Asukal sa Gatas na Pambata

Anu-ano ang ibinebenta at ipinapabili sa atin ng patalastas ng gatas na Nido 3+ ng Nestle na pinagbibidahan nina Kris Aquino at ng anak niyang si Baby James Yap?

Sa kagyat na antas, kalusugan. Nagbibigay ito ng babala tungkol sa antas ng asukal sa mga kinakain/iniinom ng mga bata. Paliwanag ni Kris, karamihan sa mga bata ay mahilig sa matatamis (“may sweet tooth”). Aniya, dapat ay maging malay (“conscious”) ang mga kapwa-nanay niya sa antas ng asukal dahil ang mga bata, “kapag nasanay sa sobrang tamis, ang hirap baguhin.” Sa mga gatas, sabi niya, dapat suriin ang dami ng carbohydrates sa label dahil kapag mas kaunti ito sa isang gatas, mas kaunti ang asukal.

Pero tulad sa iba pang patalastas, hindi lang kalusugan ang ipinapabili ng patalastas na ito. Kinakargahan kasi ng kapitalismo ng iba’t ibang pakahulugan – sa larangan ng uri at kasarian, at sa iba pa – ang kalusugan. Hindi man laging “malay” o lantad sa isang patalastas, mahigpit na itinatali o isinasanib ng sistemang panlipunang ito ang kalusugan sa iba’t ibang pakahulugan at disposisyon – na nagmumula at nagpapatatag din sa mga umiiral na relasyon ng dominasyon sa larangan ng uri at kasarian, at iba pa.

Kaya nagbebenta rin ang patalastas ng responsableng pagmamagulang – na, sa mga karaniwang tao, ay mas mabigat para sa mga ina. Sa hatak ng kahirapan na magtrabaho o maghanap-buhay sila, pambalanse si Kris Aquino ng Nido: kailangan pa ring maging metikoloso sila sa kalusugan ng mga anak at pangkalahatang pangangalaga sa mga ito. Kung si Kris ngang nagtatrabaho, nakakapagbayad ng yaya at, maidaragdag, hiwalay sa asawa, kinakaya. Dapat ganoon din, katulad niya, kahit ang mga karaniwang ina.

Prangka ang patalastas: lumabas ang yaya ni Baby James na siyang mas malamang na naglalaan ng mas maraming panahon sa bata. Pero masyadong mabait pa rin ang pagkaprangka nito: saglit lang lumabas ang yaya. Makikita rito ang pagbebenta ng patalastas ng isang klase ng pagkababae – iyung kinakayang magbayad ng mas mahirap na kapwa-babae para mag-alaga sa sariling anak. Siya pa rin ang bida, dahil pinapalabas na siya pa rin ang nagdedesisyon sa kung ano ang makakabuti sa anak.

Nagbebenta rin ito ng buhay ng nakakataas na uri: magandang bahay, oras para sa pagsasama at paglalaro na hindi binabagabag ng pag-aalala ng susunod na kakainin. Hindi lang kailangang maging maasikasong ina; sa katauhan ni Kris Aquino, tungkulin itong glamorosa. Sa isang banda, ang asukal ay karugtong ng mga katangian ng maralita – lalo na sa pagyakap ng mga naghaharing uri sa “malusog na pamumuhay”: sirang ngipin, diabetes, at, para sa ilang diyetang pangkalusugan, lahat na lang ng sakit.

(Nabanggit na rin lang ang ngipin, matagal ko nang gustong pansinin: marami sa matataas na opisyal ng rehimeng Arroyo, na pursigido at brutal na nagsulong ng “modernisasyon” at “pag-unlad” na dikta ng mga mayayaman-makapangyarihan-naghahari sa mundo, ay halos sabay-sabay na nagsuot ng invisible braces: mula kina Dinky Soliman at Emilia Boncodin hanggang kina Mike Defensor at Ricardo Saludo hanggang kay Gloria mismo. Bagsak-presyo sa dentista lang ba? O may moda?)

At pwedeng sagisag ang asukal ng mga pinapalabas na bisyo ng maralita – mas ng maralita sa lungsod kaysa sa kanayunan. Para silang mga bata: mahilig sa matatamis mula sa Banana-Q hanggang mga kakanin, mula sa mga softdrink hanggang sa Jollibee. Hindi maganda sa kalusugan ang asukal, pero lagi nilang kinokonsumo. Tinatalo ng irasyunal ang rasyunal, ng sarap ng katawan ang pagbabawal ng utak: lulong sa alak o ibang bisyo, anak nang anak, nagpapahatak sa mga kulto at bulok na pulitiko, at iba pa.

(Sa kanyang librong A Primer for Daily Life [1991], binaybay ng feminista at Marxistang si Susan Willis ang lugar sa kasaysayan ng malawakang produksyon ng asukal. Aniya, mahalaga ang produksyon ng asukal sa mga sinakop ng mga bansang Europeo para sa akumulasyong nagluwal sa kapitalismo. Kaalinsabay, naging mahalaga ang pagpasok ng asukal sa kinakain ng mga manggagawang Europeo para paigtingin ang kanilang enerhiya para sa mas matinding paggawa sa ilalim ng bagong-silang na kapitalismo.)

Sa patalastas na ito, ang haciendera ng tubuhan at may-ari ng azucarera ay nagbibigay-babala sa mga kapwa-ina na iadya sa asukal, sa ngayon para habang buhay, ang kanilang mga anak. Ang namumuhay sa pagbebenta ng ibang adiksyon – tulad ng tsismis, game shows, telenovela at iba pang produkto – sa mga ina ay nang-aakit sa kanilang ilayo ang kanilang mga anak sa adiksyon sa asukal. Ang yumaman sa sistemang nagdudulot ng kahirapan sa nakakarami ay nang-aakit ng pagyaman.

May tawag si Terry Eagleton, Marxistang intelektwal, sa operasyong ideolohikal na ito: Para sa mga naghaharing uri, “It’s better to appear a hypocrite than to pull the rug under one’s feet.” Para sa kanila, mas mainam nang magmukhang ipokrito kaysa atakehin o isantabi ang mga paniniwala at ideyal na gusto nilang paniwalaan at kamtin ng mga pinaghaharian – habang ginagawang imposible sa huli ang aktwal na pagkamit sa mga ito. Hindi pwedeng maging lubos na prangka o tanggalin ang tamis sa pagsasamantala.

18 Nobyembre 2010

Galing ang mga imahen sa itaas sa Cryptomnesis.

May tula si Mark Angeles tungkol sa isa pang patalastas ng Nestle: Ikaw, para kanino ka bumabangon? Sanaysay ang pantuligsa ni Coco Martin Heidegger. Unibersal ang pantasya ng mga manunulat tungkol sa panitikan, pero may pagpanig sila sa tunggalian ng mga uri: si Mario Vargas Llosa, sa mga naghahari. “Epic fail” daw ang islogang “Pilipinas Kay Ganda” ng rehimeng Aquino para sa turismo, ayon kay Angela Stuart-Santiago. May banat din si Marck Ronald Rimorin at si Ellen Tordesillas.

Malinaw ang paglalantad ni Carol Pagaduan-Araullo sa programang conditional cash transfer ng rehimeng Aquino. May isa, dalawang sulatin ang feministang pilosopong si Nina Power tungkol sa protesta ng mga estudyante sa UK laban sa kaltas sa badyet sa edukasyon. Maganda naman ang hagod ni Carlos Maningat sa usapin sa paggawa ngayon sa Philippine Airlines.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • jpaulmanzanilla  On November 24, 2010 at 4:45 pm

    at asukal ang produkto ng tubuhan sa hacienda luisita

  • kapirasongkritika  On November 25, 2010 at 5:46 am

    At bad nga daw ang asukal. Haha. Bakit di mo nililink ang blog mo?

  • Kaiser  On December 5, 2010 at 4:50 pm

    Yuck, sobrang stretch naman ang analogy nito. Yoko na isa-isahin pero may moda pang pagkumparahin ang nanay at yaya. Syempre, nanay ang magpapasya, hindi ang katulong. Kung ikaw ang magulang at may katulong ka sa pagaalaga ng anak mo, sino ang magdedesisyon sa kapakanan ng anak? Di ba ikaw? Wag na kasing palalimin pa at salsalin ang napakadiretsong mensahe ng advertisement na ito. May mga bagay na maraming libel talaga ang mensahe. Pero ang Nido+3? Hindeeee. Maliban na lang kung gusto mo lang talaga i-konek lahat ng may kinalaman sa kapitalismo at kung gaano ito kasama sa perspektibo ng sosyalismo. Well, depende lahat ng ito sa kung anung lente ang gamit mo sa pagsusuri. Sana merong ganoong discolsure sa blog na ito — disclose your ideology and biases para di nalilinlang ang mga mambabasa at alam ng mga mambabasa kung ano ang kinikilingan mo, una pa lang. Yun lang.

  • kapirasongkritika  On December 6, 2010 at 1:31 am

    Nasaan ang analogy? Walang analogy rito. Please be precise in your use of terms. Hindi analogy ang ginawa rito.

    Hindi naman tampok ang usapin ng nanay vs. yaya, pero sige, patulan natin: mas ang idinidiin lang ay sino talaga ang mas nag-uukol ng oras sa bata. At kadalasan, talagang yaya iyan para sa mga magulang na matrabaho.

    Nagtatrabaho ka ba sa Nido? Kasi kahit kinikilala mong maraming lebel ng pakahulugan, sa Nido hindi? Bakit ganoon? Hindi pa nga lahat ay nakokonek sa kapitalismo rito mula sa perspektiba ng sosyalismo.

    Hindi pwedeng depende-depende. Paniniwala iyan ng mga walang prinsipyo at ng mga tatanga-tanga na pabaling-baling ang paniniwala. Dumudugtong ba ang patalastas ng Nido sa mga nabanggit na aspekto ng kapitalismo o hindi? Iyan ang sagutin mo. O baka naman gusto mong sabihing sosyalista ang patalastas ni Kris Aquino?

    Malinaw sa lahat ng nagbabasa ng blog na ito ang paniniwala ko. Hindi ko naman itinatago.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: