I Can’t Strike This Feeling Any Longer

Usap-usapan ngayon sa alternatibong midya ang pagpoprotesta ng mga estudyante ng mga State Colleges and Universities (SCUs), tampok ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, sa itinutulak ng rehimeng Aquino na pagkaltas sa badyet ng mga paaralang ito. Lumalabas na isang porma ng protesta ang tinatawag ng mga kalahok na “strike” o welga. Mas mataas ang antas ng militansya nito kumpara sa mga nakaraang porma ng protesta tulad ng walkout sa klase, boykoteo, at paglulunsad ng rali. May konotasyon ito ng aktibong paghadlang sa normal na operasyon ng mga pamantasan para magprotesta.

Anuman ang itawag, pagtigil ang welgang ito sa pag-aaral ng mga estudyante at pagtuturo ng mga guro para iprotesta ang sa mas malawak na pagtingin ay pumipigil sa makabuluhang edukasyon sa mga pamantasan. “Makabuluhang edukasyon” hindi lang sa pakahulugang kinakaltasan ang badyet para sa kasalukuyang edukasyon, kundi sa pakahulugan ding pinapakitid sa mga aralin at kursong kagyat na papakinabangan ng Negosyo ang ibinibigay na edukasyon ngayon – penomenong kaakibat ng nauna. Pinapakitid na nga ang saklaw ng edukasyon ngayon, kinakaltasan pa ang badyet nito.

Kaugnay ng pagtigil na ito sa pag-aaral ng mga estudyante at pagtuturo ng mga guro ang isa pang, o ibang klaseng, pag-aaral – ang pag-aaral sa pagpigil sa makabuluhang edukasyon sa kasalukuyan. Ang una ay nakasalalay sa, at kinakatangian ng, ikalawa. Hindi ito walang-utak na protesta, o “mindless protest” gaya ng tiyak na ibabansag ng mga komentarista ng midyang mainstream kapag hindi na nila magawang hindi ito pansinin. Punung-puno ang welgang ito ng pag-aaral, nakasalalay ito sa pag-aaral, sa tunay na sanhi ng mga suliranin ng edukasyon sa kasalukuyan. Dapat tayong makinig.

Kung susuriin, ipinagpapatuloy lang ng rehimeng Aquino ngayon ang padron ng mga naunang rehimen sa paglalaan sa badyet ng pamahalaan, na mas magandang tinatawag ng ibang “kabang-bayan.” Kinakaltasan ang badyet sa edukasyon at iba pang serbisyong panlipunan habang ibayong pinapalaki ang para sa pagbabayad sa utang panlabas at para sa militar – na, bukod sa nangangahulugan ng militarisasyon ay pagkakataon ng kurakot para sa matataas na opisyal-militar. Diyan din mapupunta ang bulto ng kabang-bayan, sa kabila ng pagpapanggap ng rehimeng ito: sa katiwalian.

Sa kanyang sanaysay na “The Policy of ‘Neoliberal’ Globalization and Worsening Economic Crisis in the Philippines,” inugat ni Jose Maria Sison ang ganitong moda ng pagbabadyet ng mga gobyerno ng mga bansang katulad ng Pilipinas, sa kasalukuyang porma nito, sa neoliberalismo. Aniya, bilang tugon sa kombulsyon ng krisis ng labis na produksyon sa buong mundo noong dekada 1970, sinisi ang suliranin ng istagplasyon sa Keynesian at sosyal-demokratikong interbensyon ng Estado na umano’y nagpapataas sa gastos sa mga serbisyong panlipunan at sa sahod ng mga manggagawa.

Aniya, simula dekada 1980, “para kamtin ang ‘neoliberal’… na layunin, naglunsad ang mga Estadong imperyalista sa pamumuno ng US ng walang patid na pag-atake sa pinaghirapang-kamting mga karapatan ng uring anakpawis sa seguridad sa trabaho, pag-uunyon at mga benepisyong panlipunan. Pinababa ang antas ng sahod. Sa kalakhan, pinalitan ang regular na mga trabahong full-time ng mga trabahong part-time. Kinaltasan o tuluyang tinanggal ang mga di-tahas na sahod sa porma ng social insurance, medikal na insurance, benepisyong pang-edukasyon at mga serbisyong panlipunan.”

Dito maiuugnay ang isa pang pinag-uusapang welga: ang bantang ilunsad ng mga manggagawa ng Philippine Airlines. Mahigit 2,600 manggagawa ang matatanggal dahil ia-outsource ang kanilang trabaho sa ibang ahensya – na pawang pinaghihinalaang pag-aari rin, tulad ng PAL, ni Lucio Tan. Ganito ang mangyayari: matapos matanggal sa trabahong regular, muli silang tatanggapin sa parehong trabaho sa PAL bilang mga kontraktwal. Mula sa pagkakaroon ng unyon bilang mga manggagawang regular, mahihirapan na silang makapag-unyon kapag naging mga kontraktwal na sila.

May mga puntong dagdag pa si Solita Collas-Monsod. Aniya, nakaugat sa mga maling desisyon ng PAL ang “pagkalugi” ng kumpanya noong 2008 at 2009, hindi sa gastusin sa mga manggagawa. Kahit sa mismong paliwanag ng PAL, maliit lang ang matitipid nito sa pagtanggal sa mga manggagawa – at lalong maliit kung ikukumpara sa mga pagkaluging idinulot ng mga maling desisyon nito. Sa ganitong pagsusuri, pagbuwag sa unyon talaga ang layunin ng planong tanggalan at kontraktwalisasyon sa PAL: union-busting – na ayon sa batas ay ligal paglunsaran ng welga ng mga manggagawa.

At isa nga ang kontraktwalisasyon sa mga porma ng tinatawag na “neoliberal na atake” sa mga manggagawa at sa kilusang paggawa sa Pilipinas. Bukod sa pinapababa nito ang sahod at benepisyo ng mga manggagawa, at pinapahaba rin ang oras ng pagtatrabaho nila, hinahadlangan nito ang pag-uunyon nila. Mangyari, wala halos ligal na sagka sa mga kapitalista sa pagtanggal sa mga manggagawang kontraktwal. Ligtas nang sabihing mas maraming manggagawa sa bansa ngayon ang kontraktwal kaysa regular – sa pangunguna ng malalaking kapitalista, mga malls, at special economic zones.

Inilarawan ni Pierre Bourdieu ang epekto ng pagpapatupad ng utopyang neoliberal: “Una, ang pagwasak sa lahat ng kolektibong institusyong may kakayahang kontrahin ang mga epekto ng mala-impyernong makina, pangunahin iyung sa Estado, na siyang sisidlan ng lahat ng unibersal na pagpapahalagang kaugnay ng ideya ng pampublikong larangan. Ikalawa, ang pagpataw sa lahat ng lugar… ng isang klase ng panlipunang Darwinismo na, kaakibat ang kulto ng kampeon… ay nagpapairal ng pakikibaka ng lahat kontra sa lahat at ng sinisismo bilang komon sa lahat ng hakbangin at gawi.”

Sa una, inilalarawan ang pagiging lantad na sunud-sunuran ng Estado sa dikta ng mga dayuhang institusyong pampinansya at gobyerno (sa usapin ng pagbabadyet) at sa dikta ng mga dayuhan at malalaking kapitalista (sa usapin ng paggawa). Pero inilalarawan din nito ang pangkalahatang pag-atake sa iba pang porma ng kolektiba na dapat sana’y armas ng mga estudyante (konseho, publikasyon, organisasyon, at iba pa) at ng mga manggagawa (unyon) sa paggigiit ng kanilang karapatan. Dinudurog ang mga ito, ginigipit ang paggana, o pinapahina sa pamamagitan ng iba’t ibang opensiba.

Sa ikalawa, inilalarawan ang matinding kompetisyong dulot ng neoliberalismo – sa mga karaniwang tao, hindi lang mga kapitalista. Sa gitna ng napakaraming walang trabaho, “Ang ultimong pundasyon ng buong kaayusang pang-ekonomiyang ito na nasa ilalim ng karatula ng kalayaan ay ang istruktural na dahas ng kawalang-trabaho, ang kawalang-katiyakan ng seguridad sa trabaho at ang panakot ng tanggalan na ibinabadya nito.” Dito nagmumula ang kumpyansa ng Estado at mga naghahari na iratsada ang mga hakbanging neoliberal nito: kung ayaw ng manggagawa, palitan; tiyak na magkukumahog pa rin sa edukasyon ang tao, anuman ang presyo nito.

Sabi ni Slavoj Zizek, sa mundo ngayon, “Isang bagay ang malinaw: matapos ang ilang dekada ng welfare state, kung saan ang mga kaltas ay relatibong limitado at may kasamang pangakong magbabalik din ang mga bagay sa normal, pumapasok tayo ngayon sa isang panahon kung saan nagiging permanente ang isang pang-ekonomiyang state of emergency: nagiging palagian, isang kalakaran. Kasama nito ang banta ng mas malupit na hakbangin sa pagtitipid (austerity), kaltas sa mga benepisyo, papaliit na serbisyong pangkalusugan at pang-edukasyon, at mas di-tiyak na empleyo.”

Ibig sabihin, bukod sa malinaw nang hindi una ang pagkaltas sa badyet ng SCUs at pagpapatupad ng mga patakarang kontra-manggagawa, tiyak na hindi rin ito ang huli. Kaya laban ng sambayanan ang laban ng mga iskolar ng bayan ng PUP at iba pang SCUs, gayundin ang laban ng mga manggagawa ng PAL at iba pang kumpanya. Nangunguna sila ngayon, pero para sa lahat ang hamon sa susunod na panahon. Pangangailangan ng lahat ang tinatanggal sa kanila, ang makabuluhang edukasyon at regular na trabaho. Sa paglaban sa kanilang tampok na lugar, ipinaglalaban nila tayo.

Pahabol: Hinuhubog ng klase ng pamilihan ng lakas-paggawa na gustong likhain ng pamahalaan ang klase ng edukasyong ibibigay nito sa mga mamamayan. “Inaakit ang dayuhang pamumuhunan” – ito ang laging sabi ng pamahalaan, na tila napakagandang pakinggan. Pero pangunahin dito ang paghahain ng mura at siil na lakas-paggawa sa mga kapitalista, na ang tampok na porma ay ang kontraktwal na paggawa. Kung ganito lang naman ang puntiryang lakas-paggawa, hindi bibigyan ang mga mamamayan ng mataas na pinag-aralan – kahit ng tradisyunal na tinitingnang edukasyong de-kalidad.

26 Nobyembre 2010

Galing ang mga larawan dito.  Pagpupugay sa matagumpay na welga ng mga iskolar ng bayan! May nominasyon pala ang blog na ito rito:

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • Kenneth Guda  On November 26, 2010 at 12:10 am

    Kulang na kulang ang prominence na ibinibigay ng midya sa mga kilos-protesta, laluna ng mga kabataang estudyante. Sa panahong tumitindi ang atake ng neoliberals sa mga serbisyong panlipunan at pag-oorganisa (laluna sa mga paggawa), nasa posisyon ang kabataang estudyante na magpamalas ng radikal na mga demonstrasyon ng pagtutol. Congrats pala, Teo, sa nominasyon.

    • Karen  On December 2, 2010 at 3:26 am

      Kenneth! I miss you!

      Hanggang ngayon wala ka pa ring eksplenasyon sa blog mo bakit bigla ka lang nawala ng ilang buwan.

      Na heartbroken ka ba?

      • Kenneth Guda  On December 5, 2010 at 4:07 pm

        Karen, hindi naman. Naging busy lang, sa trabaho, sa mga nangyayari sa mundo. Hehe. Andami ko na ngang bagong blog entry, kaso hanggang sa isip ko lang, hindi maisulat-sulat. Sisikapin kong makapagsulat ngayong Disyembre, laluna’t medyo tutumal ang mga bagay-bagay. Salamat sa pagkamis! Hehe.

  • Leon  On November 26, 2010 at 2:36 am

    Napapanahon na talagang maipaliwanag sa pinakapopular na paraan ang neoliberalismo bilang pang-ekonomiyang armas ng imperyalismo sa lahat ng mamamayang Pilipino.

    Para hindi nalang mga tibak ang nakakaalam sa jargon na ito.

    Paano kaya natin ipagtatagumpayan ang Best Filipiniana Blog na yan, Teo?🙂

  • kapirasongkritika  On November 27, 2010 at 12:35 am

    Gusto ko lang pansinin na natapos kong isulat ito noong madaling araw ng 25 Nobyembre, kung saan mahigit isang linggo na ang protesta sa PUP. Ilang oras lang at UP na ang nasa gitna ng balita, salamat sa malaking pagkilos nila!

    @ Kenneth Guda: Hay naku, ang midya. Pero talagang pinwersa na itong tumingin ng laki ng protesta ng mga estudyante at kabataan. At tama, nasa kanila ang parangal, hindi sa midya. Salamat sa pagbati.

    @ Leon: Kaya ba resource speaker ka na ngayon sang-ayon diyan sa iyong larawan? Hehe. Sa tingin ko, isa sa mga bagong salitang dapat mapalaganap ang neoliberalismo bilang isang mulat na pagsisikap ng mga naghaharing uri sa bansa at mundo na tipunin sa kanila ang yaman ng mundo. Hindi ko alam ang sagot sa tanong mo. Masaya na akong ma-nominate. Hehe.

  • Ms. Pistol  On November 27, 2010 at 12:57 am

    Sobrang sarap naman talga sa pakiramdam na nakikitang maraming mga iskolar ang nakilahok sa istrayk! Lalo nung nakikita mong lumalabas na sila sa klasrum at tumutungo sa istrayk area.

    Hindi nga lang ito pinatampok ng mainstream midya nang unang pumutok ang issue ng srtrike. Sa 24 oras, naka-flash lang sa baba yung balita pero hindi naibalita. Mas pinatampok nila ang pagbabalik ni Mommy Dionisia sa pinas.

    Congrats sa nominasyon! paano natin yan maipapanalo?
    (Masaya ka nang nominado… pero mas maganda na manalo)

  • kapirasongkritika  On November 28, 2010 at 3:50 am

    At, sa pangkalahatan, ang makitang isinusulong ng masa ang interes nila — hindi awtomatiko, pero kaalinsabay ng proseso ng pagkamulat nila sa kanilang interes. Huhubugin ng karanasang ito ang mga aktibista ngayon — mas magiging matatag at malayo ang tanaw sa pagbabago.

    Pinapatunayan lang uli ng huling tugon ng midyang mainstream na hindi talaga ito maaasahang magbudyong ng isyu natin. Mapupwersa nga lang natin itong ibalita tayo nang todo kapag nagwawala na ang malaking hanay natin sa lansangan.

    Naku, hindi ko pa alam. It’s such an honor to be nominated, hindi ko na inalam. Hehe. Hindi naman yata botohan ng readers. May judges yata eh. Hehe.

  • Ms.Pistol  On November 28, 2010 at 10:49 am

    yun ang matagal ko nang makita. Yung mismong masa ang gumagawa ng paraan para maipanalo nila ang kanilang laban. Kaya importante rin na mabigyan ng mga pag-aaral ang masa. Para sila mismo, makikita nila yung tunay nilang kalagayan.

    Naalala ko yung prof. ko sa writing for T.V(lumalabas na siya sa T.V ngayon at noong nakaraan siya ang nag-cover ng balita sa pag-hahagis ng upuan ng mga kapwa PUPian niya tinanong niya kasi yung klase namin kung sasali daw kami sa Strike sa Dec. 1… yung mga kaklase ko malilimutin. Ano daw yun? (kahit may pumasok nang isang tibak sa klase nung isang araw) gulat na gulat siya (si prof) na walang malay yung mga tao sa klasrum. Sabi niya, sana daw maging aware kami, sabay cambio… “But i’m not encouraging you ha!”
    Matutuwa na sana ako dahil sinabi niyang dapat aware kami… bumagsak bigla dun sa pag-cambio niyang hindi niya kami ene-encourage sumama.

    Sana manalo ka! hehehe (isa ako sa mga unang tatalon kapag ikaw ang nanalo… kahit hindi ako ang may ari ng blog na ito. hahaha)

  • Ms.Pistol  On November 28, 2010 at 10:50 am

    *yung ang matagal ko ang “gustong makita”

    kinulang yung tinayp ko hehe

  • kapirasongkritika  On November 29, 2010 at 10:15 am

    Iyan ang gusto nating makitang lahat. Hehe.

    May mga professors na ganyan, iyung sympathetic pero hindi aktibista. Gusto nilang maging malinaw sa tanong na: kinumbinsi ko ba ang mga estudyante kong sumama? At dapat ang sagot, sa tingin nila, ay hindi. Hehe.

    Naku, salamat! Pero parang hindi naman ako umaasa. Nagpapakasaya na lang ako na nominado. Hehe. Sabay tayong tumalon kung sakali! Hehe.

  • Karen  On December 2, 2010 at 3:17 am

    Dapat pala kada poste mo basahin kaagad at hindi antaying umabot ng limang poste. Mga komento ko:

    1. Talaga? Meron palang invisible braces? Ano yun? Para bang ‘The emperor’s new clothes’?

    2. Ano na ang nangyari sa troll?

    3. Aba nominado ka pala sa PBA. Kailangan mo ba ng karagdagang boto? Sandali, iboto kaya kita.

    4. Bad trip kaya ang national budget. Kunsabagay, taon-taon namang bad trip yan.

    5. May isinulat ka ba hinggil sa naunsyaming lablayp ni Aquino at ni Soledad? Bakit ba nag-aastang chickboy sya? Eh pangit naman?

    6. Hehe.

  • Karen  On December 2, 2010 at 3:24 am

    Um. Walang voting page para sa PBA. Kunsabagay, binabasa ka naman kahit hindi ka pa nominado sa PBA. :p

    • Kenneth Guda  On December 5, 2010 at 4:09 pm

      Karen, sa Facebook ang botohan. Punta sa page ng Phil. Blog Awards, i-like ito. Pagkatapos, i-like din ang screenshot ng Kapirasong Kritika. Boto na, medyo close fight.😉

      • Karen  On December 5, 2010 at 5:51 pm

        Salamat. Did that just now. O ayan, Teo, now you know how to be voted on.

  • kapirasongkritika  On December 2, 2010 at 7:15 am

    Haha. Hindi ko alam kung paano siya binabasa ng mga tao. Basta sulat lang ako nang sulat. Hehe.

    1. Haha. Totoo. Pampaganda ng mga wala namang igaganda.

    2. Ah. Iyung troll. Nambubwisit pa rin, pero sa blog na lang niya. Hindi na siya nagtangka matapos ang isang bugso ng attempts na pinagde-delete ko ang mga komento niya.

    3. Hindi ko talaga alam kung kailangan ng boto sa kategoryang ito. Hehe. Pero okey na sa akin talaga ang ma-nominate. Hehe.

    4. True. Diyan mo talaga makikita ang continuity mula Gloria patungong Noynoy. Grabe lang. Wala man lang creative variation.

    5. Naku, hindi ako interesado. Pero baka sa hinaharap. I’m sure hinahanapan iyan ng mga propagandista niya ng magandang gamit para sa kanila.

    Salamat sa komento. Sana nga binabasa. Hehe.

  • kapirasongkritika  On December 6, 2010 at 1:34 am

    Grabe na ang blogger-reader lovin’ dito. Hehe. At hindi ko tinutukoy ang sa blog na ito. Hehe.

    @ Kenneth: Salamat sa paglilinaw. Aayusin ko nga ang link ng icon sa taas. Nakakagulat ang suporta ng mga tao. Salamat!

    @ Karen: Oo nga. Salamat! Hehe.

Trackbacks

  • By Pagliban sa Kasaysayan « Mga Kathang Katotohanan on December 4, 2010 at 2:26 pm

    […] Sabi ni Teo Marasigan, progresibong blogger, nakaugat ang ganitong paglalaan ng badyet sa pamahalaan sa neoliberal na patakarang sinusundan ng mga lokal na alyado ng imperyalistang US — ibig sabihin ay mga patakarang binubukas ang atrasadong lokal na ekonomiya sa dambuhalang ekonomiya ng US. Kaakibat nito ang mga pampulitika at pangkulturang patakaran na sinisigurong manatiling tambakan ng labis na produkto at pagkukunan ng murang hilaw na materyales at lakas-paggawa ang Pilipinas. […]

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: