinnieMonsod

Mamuhay nang marangal, hindi lang nang mahusay. Manatili sa Pilipinas, huwag mangibang-bansa. Maging bahagi ng solusyon, hindi ng problema. Ito ang mensahe ng huling lektura ngayong semestre ni Prop. Solita “Mareng Winnie” Monsod, ng School of Economics ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, sa kanyang mga estudyante. Laman ito ng video na kinuha ng isang estudyante, inilagay sa YouTube, at malaganap na ngayon. Bilang pansemestreng ritwal, nagtatapos si Monsod – tulad ng mga talumpati at polyeto ng mga aktibista – sa panawagan ng pagkilos sa kanyang mga estudyante.

Naghahain si Monsod ng diskurso ng paglilingkod sa bayan na kaiba at katunggali ng diskurso ng Kaliwa – kahit tugma sa ikalawa sa pagkontra sa katiwalian at kabuktutan sa gobyerno’t negosyo, at sa paghimok sa mga Pilipino na maglingkod sa sariling bansa. Hindi lantad ang pampulitikang tunguhin ng panawagan niyang malinis o marangal na maglingkod sa bayan. At hindi ito kailangang ilantad pa; isang semestre at mahigit nang ibinabad ang utak ng mga tagapakinig sa ekonomiks na neoliberal: laging mali sa ekonomiya ang Kaliwa, ang kailangan ay Estadong matatag at pamilihang malaya.

/1/

Tama naman ang panawagang manatili sa Pilipinas at huwag mangibang-bansa. Ang problema sa paliwanag ni Monsod, namaliit-nasukol na ang paglilingkod sa bayan sa isang transaksyong pampamilihan (market transaction): dahil nga sinubsidyuhan ng sambayanan, sa pamamagitan ng gobyerno, ang edukasyon ng mga estudyante ng UP, dapat lang na maglingkod sila sa sambayanan – at magagawa lang nila ito kung mananatili sila sa Pilipinas. May talab siguro ito sa mga estudyanteng binomba ng neoliberal na ekonomiks, pero ito lang ba ang kayang sabihin ng mahal na propesora?

Paano na ang mga estudyante ng “Ateneo de La Salle”? Ang mga taga-AMA at taga-pribadong paaralang pang-nursing? Okey lang silang mangibang-bansa? Dahil gusto ni Monsod na gumamit ng batayang empirikal, hindi mapapasubalian at madaling maintindihan lalo na sa ekonomiks na neoliberal, sumandig siya sa usapin ng subsidyo – at naging dahop na dahop ang panawagang maglingkod sa bayan. Wala man lang pagkalinga sa mahihirap at nangangailangan? Pakikiramay-pakikiisa sa kapwa? Paglaban sa mga nagsasamantala at nang-aapi? Pagtutol sa mga nang-aabusong “gago”?

/2/

Maaaninag sa mga pahayag ni Monsod kung ano ang tinutukoy niyang “problema” ng bansa: ang pagiging makasarili – pero mas ng mga taong-gobyerno kaysa ng mga mamamayang nangingibang-bansa. Ang “solusyon”: paglilingkod nang marangal at may integridad. Nakabatay ang panawagang maglingkod nang marangal at may integridad sa moralidad ng panggitnang uri. Ipinagpapalagay na nakasalalay sa indibidwal na kagustuhan at pagpapasya ang pagkakaroon o pagkawala ng katiwalian, at posibleng mawala o ibayong mabawasan ang katiwalian sa kasalukuyang sistema.

Kung “mamumuno” lang nang marangal at may integridad ang mga kaharap niyang “lider,” sinasabi ni Monsod na sa malao’t madali ay magiging katulad na ang Pilipinas ng mauunlad na bansa sa mundo. Tugma ito sa imperyalistang pagbibigay-katwiran sa kahirapan ng Pilipinas: ginawa na ng kapangyarihang neo-kolonyal ang lahat, pero… Iba-iba man ang karugtong, ang sinisisi ay ang kultura at kagawian ng mga native. Tugma rin ito sa neoliberal na panawagan para sa mas kaunting Estado at mas malayang pamilihan. Malinaw: hindi istrukturang panlipunan ang kailangang baguhin.

/3/

Sigurado, hindi pagiging aktibista ang ibig sabihin ni Monsod ng paglilingkod sa bayan. Pwedeng paglilingkod sa World Bank, IMF at ADB, pinakareaksyunaryong mga pulitiko at militar, o pinakakontra-manggagawang mga negosyante. Ito ang bisa ng pagturing sa paglilingkod sa bayan bilang transaksyong pampamilihan: hindi kailangang makiisa sa aktwal na mga kababayan at pumanig sa tunggalian sa lipunan. Ito rin ang bisa ng panawagan para sa pamumunong marangal at may integridad: hindi kailangang magbago ng istrukturang panlipunan, kundi ng kultura at kagawian lang.

Nakakatawa ang banta ni Monsod na mumultuhin niya ang mga lalabag sa hinihiling niya. Patunay ang pagkakalahad niyang hindi lang dating ang pareho sa kanila ni Joy Viado kundi talentong pang-komedya. Larawan iyun ng paninindigan at enerhiya niya: tatagos hanggang sa kabilang buhay. Komportableng pagpapakita ito ng marubdob na paninindigan para sa mga petiburgis: pwede pagkatapos mamatay pero hindi habang nabubuhay. At larawan din ang pagmumulto niya ng neoliberalismo: patay na, batay sa kasalukuyang depresyong pang-ekonomiya, pero naggigiit pa rin ng mga gusto’t dikta.

/4/

Sa sanaysay niyang “Nobody has to be vile,” inupakan ni Slavoj Zizek, pilosopong Slovenian, ang mga “komunistang liberal” – mga multi-milyonaryong negosyanteng gumagawa ng mga pahayag at aksyon kontra sa pinakamalulubhang epekto ng kapitalismo. Aniya, “Ang mismong [George] Soros na nagbibigay ng milyun-milyon para pondohan ang edukasyon ay nakawasak sa buhay ng libu-libo salamat sa kanyang pampinansyang ispekulasyon at sa gayon ay lumikha ng mga kalagayan para sa pag-usbong ng suklam sa iba (intolerance) na kanyang tinutuligsa.” Magandang halimbawa!

Sa usapin ng karangalan at kahusayan, hindi ba’t pinili ni Monsod, sa isyu ni Gloria Macapagal-Arroyo, ang kahusayan higit sa karangalan? Kaibang-kaiba sa aktibong pagpanawagan niya na magbitiw sa pwesto si Joseph Estrada noon, tinanggihan niyang manawagan kay Arroyo na magbitiw. Bakit daw? Eh sinong ipapalit natin? Si Noli de Castro? Eh walang alam sa pamumuno iyun! Hindi rin naman marangal si De Castro dahil nga nagkapit-tuko kay Gloria, pero hindi siya damay sa maraming eskandalong kinasangkutan ng huli. Kahusayan ang pinili rito ni Monsod, hindi ang karangalan.

Sa usapin ng panawagang manatili ang mga estudyante sa bansa, hindi ba’t mas malaki ang nagawa ni Monsod para itaboy sila sa ibayong dagat? Bilang isa sa mga tampok na taguyod ng mga patakarang neoliberal, itinulak niya ang lalong pagtatakwil ng Estado sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon na tanging pag-asa ng mga mamamayan na magkaroon ng tumatagal at nakabubuhay na kabuhayan sa bansa. Hindi mapipigilan ng pangangaral niya ang paglikas-pagtakas ng mga mamamayan sa bansang iniluwal ng mga pagpapayo at pagbibigay-katwiran niya bilang ekonomista.

11 Oktubre 2010

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • aloysius  On October 16, 2010 at 11:20 am

    An unsolicited advice: gawing isang libro ang mga naisulat ni Teo Marasigan dito sa Kapirasong Kritika at gamitin sa paaralan ng mga guro bilang required reading, or better yet, as the main textbook for Sociology siguro o sa Araling Panlipunan, o kahit saan basta gamitin at talakayin.

  • kapirasongkritika  On October 18, 2010 at 5:26 am

    @ aloysius: Maraming salamat! Siguro ang magiging titulo ng koleksyong iyan ay “Sekundarya” para idiing maraming mas mainam pang basahin higit sa koleksyon, at kung may nagawa man ito ay maging introduksyon sa iba pa.

    May ganitong palitan ng komento sa PinoyWeekly.org:

    http://pinoyweekly.org/new/2010/10/honorexcellencewinniemonsod/

    Galing sa isang nagngangalang Justin:

    Hindi ko nagustuhan ang post na to.
    Parang isinulat ito, “masabi lang na may mali” sa sinabi ni Mrs. Monsod.

    Una, ang mga kaharap niya sa sandaling iyon ay mga mag aaral ng UP. kaya’t pinangatwiranan niya kung bakit hindi sila dapat mangibang-bansa pagkatapos pag-aralin ng bansang Pilipinas. hindi niya sinabi na dapat mangibang bansa ang mga mag aaral ng ibang unibersidad, sadyang hindi lang niya nabanggit ang katwiran kung bakit di sila dapat umalis ng bansa.

    Ikalawa, sumasang-ayon ako kay Mrs. Monsod na kung may integridad lamang ang mga namuno sa ating bansa sa mga nakalipas na taon ay maunlad na sana tayo ngayon. Totoong hindi lang ito ang dapat baguhin upang maging maunlad ang bansa, ngunit napakalaking epekto sa kalagayan ng Pilipinas kung ang mga namumuno na siyang sinusunod ng mga mamamayan ay matapat ang hangarin sa bayan.

    Ang sagot ko naman:

    Nakakalungkot na hindi mo nagustuhan.

    Pero hindi naman totoong may masabing mali lang sa sinabi ni Mrs. Monsod. Talagang kontra-mamamayan ang mga patakarang pang-ekonomiyang itinulak niya, at diyan nagmumula ang mga sinabi niya.

    Kahit sa mga estudyante ng UP, napakakitid na ganoon lang ang sabihin, na dapat maglingkod sila sa bayan dahil sinubsidyuhan ang pag-aaral nila. Napakarami pa ng dahilan kung bakit dapat maglingkod sa bayan — mga dahilang uubra rin sabihin sa ibang Pilipino, taga-UP man o hindi.

    Napakarami pa ng dahilan kung bakit dapat maglingkod sa bayan — at kung nailahad lang ang mga ito, magiging mas malinaw ang pampulitikang direksyon ng panawagan ni Mrs. Monsod. Sa ganyang lagay kasi, lahat na lang ng trabaho sa bansa, basta dito ginagawa (at ginagawa nang “marangal”), paglilingkod sa bayan. Hindi naman daw corrupt si Palparan, sabi ng mga militar. Paglilingkod na ba sa bayan iyun?

    Ang punto: Bakit ba laging walang integridad, o nasasangkot sa katiwalian, ang malalaking tao sa gobyerno? Hindi lang ito usapin ng matapat na hangarin sa bayan. Usapin ito ng sistema, na humuhubog at bumabago sa mga taong nasa gobyerno — lalo na kung masama talaga ang hangarin, at kahit mabuti pa.

Trackbacks

  • […] mga prinsipyo ng UP na “dangal at kahusayan (honor and excellence)” na minsang kinasangkapan ni Prop. Solita Collas-Monsod ng UPSE, mas patungkol ang kalayaang pang-akademiko sa kahusayan, hindi sa […]

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: