Krismas Wish ng Kapatid ni Kris

[N]ot even the dead will be safe from the enemy…
– Walter Benjamin

Nobyembre pa lang, may Christmas wish na si Pang. Noynoy Aquino: ang itigil ng mga tao ang inggit at ang kaliwa’t kanang pagpuna, at sa halip ay magtulungan at kalingain ang isa’t isa. Aniya, si Santa Claus ay “isang personipikasyon ng… pinakamahusay sa mga tao, ang ideya ng pagiging mapagbigay.” Ang kailangan daw ay “itransporma ang ating sarili sa kung paano makakatulong sa ating mga kapit-bahay… o kahit sino, kahit iyung hindi natin kilala.” Kailangan daw payabungin ang “ideya ng pagkalinga sa lahat.”

Fast-forward sa Disyembre: Nanalasa ang bagyong “Sendong.” Habang isinusulat ito’y mahigit 1,000 na ang kumpirmadong patay at tinatayang lalampas pa ito sa 3,000. Libu-libo ang malubhang nasaktan at buu-buong komunidad ang nawasak at inanod. Ang itinuturong sanhi ng mga eksperto: ang pagkawasak ng kalikasan sa lugar, dulot ng malawakang pagtotroso at pagmimina. Idagdag pa ang kawalan ng paghahanda sa mga disaster, ang hindi paglikas ng gobyerno sa mga tao, ang pagtanggal ng pondo para rito.

Naobligang magsalita si Pang. Aquino. Ano ang laman ng talumpati niya sa harap ng mga biktima? Ipinagyabang niya na dahil sa pagtutulungan ng lokal at pambansang pamahalaan, “bago pa man lumapag sa lupa ang unang patak ng ulan, nailatag na ang mga hakbang na kailangang gawin ng bawat ahensya.” Sinumbatan at kinonsensya niya ang mga biktima ng bagyo’t baha: “kung tatanggi kayong lumikas sa panahon ng sakuna, hindi lang po buhay ninyo ang nalalagay sa panganib, kundi pati na rin ang rescuer…”

Patanong niyang tinukoy ang mga kagyat na isyu sa naganap: Bakit may mga taong nakatira sa mga lugar “kung saan magiging mabilis ang ragasa ng tubig?” Bakit hinayaan ang pagputol ng “punong-kahoy” para raw “masaka ang lupa?” Bakit daw “may nagpipilit pa ring gumawa ng mali?” Sinabi niya ang gagawin ng gobyerno – ang pagpapahusay sa pagmonitor sa lakas ng tatamang bagyo sa bansa. Inisa-isa rin niya ang dumarating na tulong para sa mga nasalanta mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Sa bandang dulo, itinago niya sa magalang na “tayo” ang mga panawagan niya sa mga nasalanta. Pangangalaga sa kalikasan at pagkalinga sa mga nangangailangan. “Higit sa lahat, matutuhan sana nating talikuran ang mga gawaing nagdala sa atin sa kinalalagyan natin ngayon…. [K]ailangan nating matuto sa ating pagkukulang.” Tutulong daw ang pamahalaan – sa porma ng tulong sa pagtatayo ng bahay, “trabaho’t pagkakakitaan” – pero huwag na sanang bumalik ang mga nasalanta sa dating tirahan.

Sinisi ni Pang. Aquino ang lahat ng posibleng sisihin – ang mga maralitang nasalanta, ang lokal na pamahalaan, ang mga nagtotroso – maliban sa sariling gobyerno. Para siyang tatay na nagsasabi sa anak: “Sige, tutulungan kita, ha. Pero huwag ka nang uulit. Huli na ito.” Hindi niya sinisi ang matinding kakulangan ng trabaho at mababang kalidad ng trabaho. Hindi ang kawalan ng tulong ng gobyerno sa pabahay at paglikas. Hindi ang mga patakarang nagpapahintulot sa matinding pagtotroso at pagmimina.

Nakasunod ang talumpati ni Pang. Aquino sa neoliberal na pagtingin sa lugar at papel ng pamahalaan. Dito, ang papel lang ng gobyerno ay pagtiyak sa paglago ng tubo at kita ng mga dayuhan at lokal na kapitalista at iba pang naghaharing uri – sa ilusyong ito ang magpapaunlad sa lahat. Dito, hindi dapat tumulong ng gobyerno sa mga mamamayan – hindi sa pagbibigay ng disenteng empleyo at paninirahan at hindi sa pagsawata sa mga sumisira sa kalikasan. Ibig sabihin, kasalanan ng mga nasalanta kaya sila nagkaganyan.

Sa neoliberal na konsepto ng pamahalaan, hindi ito mekanismo ng mga mamamayan para tulungan ang isa’t isa. Mekanismo ito ng mga naghaharing uri para patuloy na paunlarin ang sarili – sa ilusyong pinapaunlad na rin ang lahat. Nangangaral si Pang. Aquino ng pagtutulungan, pagbibigayan at pagkakalingaan, pero pinipigilan niyang gawin ito ng pamahalaan, na siya mismong instrumento ng mga mamamayan para rito. Nangangaral siya ng pagbibigayan, pero ipinagdadamot niya ang pamahalaan.

Nangangaral siya tungkol sa diwa ng Pasko, pero ipinagdadamot niya sa mga mamamayan ang isang paraan para isabuhay ito. Kahit may kalamidad, hindi siya natitinag para magbigay. Ayaw niyang tanggapin ang sisi. Ang iniisip pa rin niya ay sarili.

24 Disyembre 2011

Galing ang mga larawan dito.

Bakit ganoon? Bakit wala sa Top 10 Mass Movement Moments ng 2011 ni Nato Reyes ang mga pagkilos ng mga manggagawa at tsuper? Kung kilusan ng masa ang pag-uusapan, hindi ba’t relatibong malalakas at matutunog ang paglaban nila para sa makabuluhang dagdag-sahod at laban sa overpricing sa langis? Tampok naman ang paglaban ng mga mamamayan sa kahirapan at kagutuman sa taong ito.

Ito, magandang Top 10: mga pelikulang nagpapaliwanag sa protestang Occupy sa US. Aliw: mga angry birds ng Pilipinas.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • jef  On December 28, 2011 at 5:56 am

    nakakapikon nga talaga yung sinisisi nila yung mamamayan, tapos sasabihing yun at yun lang ang solusyon sa mga problema ng bayan. kelan nga lang nadinig ko sa interbyu sa radyo yung hape yata ng NDRRMC na ang sabi ba naman, Hindi dadami ang patay kung walang nakatira sa tabi ng ilog KAHIT MAY MINING AT LOGGING… or words to that effect. sinisisi na ang mamamayan, iaabswelto pa ba naman ang mga hinayu-

    anyways, matagal na po akong sumusubaybay sa blog na ito pero ngayon lang naglakas-loob na magkomento. more power po!!!

  • kapirasongkritika  On December 29, 2011 at 5:46 am

    Talaga. Arogante kasi ngayon ang rehimeng Aquino dahil ang tingin nito ay popular ito. Kaya talagang hindi nila maitago ang linya ng mga naghaharing uri. At sa ganitong kalagayan, talagang sisisihin ang mga mamamayan.

    Maraming salamat sa pagsubaybay! Maraming salamat sa pagkomento! Sana mapadalas. Hehe.

  • jef  On January 1, 2012 at 9:38 am

    haha sige po try ko mapadalas. happy new year po

  • Minima Moralia  On January 8, 2012 at 5:57 pm

    But this is a class war! The Aquino regime would always insist the legitimacy of their claims, and so the bravado of their family members to pontificate the necessity of making these peasants subservient to their power. What it is necessary is for the leftists is to be more arrogant in terms of their capacity to rule and to call the shots! To wage an offense that would make them terrified and let them seek some refuge in our neighboring imperialists! Don’t worry those guerrilla fighters in the mountain would be in the city in the next 5 years, choz!

  • kapirasongkritika  On January 9, 2012 at 7:17 am

    @ Jef: Happy new year din! Sana maging masaya ang taon na ito para sa sambayanan.

    @ Minima Moralia: Tama! Pero we can only be “arrogant” if we are strong — and that requires humility especially in relation to the masses. Hehe. Pwede ring mas maaga o mas mahuli. Hehe. Huy, parang kilala kita Minima Moralia. Hehe.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: