(1) Mabilis na nalalantad na kontra-maralita at kontra-mamamayan ang gobyerno ni Noynoy Aquino. Sa pamamagitan ng islogang “pagbabago” at iba pa, sinamantala nito ang mga karaingan ng mga maralita at mamamayan matapos ang halos isang dekadang paghahari ni Gloria Macapagal-Arroyo. Pero hindi nito tinugunan ang nabanggit na mga karaingan, bagkus ay nagpatupad ng mga patakarang taliwas sa mga ito. Sa kabila ng pagsisikap nitong ipako ang atensyon ng publiko sa kasong impeachment laban kay Chief Justice Renato Corona, sinisingil ito ngayon sa maraming isyung pang-ekonomiya.
Partikular na nadadamay ang grupong Akbayan, na sa loob at labas ng bansa ay nagpapakilalang maka-maralita, progresibo, at makabayan – habang nananatiling malapit na alyado ni Aquino at nakaluklok sa maraming posisyon sa gobyerno. Sa harap ng garapal na pagtalikod ng gobyernong Aquino sa karaingan ng mga maralita at mamamayan at sa harap ng aktwal na pagpapatupad nito ng mga kontra-maralita at kontra-mamamayang patakaran, bakit nasa panig pa rin ni Aquino ang Akbayan? Sa tampok na kaso ni Joel Rocamora, ipinagtanggol pa si Aquino laban sa “Noynoying.”
Sa ganitong konteksto mainam ilugar ang sanaysay na “Why we need progressives in government” ni Leloy Claudio, tagapangulo ng Akbayan-Youth, at ang tugon ditong “Who is left?” ni Herbert Docena, mananaliksik ng Focus on the Global South. Ang parehong sulatin, hindi sang-ayon sa pagtuligsa sa Akbayan kaugnay ng papel nito sa gobyernong Aquino. Ipinagtatanggol nila ang Akbayan at pinagtitibay ang pagiging progresibo o maka-Kaliwa nito, bagamat sa magkaibang batayan. Mainam na masuri ang dalawa para makapaglinaw sa kahulugan at kabuluhan ng Kaliwa ngayon sa bansa.
(2) Para kay Claudio, matapos ang diktadurang US-Marcos, nawala ang “katiyakang moral (moral certainty)” ng Kaliwa, at mainam ito. Nagkaroon aniya ng iba’t ibang pagtingin sa kung paano magiging Kaliwa. Kasabay ng ganitong pagyakap sa pagkakaroon ng iba’t ibang pakahulugan sa pagiging Kaliwa, matatag naman niyang pinagtibay na hindi isinasakripisyo ng mga kasama niya sa Akbayan ang kanilang “mga prinsipyong aktibista” sa paglilingkod sa gobyernong Aquino. Syempre pa, ang pakahulugan niya sa “mga prinsipyong aktibista” ay ayon sa pakahulugan ng Akbayan.
Una sa lahat, mali ang pinag-umpisahang batayan ni Claudio, na ang Kaliwa noon ay lumaban lang sa diktadurang US-Marcos. Lumaban ang Kaliwa noon sa buong naghaharing sistema na nagluwal sa naturang diktadura. Sa paglaban at pagbago sa naghaharing sistema dapat sukatin ang pagiging Kaliwa, hindi lang sa pagpapalit ng pangulo. Kung hindi, gaya sa pagsusuri ni Claudio, Kaliwang sunod-sa-uso ang kalalabasan, taas-baba, paikut-ikot depende sa kung sino ang pangulo. Mas madalas pa, ipinagpapalagay lang, at hindi pinapatunayan, ang umano’y pagkakaiba ng mga pangulo.
Para naman kay Docena, kapag nagbalik sa pakahulugan ng pagiging maka-Kaliwa, matutuklasang maraming maka-Kaliwa. Aniya, pinagsasaluhan ng mga maka-Kaliwa ang “maigting na moral na pagkasuklam sa matitinding kawalang-katarungan sa mundo, taos na pagkalinga sa absolutong dignidad ng bawat nilalang, at hindi mayayanig na paninindigang moral na pwede at dapat maging mas mainam ang lipunan.” Sa ganitong pakahulugan, aniya, “pwedeng ang mga maka-Kaliwa ay nasa Malakanyang o nasa Mendiola; sa Cordillera o sa Kongreso. Nasa lahat ng lugar sila at dapat lang.”
Masyadong pangkalahatan sa puntong hindi eksakto at mali ang pakahulugan ni Docena sa pagiging maka-Kaliwa. Pwedeng sabihin ang pakahulugan niya ng lahat ng ideolohiya – mula maka-Kaliwa hanggang maka-Kanan, kasama ang mga neokonserbatibo at pasista. Lahat ng ideolohiya, bagamat maaaring sa iba’t ibang antas, ay nagpapahayag ng pagtuligsa sa namamayaning sitwasyon, ng pagtataguyod sa dignidad ng bawat nilalang, at ng pag-aasam ng pagbabago. Kahit ilang dekada nang namamayagpag sa bansa ang neoliberalismo, halimbawa, nagtutulak pa rin ito ng mga patakaran sa bansa.
(3) Dahil esensyal sa pagiging maka-Kaliwa ang kagustuhang baguhin ang lipunan, parehong naghahain ng pagsusuri sa lipunan sina Claudio at Docena. Si Docena, nasa tamang direksyon pero masyado na namang pangkalahatan. Aniya, “Ang maka-Kaliwa… ay kahit sinong naniniwalang hindi tama na ang 1% nakatira sa Fort na nagpapakasasa sa truffles na inilipad mula hilagang Italy, habang ang mga taga-Baseco ay nakakaraos sa paglulutong muli ng kinolektang tira-tirang pritong manok na itinapon ng mga kustomer sa mga kainang fast-food.” Tumatagos sa lahat ng pangulo ang suring ito.
Si Claudio, sa kabilang banda, ay kongkreto pero malinaw na mali. Walang tama, halimbawa, sa mga sumusunod na pangungusap niya: “sa kalagayang wala na ang mga base ng US sa Clark at Subic at tumutungo ang estratehiyang pang-imperyo sa Middle East, wala na masyadong pakialam si Uncle Sam sa pagkontrol sa ‛neokolonya’ nito sa Timog Silangang Asya. Pwede mong isipin ang imperyo, pero pabawas nang pabawas ang pag-iisip tungkol sa iyo ng imperyo. Kung mayroon man, ang bagong imperyalista ay ang ‛rebolusyunaryong’ Tsina, na patuloy na naghahasa ng lakas sa Spratlys.”
Mukhang hindi nagbabasa ng dyaryo si Claudio. Hindi na sikreto ang pahayag ng gobyerno ng US na mula Gitnang Silangan ay papalawakin na nito ang presensyang militar sa Asya-Pasipiko. Kaya naman napakahalaga ng pagsunod ng gobyernong Aquino, na ipinapakita naman nito. Mas mahigpit ang pagsubaybay at paniniktik ngayon ng imperyo: sa pamamagitan ng Facebook, nasusubaybayan ang marami, kapwa para sa posibleng pagsupil at sa posibleng pagbili at pagkonsumo. Naggigiit pa lang ang Tsina, pero ang US, matagal nang naglulunsad ng interbensyong militar sa bansa.
Anu’t anuman, ang kailangang pagsusuri ay kongkreto katulad ng kay Claudio, pero matapat sa pangkalahatang inilahad ni Docena: Ang mga patakaran ng gobyernong Aquino, sa esensya’y katulad lang din ng patakaran ng mga naunang gobyerno. Kaya naman hindi nabigyang-tugon ang mga karaingan ng mga maralita at mamamayan – sa isyu ng pagtaas ng sahod, pagkontrol sa presyo ng langis at ibang bilihin, at iba pa. Sa iba’t ibang usapin, mas masahol ito sa mga naunang gobyerno – tulad sa brutalidad ng demolisyon sa mga kabahayan ng maralita at pagtutulak ng presensyang militar ng US.
(4) Sa ganitong kalagayan, ano ang dapat na tindig ng mga maka-Kaliwa sa gobyernong Aquino? Ang kagyat na masasabi: hindi ang todong pagtatanggol kasabay ng pag-atake sa mga lehitimong kritisismo, tulad ng ginawa ni Rocamora. Hindi rin ang pagbuntot, tulad ng ginagawa ni Claudio, sa propaganda ng gobyerno na sinang-ayunan nito ang pamamahagi ng lupa ng Hacienda Luisita sa mga magbubukid – gayung malinaw na ang nagtutulak nito ay ang kalaban nitong Korte Suprema. Hindi ang paglikha ng impresyon ng tahimik na pagsusulong ng kagalingan ng mga maralita at mamamayan sa gobyerno.
Una, ang pagtindig sa mga mayor na reporma na matagal nang hinihingi ng mga maralita at mamamayan, hindi sa mga repormang ligtas para manatiling alyado ng gobyerno. Ikalawa, ang pagsusulong sa mga reporma kasama ang mga maralita at mamamayan dahil ang silbi ng Kaliwa, higit sa anupaman, ay ang pag-angkin nila ng kapangyarihan. At ikatlo, batay sa dalawang nauna, ang pagkondena, pagtutol, at paglaban sa gobyernong Aquino na malinaw nang umaatake sa kapakanan ng maralita at mamamayan. Para sa Kaliwa, kalaban at hindi kakampi ang gobyernong Aquino.
(5) Sabi pa ni Claudio, “hindi ko gusto ang masasaklaw (overarching) na paliwanag ng pagbabagong panlipunan.” May pahiwatig si Docena na tutol siya sa ganitong pagtingin, pero hindi malinaw. Nitong nakaraang mga dekada, ang postmodernismo at post-marxismo ang nagtaguyod ng ganitong kaisipan, at ang naging porma ay ang pag-atake sa konsepto ng “totalisasyon,” na itinuturing ng ilang Marxistang pilosopo na napakahalaga sa Marxismo. Pumapatungkol ito sa pag-iral ng kapitalismo bilang isang kabuuan at mapagbuong sistema, at ang kaakibat na paggagap dito ng kamalayan ng tao.
Ang mga tulad ni Claudio ang tila sinasagot ng progresibong kritikong pangkulturang si Joshua Clover sa isang panayam: “Nagsasagawa ng totalisasyon ang kapital, gayundin ang kapangyarihan, at kailangan nating magkaroon ng mga pamamaraan para ilarawan ito. Kung sa eksaktong yugto na ang mundo ay pinaglulunsaran ng totalisasyon – dahil iyan ang proseso ng globalisasyon at pinansyalisasyon, ang totalisasyon ng kapital sa mundo sa mga aksis ng panahon at espasyo – walang katuturan ang isyu kung gusto mo o gusto kong magtotalisa.” At ayaw nga ng mga postmodernista at post-marxista.
Pasulong ang totalisasyon ni Hans Heinz Holz, Marxistang pilosopo, sa isang panayam: “maaalpasan lamang ang isang estado sa panahon ng lipunan ng tiyak nitong negasyon (determinate negation)… Kailangan nating itanong: ano ang mga pangunahing katangian ng kapitalismo? Pribadong pag-aari ng mga instrumento sa produksyon at ang akumulasyon ng kapital… Kailangang alpasan ng alternatibong lipunan ang mga pangunahing katangiang ito ng kapitalismo at samakatwid sosyalismo ang lohikal na resulta.” Dahop ang Kaliwa na nagtatakwil ng, at nagtataksil sa, ganitong totalisasyon.
06 Mayo 2012
Galing ang mga larawan ng likhang-sining ni Clive Branson dito.
Pangatlo at pang-apat sa serye ng mga inirerekomendang librong basahin ng mga kalahok at interesado sa protestang Occupy. Mga inirerekomendang basahin para sa Araw ng Paggawa, na syempre pa’y natapos na. Mga kadalasang hinaharap ng mga estudyante ng “teorya” sa akademikong pakahulugan nito.
Ganyan ba talaga mukha ni Aquino?
ganda ng paintings. Paki Lagay po ng may gawa.
Syempre, po hindi. Nakalagay naman sa entri ang pangalan ng may-gawa. Pakihanap na lang.