Gaya siguro ng alam na ng marami sa mga mambabasa ng blog na ito, nominado ang Kapirasong Kritika sa Philippine Blog Awards – finalist daw para sa Readers’ Choice!

Halu-halo ang pakiramdam ko sa nominasyong ito. Hangga’t maaari, ayaw ko sanang lumahok sa kumpetisyon ng paramihan ng boto, dahil pakiramdam ko eh mang-aabala pa ng iba para sa blog na ito. Pero nominado lang kasi ako, hindi ang award-giving body.

Sa inisyal, ang layunin ko lang naman sa paglahok ay dumami ang may-alam ng blog na ito at ang nakakabasa ng mga pagsusuri rito na sinisikap kong maging progresibo. Bonus na lang – at ni hindi nga maksimum na layunin – kung mananalo pa ng award.

Kaya sobrang nakakataba ng puso – that is so Cristy Fermin! – na makita ang todong pagsuporta ng mga kasama at kaibigan sa Facebook sa blog na ito. Maraming salamat! Maraming salamat sa pagkakampanya sa FB sa gitna ng kawalan ko ng account doon!

Sa kabilang banda, namamalayan kong hindi ko dapat isiping para sa akin o sa blog na ito ang pagboto ng mga tao. Nakikita ko ang mga komento sa FB – na ang gusto ng mga bumoboto ay magpanalo ng nagsusulat sa wikang Filipino at ng blogger na aktibista.

Kaya narito ang paraan para iboto ang blog na ito: I-like ang account ng Philippine Blog Awards sa FB tapos puntahan ang album na ito, i-click ang screencap ng Kapirasong Kritika na ikatlo mula sa kaliwa, tapos i-like ang larawan. Ganoon lang po kadali! Hehe.

Maraming salamat ulit sa lahat ng bumoto! Sobrang nakakatuwa ang suporta, naiisip ko tuloy na sana, maasahan ko pa rin ang pagboto ninyo kapag sumali na ako ng singing contest sa TV. Iyun po talaga ang tunguhin ng lahat ng pagba-blog na ito! Hehe.

07 Disyembre 2010

Galing ang larawan dito.