Kaarawan ng Isang Abogado ng Bayan

Kaarawan pala ngayon ni Atty. Remigio “Meng” Saladero, Jr., ang legal counsel ng Kilusang Mayo Uno at, isang malaking karangalan para sa akin, kapwa-kolumnista sa Pinoy Weekly. Naging laman siya ng balita noong 2009 dahil ikinulong siya ng gobyernong Gloria Macapagal-Arroyo batay sa mga gawa-gawang kaso – bahagi ng malupit na atake ng rehimen sa kilusang paggawa at mga manggagawang Pilipino.

Kakaibang abogado – hindi, kakaibang nilalang – itong si Atty. Meng. Hindi katulad ng mga istiryutipikal na abogadong laging magara ang bihis at magarbo ang pananalita, simple lang gumayak at mangusap itong abogado ng mga manggagawa. Hindi katulad ng inaasahan sa isang abogadong tulad niya, tahimik siya sa mga usapan, nakikinig sa sasabihin ng iba, pasensyosong naghihintay ng kanyang pagkakataong magsalita.

Noong nakulong siya, lumabas ang isa niyang secret weapon: ang kanyang misis na si Maricel. Katulad nina Ka Osang Beltran at Edith Burgos, tumampok siya sa panahong sinisikil ang kanyang asawa. Ipinakita niyang kapag pinaparangalan ang mga lalakeng aktibista, kailangan ding parangalan ang kanilang misis – na hindi lang nagsisilbing “inspirasyon” kundi aktibong katuwang sa pakikibaka, kasing-husay ng mister nila.

Isa sa mga tampok na kasong huling hinawakan ni Atty. Meng ang sa 20 manggagawa ng Karnation Industries and Export Inc. na gumagawa ng handicraft. Matapos ang mahigit dalawang taon ng pagkakakulong, dahil sa kasong isinampa ng kanilang employer kaugnay ng inilunsad nilang welga, nakalabas sila sa kulungan sa tulong ni Atty. Meng – pero ito ay matapos dalawa sa kanila ang mamatay sa loob ng piitan.

Nagkaroon ako ng pagkakataong makita in action itong si Atty. Meng. Pinuntahan niya ang isang pagpupulong ng mga manggagawang lumalahok sa isang certification election. Wala siyang kotse, at lalo na ako, kaya nagdyip at naglakad lang kami. Maputik at maamoy ang mahabang daan papunta, habang mabanas at mausok sa loob ng bahay. Wala siyang reklamo, nakikinig at pangiti-ngiti sa pagpaplano ng mga manggagawa.

Noong siya na ang magsasalita, tinanong siya ng manggagawa: Ano ang pwedeng aksyong ligal laban sa kapitalistang naga-outsourcing sa sarili niyang kumpanya na pinagmumukha niyang pag-aari ng iba? Kiling ang batas sa kapitalista, pero hindi ito tahas na sinabi ni Atty. Meng. Inisa-isa lang niya ang mga probisyon ng batas. Paulit-ulit ang manggagawa sa pagtatanong: Ibig ninyong sabihin, mahirap talagang kasuhan?

Hanggang sa halos sumisigaw na ang manggagawa sa pagtatanong, nanggagalaiti hindi kay Atty. Meng kundi sa batas. At ang pobreng atorni, mahinahon pa ring nagsasalita, nangingiting naiiling sa limitasyon ng batas na sa pagpipilit niyang ipaliwanag ay lalong nalalantad na maka-kapitalista. “Show, don’t tell” ang isang panuntunan ng mga manunulat ng katha, at napakahusay rito ng abogadong ito.

Kongkretong ipinakita niya sa manggagawa ang nasasabi niya sa kanyang kolum: na walang mapapala ang mga manggagawa kung todong sasandig sa batas. Pwede at dapat pumasok sa mga aksyong ligal, pero hindi ito ang mapagpasya sa pagsulong ng karapatan at interes ng mga manggagawa. Ang mapagpasya pa rin ay ang sama-samang pagmumulat, pag-oorganisa at pagkilos para isulong ang interes ng uri.

Abogadong maka-manggagawa muna bago abogado, unyonista at hindi ligalista, alam ang lugar ng batas sa pakikibaka para sa maka-manggagawang bukas, minamahal ng napakaraming obrero sa hindi pagtahak sa landas na pinili ng marami niyang pañero, at yumayakap sa kaakibat na hirap at sakripisyo. Maligayang kaarawan, Atty. Saladero.

27 Enero 2011

Galing ang larawan sa itaas dito.

Napansin ko ang blog ni Lourd de Veyra, at nagustuhan ko ang mga inirerekomenda niyang maging Pambansang Alagad ng Sining. Isang blog tungkol sa buhay at pakikibaka ni Lorena Barros.

Nagdiwang ang mamamahayag na si Raissa Robles sa paglalantad ni Caloy H. Conde sa pekeng mamamahayag na si Rigoberto Tiglao. Isa pang paglalantad sa tambalang Tiglao-Mario Miclat.

“Ingay” ang tawag ni Richard D. Wolff sa mga pangakong makakabangon na ang ekonomiya ng US sa krisis. Matapos ni David Harvey, may website na rin ang radikal na geographer na si Neil Smith.

Limampung impluwensyal na progresibo, ayon sa kaliwa-liberal na magasing The Nation. Nakakatawag-pansin ang tanong na ito ni Adam Kotsko: tungkol sa distansya ng isang awtor at ng mga komentaryo tungkol sa gawa niya. Binabasa ni Jodi Dean ang What is to be Done? ni Lenin. Para sa isang kaibigang nag-iisip magsulat tungkol sa The Communist Hypothesis ni Alain Badiou.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • arnulfo remo onrubia  On June 4, 2011 at 3:50 am

    ako po,ay isang manggagawa hihingi lng po aq ng payo o tulong nsa sampung taon nrin aq sa kumpanya na aking pinapasukan ngunit nanatili akung kontrakwal at mga iba ko pangkasama.. hirap kaming mag desisyon dahil malakas daw ang kumpanya na to sa dole at handa daw tapatan ng pera ang abogado na hahawak sa kaso nmin kung sa kali…..maraming salamat po……

  • kapirasongkritika  On June 7, 2011 at 12:36 am

    Nakakatuwa at natunton man lang ng isang manggagawa ang blog na ito. Marami po kayong ganyan ang kalagayan! Baka mainam kung makipag-ugnayan kayo sa Kilusang Mayo Uno para matulungan kayo. O kaya, kahit kay Atty. Meng mismo. Baka nasa Internet naman po ang contact numbers nila.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: