Malay ng Musmos

/1/

Tulad ng marami sa kahenerasyon niyang Aprikano-Amerikano, laki sa hirap at rasismo si Hosea Williams, isa sa mga naging lider ng Kilusang Civil Rights sa US sa maagang bahagi ng dekada ’60.

Natatandaan niya kung paano, halimbawa, basta na lang ikinukulong ng mga pulis ang mga Itim para pagkatapos ay pyansahan ng mayayamang Puti sa mga usapang pabulong at malihim. Sasabihan ang Itim na hindi na niya kailangang isipin ang pyansa, basta magtrabaho siya sa sakahan ng Puti. At hindi basta magtrabaho: pupunta ka sa sakahan nang madilim, hindi makita ang sariling kamay at aalis ka sa sakahan nang madilim, hindi makita ang sariling kamay. Kung paanong naglalakad siya nang dalawa’t kalahating milya, araw-araw, sa pagpasok sa eskwelahan – para lang daanan, araw-araw, ng mga batang Puti na sakay ng bus, nambabato, nandudura at nangungutya.

Kaya nagsumikap siya, nagtapos ng pag-aaral, naging propesyunal na chemist sa Bureau of Entomology sa Department of Agriculture sa kanyang bayan ng Savannah, Georgia, at naglathala ng maraming publikasyon. Inilarawan niya ang sarili bilang “social climbin’, middle-class Negro.” Pag-amin niya, “Akala ko, pwede mong takasan ang Itim na Amerika sa pamamagitan ng pagiging edukado at propesyunal at pagiging mayaman…” Nakabili siya ng malaking bahay at bagong kotse.

Nang minsang dinidiligan niya ang malawak niyang hardin, natuklasan niyang kapos ang kanyang nabiling hose, kailangan ng ekstensyon. Dinala niya ang dalawang anak, edad anim at walo, sa isang drugstore. Sa drugstore, may lunch counter, kung saan may mga upuang pwedeng paikutin, at sa panahong iyun ng segregasyon ng Itim at Puti sa Amerika, mga Puti lang ang pwedeng maupo at kumain dito. Naabutan nila ang mga “batang Puti, nakaupo sa mga upuan, nagpapaikut-ikot, kumakain ng hot dog at umiinom ng Coca-cola.”

Hiniling ng mga anak niyang bumili ng sandwich at Coke. Pero alam niya, sa kaloob-looban niya, na ang gusto talaga nila ay maglaro sa mga upuang umiikot. Sabi niya sa mga anak, hindi pwede. Umiyak ang isa. Nangako siyang pagdating sa bahay, magluluto ang nanay ng hot dog at bibili ng Coke. Umiyak ang dalawa at naglupasay sa sahig – na bihira nilang gawin. “At naaalala kong yumuko ako at nagsimulang umiyak, dahil naisip kong hindi ko kayang sabihin sa kanila ang totoo. Ang totoo, Itim sila at hindi pinapayagan ang mga Itim na gumamit ng mga lunch counter.” Binuhat niya ang mga bata at isinakay sa kotse. “Babalik tayo,” pangako niya. Noon siya nagsimulang kumilos at naging bahagi ng Kilusang Civil Rights.

/2/

Sa sanaysay niyang “The Significance of Theory” [1990], sabi ng Marxistang intelektwal na si Terry Eagleton,

“Sa lipunang makatarungan, hindi na kailangang gumawa ng mga teoristang radikal ng nakakapagod na paglalantad ng mga mekanismong panlipunan kung paanong sistematikong dinodomina ng isang grupo ng tao ang isa pa, dahil magigimbal o hindi maniniwala ang mga tao kapag inisip na posibleng mangyari ito. Ang mga taong tumitingin sa ganitong pananaw na napaka-romantiko o utopyano ay nakakalimot na may milyun-milyong tao sa mundo ngayon na walang pag-unawa sa mga sistema ng pagdomina at masusuklam dito. Ang mga taong ito ay ang mga bata. Ang mga bata ang pinakamahusay na teorista, dahil hindi pa sila nabigyan ng edukasyon para tanggapin ang ating mga nakagawiang praktikang panlipunan bilang ‘natural,’ kaya naggigiit na tapatan ang nasabing mga praktika ng nakakahiyang mga tanong na pangkalahatan at pundamental, tinitingnan ang mga ito nang may pagtatakang distansya (estrangement) na matagal nang nakalimutan nating matatanda. Dahil hindi pa nila niyayakap ang ating praktikang panlipunan bilang di-maiiwasan, hindi nila nakikita kung bakit hindi natin pwedeng gawin ang mga bagay nang naiiba. ‘Saan nanggaling ang kapitalismo, Nanay?’ kung gayon ang pinakamagandang halimbawang teoretikal na tanong, na kadalasang nakakatanggap ng masasabing Wittgensteinian na sagot: ‘Ganoon lang talaga ang mga bagay, utoy/ineng.’ Ang mga batang nananatiling di-kuntento sa mabuway na sagot na pangmagulang na ito ang mas malamang na maging mapagpalayang teorista, hindi kayang pangibabawan ang pagkamangha sa di-pinapansin ng iba… Ang punto ng mapagpalayang teorya ay ibalik tayo sa pagkabata… Ang tunay na kahirapan ng teorya… ay nagmumula hindi sa pagiging sopistikado nito, kundi sa kabaligtaran – sa hiling nitong bumalik tayo sa pagkabata sa pamamagitan ng pagbasura sa tila natural at sa pagtangging mapayapa ng pabagu-bagong sagot ng matatandang may magandang intensyon.”

/3/

Kumilos si Hosea Williams sa Southern Christian Leadership Conference sa pamumuno ni Martin Luther King, Jr. Sa nasabing organisasyon, si Williams ang boses ng militansya. Ang gawain niya, “imulat ang mga tao, pumunta sa mga bayan at basagin ang pagsakmal ng istruktura ng kapangyarihan sa mga tao… udyukan silang magmartsa, magpiket, magdemonstrasyon, at magpakulong” – dahil mahalaga ang pagpapakulong sa pilosopiya ng civil disobedience ng Kilusang Civil Rights. Siya mismo, nakulong nang hindi bababa sa 96 na beses.

Pero bago pa man niya makilala si King, namuno na siya sa matagumpay na kilusang civil disobedience sa kanyang bayan. Ang plano, maglunsad ng iba’t ibang porma ng sama-samang pagkilos at paglabag sa batas ng segregasyon, kahit humantong sa pagpapabugbog at pagpapakulong – sa bingit, syempre pa, ng kamatayan.

Katakut-takot na aksyon ang inilunsad nila, na nilahukan ng daan-daan at libu-libong tao. Minsan, 400 o 500 estudyanteng hayskul ang kailangang ikulong dahil sa pag-upo bilang protesta sa mga lunch counters na iniyakan ng mga anak ni Williams. Natatawa niyang ikinwento: halos mabaliw ang hepe ng pulisya sa dami ng inaresto at kung ano ang gagawin! Minsan, ikinwadra lang ang mga inaresto sa bakanteng lote na parang mga baka, walang kubeta. Pinapakain sila ng de-galon na pork and beans: bubuksan ang takip ng lata na sasalukan mo ng kamay para makakain.

Hanggang isang madaling araw, inaresto siya. Ang paniwala niya, papatayin na siya. Pinili niyang sumama sa nang-aresto dahil ayaw niyang magkaroon ng alaala ang asawa’t mga anak niya ng pagsabog ng sentido at pagkalat ng utak at dugo niya sa bahay. Sa sukalan na lang kaysa sa bahay. Ikinulong siya at pinahirapang makapagpyansa. Samu’t saring problema ang naisip niya sa kulungan – na itinuring niyang “pagsubok” sa Kristiyanong pag-unawa niya, para sa naghihintay pang mas malalaking laban.

Gustung-gusto na niyang makalabas sa piitan nang may mayamang Puti na nag-alok sa kanya ng pyansa. Sagot niya rito sa telepono, “G. Lane, kung ilalabas ninyo ako rito ngayon pero may segregasyon pa rin sa mga lunch counter at restawran at iba pa, ibabalik lang din ninyo ako bukas dito dahil mamumuno ako ng isa pang martsa.” Tumatawang sabi niya pagkatapos, “Hindi ako naniniwalang gagawin ko iyun kung nailabas ako, pero sinabi ko sa kanya iyun.” At naghapag ang mayamang Puti ng plano para sa desegregasyon.

Isang araw, ilang taon pagkatapos, bumalik siya at ang mga anak niya sa drugstore. Nakaupo na silang mag-aama sa lunch counter. Nakapagpaikut-ikot na sila sa mga upuan. Wala nang magawa ang Puting may-ari, dahil nabasag na noon ang segregasyon.

/4/

Galing ang salaysay tungkol kay Hosea Williams sa libro ng kasaysayang oral na My Soul is Rested: Movement Days in Deep South Remembered [1977] na inedit ni Howell Raines. Lumalabas sa ibang artikulo, gayunman, na napariwara sa Kanan paglaon ang pulitika ni Williams. Syempre pa, hindi rin sa desegregasyon natapos ang rasismo kontra sa mga Aprikano-Amerikano; nagpapatuloy ito ngayon sa iba’t ibang porma. Hindi namemenos ng mga katotohanang ito, gayunman, ang ambag ni Williams at ang halaga ng tagumpay ng desegregasyon sa US.

Maligaya at mapagpalayang Pasko sa lahat!

23 Disyembre 2010

Galing ang mga larawan sa A Journey Round my Skull.

Sa isa, dalawang sulatin, nagbabalik si Mong Palatino sa hilig niya sa kasaysayan. Bago nito, may maganda siyang tuligsa kay Walden Bello sa isyu ng programang conditional cash transfer ng rehimeng Aquino. May bago nang blog si Jonna Baldres, tibak sa Tate.

Ayon kay Louis Proyect, pinupuri ng midya ng US si Barack Obama matapos magpatupad ang huli ng mga patakarang tatak-Republican.

Napakagandang parangal ni Arundhati Roy kay Noam Chomsky, at pagtuligsa sa Imperyong Amerikano. May magandang kolum si Michael L. Tan tungkol sa “maruruming digma” ng US sa Latina Amerika.

Nakakaaliw basahin ang maiiksing sulatin ni Spurious: heto ang kaugnay ni Mladen Dolar at heto naman ang kay Slavoj Zizek. Astig na poster kontra sa budget cuts sa edukasyon: pwedeng militante, pero mas malamang na anarkista.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • jpaulmanzanilla  On December 25, 2010 at 4:53 pm

    repost ko din sa fb ang links

  • Jonna Baldres  On December 29, 2010 at 1:25 am

    Maraming salamat sa pag-plug ng aking bagong blog, Teo! Sana nga ay regular kong ma-update iyon. Mabuhay! &;p

  • kapirasongkritika  On December 29, 2010 at 6:59 am

    @ jpaulmanzanilla: Wala pong problema, ang mahalaga ay mabasa. Salamat!

    @ Jonna Baldres: Walang anuman, Jonna. Marami ka nang gawa ang nakikita/nababasa namin dati pa. Sana matuluy-tuloy mo nga!

  • Miss Philippines  On January 2, 2011 at 9:06 am

    Natutuwa ako at nanunumbalik ang usapin sa racism at colonial subjects gaya ng mga itim, asyana at iba pang people of colour gaya natin. Ngunit sa isang bahagi, ano kayang assessment ng mga dating kilalang nanawagan para national liberation gaya ng ilang postcolonial scholars sa naging kalagayan ng kanilang pakikibaka? Ano na ba ang inabot ng postcolonial theory sa pagbibigay ng kanilang kakayahan na i-articulate ang kanilang experiences ng violence? Isa lang ba itong version ng angel of history ni walter benjamin na kung saan tumakas siya dahil pinapapatay daw siya ni stalin? Pero sa nakakatawang bahagi, may puso ako sa mga racial issues, lalo na kung binabasa ko sila, feeling ko minsan ako si miss south africa, chika! Grabe na miss kita teo!

    Sa kabilang bahagi, napagchikahan namin ng kapwa contestant sa miss universe kung gaano kahalaga ang national liberation para maging condition of possibility sa pag-welcome ng event or ang proletarian dictatorship lalo na sa third world nations. At sa usapin ng national liberation, heto ay madalas nagiging impasse ng mga marxists sa west kasi minsan, sa aking palagay, iniisip nila na maaring maganap ang state seizure ng workers sa mga bansa nila, pero sa katotohanan, yung foundational nations gaya ng third world ang dapat na mauna at kanilang bigyan ng matindi pagsuporta. Ganito rin ang napansin ko sa ilang gawa ni Zizek, halos eurocentric at hindi ganon napapansin na third world muna mga veks bilang ang process ng DOP ay pagkakaroon arena para mabilisan magtayo ng gobyerno at maglungsad ng armed resistance. Happy new year

  • kapirasongkritika  On January 3, 2011 at 6:34 am

    Miss Philippines: Miss na rin kita! Welcome back sa pagba-blog sa aking blog! Haha.

    Si Stalin daw ba ang pumapatay sa angel of history ni Walter Benjamin? Hindi ba ang kapitalismo at ang mga guho nito?

    Naku, magandang tanong iyan. Pero ang usual na mga sagot ay hindi naman homogenous ang teoryang post-kolonyal, mas family resemblances ang pinagsasaluhan at iba pa. Though marami na rin yata ang nagtasa mula sa loob — si Spivak, halimbawa.

    Kung mula sa labas, sina E. San Juan, Jr. at Peter Hallward — bagamat hindi ako pamilyar sa pagtatasa ng huli.

    Ang hinala ko kasi sa ibang sulating Marxista galing Europeo, tahimik ang pagiging Trotskyista kahit sinasabing nakalampas na sa mga debate at pagkakahati ng lumang panahon tulad ng Trotskyista vs. Stalinista/Maoista.

    Pero pwede ka pa bang magpalalim sa pagiging Eurosentriko ni Zizek? May nakapagsabi na sa akin ng ganyang moda niya, pero hindi ko kasi siya binabantayan sa usapin na iyun. Nadaplisan ko na ang usapin ng pagiging Eurosentriko sa blog na ito, doon sa “Empire State of Mind.” Hehe. Athindi ko nasuri si Zizek sa ganyang pananaw.

  • Miss Philippines  On January 3, 2011 at 9:49 am

    Hindi naman ako handang bigyan ng ganyang assessment si Kuya Zizek pero nasa punto ako na nagtatanong or figuring out, na sa panahon na tinatalakay natin ang global capitalism, mananatili na mahalaga ang third world bilang Real ng kanyang sistema. Na sa usapin ng paano pababagsakin ang sistemang capitalismo, ang kanyang mismong sarili ay hindi sumasapat sa katotohanan ng pasasamantala. Ibig sabihin ko, sa kanyang mismong bansa, totoo na may nagaganap na exploitation pero ito ay nanatili ng ganito dahil sa kanyang pagsandig sa mga third world countries na nagtutlak sa kanya na magkamal ng kita. At sa pag-uusap ng imperyalismo, may mahinang pag-suporta ang mga Europeo sa mga ilang natitirang kilusan at bagkus sila pa ay naka-distansya sa kung sino ang maaring maglungsad ng tamang paraan ng pakikibaka. Hindi ko naman sinasabi ito na kailangan nila tayo pansinin para magkaroon ng validation na kung tama ang ginagawa natin dito. Ang nasa isip ko ay kung paano nagiging effective ang kanilang pagtingin sa kabila na hindi sila malay sa kalagayan ng third world nations at naiisip nila na maaring mauna ang kanilang paglaya kaysa sa mga nasa third world. Sa bandang huli, nararapat lang naman kilalanin sila pero nanatili din na maari pa rin natin pag-usapan ang mga ganitong usapin.

  • kapirasongkritika  On January 3, 2011 at 2:32 pm

    Hehe. Ah, ganoon ba? Mali ang unawa ko.

    Ang tingin ko lang naman diyan ay magiging matagumpay iyung kilusan sa mga bansang kapitalista na may pag-unawa sa pakikibaka sa mga bansang Third World — kahit huwag muna nating pasukin ang debate kung sino ba ang mauuna, kung sila ba o tayo.

    Wala naman tayong pagtatalo sa tingin ko sa bagay na ito. In fairness kay Zizek at kahit kay Badiou, nakikita nila ang progresibong potensyal ng mga migranteng manggagawa sa mga bansang kapitalista at ng mga slum-dwellers sa mga bansang Third World.

    Pero teka, hindi ba’t pinapahalagahan nila ang mga ito sa punto ng pagkakatiwalag ng mga ito sa pangkalahatang lagay ng mga bansa nila (at ng bansang pinuntahan nila, sa kaso ng mga migrante)?

    Hmmm. Just thinking aloud. No final answer, Ms. Philippines.

    Kung kaugnay ng mga Aprikano-Amerikano, nagkaroon ng Maoistang kilusan sa hanay nila, ang Black Panthers. Marami pa ring kapuna-puna pero may sulatin silang ang titulo ay “Black like Mao.” Hehe. Patunay ng pagtatahi nila ng pang-aapi sa mga bansang Third World.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: