Mi Deo Cruz

Kung anumang dahila’y
hindi mahalaga,
basta’t sinasamba kita.
– Rey Valera

Marami, ang totoo’y napakarami, nang naisulat tungkol sa kontrobersyal at ipinasarang eksibit na “Kulô” sa Cultural Center of the Philippines, partikular sa likhang-sining na “Poleteismo” ng alagad ng sining na si Mideo Cruz. May ilan lang akong gustong idagdag o patampukin, batay sa mga nakita kong larawan/bidyo ng likhang-sining sa Internet.

Sabi sa Bibliya, sa isa pinaka-hindi mapagpatawad na pahayag ng Diyos Ama: “Huwag kang gagawa ng imahen ng anumang nilalang na nasa langit, nasa lupa, o nasa tubig upang sambahin. Huwag mo silang yuyukuran ni sasambahin sapagkat akong si Yahweh na iyong Diyos ay mapanibughuing Diyos. Ang kasalanan ng mga magulang ay sinisingil ko sa kanilang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi.”

Eksperto at iskolar daw sa Bibliya ang Papa ngayon, si Joseph Ratzinger o Benedict XVI. Pero paano kaya niya ipinapaliwanag ang praktika ng buong simbahang pinamumunuan niya ng paglikha ng mga imahen ni Hesukristo at iba pang tauhan sa Bibliya, ng pagluhod at pagdarasal at minsa’y pag-aalay ng kung-anu-ano sa mga imaheng ito?

Isa ito sa maraming kakatwa sa kontrobersya hinggil sa likhang-sining ni Mideo Cruz. Sa pagturing nilang banal sa mismong imahen ni Hesukristo, at ng iba pang taong banal, isinisigaw ng mga tagapagtanggol ng Simbahang Katoliko: “Ang Diyos ko ay ang Krus!” Ang imahen, hindi ang mismong Diyos. Pwede kaya itong isalin ng “Mi Deo Cruz”?

Pero paano nga ba babasahin ang likhang-sining ni Cruz? Kahit ayaw ng mga artistang ipinapaliwanag ang likhang-sining nila, naobliga na si Cruz, bunsod ng pumutok na kontrobersya. Pero “Patay na ang Awtor!” masayang deklarasyon ng pilosopong Pranses na si Roland Barthes, sa mga dahilang malapit na kaugnay ng paghina ng hawak ng relihiyon sa mga tao. Kakatwang magagamit si Barthes ngayon, sa isang banda, ng Simbahang Katoliko.

Pero kahit walang iisang wastong pakahulugan sa isang likhang-sining, hindi rin naman pwede ang kung anu-ano na lang na pagbasa. Kailangan pa rin ang batayan sa mismong likhang-sining. Minsang nasabi ni Fredric Jameson, teoristang pangkultura, na mas gusto na niya ang “malakas na maling pagbasa (strong misreadings)” sa mga likhang-sining kaysa sa mga mahina at mabuway. Kung kaya mong palabasing tungkol ang pelikulang Moulin Rouge sa pagkamatay umano ng sosyalismo, gawin mo, basta’t kaya mong patunayan. Pero kung sabit, huwag na lang.

Sa kaso ng likhang-sining ni Cruz, nahahangganan ang pagbibigay-pakahulugan dito ng kabuuan nito at lalo na ng titulo nito. Dahil naglipana ang mga larawan ni Hesukristo at ang titulo ay “Poleteismo,” lumilitaw na ang pinoproblema ng likhang-sining ay ang katayuan ng pananampalataya ng mga tao sa Kanya. Ipinapakita ng tambalan ng mga larawan ni Hesukristo at ng iba pang “idolo” ang pagpapantay ng dalawang panig bilang parehong Diyos. Inilalarawan nito ang “politeismo” kung saan isang elemento lamang ang Diyos ng relihiyong monoteistiko.

May elemento ng uri sa likhang-sining ni Cruz. Una, siya na mismo ang nagsabi, nadulas siguro: “Hindi mo ba nakikita ang katulad na mga imahen sa mga pader ng mga bahay sa mga komunidad ng maralitang lungsod?” At ang mga tampok na imahen, bukod kay Hesukristo, ay ng mga taong ipinagpapalagay na idolo ng masa: Manny Pacquiao, Fernando Poe, Jr., Imelda Marcos at iba pa. Wala naman masyadong idolo ng mga nasa panggitna o nakatataas na uri.

Ikalawa, ang pinaglunsaran ng likhang-sining ay mga lunan ng panggitna at nakatataas na uri: CCP Main Gallery nitong huli, Loyola School of Theology sa Ateneo de Manila University, at Vargas Museum sa University of the Philippines. Hindi lang ako sigurado sa katangian ng Kulay Diwa sa Parañaque City.

Sa mga espasyong ito, maaaring nililikha o ginagatungan ng likhang-sining ni Cruz ang pagkabagabag sa pananampalataya at pagiging relihiyoso ng masa ng panggitna at nakatataas na mga uri. O maging ng mga taong-simbahan. Mababanaag ang ganitong pagkabagabag sa pahayag minsan, halimbawa, ni Cardinal Gaudencio Rosales kaugnay ng debosyon sa Itim na Nazareno: “Ang ilan sa nakita natin ngayong araw ay kalabisan ng pagpapakita ng pananampalataya. Maraming karumihan, panira sa pagkapuro (impurities) na kailangang linisin,” aniya.

Mula sa relihiyosong pagbasa, may batayang sabihing tuligsa ang likhang-sining sa tipo ng pananampalataya at pagiging relihiyoso kung saan nagbabangga ang sinasabi sa ginagawa. Politeismo vs. monoteismo, “aktwal na umiiral na Katolisismo” vs. “dapat na Katolisismo.” Sa pagpapahaging ng pagiging ipokrito ng mga nananampalataya, kahanay ng likhang-sining ng kantang “Banal na Aso, Santong Kabayo” ng bandang Yano na naging kontrobersyal din noon.

Ang tunay na eskandalo ng “Poleteismo,” kung tutuusin, ay may-batayang basahing maka-relihiyon: Bakit maraming sinasamba at sinasampalatayaan ang masa labas kay Hesukristo? Pero naging mas malaki ang eskandalong dulot ng pag-akusa ritong kontra-relihiyon. At naroon ang pinakamalaking eskandalo: na ang likhang sining na may posibleng maka-relihiyong komentaryo ay tinuligsa ng mga relihiyoso na kontra-relihiyon. Sarado ang paningin, makitid ang isip.

Sa kabilang banda, pwede rin itong ituring na pagsisiwalat sa pananampalataya at pagiging relihiyoso ng masa sa katulad, halimbawa, ng librong Pasyon and Revolution ni Reynaldo Ileto. Mababanaag ang kaibahan sa mga inimbestigahan ni Ileto at ni Cruz: kung nakabatay ang nauna sa kakaiba o pariwarang pakahulugan sa Bibliya, nakabatay ang kalakhan ng ikalawa sa kulturang popular at pulitika na parehong pinalaganap at pinag-ambagan ng modernong masmidya. Interesante ang pagsiyasat sa ugnayan ng dalawa na nasa magkaibang yugto ng kasaysayan.

Anu’t anuman, bilang depiksyon ng pananampalataya at pagiging relihoyoso ng masa, hindi masasabing kontra-relihiyon ang likhang-sining ni Cruz. Hindi ang likhang-sining ang kontra-relihiyon, kundi ang inilalarawang reyalidad. “Huwag barilin ang mensahero,” ang kagyat na sumasagi sa isip.

Sa ganitong konteksto dapat basahin ang pinaka-kontrobersyal na imahen sa likhang-sining ni Cruz: ang larawan ni Hesukristo na may ashtray na ari ng lalake – huwag na tayong mahiya, sabihin nating titi – na nagsisilbing ilong, nakatapal sa mukha.

Si Cruz mismo ay nahulog sa bitag ng kalaban, ng mga tumutuligsa, at binigyang-pakahulugan ang imahen nang hiwalay sa konteksto nito: “Simboliko ito ng patriyarkiya, simbolo ng kapangyarihan,” aniya. Pero malaya na sa kanya ang likhang-sining at bukas na ito sa pagbasa, sa pagbibigay-interpretasyon ng madla, nang kaiba sa kanya.

Sa konteksto ng inilalarawang politeismo, talaga namang nawawala sa dapat na pagpapahalaga maging ang sinasabing imahen ng Diyos. Hindi lang ito ipinapantay sa iba pang “idolo” kundi itinatabi sa mga bagay na pariwara o bangga sa sinasabing kabanalan nito. Ang ginawa lang ng alagad ng sining ay matalas na ilarawan ang ganito.

Pwede ba itong sabihing tuligsa kay Hesukristo mismo? Posible lang kung aalisin ang imahen sa napakalinaw na konteksto nito. Sa ganyang pagbasa, hindi na pag-unawa ang layunin, wala na sa larangan ng panunuri ng sining, kundi ng pulitikang napakakitid.

Ang problema ni Cruz, ang artista at hindi ang arsobispo, naghahanap ang Simbahang Katoliko ng pambangon ng dangal nitong dinungisan ng napakaraming eskandalo – tampok, para sa marami, ng pagkunsinti sa napakatagal at napakabulok na paghahari ni Gloria Macapagal-Arroyo.

Dahil dito, nahubog ng pulitika, sa napakasamang pakahulugan nito, ang pagbasa sa likhang-sining na “Poleteismo.” At ang pangunahing paraan ng pagbasa ay ang makitid na pagpokus sa isang bahagi ng nito: ang Hesukristong may titi bilang ilong. Kontra-sining, walang pang-unawa ang ganito.

Ang problema pa ni Cruz, nakipagsabwatan sa pagsensura ang rehimeng Aquino na gustong magpabango sa Simbahang Katoliko matapos kaladkarin sa lusak ang huli at dumihan ang puting-puting sutana nito gamit ang iba’t ibang eskandalo ng katiwalian. Oportunistang pamumulitika ang ganito.

13 Agosto 2011

Galing ang mga larawan sa Kamalayan Consciousness.

Maganda ang sagot ni Raul Pangalangan sa mga nagsasabing hindi dapat pondohan ng Estado ang eksibit na “Kulô.” Hindi na natuwa si Katrina Stuart-Santiago sa pagbabalita ni Pinky Webb hinggil sa naturang eksibit. Tinalakay naman ni Mong Palatino ang patakarang Saudization na nakakaapekto sa mga migrante sa Saudi Arabia.

Maligayang kaarawan, Comandante Fidel! Mga kasinungalingan hinggil sa paggamit ng US ng bombang nukleyar sa Hiroshima at Nagasaki sa dulo ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • radikalchick  On August 15, 2011 at 8:08 am

    ang tindi ng unang imaheng nakapaskil dito. shet.

    and an aside, though this might be the point, really.
    teo! punta ka sa book launch ni Angela ha? August 20, 5 to 8PM, sa Filipinas Heritage Library!🙂 ito ang website ng libro: http://www.revolutionaryroutesbook.com! ‘wag kang mawawala!

  • kapirasongkritika  On August 15, 2011 at 3:19 pm

    Salamat sa dalaw! Grabe, nakakaawa ang bata.

    My gahd. I am honored sa imbitasyon mo. What an opportunity na makilala si Tita Angela! Hehe. Email na lang kita kung makakarating ako. Medyo siksik ang schedule sa panahong iyan eh. Pero syet, ang sayang dumalo!

    I’m sure, mas maganda o kasing-ganda ito ng libro niya tungkol sa Edsa People Power Revolt!

  • gingmaganda  On August 17, 2011 at 3:43 am

    napapagod na ako sa usapang ito! hinahanay na ako ng mga kamag-anak at katrabaho ko kay mideo cruz. gusto kong i-educate ang mga tao kung paano magbasa ng teksto pero ang hirap din magpaliwanag sa mga taong ayaw maliwanagan. huhuhu

  • kapirasongkritika  On August 17, 2011 at 6:31 am

    Naku, Ging. Pinakamatalas ang nakita kong komento ni Prop. Mykel Andrada sa FB: Masyado talagang malakas ang dating ng porma ni Cruz. Mahirap talagang ipa-appreciate sa mga tao na hindi naman pambabastos ang naganap.

    Pero talagang pinapalakas din ng Simbahang Katoliko ang isyu, pagkakataon nilang i-agitate ang kanilang base mula sa sunud-sunod na kahihiyan. Kung sa karaniwang tao, hindi naman siguro karali-rali ang isyu.

    Komentaryo rin siguro ito sa disconnect sa ating pag-aaral ng sining at panitikan at ng persepsyon ng masa. Pero sinasabi ko ito nang hindi naman minamaliit ang huli. Dapat pa ngang kilalanin talaga ng mga alagad ng sining ang kanilang audience para maging epektibo at hindi pasabog lang.

    • gingmaganda  On November 27, 2011 at 10:53 am

      “Dapat pa ngang kilalanin talaga ng mga alagad ng sining ang kanilang audience para maging epektibo at hindi pasabog lang.”

      ganda ng insight mo dito teo. dati kasi, ang isip ko, gagawin mo lang ang gusto mong gawin na sining, ipaliwanag mo lang ng maayos pagkatapos para maging educational ka. pero may punto ka rin. oo nga naman.

      teo! maraming salamat sa larawan sa itaas (yng batang nakagapos). pinaprint ko ito at sinama namin ni kaloy sa kanyang proyekto sa social studies (american colonization) kabilang na ang ibang mga historical na larawan. masyado atang naging groovy ang scrapbook project, ayaw na isauli nung guro. para daw magamit pa ng mga susunod na batch, hehe.

      ayan ang legacy, o!🙂

  • kapirasongkritika  On November 27, 2011 at 1:04 pm

    Mas naga-apply iyan kapag progresibo ka, at gagawa ng pahayag tungkol sa lipunan. Sa kabilang banda, may personal talagang kakayahan ang mga artista na dapat nilang ilagay sa likhang-sining nila.

    Wow! Grabe ng kurot sa puso ng picture na iyan. Nakakatuwang nakatulong. Mas mahalaga, nakakatuwang may ibang makakakita! Sana ipakita ni Titser sa mga estudyante!

    • gingmaganda  On November 29, 2011 at 12:35 pm

      sana nga ishare niya sa mga bata at gawing jump-off point ng discussion. maganda pag-aralan ng mga bata ang kasaysayan kung inilalagay sa tamang perspektiba. problema sa mga nagtuturo ng social studies sa elementarya, puros factual lang ang atake sa lahat ng bagay. sayang. dati, may nasabihan nga akong guro ng anak ko kung paano dapat niya ituro yung sabjek niya. haha

  • kapirasongkritika  On November 30, 2011 at 1:15 pm

    Hehe. Balahura ka. Baka pahirapan ang bata kapag hindi maayos ang pagkakasabi. Hehe. Totoo, isa sa yumanig ng buhay ko ang pag-aaral ng kasaysayan noong kolehiyo. Ang dami palang pagtingin, isyu at paninindigan!

  • gingmaganda  On December 1, 2011 at 6:02 am

    napilitan ako gawin! she was looking at me with a blank look on her face na parang wala siyang clue sa ginagawa niya buong semestre. she was asking for it. haha

    next year, nilipat ko na ang anak ko ng school!

  • kapirasongkritika  On December 3, 2011 at 3:20 am

    Hehe. She was asking for it pala, pero bakit mo inilipat mo ang anak mo ng school? For other reasons, I suppose. Hehe.

  • gingmaganda  On December 4, 2011 at 5:25 am

    nilipat ko na kasi hindi maganda ang turo ng skwela at hindi masaya ang anak ko dun, di rin na-exercise yung potential niya bilang mag-aaral. laganap ang bullying (kopyahan at kotongan ng baon), hindi naman ina-address ng administration. ang llibrary, sarado parati, kasi sabi ng isang titser doon, may internet naman daw sa bahay. (inaway ko din yun at ginamitan ng academese, maski mukha na siyang lolo) pag field trip, nagyoyosi yung mga high school sa likod ng bus, at minsang umakyat ako sa floor nila, pinituhan pa ako ng tsiks pito. pag schooldays, may dalang motorsiklo ang mga bata para pumasok, pumapayag naman sila ipark sa loob ng school. yung english titser, hindi marunong umingles. may isang teacher na madalas magtantrum, binabato yung mga libro ng bata sa basurahan, yung isa namang bading, laging niyayakap yung anak ko, di na daw siya kumportable. kapag nagrereklamo ka, walang nangyayari. at private school ito ha. sa cainta. sa loob ng subdivision namin. nakaktensyon na isipin na may ganyan sa komunidad namin!

    … yan ang mga rason kung bakit nag-sos ako sa tatay niya para malipat ng school yung anak ko. kaya lang doble halos ang bayad. ang mahal magpaaral teo, sa totoo lang.

  • kapirasongkritika  On December 4, 2011 at 1:59 pm

    Ah. May dahilan ka naman pala! Haha! Oo, mahal na nga. Hehe.

    Grabe, may mga eskwelahang pambata talaga ngayon na sa aktwal ay tinawag lang na private pero baka mas masahol pa sa public schools.

    Sana nailipat mo sa mas magandang school.

  • gingmaganda  On December 8, 2011 at 2:38 am

    mas maganda na yung school niyan ngayon🙂 productive na ang anak ko at nakikita ko ang mga kaklase niya, maaayos na bata sila🙂 preysdalord!

  • kapirasongkritika  On December 14, 2011 at 12:23 am

    Hallelujah! Hehe. Swertehan din pala ang pagkakaroon ng mga kaklaseng “maaayos na bata.” Hehe.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: