Never to Walk with Noli de Castro

Ewan ko sa inyo, pero hindi ako nasisiyahan – hindi, naaadwa ako – na mapanood si Noli de Castro sa dati niyang trabaho bilang tagabasa ng gabi-gabing balita sa TV Patrol.

Hindi lang dahil sobrang lakas ng boses niya, parang dati niyang gawi sa radyo’t telebisyon – tipong hindi na akma sa panahon ngayon. At hindi lang dahil nahihirapan ako kapag naghahatid siya ng balita, na madalas syempre ay masama, sa kakaisip kung kritikal o nangangaral siya sa rehimeng Aquino.

Hindi naman nyutral ang balita, sa kabila ng pagpapanggap nito. Pero tatanggapin na lang ba natin na tagahatid ng balita ang pulitikong sagad-sagaring naglingkod sa pinakakinasusuklamang rehimen sa huling kasaysayan hanggang dulo at nang walang paghingi man lang ng paumanhin sa publiko?

Naaadwa ako dahil hindi ako mapakaling nakabalik lang si Kabayan sa dati niyang trabaho at sa kaakibat nitong prestihiyo nang ganoon-ganoon lang. Ito rin ba ang hinaharap ng amo niyang si Gloria Macapagal-Arroyo matapos ang lahat ng katiwalian, paglabag sa karapatang-tao, pahirap na patakaran?

Malamang, resulta ito ng kasunduan niya at ng pamilyang Lopez ng ABS-CBN: na makabalik siya sa “pamamahayag” dahil hindi siya tumakbo sa eleksyon at lumaban sa manok ng mga Lopez na si Noynoy Aquino. Pero ganoon na lang? Isalaksak na lang ang kasunduan sa publikong walang kalaban-laban?

Kapag tila kumokondena siya sa mga krimen, kumakabig siya sa publiko. At minsan, nakakatawa ang hirit niya. Nitong huli, ibinalita ang malaking ibon na sumalakay sa mga pulis na nagsasanay. Pakli niya, “Pati mga ibon ngayon, galit na sa mga pulis.” Napapalambot kaya ang puso ng publiko ng pagngiti?

At hindi pagpapatawad at paglimot ang dapat na moda natin ngayon, lalo na para sa mga nagkasala pero ni hindi humingi ng dispensa. Dapat ay galit at pagkondena. Gaano kadalas nagtatago ang tigas-loob na kawalang-pakialam sa mapagmahal umano na pagpapatawad at paglimot? Pinagmumukhang normal at ginagawang katanggap-tanggap ng pagbabalik ni Kabayan sa TV Patrol ang pagreretiro sa payapang buhay ng mga susing opisyal ng salot na rehimeng Arroyo.

13 Enero 2011

Galing ang larawan dito.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • napadaan  On January 14, 2011 at 8:00 am

    Nakakarindi nga siya, pati sa teleradyo ba yun? Pati mga points of view niya. Kung tumuligsa sa mga maling gawi ng mga public officials eh akala mo, nakapagsilbi siya ng marangal at may paninindigan nung bise presidente pa siya. Mayroon pa siyang “dapat ganito” at “dapat ganoon” na nalalaman.

  • layka  On January 15, 2011 at 2:57 am

    tama!kabanas yang si noli de castro.balik siyete na ako sa balita.minsan palipat-lipat pa rin kaya natitiyempuhan ko ang mga kabalbalan ni noli.di ko matandaan isa-isa pero marami na akong ikinakunsime sa mga sinabi niya lalo na kapag may live interview. ah yung isa tungkol sa mrt-lrt fare hike. baka naman daw sa darating na public consultation ay puro rally lang ang gawin ng mga tumututol. e dapat nga, magwala na ang mga tao sa galit!

  • kapirasongkritika  On January 15, 2011 at 6:51 am

    @ napadaan: True. Naglingkod ka kay Gloria tapos gagamitin mo ang pagiging “mamamahayag” para mangaral sa mga opisyal ng gobyerno? Marami talagang kalokohan ang gobyerno ni Noynoy, pero dapat papanagutin pa rin si Gloria at mga kasapakat niya.

    @ layka: Ah, iyan pa. Dahil napuntirya nang todo noong nasa katungkulan, galit din siya sa mga raliyista tiyak. Pakiramdam niya siguro, panggulo lang ang mga nagpoprotesta.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: