Troll You Need is Love

Matagal ko nang nababasa ang salitang “troll” sa mga blog, pero hindi ko alam ang ibig sabihin. Inalam ko na lang nitong huli kaugnay ng isang dating madalas magkomento sa blog ko.

Sabi ng Wikipedia, na bagamat hindi wastong sipiin sa mga sulating pang-akademiko ay ubra na sa bagay na ito, ang troll ay:

Isang taong naglalagay ng probokatibo, walang kinalaman o wala-sa-paksang mensahe sa isang komunidad na pang-online… sa pangunahing layunin na mag-udyok ng ninanais na tugong emosyunal o guluhin ang normal na talakayan sa isang paksa.

Isang troll pala ang kolumnista at blogger na si Manuel Buencamino, naisip ko. At pagto-troll pala ang ginawa niya sa mahabang panahon sa blog ko. Kapag tinuligsa mo si Noynoy Aquino, babatuhin ka niya ng putik. Ililihis niya ang paksa sa mga “krimen” ng mga nagsulong ng sosyalismo sa kasaysayan – totoo man o gawa-gawa lang niya. Palalabasin niyang naloloko o nanloloko lang ako at ang mga nagkokomento sa blog.

May nagpayo kasi sa akin noong una na hayaan lang siyang magkomento nang magkomento – at nang malantad ang kababawan, kahungkagan at pagka-reaksyunaryo ng mga ideya niya. Kaya hinayaan ko naman. Sagutan kami. Komento kontra komento. Broadband kontra broadband. Bakit, hindi na pang-mayaman lang ang broadband ngayon, naisip ko; mayroon na rin kaming nakakababang panggitnang uri. At nalantad naman, sa tingin ko, ang kababawan, kahungkagan at pagka-reaksyunaryo ng mga ideya niya.

Pero sobra-sobra ang kayabangan niya: Pinapalabas niyang kapag hindi siya sinagot ay siya ang tama at basura ang pinapaniwalaan mo. At laging may sasagutin, dahil wala na yatang ginagawa sa buhay niya si Buencamino kundi isulong ang interes ng rehimeng Noynoy sa blogosphere. Magkano kaya ang bayad sa kanya? At higit sa lahat, malinaw namang hindi talakayan ang pakay niya, kundi panggugulo sa talakayan – kasabay ng todo-todong paninira sa Kaliwa at pagdedepensa sa rehimeng Noynoy.

Kaya hindi pwedeng hayaan siyang tuluy-tuloy lang na magkomento. Napapanatili niya ang pagiging kagalang-galang na kolumnista at blogger habang ginagawa niyang poso-negro ang seksyong komento ng blog ko. Habang ingat na ingat siya sa mga sinasabi sa kanyang kolum at blog, todo-imbento naman siya ng mga “krimen” ng mga sosyalista sa blog ko. Pinagpapatay raw ni Mao Zedong ang mga kalaban sa pulitika? Kahit mga reaksyunaryo, hindi nangahas mag-imbento ng ganyang kasinungalingan.

Inilalarawan ng Marxistang intelektwal na si Fredric Jameson [“Lenin as Political Thinker,” Valences of the Dialectic, 2009] ang palagiang hakbanging pangretorika ni Buencamino:

Syempre pa, ang pagpalit ng pulitikal sa ekonomiko ay ang istandard na taktika ng lahat ng burgis na pag-atake sa Marxismo – ang ilihis ang debate mula sa kapitalismo patungong kalayaan, mula sa pagsasamantalang pang-ekonomiya patungong representasyong pampulitika.

Ikinukwento naman ni Mark Fisher (aka K-Punk), maka-Kaliwang blogger at teorista, ang kalakaran noon bago nagkaroon ng seksyong komento ang mga blog:

Isa sa pinakasignipikanteng nangyari ay ang pagpasok ng mga komento; isang pagbabagong sa tingin ko sa pangkalahatan ay hindi maganda. Noong mga unang panahon ng mga blog, kung gusto mong tumugon sa isang paskil (post), kailangan mong tumugon sa sarili mong blog, at kung wala ka pang blog, kailangan mong gumawa.

Sang-ayon din sa ganito ang patakaran sa komento sa blog ng Pilipinang mamamahayag na si Raissa Robles:

Kung gusto ninyong atakehin ako, magtayo kayo ng sariling blog. Pero hindi ninyo magagawa iyan sa blog ko… Mayroon ding mga troll sa Internet na ang tanging ligaya ay magpunta sa mga blog, maghanap ng away at umupak nang walang batayan. Ang bagong patakaran ko sa komento para sa kanila ay – Tutukuyin kita kung isa kang troll, at babansagan kita nang ganoon.

Mahirap ang kalagayan para sa Kaliwa na inilarawan ni Jodi Dean, blogger din at teorista, at inilahad ni Mark Fisher:

Ginagamit ng Kanan ang demokratikong pagbubukas (openness) para magsulong ng malinaw at mapanghating mga posisyon; ang Kaliwa, sumasandig sa pagiging bukas muna, kaya nakikilala sa pagiging bukas mismo sa halip na sa isang bungkos ng malinaw na mga patakaran.

Kaya ba-bye na, Buencamino. Tama na ang mga komento mong mali, abusado at panggulo. Hindi ito panunupil o sensura. May blog ka; diyan ka magkalat ng basura.

19 Oktubre 2010

Galing ang mga larawan sa itaas sa Pilosopera.

May magagandang sipi si Curate: mula kay Angela Davis, Assata Shakur, Arundhati Roy at Malcolm X. Sulat ni Bob Dylan ng pagsuporta kina John Lennon at Yoko Ono, sa blog ni Louis Proyect, at rebyu niya sa pelikulang The Social Network. Ulat tungkol sa kalagayan at paglaban ng mga manggagawang Tsino.

Malamang alam na ninyo, pero may website pala si Patricia Evangelista, kolumnistang paborito ng maraming aktibista. Mahusay na pagkwestyon ni Vencer Crisostomo kay Noynoy tungkol sa badyet sa edukasyon.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • Prabster  On October 20, 2010 at 2:58 pm

    Teo,

    Dati pa nga ako nagtataka kung bakit pinapabayaan mo magkalat dito si Buencamino. Huli man, kahit paano ay magiging “malinis” na itong blog mo. Di rin ako interesadong hanapin ang blog nya at magkalat ng basura dun. Good riddance, ika nga.

  • Ms.Pistol  On October 21, 2010 at 10:49 am

    hahaha!🙂
    Troll!!! diba yun yung karakter na kulay pink o bayolet yung buhok tapos naka grin.

    Sabagay, mukha naman ganun si Buencamino.🙂

  • Leon  On October 21, 2010 at 1:57 pm

    Troll! Hehe. Hindi ko alam sino tinutukoy mo Teo, pero tinawag ko na siyang Troll before. Hehe. Nagawi na ulet ako dito! Nawawala-wala sa kalunsuran these days kasi.🙂

  • bikolano  On October 22, 2010 at 4:31 pm

    happiness!🙂

  • kapirasongkritika  On October 23, 2010 at 12:55 pm

    @ Prabster: Ah, ganoon din ba ang tindig mo noon pa man? Hehe. Kasi iyung isang kaibigan natin… Hehe. Ikukwento ko na lang kapag nagkita tayo. True: malinis!

    @ Ms Pistol: … na hindi mo maipaliwanag kung bakit itinuturing na cute ng mga tao? Hehe. At least iyun, cute. Iyung si Buencamino, hindi. Hehe.

    @ Leon: Oo nga, parang natawag mo na nga siyang ganoon. Oo nga, nawawala-wala ka. Pero alam ko namang produktibo iyan — mas makakapagsulat ka na sa blog mo! Hehe.

    @ bikolano: Alam ko. Ikaw talaga ang hardcore sa panawagang Ban Buencamino from blogs. Hehe.

  • ronvil  On October 26, 2010 at 8:34 am

    May karugtong na acronymn ang pag-uusap sa mga trolls. DFTT: Don’t Feed the Troll.
    Ang mga Pilipino naman, may mas tumpak na salita para sa kanila: Papansin.

  • Nic Madlabayan  On October 27, 2010 at 3:06 am

    bago ang theme a! mas bagay to kumpara sa nauna.

    sa totoo lang, mamimiss ko si manuel buangcamino..

  • kapirasongkritika  On October 27, 2010 at 3:57 am

    @ ronvil: Salamat sa impormasyon. DFTT! Hehe. Sa kaso ni Buencamino, mas panggulo ang gusto niyang gawin. Hehe.

    @ Nic Madlabayan: Salamat sa pagpansin. Noong nakita ko ang temang ito, minahal ko na agad, kaya pinalitan ko. Haha. Hanap-away ka rin ba?

  • Nic Madlabayan  On October 27, 2010 at 4:55 am

    ngayon ko lang nakita to e. tagal ko rin di nakagpag check ng mga blog.

    hindi naman. nakakamiss lang kapag tinatarandado si buancamino. haha

  • Ms.Pistol  On October 27, 2010 at 7:48 am

    Nalito naman ako sa bagong theme mo.🙂
    UU nga, cute yung mga characters na troll. Pero kung mga kagaya ni Buangcamino yung troll, dapat dun ginugutom hanggang sa madedbols! hahaha

  • kapirasongkritika  On October 27, 2010 at 8:00 am

    Ikalawang komento ko lang ito simula nang magbago ang theme. Hindi pala kagandahan ang font kapag nagkokomento. Hehe.

    @ Nic Madlabayan: Hehe. Noong Linggo ng gabi ko lang binago. Nakakapagod lang din si Buencamino. “Wala namang political gain” ang makipagdebate sa kanya, sabi nga ng isang kaibigan. Hehe.

    @ Ms. Pistol: Bakit ka naman nalito. Hehe. Saan cute ang troll? Iyung mga laruan na neon ang buhok? Cute ba iyun? Hehe. Hindi magugutom ang troll dito, kasi mayaman siya eh. Hehe.

  • Ms.Pistol  On October 27, 2010 at 8:15 am

    OO cute yung troll na neon ang buhok. Mukha kasi silang hindi ko maintindihan🙂
    Pero kung mga kagaya ni Buancamino yung troll, haha ipapa-anod ko nalng siya sa creek. (kaya lang baka maka-survive kasi may sasagip sakanyang jetski,) hohoho

  • Prabster  On October 27, 2010 at 8:59 am

    Parang ang sarap gawan ng banner ang blog mo, para i-celebrate ang pagkawala ng troll at ang bagong theme.

  • kapirasongkritika  On October 27, 2010 at 9:14 am

    @ Ms. Pistol: Haha! Jetski ang sasagip sa creek! Dami mong bagong entries, ah. Pabasa nga.

    @ Prabster: Paanong banner? Hehe. Gusto mo ang bagong theme? Baka ito iyung tipong hindi mo gusto. Hehe. Dami mo na ring bagong entries!

  • Prabster  On October 27, 2010 at 11:56 pm

    Yung parang nasa taas nung blog. Para hindi white over red lang. Hehe. At yung entries ko, hindi naman masyadong pinag-iisipan.😉

  • kapirasongkritika  On October 28, 2010 at 3:06 pm

    Naku, iyan nga ang nagustuhan ko nang todo, iyang naghuhumiyaw na red na iyan, bukod sa Arial ang font ng teksto. Hehe. Iyung unang template ko, pinilit kong maging Arial, pero nagbago. Kaya lumipat na rin ako. Hehe. Aliw kaya ang mga alaala mode mo sa pagkabata. Hehe. Minsan, susulat din ako nang ganoon.

  • Ms.Pistol  On October 29, 2010 at 12:26 pm

    Winner kapag may nakita kang Jetski sa Creek at ang sakay ay ang mga katulad ni Buencamino, angkan ng mga Aquino, Arroyo, at iba pang nasa Burukraya.🙂 Hagisan ng molotob! mga sampung ulit…

    Pabasa din ng entri mo!🙂

  • kapirasongkritika  On October 31, 2010 at 1:25 pm

    Ang matuwid na daan, nasa creek na! Haha. Nakibasa na ako sa iyo, nakita mo komento ko? Hehe.

  • Ms.Pistol  On November 7, 2010 at 7:59 am

    uu. haha🙂 salamat

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: