Nagbabayad sa Popularidad

Popular pa rin si Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III. Malamang na hindi sa antas na sinasabi ng mga sarbey, dahil nasa pamunuan ng dalawang nangungunang kumpanya ng sarbey sa bansa ang kadikit at kamag-anak niya. Pero tiyak na malayo sa inabot na suklam sa rehimen ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo. Syempre pa at syempre naman.

Walang duda, ang mismong gobyernong Aquino, naniniwalang popular ito. Makikita ito sa kung paano nito matikas na pinapasahol ang mga patakarang ipinatupad din ng kinamuhiang gobyernong Arroyo. Makikita ito sa kung paano nito hindi pinapansin – mas tama ang “dinededma” – at iniinsulto pa, ang mga protestang sumasalubong dito.

Nitong huli, ang malinaw na patunay ay ang pagharap ng pangulo sa kontrobersyang nagpapatampok kay Ronald Llamas, lider ng Akbayan at tagapayong pampulitika niya. Tigas-ulo at kapal-mukhang pinanatili ni Aquino si Llamas sa pwesto, sa kabila ng pagkakalantad ng maraming patunay sa kontrobersya na umabuso ito sa awtoridad.

Nakabatay ang popularidad ni Aquino sa galit ng mga mamamayan kay Arroyo – at sa paggamit dito ng gobyernong Aquino. Nasisilip ang kapalpakan ni Noynoy sa harap ng bagyo? Kasuhan ang pamilya Arroyo. Wala masyadong nagawa para iulat sa State of the Nation Address? Tugisin ang pamilya Arroyo. Kahit wala naman talagang nagawa rito.

Nakabatay rin ang popularidad ni Aquino sa kanyang retorikang kontra-korupsyon. Hindi pa dahil talagang malinis ang gobyerno niya, hindi pa dahil may naparusahan na itong malaking isda, kundi dahil wala pang mayor na eskandalo ng korupsyon ang nalalantad. Kahit wala pa itong nagagawang malaki laban sa sistemikong katiwalian.

Ang masaya sa popularidad ni Aquino, syempre pa, ay ang mga nakikinabang sa gobyerno niya. Ang mga dayuhang bangkong nagpapautang sa bansa na nagtutulak ng hindi-deklaradong pagtitipid ng gobyerno at paghuthot sa mga mamamayan. Ang malalaking kapitalista, na nagpapatindi ng pagsasamantala sa mga manggagawa.

Ang kartel sa langis, na ni hindi kailangang magsalita para ipagtanggol ang pagnanakaw nila. Ang mga dayuhang kumpanya ng pagmimina na todo-gahasa sa kalikasan at maralita. Ang mga panginoong maylupa, na nagpapatindi pa ng pagkamkam ng lupa. Ang mga lider ng mga grupong tulad ng Akbayan, na nagsisiyaman sa pamahalaan.

Sa madaling salita, may nagbabayad sa popularidad ng gobyernong Aquino, nang mahal at sa isang pakahulugan ay literal: ang mga mamamayan. Sa pagkamalay rito ng mga mamamayan, nang hakbang-hakbang pero papabilis, at sa batayan ng mga kongkretong isyung dumadami at sumisidhi, magbabayad din nang mahal ang gobyernong Aquino.

Popular pa rin si Aquino, pero bistado at kinasusuklaman na ng mga mamamayan ang sistemang pinaghaharian niya. May ilan ngang umasang siya ang magiging tagapagligtas ng nasabing sistema. Pero lagi’t laging binabasag ng reyalidad ang ilusyon. Tiyak, mas madali kaysa malaon, papawiin ng kabulukan ng sistema ang popularidad ng pangulo.

15 Oktubre 2011

Galing ang larawan ng likhang-sining ni Juan Muñoz dito.

Maiksing kwento-kwento tungkol sa epekto sa musikang Motown ng paglakas ng radikalismo sa US noong dekada ’60. Pagtingin ni Paul Krugman sa Occupy Wall Street, gayundin ang panukala niyang maging mga panawagan nito. Simpleng pagtalakay ni Richard D. Wolff sa kahirapan at kapitalismo.

Maalab na maalab ang entri ni Mong Palatino tungkol sa mga guro. Trivia, trivia: tungkol sa mga sikat na kanta ng bandang Hotdogs. May maganda’t maikling pagmumuni si Tanglad tungkol sa mga migranteng Pinoy at microcredit. Gusto ko ang Side B sa entring ito ni Katrina Stuart-Santiago.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • Lyds78  On October 19, 2011 at 7:12 am

    Maaaring popular nga si P-noy pero ito ay dahil pinipili niyang manahimik at maging dedma sa maiinit na isyu na hinaharap ng kanyang rehimen.

    Kung magiging mapanuri lang sana ang lahat makikita kung gaano ka”playing safe” ang rehimeng ito; afraid to “rock the boat” ika nga.

    Musta ka na, Teo and I’m back!

  • kapirasongkritika  On October 20, 2011 at 9:28 am

    Huy! Nabuhay ka! Kailan tayo magkikita? Hehe.

    Nagiging mapanuri naman siguro ang mga tao, pero baka mayroon talagang give him a chance mode. Pero unti-unti na ring napipingasan ang popularidad ng rehimen dahil sa kabulukan ng tindig nito sa mga isyu. Parang si Gloria naman talaga.

    Totoo rin iyung sabi mo sa isang komento: talagang maganda ang epekto ng Occupy Wall Street sa mga manggagawa at mamamayan sa abanteng kapitalistang bansa. Huwag kang mainip; magkakaroon din niyan dito. Pwedeng ibang porma nga lang. Hehe.

  • Pier  On October 25, 2011 at 6:12 am

    Nagiging mapanuri naman siguro ang mga tao, pero baka mayroon talagang give him a chance mode. Pero unti-unti na ring napipingasan ang popularidad ng rehimen dahil sa kabulukan ng tindig nito sa mga isyu. Parang si Gloria naman talaga.
    +1

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: