Noynoy Halos Isang Taon Pagkatapos

Mula nang pumasok ang taon, sunud-sunod ang indikasyong tumitindi ang kahirapan ng mga mamamayang Pilipino. Nariyan ang balitang lumaganap ang kawalang-trabaho. Sumunod ang balitang dumami ang nakakaranas ng kagutuman at kahirapan. Sunud-sunod na nagtaasan ang presyo ng mga produktong petrolyo at batayang bilihin. Mas grabe ang pagtataasang ito kumpara sa taun-taong ritwal ng mga presyo sa simula ng taon. Kaya naman ang sahod ng mga manggagawa, nabawasan nang matindi ang tunay na halaga: P7.00 raw, ayon sa isang pag-aaral, sa maiksing panahon sa pwesto ni Noynoy Aquino. Nabawi ang P5.00 itinaas sa tunay na sahod sa ilalim ni Gloria Arroyo.

Hindi kataka-taka tuloy na bumagsak ang satisfaction rating ng mga mamamayan kay Pang. Aquino – nang walang katulad sa mga naunang pangulo. Sinisi ng gobyerno ang hindi agresibong pagpopropaganda ng mga “positibo” umanong nagagawa nito. Pero hindi kailangan ng propaganda kung nagpapatupad ito ng mga repormang maka-mamamayan; mararamdaman nila ito. Sinisi rin ng iba ang pagbili ni Noynoy ng sports car na Porsche. Pero higit pa sa pagiging maluho na ipinapakita ng pagbili ng gayong kotse, ang usapin ay ang konteksto nito – ang tumitinding kahirapan at kagutuman. Lumabas kasing hindi lang sa maluho si Noynoy, kundi manhid siya sa lagay ng bayan.

Tiyak na isang paliwanag sa pagtindi ng kahirapan sa bansa, at sa negatibong epekto nito sa popularidad ni Noynoy, ang nagpapatuloy na pang-ekonomiyang krisis sa daigdig. Sa US mismo, na sentro ng pandaigdigang sistemang kapitalista, walang kaparis ang napakataas na nakalistang tubo ng mga korporasyon. Pero walang kaparis din ang napakataas na kawalang-trabaho ng mga mamamayan. Sa mga pumutok na pag-aalsang masa sa mga bansa sa Middle East at North Africa, ang tampok na dahilan ay ang kawalang-trabaho, hindi lang ang pagsupil sa mga karapatang pantao: Ang hanay ng mga nagpoprotesta, binubuo sa kalakhan ng mga kabataang walang trabaho.

Pero ang internal pa ring sistema sa bansa, na hindi binago bagkus pinatatag ni Noynoy, ang mapagpasya sa epekto ng pandaigdigang krisis sa mga mamamayan. Sinasalanta tayo ng krisis sa daigdig dahil pangunahing naglilingkod at nakaasa ang ekonomiya ng bansa sa dikta ng mga dayuhang korporasyon, gobyerno at institusyong nagpapautang. Ang programa ng paglikha ng trabaho sa bansa, lubos na nakasandig sa mga dayuhan: sa dayuhang pamumuhunan at pag-aangkat ng ibang bansa ng mga migranteng Pinoy. Sa parehong kaso, kailangang magpakababa ng mga Pinoy para matanggap. Hindi na nga raw “job creation” ang tungkulin ng gobyerno ayon dito kundi “job facilitation” lang.

Sa ganitong kalagayan, hindi pa man umaarangkada ang protesta ng mga mamamayan sa mga panawagang “Sahod, itaas!” at “Presyo, ibaba!” naobliga na ang gobyernong Noynoy na kumilos sa mga isyung ito: nagbigay ng subsidyo sa langis at nagpahayag na pinag-aaralan ang dagdag-sahod at pagkaltas sa E-VAT. Pero malinaw na hindi ito gagawa ng malalaking hakbangin, tulad ng hinihiling ng mga mamamayan, para magbigay ng kahit kaunting ginhawa sa kahirapan. Gusto lang nitong buhusan ng malamig na tubig ang nag-aapoy na galit ng mga mamamayan, sagkaan ang paglaki ng mga protesta, at pigilan ang pagdausdos ng labis na pinapahalagahang “popularidad.”

Bukod sa pagpapakitang-tao para manlito ng mga mamamayan, may iba pang taktika ang gobyerno para subukang pahupain ang namumuong galit at nagbabantang protesta ng mga mamamayan. Dalawa ang kaugnay ng malaking protestang naganap noong Marso 31: ang maliitin ang mga protesta (“Transport strike fizzles,” sabi ng Philippine Daily Inquirer, opisyal na pahayagan ng Malakanyang) at bantaan at takutin ang mga nagpoprotesta (“Aquino warns Piston: No transport disruptions,” sabi ng isang balita). Ang isa pa ay patampukin ang pagsasampa ng mga kaso kina Ombudsman Merceditas Gutierrez at Kong. Mikey Arroyo – bagamat hindi pa kay Kong. Gloria Arroyo mismo.

Sa nakaraang buwan, nabalita rin ang mga personal at pantrabahong kagawian ni Noynoy – na lalong nagpapatampok sa kabulukan ng kanyang gobyerno, tipong Erap Estrada. Mahilig sa mga bisyo ng mayayamang binata: computer games, baril, mamahaling kotse. Kumakagat tuloy ang tsismis na mahilig din siyang mambabae. Madikit sa kanyang mga kaklase at barkada. Hapon nang magsimula ng trabaho – patunay ng todong pagsandig sa mga tagapayo at opisyal. Ang nabubuong imahe ay tulad ng kay George W. Bush: walang kakayahan sa pamumuno at imaheng “maganda” lamang para sa paghahari’t pananalasa ng iilan sa lipunan at ng dayuhang amo nila.

Mas malamang, dadausdos pa ang satisfaction rating ni Noynoy, at nang mabilis. Hinihingi ng kasalukuyang krisis na gumawa siya ng mga mapagpasya at kagyat na hakbangin para sa mga mamamayan. Pero lumalabas sa rekord niya mula nang mahalal, at bago nito, na hindi niya kayang gawin iyan. Ang ipinapakita lang niya nitong huli ay ang kakayahang maging tagapagsalita ng mga naghaharing uri sa pagkontra sa mga repormang hinihingi ng mga mamamayan. Tiyak na magagalit ang mahihirap, na hindi naman bumilib nang todo sa kanya. Tiyak ding magagalit ang marami sa panggitnang uri, na makakaramdam na parang pinagtaksilan sila ng taong pinagkatiwalaan nila.

16 Abril 2011

Galing ang mga larawan dito.

Dagdag na masamang balita para kay Noynoy tungkol sa pagbagsak ng optimismo ng mga Pinoy. Sinubaybayan ni Carlos Maningat ang isyu ng dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa pribadong sektor. Napakagandang paliwanag sa kasaysayan ng Mayo Uno, panayam kay Mandy Felicia. Salamat kay Soleil sa pag-link!

Libya pa rin: Halatang masama ang loob ni Alain Badiou sa kapwa-pilosopong si Jean-Luc Nancy sa pagsang-ayon ng huli sa gerang agresyon sa Libya. Magandang punto ni Jody McIntyre: ang mga rebolusyunaryo, hindi inaarmasan ng Kanluran. Nakakatawa ang liham na ito ni Lourd de Veyra galing Libya kunwari, “funky na funky.”

Ayon kay Kojin Karatani, hinudyatan ng huling disaster sa Japan ang tuluyang pagguho ng mga pangarap para maging pinakamakapangyarihan sa daigdig.

Nakakagulat pero nakakatuwa rin na may ganito palang – dagli? tula? – si Benilda S. SantosBlast from the past at aliw basahin: Ang pagkikita ni Rick (Astley) at Roderick (Paulate, syempre). Napakaganda ng isa, dalawang serye ng larawan ni Prab Reyes sa Puerto Princesa.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • ma. lorraine b. rigade  On April 21, 2011 at 1:02 am

    sa dami ng madidismaya kay nonoy, ganoon din dapat karami ang aanihing suporta ng kilusang mapagpalaya!

  • kapirasongkritika  On April 23, 2011 at 5:39 am

    Korek! Hehe. Salamat ulit sa pagbisita at pagkomento!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: