Progresibo ba ang kantang “Empire State of Mind” ni Alicia Keys? Ito ang nakakaaliw na talakayan noon sa wall ng Facebook ni Kenneth Guda na ipinasilip niya sa akin. Inudyukan ito ng isang mahusay na live performance ni Ms. Keys ng nasabing kanta.

Sa mga aktibista at may simpatya sa aktibismo, may dalawang pinagmumulan ang ganitong tanong. Una, paghanga sa mang-aawit. Hindi ka magkakainteres kung progresibo ang isang kanta ni Shaggy, halimbawa, dahil hindi ka hanga sa kanya. Ikalawa, may kung anong pag-alam sa progresibong background ng mang-aawit. Hindi mo biglang itatanong kung progresibo ang isang kanta ni Norah Jones kahit hanga ka sa kanya kung wala ka namang nalaman na may kung anong progresibo sa kanya.

Pero ano ba ang progresibo? Nangangahulugan ito ng pagyakap sa pulitika ng Kaliwa, ng pagtuligsa, pagtatakwil, pagtutol at paglaban sa mga patakarang neoliberal, sa kapitalismo at imperyalismo. Nangangahulugan ito ng pagkontra sa pagsasamantala at pang-aaping makauri – at sa mga kaakibat nitong pagsasamantala at pang-aapi sa larangan ng kasarian, lahi, etnisidad, relihiyon at iba pang pagkakagrupo ng tao. Pagtataguyod at pagsusulong ito sa pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo.

Hanga ang marami, aktibista man o hindi, kay Ms. Keys. Nagmula naman ang balitang may kung anong progresibo sa kanya sa “Alicia Keys: Unlocked,” panayam at sulatin noong 2008 ni Jonah Weiner para sa magasing Blender. Kung dito ibabatay, lalabas talagang may progresibong pulitika si Ms. Keys – pangunahin sa pakikibaka sa rasismo at sa rehimeng W. Bush sa US. Matalas din ang pagsusuri niya sa sarili bilang Negrang mang-aawit at sa mga posibilidad ng sining niya. Heto ang mga palatandaan:

Tugon sa tsismis na lesbyana siya: “Lahat ng mahusay, malakas na babae, tinawag na lesbyana.”
Tingin niya, kung naging mas maitim pa siya, mas mahihirapan siyang maging matagumpay na mang-aawit.

Aniya, wala namang gangsta rap dati, at “pakana lang” ito ng gobyernong Amerikano “para kumbinsihin ang mga Negro na patayin ang isa’t isa.”
Paniwala niya, pinaslang sa esensya sina Tupac at Biggie, mga sikat na rapper, sa pamamagitan ng paggatong sa kanilang alitan.
Nagbabasa siya ng talambuhay ng mga lider ng Black Panther, ang rebolusyunaryong grupo ng mga Aprikano-Amerikano – nina Huey Newton, Assata Shakur, David Hilliard.
Nagsusuot siya ng gintong AK-47 sa kanyang kwintas “bilang simbolo ng lakas, kapangyarihan at killing ‘em dead.”

Ipinailalim siya ng New York State Department sa pagmamatyag bago ang Republican National Convention noong 2004, sa paliwanag na pinupuntirya ang mga “hayag na nagsasalita tungkol sa mga aksyong anarkista” – bagay na itinatanggi naman niya.
Nagsalita siya sa publiko kontra kay W. Bush at nagdonasyon sa Democratic National Committee.
Kontra kay W. Bush ang kanta niyang “Go Ahead”: “What have you given me but lies, lies, lies?

Gusto raw niya si Marvin Gaye, mang-aawit na Negro: “Pinaksa niya ang mga bagay na pang-araw-araw: buhay, ang kalye, ang pakikibaka…”
Aniya, “ang ilan sa pinakamahuhusay na alagad ng sining, ginawa ang pinakamahuhusay nilang likha noong naging pulitikal sila.”
Sabi pa niya, nang tinutukoy ang mga rebolusyunaryong lider ng mga Aprikano-Amerikano, “Kung may lagusan sina Malcolm [X] o Huey [Newton] tulad ng lagusan ng mga musikero ngayon, magiging pandaigdigan iyun. Kailangan kong humanap ng paraan kung paano ito gagawin.”

Malinaw na nagbibigay-parangal si Ms. Keys sa kantang ito sa isang lugar, sa New York. At sa mga akademikong Marxistang intelektwal, si Raymond Williams, sosyalistang Welsh, ang itinuturing na teorista ng lugar (place). Aniya, “Malinaw na tinatanggihan, nang absoluto, ng isang posisyong sosyalista hinggil sa panlipunang identidad ang mapanghating mga ideolohiya ng ‘lahi’ at ‘bayan’ sa kung paano sila ginagamit ng mga naghaharing uri. Pero tinatanggihan nito ang nabanggit nang pabor sa isinasabuhay at nalikhang identidad…”—na maaaring mas maliit o mas malaki, at nang naglalagusan, sa mga bansa. [“The Culture of Nations,” The Year 2000, 1983.]

Pero may tuligsa si Edward W. Said, progresibong intelektwal, kay Williams. Aniya, patungkol kay Williams at kay Michel Foucault, “para sa pareho, ang karanasang pang-imperyo ay walang halaga, isang pagkaligtang teoretikal na siyang kalakaran sa Kanluraning disiplinang pangkultura at pang-agham…” [Culture and Imperialism, 1993.] Kailangan samakatwid na basahin ang pagteteorya sa lugar ni Williams sa balangkas ng kolonyalismo at imperyalismo, hindi lang ng partikular na mga lugar na paksa niya.

Malinaw ang babala ni Fredric Jameson, Marxistang intelektwal, sa pagsuri sa mga likhang-sining kaugnay ng mga lugar – na parang inilalangkap ang pagteteorya nina Williams at Said. Sa panahon ng kolonyalismo at imperyalismo, aniya, “ang penomenolohikal na karanasan ng indibidwal na suheto na siyang tradisyunal na hilaw na materyales ng likhang-sining ay nalilimitahan sa isang maliit na sulok ng panlipunang daigdig, isang nakapakong pagtingin ng kamera sa isang seksyon ng London o ng kanayunan o kung saan. Pero ang katotohanan ng karanasang iyan ay hindi na lang sumasakto sa lugar kung saan iyan nagaganap. Sa halip, ang katotohanan ng limitadong pang-araw-araw na karanasan sa London ay nasa India o Jamaica o Hong Kong; nakatali ito sa buong sistemang kolonyal ng Imperyong Ingles na siyang humuhubog sa kalidad ng buhay-suheto ng indibidwal.” [“Cognitive Mapping,” 1987.]

Basahin natin ang mga titik ng kanta. Sa unang saknong, makikita ang pagmamalaki sa paglaki sa New York. Inilarawan ang kalupitan ng kapaligiran at itinuring ito na hamon na kailangang harapin at alpasan – at ang pag-alpas ay tinitingnang patunay ng kakayahang higit sa mayroon ang iba. Pagkatapos, nagpasubali sa ganitong dating o yabang (“Even if it ain’t all it seems”) para lang itanghal ang sariling mga pangarap palapit sa pasukdol na koro (“I got a pocket full of dreams / Baby, I’m from / New York…”).

Kakatwa ang koro. Ang noo’y itinuturing ng iba na mga sanhi ng pakiramdam ng pagkatiwalag (alienation) sa lungsod, ang mga tinitingnang artipisyal na panghalina nito – ang pagiging “kongkretong gubat” nito, ang mga kalsada at ilaw nito – ay itinuturing nang mahalagang katangian ng isang lugar kung saan natutupad ang mga pangarap, napapahusay ang kakayahan at napapasarap ang pakiramdam. Maaaring sa panahon ng transisyon mula luma tumampok ang unang pagtingin, habang sa panahong hupa na ang mga pagbabago nailuwal ang ikalawa. Anu’t anuman, malinaw na positibong pinapahalagahan ng koro ang New York, lalo na ang pisikal na mga aspekto nito.

Jean-Paul Sartre [“New York, the Colonial City,” 1946]: “Natutunan kong magustuhan ang kalangitan ng New York. Sa mga Europeong lungsod kung saan mababa ang mga bubong, gumagapang ang langit malapit sa lupa, mukhang natimpi (tamed). Maganda ang kalangitan ng New York dahil itinutulak ito paatras ng mga skyscrapers, napakalayo sa ating mga ulo. Kasing-puro at lungkot ng isang wild na bakulaw, binabantayan at minamatyagan nito ang lungsod. At hindi lang ito isang proteksyong lokal: pakiwari mo, sumasaklaw ito sa kalawakan sa buong Amerika; kalangitan ito ng buong daigdig.”

Kumplikado ang pangalawang saknong bukod sa koro. Sa pangkalahatan, tugma ito sa pagtinging langit na liberal at kapitalista ang New York. Walang mapanupil na restriksyon sa oras kaya masigasig na nagtatrabaho ang kababaihan. Sabay na umiiral ang mga nagbebenta ng bato at nangangaral ng Bibliya. Posible ang paglalakbay mula sa komunidad ng mahihirap (Harlem) tungo sa optimismo ng mataas na kakayahang teknolohikal (Brooklyn Bridge). Sa dulo, may nangangarap na umalpas sa kahirapan.

Pero nakadepende rin ang pag-unawa sa saknong sa ano ang pagturing sa namamayaning sistemang sosyo-ekonomiko sa New York. May puwang dito para sa kritikal na pagtingin sa nasabing lugar. Magkasama naman talagang umiiral ang pormal na kalayaan at ang pagtatrabaho nang husto ng mga tao, na walang iba kundi ang pagsasamantala sa kanila. Nangangailangan ang lipunang ito ng iba’t ibang klase ng opyo – kemikal man o iyung tinawag ni Karl Marx na “opyo ng masa.” At hindi ba’t nangangahulugan din ang ekspresyong “selling the Brooklyn Bridge” ng mga kaisipang hindi kapani-paniwala o makatwiran? Mula sa Harlem ng kahirapan patungong pantasya ng pagsulong? Sa ganitong pagbasa, malungkot ang pangangarap ng maralita.

“Ang pinaka-avante-garde na na teoryang pampanitikan ay porma lang pala ng luma nang pagsusuri sa nilalaman (content analysis),” pagkutya ng Marxistang intelektwal na si Terry Eagleton sa panunuring pampanitikan ng isang kritikong post-kolonyal [“In the Gaudy Supermarket,” 1999.] Ibig niyang sabihin, kailangang talakayin din ng mga panunuri sa mga kanta, halimbawa, ang porma, hindi lang ang nilalaman. At narito ang posibleng subersyon sa “Empire State of Mind” – kung hindi man sa intensyon ng kompositor at mang-aawit ay sa pagkanta ng mga tagapakinig. Sa koro ng kanta, hindi ba’t ang tono’y parang madyikero na nanghihikayat, nagsasabing “Come one, come all!” para pumasok ang madla sa palabas ng perya? Peke at panandalian ang aliw na iniaalok, at tila may panlalamang sa tono ng nagtatawag at nang-aakit ng manonood.

Pero sa pangkalahatan, lalo na bago ang huling birit ng koro, nagbibigay-pugay ang kanta sa New York sa kasalukuyan nitong kaayusan. Sa kabila ng pagsasabi nitong “no place in the world that can compare” sa New York, wala ritong pagpaparamdam man lang ng paggagap sa sentrong papel ng lugar na ito sa mapagsamantala at mapanupil na pandaigdigang sistemang kapitalista o sa imperyalismong US. Kahit sa pamantayan ni Williams ng pagtatanghal sa panlipunang identidad na pinanday sa loob ng isang lugar, hindi ito pumapasa. Ang ibinibida nito ay ang optimismo at pangangarap ng indibidwal sa isang lugar na kumakalinga at nagpapayabong sa mga ito – na para sa marami ay pangarap pa rin ngayon para sa hinaharap, at hindi pa isang reyalidad.

26 Oktubre 2010

Pinag-uusapan na rin lang ang mahuhusay na live performance, heto ang kay Patti Austin. Galeng! At kamukha niya ngayon ang pinagsamang Pinky Amador at Susan Sontag. Hehe. Para naman kay Leon Dulce: tungkol sa pulitikang makauri sa bossa nova, minsang paksa ng usapan. Magandang blog at magandang konsepto ng blog: A Photo Dialogue nina Jo at Jordan. Dagdag na patunay na progresibo si Ms. Keys: “Sa tingin ko, lagi namang magkakasama ang musika at sosyalismo at pulitika.” Galing ang mga larawan sa itaas sa A Journey Round My Skull.