Sa interbyu niya sa Buhay Manggagawa tungkol sa kasaysayan ng Araw ng Paggawa, sinabi ni Mandy Felicia, training director ng Ibon Foundation, na pulitikal ang pagdiriwang ng naturang okasyon sa mismong petsang Mayo Uno.

Aniya, ang US, nagdiriwang ng Araw ng Paggawa tuwing Setyembre; mulat na iniwasan ng gobyerno nito ang pagdiriwang sa Mayo Uno. Noong naghari sa mga bansang Germany, Italya at Espanya ang mga pasista, ipinagbawal ang pagdiriwang ng Araw ng Paggawa sa nasabing petsa. Sa Pilipinas mismo, maraming taon munang ipinagdiwang ng mga manggagawa ang okasyon sa Mayo Uno – syempre pa, sa pamamagitan ng mga martsa’t demonstrasyon – bago ito kinilala ng gobyerno.

Militante at radikal kasi ang pangyayaring ginugunita sa Mayo Uno, na siyang naging batayan ng pagkilala rito ng mga manggagawa at mamamayan ng daigdig bilang Araw ng Paggawa. Mga partido ng mga manggagawa at partidong sosyalista rin ang nanguna sa pagtulak na Mayo Uno ang ituring na Araw ng Paggawa.

Ginugunita sa Mayo Uno ang pag-aaklas ng mga manggagawa sa US noong 1886, 125 taon na ngayon, para sa panawagang otso-oras na paggawa. Namamayani noon ang hanggang 14 na oras na pagpapatrabaho at literal na pinapatay ang mga manggagawa ng pagtatrabaho. Makikita rito, samakatwid, ang grabeng pagsasamantala ng uring kapitalista sa mga manggagawa – na napaatras lang, kahit bahagya, ng paglaban ng mga manggagawa. At dahil dinahas ang mga manggagawa ng pulisya ng Estado, ipinapakita ng pangyayari ang sabwatan ng mga kapitalista at Estado.

Mahalaga ang Mayo Uno ngayong taon. Magaganap ito sa gitna ng matinding pang-ekonomiyang krisis sa mundo. Taliwas sa mga pahayag ng mga tagapagtanggol ng pandaigdigang sistemang kapitalista, hindi natapos agad ang krisis pagkaputok noong Setyembre 2008; nagpapatuloy ito at nagbabanta pang sumahol.

Mahalaga rin ito dahil simula nang pumutok ang krisis, bumuhos simula noong 2010 ang iba’t ibang klase ng protesta ng mga manggagawa at mamamayan ng daigdig laban sa pagpapahirap at pambubusabos na pinaigting ng krisis. Mula sa US, na sentro ng pandaigdigang sistemang kapitalista, hanggang sa pinakamayayaman at pinakamahihirap na bansa sa Europa, at hanggang sa rehiyong Middle East at North Africa na ilang dekadang sinupil ng mga diktadurang tuta ng imperyalismong US – pumutok ang iba’t ibang klase ng militanteng pagkilos at protesta.

Sa ganito mailulugar ang anunsyo ni Pope Benedict XVI na ilulunsad ang beatipikasyon (beatification) ng pinalitan niyang si Pope John Paul II sa papalapit na Mayo Uno. Isang hakbang ang beatipikasyon bago maituring na santo ang isang tao, kaya tiyak na magiging pandaigdigang pagdiriwang ito, lalo na’t sinasabing popular si Pope John Paul II sa mga Katoliko sa iba’t ibang panig ng mundo.

Mas malamang sa hindi, itinakda ang naturang petsa para tapatan, kung hindi man sapawan, ang pagdiriwang ng Araw ng Paggawa ngayong taon at posibleng sa mga susunod pa. Pinapatampok ng naturang okasyon ng Simbahang Katoliko sa Mayo Uno ang pulitikang kontra-maralita, kontra-Kaliwa, maka-imperyalista at maka-reaksyunaryo hindi lang ng dominanteng hanay at saray sa Simbahang Katoliko, kundi partikular ng mga Papa na sina John Paul II at Benedict XVI.

Ayon sa isang paglalantad, mahalaga sa pagiging John Paul II at unang Papa na hindi Italyano ni Karol Wojtyla ang pagmumula niya sa Poland – “malamang na pinaka-reaksyunaryong bantayan ng Simbahang Katoliko, puno ng sentimental na pagsamba kay Maria, makabayang simbuyo at malupit na kontra-Komunismo.” Kalaban niya sa Poland ang gobyerno ng mga taksil sa sosyalismo na itinuring niyang sosyalista. Kaya noong maging Papa, malinaw siyang kumampi sa mga maka-Kanang personalidad at lider at sinupil ang mga liberal at maka-Kaliwa sa Simbahan.

Ayon naman sa isa pang paglalantad, inalagaan siya para maging Papa ng ultra-reaksyunaryong sektang Opus Dei – na itinatag ni Josemaria Escriva, tagapayo ng pasistang si Hen. Francisco Franco ng Espanya. Noong maging Papa siya, hayag siyang nanawagan ng kalayaan para sa Cuba sa ilalim ng sosyalistang si Fidel Castro pero hindi para sa Chile sa ilalim ng diktador na si Augusto Pinochet. Bagamat nagtalumpati siya tungkol sa mahihirap, hindi niya tinumbok ang ugat ng kahirapan. Mas mga isyu ng mga konserbatibo ang laging dala-dala niya, hindi ng mga maralita.

Katuwang ni John Paul II si Joseph Ratzinger – na magiging Benedict XVI – sa mga hakbanging ito, bilang tagapagtaguyod at tagapaglinaw ng doktrina ng Simbahang Katoliko noong Papa pa ang una. Ayon sa mga ulat, naging miyembro siya ng Hitler Youth noong kabataan niya sa Germany at pumirma siya sa dokumentong nagsasabing sa Simbahang Katoliko lang may “kaligtasang pang-habambuhay.”

Ayon naman sa isa pang paglalantad, si Ratzinger ang nangasiwa noon sa pagharap sa mga kasong kasiraan ngayon ng Simbahang Katoliko – ang sekswal na pag-abuso sa mga bata. Sa panahong ito, “sampu-sampung libong bata ang inaswang, pininsala at binulabog ng mga paring Katoliko habang ang atensyon [ni Ratzinger] ay nakatutok sa mga ‛demonyong’ homosekswal, makasalanang diborsyado, lumihis na liberation theologians, nagpaplano ng pamilya at nagsusuot ng kondom.”

Sa harap ng ganitong mabibigat na tuligsa, napaka-kwestyonable ng editoryal nitong huli ng Philippine Daily Inquirer na may titulong “Agony and ecstasy,” na todong pumupuri kina John Paul II at lalo na kay Benedict XVI. Akala mo’y sina Pong Pagong at Kiko Matsing lang ang pinaparangalan – mahal ng lahat, walang bahid ng kahit anong kritisismo. Halata ang tinig ng mga sosyal-demokratiko, na naging makapangyarihan muli sa ilalim ng rehimen ni Noynoy Aquino.

Todo-papuri ito sa tindig ng dalawa: “Kung matagumpay na pinamunuan ni John Paul ang kampanya ng Simbahan laban sa komunismo at sa hindi maka-Diyos na mga aspekto ng modernismo, tila ang pokus ni Benedict ay ang konsolidasyon ng mga pwersa ng Simbahan laban sa pagiging sarado ng mga liberal (liberal intolerance) at ng popular niyang binansagang ‛diktadura ng relatibismo’.” Pinapalaganap ng editoryal ang pagtatanggol sa dalawa kontra sa mga nabanggit na kritisismo. Pinagtatakpan nito ang maruming rekord ng dalawa para maiwan lang ang kaaya-aya.

Buung-buo ring pinuri ng editoryal ang “kritika [ni Benedict XVI] sa Islam, karahasan at pagiging sarado” – mga salitang walang ingat na pinagtabi-tabi. Lumalabas tuloy na buong pag-endorso ito sa mga pahayag ni Benedict XVI na, ayon sa isang pagsusuri, ay nagsasabing “ang Kristiyanismong Katoliko ay tradisyunal na makatwiran, pilosopikal at mapagmahal sa kapayapaan, habang ang Islam ay naging irasyunal, makaisang-panig sa pananampalataya nang hiwalay sa katwiran, at marahas.” Sa ganitong paglalarawan, ang nagpapakilalang bukas ang isip ay lumalabas ding sarado.

Sa huli, ang mga manggagawa at mamamayan ng daigdig ang magpapasya sa magiging lugar ng relihiyosong pananampalataya sa pagsagupa nila sa matinding pang-ekonomiyang krisis at sa kahirapan at pambubusabos na kaakibat nito. Tiyak na marami ang yayakap nang mahigpit sa dominanteng pagdidireksyon nito. Pero tiyak na mas marami ang huhubog sa sarili ng alternatibong relihiyosong pananampalataya na tutugon sa mga pangangailangan at pakikibaka nila.

Hindi rin mapipigilang marami ang madidis-ilusyon sa reaksyunaryong katangian ng mga organisadong relihiyon, makakakuha ng alternatibong kalinawan, at magpapasyang huwag na lang maniwala.

22 Abril 2011

Galing ang mga poster na likha ni John Heartfield dito.

Tama si Katrina Stuart-Santiago: maraming usaping binubuksan ang pag-amin ng manunulat na si Krip Yuson ng plagiarism. May magandang pagmumuni si Mong Palatino tungkol sa Imperyo at BPO. May mga interesanteng entri si Prop. Myfel Paluga: tungkol sa kantang “Tano” at kay Zizek tungkol kay Pablo Neruda.