Sure sa SONA

Hindi mahirap hulaan ang mga magiging laman o sangkap ng darating na State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Noynoy Aquino sa Hulyo 25.

Una, sa una niyang SONA, ipinakita ni Noynoy na wala siyang pagkakaiba kay Gloria Macapagal-Arroyo: gagamitin ang SONA para sagad na paglingkurin ito sa interes ng rehimen at ng mga amo nitong malalaking kapitalista at haciendero.

Ikalawa, palibhasa’y may inaalagaan at pinapalaganap siyang ilusyon tungkol sa rehimen niya, walang humpay na nagtalumpati nitong nakaraan si Noynoy – at sa pag-uulit-ulit ay ipinakita na kung anu-ano ang bubuo sa SONA niya.

Anu-ano ang mga ito?

(1) Pagbunton ng sisi sa rehimen ni Gloria para sa lahat ng problema ng bansa. Para maging patok sa balita, tiyak na lalagyan ang talumpati ng panibagong pagbuking sa kung anomalyang natuklasan – na naman – na gawa ni Gloria. Eksaherado: “Alam po ninyo, natuklasan natin na ang pinalitan nating pangulo ay may kinalaman din sa pagpaslang sa aking ama at pagkakaroon ng sakit ng aking ina.” Mga ganyang pasabog.

(2) Pagyayabang hinggil sa “mga nagawa.” Pinakamayor dito, tiyak, ang pagkakamit ng gobyerno ng tiwala ng mga mamumuhunan. Pabobonggahin ito sa pagsasabing ito ang magbibigay ng trabaho, at disenteng trabaho pa nga, sa mga mamamayan. Pero hindi masyadong magtatagal dito, dahil mahirap itagong nakasalalay ang ganitong tiwala sa pagbarat sa sahod, pagpapalaganap ng kontraktwalisasyon at pagsupil sa mga karapatan.

(3) Pagyayabang hinggil sa paglaban sa korupsyon. Dito uugatin ang pagbabalik umano ng tiwala ng mga mamumuhunan. Ito ang papatampukin, para hindi mahalatang walang nagawa para sa mahihirap. Papaasahin ang mga mamamayan na mapapanagot na, sa wakas, si Gloria. Mahilig ang mga tagasulat ng talumpati ni Noynoy sa isinalin na idyomatikong ekspresyong Ingles: “Nasa hangin na ang katarungan,” sasabihin niya.

(4) Pagbibigay ng mga maka-maralitang pangako kasabay ng pagtutulak ng mga kontra-maralitang patakaran. “Gusto natin ng pagkain sa bawat mesa, tahanan para sa lahat ng pamilya. Makakamit natin iyan kung may disenteng trabaho ang lahat. At mangyayari iyan kung dadagsa ang mga mamumuhunan. Kaya kailangan po nating palayasin ang mga iskwater at baratin ang sahod. Para rin po sa kapakanan natin ang lahat ng ito.”

(5) Pagsagot sa mga kritiko. Mas paawa-effect ang gagawin, kaysa todo-banat. May malasakit siya sa mahihirap. “Naiiyak nga po ako kapag may nagtitinda ng sampaguita na kumakatok sa bintana ng Porsche ko.” Masipag siya sa trabaho. “Pasalamat nga po kayo at tumakbo pa ako. Kung hindi lang po naging ambisyoso ang mga kaibigan ko noong namatay ang nanay ko, siguro, puro larong kompyuter ang inaatupag ko ngayon.”

(6) Pagtuligsa sa mga kritiko. Palalabasin silang sagabal sa pag-unlad. “Hindi po tayo makakausad sa tuwid na daan hangga’t hindi natin sinasagasaan itong mga nagpoprotesta sa ating harapan.” Palalabasin silang alipores ni Gloria. “Iyun pong mga pinagpapatay ng pinalitan natin at ang pinalitan natin, nagsasanib na para idiskaril ang pagtahak natin sa daang matuwid.” Kahit pa hindi naman niya mapanagot si Gloria.

(7) Pagpapalaganap ng retorika ng optimismo. Isang aral sa mga SONA ni Gloria: Mas madaling mangako kaysa mag-ulat ng magandang nagawa. Kaya tiyak, uulan ng retorika ng optimismo sa SONA ni Noynoy. Para na namang tumira ng kung anong droga ang mga nagsulat nito. “Marami na po tayong nagawa. Pero nagsisimula pa lang po tayo. Marami pa ang darating. Lumalapit na po tayo sa katuparan ng ating mga pangarap.”

(8) Pagtahimik sa mga kontrobersyal na isyu. Mas malamang, hindi babanggitin ni Noynoy ang Hacienda Luisita at tunay na reporma sa lupa. Ano nga naman ang masasabi niya? “Pinangakuan ko na nga kayo na ipapamahagi ko ang kalupaan ng Luisita pagdating ng 2014. Ang gusto pa ninyo, tuparin ko ang pangako ko? Ano kayo sinuswerte?” Hindi rin kasi uubrang maghugas-kamay pa siya sa atas ng Korte Suprema.

Sa sobrang sipsip ng mga kongresista’t senador, tiyak na papalakpakan nila kahit gasgas na ang sasabihin ni Noynoy. Tuwang-tuwa naman ang mga nagsulat ng SONA. Ang pangarap ko lang, sana lang, kapag may sinabi si Noynoy na katulad ng mga nabanggit, imbes na magpalakpakan ang mga kongresista at senador, unti-unti, hanay-hanay silang biglang tamaan ng diarrhea. Hanggang magkagulo ang buong Batasang Pambansa.

Sisikat at lulubog ang araw, at parang batas ng kalikasan ang iba pang aspekto ng taunang balita at reaksyon sa SONA. Tiyak, may seksyon ng balita sa gabi tungkol sa fashion statement na gagawin ng mga kongresista at senador. Tiyak, magkukumahog ang mga komentaristang maka-Noynoy sa pagpuri sa talumpati: “Marami pa ang pwedeng paunlarin pero mas okey na ito kaysa sa mga narinig natin kay Gloria.”

Wala nang bagong mapapakinggan sa SONA. Pero marami tayong dapat iprotesta.

18 Hulyo 2011

Galing ang mga larawan dito.

Simpleng-simple ang pagkakasulat ng pagtatasa ni Vencer Crisostomo sa rehimeng Aquino. Maganda ang ulat ni Carol P. Araullo hinggil sa kakatapos na asembliya ng International League of Peoples’ Struggle.

Bidyo ng panayam sa paboritong manunulat na si Eduardo Galeano. Nakakalungkot ang sagot niya sa tanong na “Saan patungo ang lahat ng protestang ito?” Mas manunulat nga siya, hindi rebolusyunaryo. Pesimista rin si Slavoj Zizek sa panayam na ito pagdating sa radikal na pagbabago ng lipunan – at hindi rin totoong galit sa kanya ang maraming maka-Kaliwang intelektwal.

Alamin ang kahulugan ng praseng “vocal affectations” at mamatay sa kakatawa dito.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • Luz Leanie Maulion Reyes  On July 24, 2011 at 2:26 pm

    pls.read, s pananaw ng mkkrmi…

  • eterna  On July 25, 2011 at 5:17 am

    Can’t blame some if they feel disappointed with PNoy’s performance. They’re just so much to be done, so much expectation. But, governance doesn’t mean one has to address all concerns/expectations all at the same time. Let’s leave it to the President to prioritize, which may not be to our liking. Let’s settle with the thought that it’s work in progress…

  • kapirasongkritika  On July 26, 2011 at 11:33 am

    @ Luz Leanie Maulion Reyes: Hindi ko po maintindihan ang komento ninyo.

    @ eterna: Iyun nga ang problema eh. Hindi maganda ang pag-prioritize niya. Parang puro pabor sa mayayaman at makapangyarihan sa lipunan. Hindi katiwa-tiwalang ipaubaya sa kanya.

  • Miss Philippines  On July 28, 2011 at 12:30 am

    Hello Eterna! You might accuse me of determinism but I think the only way for us to understand the critique of the of the masses regarding this regime is to look at their positions and ideas as products of the development of history. Along with other leftists, specifically those who are aligned with the national democratic movement, they hold on a particular analysis of our Philippine society. What I am saying here is that the responses of the people are not simply coming from sheer pragmatism or inability to appreciate government, leaders and other politicians. Rather, the movement of the people, in the process of an armed intervention such as the revolution waged by the new people’s army, or simply the civil society groups, mass organizations and forms of alterities are the commingling of various ideas that are influenced by social theories and their individual experiences of oppression. They do not believe that this situation will lead to progress because it is clear for them that this is another farcical event of our tragic past. We are catapulted in a system which has been clear, way before we were born, that this system is ineluctably devouring its own self, wallowing to the same problems that lead the people to do nothing but revolt against it. When people start asking to bring down the regime of Pnoy, you should not be surprised and do not take it as a personal anger against him; it is demand of the people to destroy the very system that allows the presence of such grim reality.

    By the way, Teo Marasigan celebrated his birthday two days ago! It is time for us to greet him happy birthday! Ano nga ba email mo ulit at papadalhan kita ng mga pdf file ni manang teresa ebert! ang sama lang niya! nakakatakot. Miss ko na ang blog mo.

  • kapirasongkritika  On July 29, 2011 at 3:42 pm

    Miss Philippines: Welcome back! Welcome sa iyong muling pagba-blog dito! Hehe. Sistema, sistema ang problema! Na si Noynoy lang ang itsura! Hehe.

    Talaga namang ilaglag ako dito, ano? Hehe. Salamat! Maganda iyang plano mong iregalo. Pahingi! teosmarasigan@gmail.com. Maraming maraming salamat!

  • EmPnuñez  On August 1, 2011 at 3:05 am

    Pwede ko bang I-like ang komento ni miss Philippines? hehe
    Tingin ko naman may karapatan ang mga tao na mag demand kay Pnoy… lalo kung hindi naman niya tlga naiibibigay ang tunay na pangangailangan ng mamamayan.🙂

  • kapirasongkritika  On August 2, 2011 at 8:33 am

    Ayan, ni-like mo na. Hehe. Manwalan ang pag-like! Iyung mga tigas-ulong maka-Noynoy lang ang magsasabing walang karapatan ang iba na mag-demand, di ba?

    Salamat sa pagbati sa email!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: