Planking bilang Protesta

Hindi ko inakalang magiging ganito ka-sikat ang planking. Noong ipinapakilala pa lang ito ng mga kabataang aktibista sa bansa, ang inisip ko, uso lang ito na lilipas din. May reserbasyon pa nga ako dahil pasibo ang itsura, hindi palaban. Tapos mas madalas ay iilan lang ang gumagawa, hindi maramihan. Parang mas indibidwal na kalokohan kaysa sama-samang pagkilos o paglaban. Parang mas pakikiuso kaysa pakikibaka. Peace!

Utang ng planking ang kasikatan nito ngayon sa bansa hindi lang sa mga aktibistang gumawa nito. Kundi sa gobyernong Aquino, partikular kay Edwin Lacierda, tagapagsalita ng pangulo, na nangmaliit dito. Sa mga pulitikong moralista at mapanupil sa mga kabataan at estudyante, tulad ni Kong. Winnie Castelo ng Quezon City. At sa mga kontra-maralita at kontra-aktibistang taong-midya tulad ni Mike Enriquez.

Alam na natin ang istorya: sa protestang bayan at welgang pantransportasyon noong 19 Setyembre, nag-planking ang ilang kabataan sa España Avenue. Kahit pa maraming sentro ng protesta sa Kamaynilaan at buong bansa, minaliit ni Lacierda ang protesta sa España bilang “photo ops lang.” Pinapalabas niyang larawan ng kabuuan ang larawan ng bahagi lang ng kabuuan. Napakaraming “photo ops” lang pala ang araw na iyun.

Pero bago siya, habang nagaganap ang planking, nagwala sa programa niya sa radyo si Enriquez. Kahit pa tuwing red signal lang nag-planking ang mga aktibista, planking ang sinisi niya sa matinding trapik sa kalsada. Kahit pa ang dapat sisihin, sabi ni Terry Ridon, tagapangulo ng League of Filipino Students, ay ang pagsuspinde ng gobyerno sa color-coding scheme – dahil labis itong nangamba na magiging malakas ang protesta.

Nauso ang planking bilang laro o paligsahan ng mga kabataan sa mga bansang abanteng kapitalista. Naghahanap ng mga pinaka-orihinal o pinakakakaibang lugar at doon nagpapa-picture nang nakadapa at tuwid na tuwid. Kadalasan, mga lugar na walang katao-tao ang paligid. Pagkatapos, ilalagay ang larawan sa Facebook o social networking sites. Hinikayat ito ng mga bagong teknolohiya ng kamera at Internet.

Bilang praktika, mas nagpapatawa ito, hindi nagpoprotesta. Mas nang-iisa sa awtoridad, partikular marahil sa mga security guard, nang hindi nagiging banta rito, at hindi talaga direktang kumokontra lalo na sa gobyerno. Ang mga karaniwang lugar ng mga eksena ng dangal, paggalaw at pagmamadali, ginagawang larawan ng pagtigil at katatawanan. Kakaiba itong larawan ng mga tao sa mga social networking sites.

Lagi’t lagi, ang layunin ay makita. May ganyan din namang paligsahan sa Facebook at ibang social networking sites. Kumakain ng ganito, may suot ganyan, kumakain kung saan, nagbabakasyon doon. Ang lahat, nakadireksyon sa pagiging “glamoroso,” na tineorya ni John Berger sa Ways of Seeing [1972]: ang pagiging kainggit-inggit dahil may kung anong mayroon na wala ang iba. At dito, mahalaga ang makita, “being seen.”

Sa isang banda, nagpapatianod dito ang planking, pero lumilihis din. Bagamat gusto rin niyang makita, hindi tradisyunal na “glamoroso” ang dating ng taong naka-planking. Ginagawang tanawin, itinatanghal, ang katawang nakatigil at nakadapa – posisyong hindi “natural” sa lipunan na nagbibigay-halaga sa produktibong paggalaw, sa paggawa, o kung magbigay-halaga man sa hindi paggalaw ay para pa rin paglaon sa paggawa.

“Perwisyo” ang pinawalang pagtingin ng gobyernong Aquino, sa bibig ni Sek. Mar Roxas ng Department of Transportation and Communications, sa kilos-protesta sa araw na iyun. At maagang naghain si Enriquez ng “patunay,” kahit walang batayan. Batay sa paghahanda nito sa pulisya at militar, gusto ng gobyerno na supilin ang mga magpoprotesta at takutin ang publiko. At naghain si Enriquez ng madaling palusot.

Madali kasing naidikit ang planking sa pagpigil sa mga pumapasadang sasakyan kapag welgang pantransportasyon. Pero ang totoo, kapag pinipigilan ang mga pumapasada kapag welga, sa mga terminal iyan, hindi sa gitna ng kalsada. At kung pinipigilan man sa gitna ng kalsada ang mga sasakyang pampubliko, iyan ay para magpaliwanag sa mga tsuper at hikayatin silang huwag nang pumasada, hindi ang pisikal na pigilan sila.

Sabay-eksena si Castelo. Parang hindi pa nasiyahan sa batikos na inabot sa panukalang gawing apat na araw ng pagtatrabaho sa isang linggo, naghain siya ng panukalang batas na patawan ng regulasyon ang planking. Mas malamang, nabahala siya sa dating ng planking na palaban sa gobyerno pero uso sa kabataan, bagong porma ng pagkilos na pwedeng magdala ng mga lumang panawagan. At lalo lang niyang ginalit ang kabataan.

Kahapon, nagmartsa ang libu-libong estudyante at kabataan sa Mendiola para iprotesta ang pagkaltas ng gobyerno sa subsidyo sa mga kolehiyo at unibersidad na pampubliko. Nag-planking sila papunta at nag-planking sila pagdating sa Mendiola. Dahil ginagawa nila ang tinutuligsa at sinisiraan ng mga nasa awtoridad, militante ang dating nila. Dahil marami sila, hindi sila mukhang nagkakatuwaan lang, kundi lumalabag, lumalaban.

24 Setyembre 2011

Galing ang mga larawan dito.

May komprehensibong pagsusuri si Prop. Jose Maria Sison sa atakeng 9-11. Maiksi lang ang kay isa, dalawang kay Paul Krugman. Magandang pie chart tungkol sa mga namatay simula 9-11. Ang papel ng US sa Batas Militar ni Marcos, ayon kay Dr. Carol P. Araullo. Inookupa ng mga Amerikano ang Wall Street!

Pagbati sa mga bagong ka-kolumnista sa Pinoy Weekly:  Priscilla Pamintuan, Steven Abada, Ericson L. Acosta, Rogelio L. Ordonez, at Kilometer64!

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • ma. lorraine b. rigade  On September 25, 2011 at 4:16 pm

    pagbati sa mga kasamang sumuporta sa protesta. swak na swak ang mga naging aksyon natin: malakihan at mapanudyo.

    tungo sa mas mataas na antas ng pakikibaka!

  • kapirasongkritika  On September 26, 2011 at 1:53 am

    Pagbati rin! Ang agap mo magkomento. Hehe. Sa mas mataas! Sa hanay ng batayang masa!

  • gingmaganda  On October 9, 2011 at 3:16 pm

    “Lagi’t lagi, ang layunin ay makita. May ganyan din namang paligsahan sa Facebook at ibang social networking sites. Kumakain ng ganito, may suot ganyan, kumakain kung saan, nagbabakasyon doon. Ang lahat, nakadireksyon sa pagiging “glamoroso,” na tineorya ni John Berger sa Ways of Seeing [1972]: ang pagiging kainggit-inggit dahil may kung anong mayroon na wala ang iba. At dito, mahalaga ang makita, “being seen.””

    salamat dito. pinatay ko na ang facebook ko dahil hindi ko na masuportahan iyong konsepto na facebook na lang ang tanging nakakapagbigay ng kahulugan sa buhay ng mga tao. sabi ko nga sa kaibigan ko, parang may contest na lang lagi sa newsfeed ko nang pabonggahan. di ko na ma-take.

    sa planking: may mga ininterview na mga batang nagpaplank (plankers?) sa tv, halos masabi na niya sa national tv na kaya lang naman sila nagpaplank primarily e para magpapansin. natawa ako don.

    pagbati sa mga kilos-protesta gamit ang planking. at least nagkaron na ng saysay ang kalokohang ito. pero simula nung mga bagyo nakalimutan na ang planking. pansin ko lang wala atang nagsadyang magplanking sa baha. haha

  • kapirasongkritika  On October 10, 2011 at 2:19 am

    Hehe! Nalaman mo instinctively, sa karanasan, ang sinasabi ni Berger! Mas pagtangging maging audience at participant ang ginawa mo. Hehe. Pwede ka naman sanang nanatili, pero lalabas at lalabas ang pagiging basag-trip kung sakali. Hehe. Nakakasilip ako ng FB ng mga kaibigan, parang grabe talaga ang kumpetisyon lalo na sa edad na dapat nakatapos na, may trabaho at pamilya. Lahat upwardly mobile ang projection! Hehe.

    OA namang paliwanag iyun. Haha! Bulgar! Hehe. Mas lahat ng protesta, ginagamit — iyun ang paliwanag. Hala, planking sa baha. Ang alam ko lang, may mga pumayag mag-planking sa dagat! Hehe.

  • gingmaganda  On October 17, 2011 at 3:04 am

    tama ka, teo! grabe talaga ang kumpetisyon at ang flagrant ng display ng inaakalang pag-asenso sa buhay. wala ka namang makitaan ng depth ng pagkatao. in any case, nareduce na lang ang mga tao sa oversharing at pagpapasikat.

    sinubukan kong ipaliwanag sa mga tao ang mga dahilan kung bakit wala na akong facebook. nahihirapan ata silang iabsorb. isa lang ang nakaunawa. nakakalungkot ang humanity. jejeje

  • kapirasongkritika  On October 18, 2011 at 10:34 am

    Ako, ang paliwanag: “Kasi lahat ng tao, masaya sa FB. Ako kasi, hindi.” Tapos ang usapan. Hehe. Hindi ko gustong makipagkumpetisyon at ayaw ko ring maging audience ng mga nagpapasikat. Hehe. Bukod sa may iba pang dahilan. Iba-iba kasi ang sukatan ng kaligayahan ng tao. Ang mahirap sa FB, parang may shared assumptions kung ano ang dapat ikaligaya. Hehe.

  • gingmaganda  On October 20, 2011 at 1:26 am

    amen teo, amen! salamat sa insight – iba-iba nga ang sukatan ng kaligayahan ng tao.🙂

  • kapirasongkritika  On October 20, 2011 at 9:23 am

    Last na: May isang kaibigan ako na kapag may indikasyon na ang isang tao ay marangal at wala siyang Facebook, ang kongklusyon niya: Marangal talaga siyang tao. Hehe.

    Pero atin-atin lang ito. Hindi naman tayo galit sa Facebook in general. Baka tayo lang talaga ang may hindi kaya. Hehe.

  • gingmaganda  On October 21, 2011 at 3:11 am

    hehe, pero kapag ang lalake ay inaakalang babaero, at wala siyang facebook- babaero nga siya- iwas gulo, huli at buking kasi kapag wala! ayy busina naman. hehehehehe

  • kapirasongkritika  On October 21, 2011 at 4:56 am

    Hahaha! Ginintuang aral mula kay Gingmaganda! Hehe.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: