The Greatest

Sa isang banda, matagal na siyang patay bilang mang-aawit. Kahit may mga kwento-kwentong magaling pa rin siyang kumanta kapag hindi nakadroga, alam ng mga tunay na tagahanga ang totoo: Hindi na siya makakakanta pang muli, lalo na nang kasing-husay ng dati. Pagkatapos daw ng Bodyguard siya nagbisyo, at lahat ng live na pagkanta niya matapos, bagamat may mahusay, ay padausdos. Hanggang sa may mga walkout sa konsyerto niya nitong huli: sabi ng isa, kahit patay na daga, hindi niya kayang aliwin.

Kakatwa ang mga sinasabi sa YouTube ng mga nanghihinayang na tagahanga. Kapag may pangit siyang pagtatanghal, may mga matatag na nagsasabi, taliwas sa ebidensyang napakarami, na may trangkaso siya, inuubo lang sa pagkakataong iyun. May mga nagsasabing sana sila na lang ang tumanggap ng lahat ng drogang tinira niya. Sa huling bahagi ng dekada ’90, kung saan papasagwa ang mga pagkanta niya, may mga nagsasabing sana itinigil na niya sa puntong iyun – sa puntong iyun mismo – ang droga.

Marami ang sumisi sa asawa niya sa pagkagumon niya sa bisyo. Noon ngang nabalitang magpapakasal sila, isang kaibigan ang nagsabi sa telebisyon na magkasalungat ang personalidad nila ni Bobby Brown. Pero nagpatuloy lang siya. Matapos umano siyang gumaling sa droga, kinumpirma niya: nagdroga siya para sa kanyang lalake, for his man, na siya namang laging tema ng kanyang mga awit. Klasikong patriyarkiya, pahiwatig ni Oprah Winfrey: nagpakaliit siya – siya! – para maging malaki ang lalake sa buhay niya.

At iyun na nga: kahit sa pagkamatay niya, droga, masalimuot na buhay-mag-asawa, pagbagsak ng kalusugan, at hindi musika ang napag-uusapan. Kung pag-usapan man, madalas, ay naglalaman ng pagkukumpara sa ibang mang-aawit – na babae, dahil hindi naman pinagsasabong ang mga mang-aawit na lalake. Walang patutunguhan, dahil may solidong posisyon ang bawat kampo, nakasalalay sa kanya-kanyang panlasa, at gusto lang ipakita ang pagiging tapat sa idolo sa pagtatanggol dito at pag-atake naman sa iba.

Namayagpag siya sa pag-arangkada ng neoliberalismo sa mga abanteng kapitalistang bansa – at isa marahil ang “Greatest Love of All” sa mga himno nito. Kakatwang sinabayan ng pagbagsak ng boses niya, at ng tema ng pag-ibig sa mga kanta niya, ang sinapit ng ideolohiyang ito sa tatlong dekada. Isang rurok ang sikat niyang pagkanta ng “Star-Spangled Banner” para suportahan ang mga tropang Amerikano sa gera sa Iraq – na bumungad sa “Katapusan ng Kasaysayan” matapos bumagsak ang “sosyalismo.”

Sinasabi ngayon na hinawan niya ang landas sa tagumpay sa mainstream ng ibang Aprikano-Amerikanong babaeng mang-aawit. Hinawan din ang landas niya ng mga nauna – ng ninang niyang si Aretha Franklin, pinsan niyang si Dionne Warwick, mga idolo niyang sina Gladys Knight at Chaka Khan. Pero nagawa niya ito, tulad ni Michael Jackson, sa pag-iwas sa pagiging masyadong “Itim” sa pagkanta, bawas ang sanlaksang manerismo ng pagkantang Gospel. Nagpakaputi siya para matanggap ng mainstream.

Pero sa kanyang rurok, wala talaga siyang katulad. Sa kanya masasapul ang pag-iiba ng mga Aprikano-Amerikano ng singing sa sanging. She can sang! Iyung “I Will Always Love You,” kahit mahusay, simula na ng pagbagsak ng kalidad ng boses niya. Sino pa ang konsistent na mahusay ang live na pag-awit? At ang live na pagtatanghal ay mas maganda sa nakarekord na orihinal? Sino ang nakakapagsanib ng husay sa pagbirit sa pagbibigay-damdamin sa inaawit? At sino ang pinakamasarap, magaang panoorin?

Kitang-kita ang husay niya kumpara sa mga parangal sa kanya ngayong patay na siya. Marami sa mga gumagaya, parang kalamnan ng katawan ang gamit; siya, parang walang kahirap-hirap, parang puno ng lambing. Marami sa mga nagkaisip sa panahon ng pamamayagpag niya, inakalang laging may katulad niyang mahusay na mang-aawit. Ngayon, sa pagkamatay niya, sa paghahanap ng mga katulad niya na hindi niya katulad, namamalayan nilang bukod-tangi ang panahong para lang siyang hangin sa paligid.

Sabi ng isang kaibigan, kapag nakita niya ang paborito niyang si Joni Mitchell, sasabihan niya ito: “Hey, Joni. I look at life from both sides now.” Ano ang katulad na masasabi kay Whitney? Marami, pero pinakamaganda ang pagbalik sa una niyang kanta: You give good love. Sa lahat ng pagtatanghal, kitang-kitang ibinigay niya ang lahat. Kapag kumakanta, larawan siya ng ligaya sa paggawa ng gustong gawin, sa pagpapasaya sa iba gamit ang sariling talento – bagay na ipinagkakait sa nakararami sa lipunang ito.

Namatay siya matapos mag-iwan ng mga palpak na pagtatanghal, ng mga eksenang mapaghihinalaan siyang baliw. Hindi naman niya kinailangang magtangka pang mag-comeback at muling mamayagpag. Hindi naman niya kailangang kumanta pang muli. Lohika ba iyun ng kapitalismo na kailangang laging magprodyus? Ng pagiging celebrity na kailangang bumawi? Ng buhay-mang-aawit na hindi mabubuhay kung hindi magtatrabahong muli? Hindi ba siya pwedeng nagpahinga at iba ang ginawa sa buhay?

Dahil sa rurok naman ng talento niya, wala siyang katulad, siya ang pinakamahusay.

17 Pebrero 2012

Galing ang ikalawang larawan dito. May pagmumuni si Voyou Deseouvre hinggil sa takot na idinulot ng pagpapalit umano ng patakaran sa seguridad ng Google. Radikal na tagapagtanggol raw ng imperyalismo si Slavoj Zizek? Iyan ang sabi ni Karlo Mongaya. Interesante: ang teoristang si Nicholaz Mirzoeff, araw-araw nagba-blog tungkol sa protestang Occupy sa US. Kaunti lang ang alam ko sa Top 20 kanta ng 2011 sa tala ni Richard Bolisay.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • kerol  On February 18, 2012 at 4:05 pm

    sabi na’t hindi mo mapipigilang hindi magsulat tungkol sa kanya.😛 panahon mo ito eh, kayo ni chabeng

  • kapirasongkritika  On February 18, 2012 at 5:15 pm

    Hindi talaga. Hehe. Bakit gising ka pa? Siguro nanonood ka ng funeral, ano? Buhay na buhay ang pagkanta ng choir! Hehe.

  • Lyds78  On February 19, 2012 at 3:15 am

    inasahan ko na ang artikulong ito, hehe

    nakakalungkot na talaga ang nangyari kay whitney, pag ipinapakita ang mga videos ng rurok ng kasikatan niya…nakakapanghinayang na ganito ang sinapit ng isa sa nagtataglay ng pinakapowerful at soulful na boses sa buong industriya ng entertainment.

    kumupas man nang tuluyan ang kanyang bituin, ang kanyang tinig ay hindi mabubura sa ating lahat na minsan sa isang pagkakataon ay nakarelate sa mga pinasikat niyang kanta.

    paalam, whitney at salamat sa mga awit.

  • kapirasongkritika  On February 19, 2012 at 4:49 am

    Haha! Salamat Lyds78 at nakaisa kita sa bagay na ito. Sa totoo lang, parte pa rin naman siya ng kulturang popular — na tinutuligsa natin bilang mga aktibista. Pero siguro ibang bagay rin iyung kinalakhan mo, ano? So huwag sanang mawirduhan ang mga kapwa-tibak. Hehe.

    Isa ito sa mga pinaka-kakaibang nabasa ko tungkol sa kanya:

    http://www.newstatesman.com/music/2012/02/houston-voice-pop-records

    “Trained on the job, learning her craft from listening to her gospel-singer mother and singing in church, Houston picked up bad vocal habits. These early on became nodules on her vocal chords, putting a strain on the voice that meant every note she sang damaged it just a little more.”

    Totoo kaya ito? Hmmm.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: