Banas kay Llamas

Pagtatanggol kay Pang. Noynoy Aquino at pagbanat sa Kaliwa. Iyan ang tampok na pinagkakaabalahan ngayon ng mga lider ng Akbayan na nasa gobyernong Aquino. Mainit-init pa man ang isinulat ni Joel Rocamora, lider ng Akbayan at kasalukuyang hepe ng National Anti-Poverty Commission, laban sa “Noynoying,” heto na si Ronald Llamas, lider din ng Akbayan at pampulitikang tagapayo ng pangulo. Ayon sa isang balita, nagsalita si Llamas sa paksang “The Democratic Left and the CPP-NPA-NDF” sa isang porum ng National Defense College of the Philippines sa Camp Aguinaldo.

Sa isang banda, kailangan ni Llamas na linawin sa mga opisyal-militar ang pagkakaiba ng pulitika niya sa pulitika ng CPP-NPA-NDF. Hindi ba’t may mga pagtatangkang pagmukhaing malapit ang gobyernong Aquino sa Kaliwa para galitin ang mga opisyal-militar at sundalo? Hindi ba’t may iniluluto umanong kudeta laban sa gobyerno – na ang sabi ng iba’y pakana rin nito? Gusto syempre ni Llamas na mapatatag ang gobyerno, makabig ang militar papalapit dito, at mapanatili ang sarili sa pwesto. Kahit pa wala namang ipinapatupad na repormang maka-mamamayan ang gobyernong Aquino.

Pero sumobra si Llamas, para siguro lagyan ng drama at gawing mas “kapani-paniwala” para sa militar ang paglilinaw ng kaibahan niya sa Kaliwa. Siniraan niya ang Kaliwa at sa pinakamasahol ay gumatong sa ahitasyon ng militar na supilin at dahasain ang mga miyembro nito. Una, pinalaganap niya ang kasinungalingang basta tinukoy na “kontra-rebolusyunaryo” ng Kaliwa ay awtomatikong target na nito ng pagpaslang. Ikalawa, binuhay niya ang isang isyung lipas na – ang umano’y pagbabanta ng Kaliwa sa buhay ng mga kasama niya sa Akbayan na sina Walden Bello, Etta Rosales at Ric Reyes.

Balik-tanaw: Disyembre 2004, naglabas ang Ang Bayan, pahayagan ng Communist Party of the Philippines, ng larawan ng mga tunguhing kontra-rebolusyunaryo sa daigdig at kung sinu-sino ang kaugnay ng mga ito sa bansa. Naroon sina Bello, Rosales, at Reyes. Hindi lumutang ang pangalan noon ni Llamas. Pinalabas ng mga nabanggit na isang “hit list” ang larawan at nagwala, nag-ingay sila para magprotesta. Syempre, lahat ng paninira nila sa Kaliwa ay sinabi nila at itinurol nila ang isyu kay Prop. Jose Maria Sison, punong tagapayong pampulitika ng National Democratic Front of the Philippines.

Naglinaw si Prop. Sison: Kinikilala ng Kaliwa ang karapatang magpahayag at hindi nito pinaparusahan ang mga naghahayag lang kahit ng mga kaisipang pseudo-progresibo o tahasang kontra-rebolusyunaryo. Sabi pa niya, kailangan, may kasong kriminal at ebidensyang prima facie rito para maatasan ang New People’s Army na artestuhin ang mga sangkot. Sa kabila ng paglilinaw, umingay pa ang isyu pero namatay rin. Buhay pa ngayon ang mga nag-akusang ipinapapatay sila. Ano kaya ang tingin nila? Tagumpay ang kampanya nila? O talagang napraning lang sila? Wala naman silang public apology.

Anu’t anuman, may dalawa pang kasinungalingan si Llamas sa porum, na parehong gumagamit ng salitang “demokratiko.” Una, ang pag-iiba ng “demokratikong Kaliwa” sa CPP-NPA-NDF – na malamang ay tinatawag na “Stalinistang Kaliwa.” Syempre, sa paggamit ng salitang “Stalinista,” hindi ang pagsusulong ni Stalin sa interes ng sambayanang Ruso ang tinutukoy, kundi ang umano’y pagiging “diktador” nito. Sa madaling salita, ang tinutukoy ng “demokratiko” ay ang prosesong pang-organisasyon umano ng kanilang panig ng Kaliwa – hindi ang aktwal na paglilingkod sa nakararami.

Ikalawa, inulit niya ang sinasabi ng mga intelektwal ng demokrasyang maka-elite: na sa pagpapalawak ng “demokratikong partisipasyon” sa balangkas ng kasalukuyang sistema para saklawin ang mga grupong naeetsapwera nito, masusugpo ang “ekstremismong pampulitika” at ang paggamit ng “marahas na mga pamamaraan.” Na para bang sapat na ang naturang partisipasyon, kahit hindi naman para sa nakararami ang nagiging resulta ng prosesong nilalahukan. Hindi mga repormang maka-mamamayan ang iniaalok ni Llamas, kundi pampulitikang akomodasyon at pamamahagi ng kurakot.

Sa ganitong gamit sa salitang “demokrasya,” pinagtatakpan ng diin sa demokratikong proseso ang kawalan ng mga demokratikong layunin – kaya nahuhubaran na ang pagiging progresibo ay pagpapanggap na lang ng taong sa esensya’y kontra-progresibo.

04 Abril 2012

Galing ang mga larawan dito. Salamat, Jeffrey Ocampo!

Magandang sanaysay tungkol sa North Korea. Magandang panimulang babasahin tungkol sa drones, mga “mata sa langit.” Kilala ba ninyo si Larry Itliong? Mahalaga siya sa kasaysayan ng mga Filipino-American sa US.

Ilang kontra-kababaihang sipi sa Bibliya. Dahil Holy Week ngayon, may mga naglalagay sa Facebook ng mga bidyo mula sa Jesus Christ Superstar. Wala bang kantang Gospel na mas maganda?

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: