Ereksyon Pacasta

/1/

Iyan, kung hindi siya nagkakamali, ang pangalan ni Ericson L. Acosta sa isang isyung lampoon ng Philippine Collegian, publikasyon ng mga mag-aaral ng unibersidad. Ang pagkamalikhain ng staff, lumalabas hindi lang sa mga nakakatawang artikulong may banat sa pulitika ng kampus at bansa, kundi maging sa by-line at staff box. Ang mga pangalan ng manunulat, kadalasang hinahanapan ng bastos na katunog o kamukha.

Para sa marami niyang kaibigan at kasama sa Kamaynilaan, namuhay na parang laging nasa lampoon si Ericson: kwela, kengkoy, kangkarot – “karakter,” sabi nga ni Lisa C. Ito, isang manunulat, sa kanyang note sa Facebook. Parang lagi siyang si Ereksyon Pacasta. Isipin mo si Beyonce na laging Sasha Fierce. Isipin mo si Eminem na laging Slim Shady. Tapos pagsamahin mo sila. Parang laging handang magtanghal, ganoon siya.

Hindi siya malapit kay Ericson; para lang siyang manonood nito mula sa malayo. Pero tulad ng iba, may ilan siyang anekdota. Tulad ng mga gabing pangkulturang iglap matapos ang maghapong largang aktibista. Hindi siya mahilig sa blues at rock, pero sa mga pagkanta ni Ericson siya nagsimulang magbukas. Minsan naman, basta lang itong bumirit sa tambayan ng “Gusto Kita” na parang alam ang tipo ng kantang gusto niya.

Dati, dinadayo niya ang isang bar para sa pagtugtog hindi pa ni Ericson, kundi ng mala-Janis Joplin na mukhang Lolita Carbon na ka-tandem niya. Doon niya nasimulang magustuhan ang mga kantang progresibo, lokal man o mula ibang bansa. Pananalita pa lang sa pagitan ng kanta, ulam na. Bigay-todong magtanghal si Ericson, parang sinasapian. Minsan, sa pagbilis sa dulo ng isang kanta, sumasayaw na pala ito ng conga.

/2/

Sa paningin niya noon, kasama si Ericson sa isang molde ng naunang “henerasyon” ng mga aktibista sa kampus: mga patpating lalakeng tuwing makikita mo’y parang laging hindi pa kumakain at nakakaraos lang sa pagyoyosi. Ang pananamit: sandalyas, sira-sirang pantalong maong, puting t-shirt, kamisetang may nakasulat na propaganda o kaya’y batik, naka-sumbrerong Mao at, lalo na si Ericson, naka-jacket na Mao.

Ikalawang hati ng dekada ’90 noon, at “balik sa batayan” o “back to basics” ang moda sa pag-aaral. Binabalik-aralan at tinatanganan ang mga batayang prinsipyo ng aktibismo kontra sa naganap na mapaminsalang pagkapariwara. Dalawang araw ang Lipunan at Rebolusyong Pilipino, may pausong “Thursday Afternoons with Mao,” binabakbak ang mga ilusyon ng “Philippines 2000” at inilalantad ang usong imperyalistang “globalisasyon.”

At siya na mahilig magbasa ng Teorya (kapital ang T), pero mas ang pilosopong Komunista (kapital ang K) naman na si Louis Althusser noon, ay agad nabansagang “macho” o mateorya – resulta ng lumatay na karanasan sa isang sumaling nanabotahe sa kakatanong sa mga pag-aaral. Hindi gaanong positibo ang bansag – pagsasanib ng simbuyong kontra-patriyarkiya at ng mas pagbibigay-halaga sa panlipunang praktika.

Isang gabi, sa isang karinderya, kinausap siya ni Ericson. Hindi pa niya matanggap ang tuligsa nito sa eklektikong pagbabasa niya. Hindi kasi tumurol sa kongkretong mga argumento ng mga sulatin. Pero ramdam niya ang pagiging sinsero, ang pag-iwas sa pagiging antagonistiko. Naunawaan niya: anti-eklektiko ito, pero hindi anti-intelektwal; anti-Teorya, hindi anti-teorya. Paglaon, sa higit pang pag-aaral, nauunawaan din niya.

/3/

Ano ang mayor na kwento niya tungkol kay Ericson? Wala siyang maalala noong una. Hanggang – Aha! – ang pag-aaral na bumago noon sa buhay niya. Iba-iba ito para sa bawat aktibista at iba-iba rin sa magkakaibang yugto ng pagkilos, pero para sa kanya, Ekonomiyang Pampulitika. Tulad ng lahat ng magandang pag-aaral, hindi na niya maalala ang instruktor liban sa bumubuga ito ng mahabang usok ng yosi noon.

Kung ang bawat pang-ekonomiyang selula, ang batayang yunit, ng lipunang ito – ang pagawaan at sakahan – ay batbat ng pagsasamantala, may kanser ang buong lipunan, may lason sa lahat ng larangan. Bago niyon, alam niyang may suliranin ang bansa at mundo pero tinumbok ng pag-aaral ang ugat na tumatahi sa lahat. Hindi na niya magawang tingnan ang lipunan, ang mundo, sa ibang paraan pagkatapos noon.

Sabi ng isang edukador, na siguradong may malisyang kontra-Kaliwa, ang layunin ng pag-aaral ay palitan ang utak na walang laman ng utak na bukas – hindi ang sarhan ito. Pero ganoon para sa kanya ang pag-aaral na itinuro ni Ericson, nagbukas ng maraming pinto. Naakit siyang magbasa ng kaugnay na mga akda, naging paborito niyang ituro ang paksa. Ginusto niyang maging mangangaral, tagapaglantad ng pagsasamantala.

Late bloomer siya bilang aktibista. Bago ang pag-aaral, propagandista lang siya, mahilig sa gawaing iyan. Pero hindi magtatagal, magsisikap siyang maging edukador. Higit pa riyan, magsisikap siyang maging organisador. Mababahala siya na mahigit isang taon na siyang aktibista ay wala pa siyang personal na narerekluta. Itinawid siya ng pag-aaral na itinuro ni Ericson, nang mahusay, sa yugtong iyun ng kanyang buhay.

/4/

Pero mas naging laman ng isip niya si Ericson noong nawala ito sa Kamaynilaan – at ang balita’y tumungo ito sa hanay ng mga magsasaka para doon ipagpatuloy ang pagiging aktibista. Tinatanaw rin niya ang ginawa nito at sinisipi niya si Chaka Khan kaugnay nito: “No, I’m not ready to kiss that dream goodbye.” Sa tuwing iniisip niya ang pag-alis dito at pagpunta doon, sumasagi sa isip niya ang marami, kasama si Ericson.

Makata, mandudula, manunulat, layout artist, lider-masa, mang-aawit, manggagawang pangkultura, edukador, organisador – isa na yata si Ericson sa pinakamagagaling na maihahain sa bayan ng ilang henerasyon ng aktibistang nakilala niya. Patunay siya ng kadalasang sinasabing “pinakamahuhusay na anak ng bayan” na tumutungo sa kanayunan at tumatalikod sa maalwang kabuhayan at malikot, magaslaw na buhay.

Nang mabasa niya ang balita, at lalo na nang makita niya ang larawan ni Ericson na malayo sa malusog, naghalu-halo ang kanyang emosyon. Nag-alala siya para rito at para rin sa masang magsasaka at gawaing maiiwanan, kahit sandali. “Mabuti, hindi dinesap,” sabi ng isang kaibigan, at sang-ayon siya. Sa dulo, wala siyang dudang kakayanin ni Ericson ang kahirapan ng loob dulot ng pagkadakip at pagkakulong.

Matagal-tagal na rin si Ericson doon. Ano ang ginawa niya sa buong panahong iyun? Nagpatuloy naman sa pakikibaka at nagpakahusay pa nga. Pero alam niya kung saan mas masidhi ang pangangailangan – doon, sabi nga ni Bonifacio Ilagan, kung saan mas mabigat ang sakripisyo at mas matindi ang kahirapan. Bakit narito pa rin ako ngayon? Hanggang sa pagkadakip nito, inuudyukan pa rin siya ni Ericson para sumulong.

20 Pebrero 2011

Ang unang larawan sa itaas, galing sa Facebook ng Free Ericson Acosta. Ang mga sumunod, galing kay Patrill.

Kolum ni Eric Alterman tungkol sa paghahambing ng mga konserbatibo sa US kay Ronald Reagan kay Jesus Christ. Kapag sinukat ang rehimeng Aquino sa pamantayan ni George Lakoff ng konserbatibo, malinaw na pasado ito: “Sa tingin ng mga konserbatibo, hindi dapat tulungan ng gobyerno ang mga mamamayan. Ibig sabihin, hindi dapat tulungan ng mga mamamayan ang bawat isa.”

Magandang pagmumuni sa teorya at praktika, akademya at pakikibaka, kay Theodor Adorno at sa Tsina. May sulatin ang isang Ariadne tungkol sa pagiging aktibista niya dati, sa kung paano siya napaunlad nito at kung paano siya nangungulila rito ngayon. Iwinawasto ni Angela Stuart-Santiago ang nakakaaliw na kwentong Facebook ng Edsa People Power 1.

Panayam sa progresibong manunulat na si Arundhati Roy.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • EmPnuñez  On February 21, 2011 at 1:13 pm

    nakaka-hinayang talga ang pagkawala ng mga kasamang tulad ni Ericson Acosta.😦

  • kapirasongkritika  On February 22, 2011 at 4:16 am

    Ikaw naman, Ms. Pistol. Hindi naman siya nawala. Nakulong lang — at tinitiyak din nating makakalaya. Hehe. Temporary setback, kumbaga.

  • EmPnuñez  On February 25, 2011 at 3:10 pm

    ay.. pasensya na. haha. antok lang. eniway. Sana talaga mapalaya na siya.

  • kapirasongkritika  On February 25, 2011 at 5:09 pm

    Hehe. Oo nga. Sana agad. Huy, congratulations sa panalo ng Samasa! Magandang balita!

  • EmPnuñez  On February 27, 2011 at 10:09 am

    kaya nga. oo nga, nanalo sila. galing. pero hindi malaki ang lamang eh. pero panalo parin.

  • kapirasongkritika  On February 27, 2011 at 3:58 pm

    Ah, hindi ba malaki? Malamang naman matatalakay sa assessment. Hehe.

  • free ericson acosta  On April 18, 2011 at 3:04 pm

    mabuhay! pwede pa kaya humirit ng follow-up mula sa inyo, g. marasigan? kayo nang bahala sa anggulo dahil marami nang materyales sa blog..bukod pa sa mga personal ninyong konek na maaari ninyong maging sanggunian…tenks!!

  • kapirasongkritika  On April 19, 2011 at 7:01 pm

    Salamat sa komento. Ang mangyayari niyan, lahat na lang ng alaala ko sa kanya ay maiba-blog ko. Hehe.

    Pero subukan natin. Mas maganda siguro kung makadalaw ako sa kanya. Tiyak na maraming maisusulat mula doon.

    O kaya naman ay tungkol sa mga kanta niya. Hehe. Hindi ko masyadong naiintindihan ang mga tula sa pangkalahatan, pero ang mga kanta niya, may simplicity na ubra sa akin. Hehe.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: