Divide Then Subsidize

Sa dulo ng programang Mel and Joey noong nakaraang Linggo, may “debate” na naganap tungkol sa taas-pasahe sa MRT at LRT at dagdag sa toll fee sa NLEX at SLEX. Halatang palabas – sa masamang pakahulugan nito – ang ipinakita, na dumulo sa pag-endorso at “pagpapaliwanag” o pagtatanggol ni Mel Tiangco sa nasabing mga pagtaas.

Humirit ang panig ng kontra na niloloko ang mga tao sa mga pagtaas. Hindi ko alam kung saan nanggaling ang akusasyong ito – dahil hindi naman iyan pinapatampok ng mga tutol. Mabilis itong sinagot ng isang opisyal ng gobyerno: may konsultasyon daw tungkol sa pagtaas, kaya walang panloloko. Palakpakan – na hindi ko rin naintindihan.

Biglang pasok si Tita Mel. Ang punto niya: “unfair” o hindi patas na sinusubsidyuhan ng buwis ng mga mamamayan ng Visayas at Mindanao ang transportasyong pinapakinabangan ng mga taga-Luzon. At kung hindi magtataas, mapapabayaan ang maintenance ng mga pasilidad. Kahiya-hiya raw tayong mga Pinoy kapag nangyari iyun.

Ang totoo, alingawngaw lang ang sinabi ni Tita Mel ng mga pahayag ni Pres. Noynoy Aquino. Mahusay nang nasagot ang puntong ito ni Manuel F. Almario, masipag na lumiliham sa Philippine Daily Inquirer. Aniya, palyado ang katwiran ni Noynoy: huwag nang magtayo ng tulay sa Visayas at Mindanao, huwag na ring magtayo ng mga ospital.

Hindi ito ang unang beses na hinati ng retorika ng gobyerno ang mga mamamayan sa usapin ng subsidyo. Noong dinepensahan nito ang pagtaas ng matrikula at tuwing dinedepensahan nito ang pagkaltas ng subsidyo sa Unibersidad ng Pilipinas, sinasabi nitong maling subsidyuhan ng mga mamamayan ang umano’y mayayamang iskolar.

Maririnig din ang ganitong paghati sa mga mamamayan sa usapin ng subsidyo sa pagtatanggol ng gobyerno sa programang Conditional Cash Transfer. Dapat daw ituon ang subsidyo sa “mahihirap pero karapat-dapat (poor but deserving)” – na para bang ayos lang maghirap at magdusa ang minalas na ituring nitong “hindi karapat-dapat.”

Hindi kaila sa marami ang tunay na dahilan ng ganitong katwiran: kaunti lang ang pondong inilalaan ng gobyerno sa mga serbisyong panlipunan, tulad ng transportasyon at edukasyon. Malaking pondo kasi ang ibinabayad sa utang sa malalaking dayuhang bangko at korporasyon, at sa samu’t saring pagkakataon ng mga pulitiko sa korupsyon.

Sa madaling salita, pinaghahati-hati sa barya-barya ang mga mamamayang Pilipino dahil naihatid na ang malaking pera sa kaban ng iilang mayaman at makapangyarihan. Tapos, binibigyang-katwiran ang pagtanggal ng barya-barya sa dating tumatanggap nito sa palusot na ang subsidyong ito ay “hindi patas” o “hindi karapat-dapat.”

Pero sa aktwal, mga mamamayan ang “lugi.” Hindi sa elementarya mapupunta ang badyet na kinaltas sa mga paaralang tulad ng UP, at baka idahilan pang mayroon nang CCT. Hindi sa Mindanao o Visayas mapupunta ang subsidyong aalisin sa MRT-LRT at dapat ilaan sa NLEX-SLEX, kundi sa katiwalian ng nasa pamahalaan at utang panlabas.

Ang mga mamamayan, hinuhuthutan na nga ng buwis, presyong komersyal pa ang binabayaran sa dapat sana’y serbisyong panlipunan. Ang pamahalaan, epektibo sa paghuthot sa mga mamamayan, at sa pagpahintulot sa malalaking kapitalista na gawin din ang ganito, at epektibo rin sa pagkakait ng dapat sana’y serbisyong inihahatid.

Ipinapasilip ng pahayag ni Noynoy ang bansang pinipilit likhain ng pagpapatupad ng gobyerno sa mga patakarang neoliberal para sa kita ng mga naghaharing dayuhan at iilan: walang “bayanihan” ng mga mamamayan sa pamamagitan ng gobyerno, nag-iisa ang bawat tahanan at tao – mga islang pagtawid-buhay ng sarili lang ang inaasikaso.

Takot sa hinaharap, labis na pagkamakasarili, matinding pakikipagkumpitensya sa kapwa, todong pagkayod – ito ang iniluluwal ng ganitong kalagayan. At sa ganitong matabang lupa nagiging kailangan ang pagsibol ng iba’t ibang bulaklak ng “pantasya o pampalubag-loob” – na kadalasang tinutukoy ng luma nang salitang “eskapismo.”

Maaalala ang napakagandang sulating pilosopikal ni Karl Marx patungkol sa relihiyon: “Pinipitas ng kritisismo ang mailusyong mga bulaklak sa tanikala hindi para patuloy na ibilanggo ng nasabing tanikala ang tao nang walang pantasya o pampalubag-loob, kundi para magawa niyang lagutin ang tanikala at pumitas ng buhay na bulaklak.”

At maaalala nating may isa pang tugon sa kalagayang iniluluwal ng mga patakarang neoliberal: Hindi indibidwal o pampamilya, kundi kolektibo, makauri, makabayan. Hindi pagkimkim sa pagmamahal sa kapwa kundi pagpapalaya rito para yakapin ang buong lipunan. Hindi sumusuko, tumatakas o tumatanggap sa sitwasyon. Rebolusyon.

19 Enero 2011

Kuha ang mga larawan ni Jeffrey Ocampo. Maraming salamat!

Maraming salamat din sa mga nag-link nitong huli: Ana Tolentino, M. J. Rafal at Katrina Angela Castro. Tungkol kay Engels at kalikasan, mula kay Diwa Dimagiba.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • kapirasongkritika  On January 21, 2011 at 5:06 am

    Ang stupid. Hehe. Ikaw talaga, binibigyan mo na naman ako ng sasagutin. Hehe.

  • lavhowr x  On January 22, 2011 at 5:08 am

    nakakabadtrip nga po talagang binawasan ng subsidy ang mga pampublikong serbisyo tulad ng MRT LRT at edukasyon. yung mga pumapanig po dun sa ideya na oks lang mapunta sa ibang departamento ang subsidy kuno, ni wala silang kasiguraduhang doon nga mapupunta ang pera. ni hindi nila masisiguro na ‘di bulsa ng iilan lamang ang lalaki dito. sa tingin ko po hindi sa pagbawas sa subsidy, o ayon nga po sa sabi niyo ay barya barya lang naman talaga, mapapaikot nang mahusay ang pera ng ating bansa. naniniwala po akong dapat sibakin ang mga kurakot sa gobyerno. kailangang kaltukin si noynoy na nakakalimutan niya ang plataporma niya pagdating dito. may ginagawa nga ba silang hakbang para ma-track ang mga demonyo sa gobyerno?

  • kapirasongkritika  On January 23, 2011 at 12:34 pm

    @lavhowr x: Mabuti at napagawi ka. Totoo, hindi talaga pagpapaikot ang gusto nila, kundi pagkupot sa kamay ng iilan. Iba talaga ang eleksyon sa panunungkulan. Sabi nila, para manalo sa eleksyon, kailangan, maka-Kaliwa ka. Para manatili sa pwesto, kailangan maka-Kanan ka. Hindi naman sa nagpanggap na miyembro ng Kaliwa si Noynoy, kundi sumakay siya sa sentimyento ng mga tao na mas mailalarawang maka-Kaliwa.

  • EmPnuñez  On February 13, 2011 at 4:09 am

    Nakakainis ang pagtanggal niya ng subsidyo sa mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan – transportasyon, edukasyon at kalusugan. Tapos pangangatwiranan nilang sa mas magandang plano naman daw kasi mapupunta. Sa simula palang talga, alam kong bobo yan si PNoy eh (buti nalang di ko siya binoto).

    Tama, kapag eleksyon, para mapalapit ka sa taong bayan at iboto ka nila, sumakay ka pa-kaliwa. Tpos, kapag nasa pwesto ka na, salingin mo ang kaliwa. haha.

    Namiss ko tong blog mo. Mabuhay ka.

  • kapirasongkritika  On February 14, 2011 at 2:35 pm

    Haha. Feeling nila, matatameme na ang mga tao sa ganoong retorika. Feeling nila, malalim talaga ang tiwala ng mga tao kay Noynoy. Pero baka naman matalino si Noynoy, matalino sa kalokohan sa mamamayan.

    Salamat at napagawi ka ulit. Ako man, na-miss ko ito. Ngayon lang nakapag-upload ulit. Mabuhay ka rin! Hehe.

  • EmPnuñez  On February 14, 2011 at 5:13 pm

    Sabi sa mga survey, positibo daw ang pagtingin ng mamamayan sa kahihinatnan ng buhay nila sa ilalim ni Pnoy. Aba,, napakagandang reflection siguro nun yung patuloy na paglala ng KArnaping, massacre, oil price hikes, fare hikes at kung anu-anu pang hike.. kaya maraming napapa-mountain hike. hehe
    Mahusay kasi tong si Abnoy… parang nanay niya.

  • kapirasongkritika  On February 15, 2011 at 1:03 pm

    Totoo. Mas personality-based pa talaga ang tingin ng marami sa sistema ng gobyerno sa Pinas: nawala si Gloria, ergo… Hindi ko nakuha ang joke na iyan noong una, iyang sa mountain hike. Pero gets ko na. Hehe. Tantya ko, sa simula pa lang, mas masahol na talaga itong si Noynoy sa nanay niya. Hehe.

  • EmPnuñez  On February 17, 2011 at 1:50 am

    hahaha. pasensya na. korni ba? pero totoo naman.

    Lagi nalang ibinabatay sa sincerity. aanhin mo ang sincerity kung hindi naman nagrereflect sa action ng tao?

  • kapirasongkritika  On February 17, 2011 at 11:30 am

    Ano pa ba masasabi ko sa komento mo,kundi: Korek! Masasabi ni Kris Aquino sa pang-araw-araw na usapin iyang sinabi mo, pero kailangang gamitin din sa pulitika.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: