Malaya pero Hindi?

Matagal nang nagpapakilalang “independyenteng manunuring pampulitika” si Mon Casiple. Ang totoo, ayon sa mga matagal nang aktibista, kapanalig siya ng Akbayan, na alyado ni Pang. Noynoy Aquino. Kung malabo man ang mga ebidensyang pang-organisasyon, malinaw naman ang mga ebidensyang pampulitika. Lalo na ngayon, sa pagsusuri niya sa paglaya ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo sa hospital arrest nito.

“Okey lang iyan.” Ganito sa pangkalahatan ang tindig ni Casiple sa paglaya ni Arroyo. Hindi naman daw ito makakatakas ng bansa, at patuloy na lilitisin sa mga nakasampang kaso. Humina rin daw ang baseng pampulitika ni Arroyo, habang “nakapagkonsolida ng kapangyarihan” si Aquino. Maaalis din ang pananagutan ng gobyerno sa karamdaman o posibleng pagkamatay ni Arroyo. Malaya pero hindi talaga malaya ang dating pangulo.

Hindi nakakapanatag ang mga pahayag ni Casiple. Hindi pa rin matagpuan at maikulong ang berdugong si Hen. Jovito Palparan, at walang patunay na nasa bansa pa siya. Kung nagawa niyang magtago sa batas o maikanlong ng batas, paano pa kaya ang amo niyang si Arroyo? At bakit hindi imbestigahan ang sinasabing sakit ni Arroyo? Napakarami na niyang opisyal ang umiwas sa pananagutan sa pagsasakit-sakitan.

Tama si Casiple: Hindi isinampa ang kasong pagsabotahe sa eleksyong 2007 para ikulong si Arroyo. Ang layunin lang nito ay pigilan ang kanyang pagtakas sa bansa – hindi para papanagutin siya kundi para maiwasan ang posibleng pagsiklab ng galit ng mga mamamayan. At bakit humantong sa ganito ang gobyernong Aquino? Dahil mahigit isang taon na ito sa pwesto, wala pa itong isinampang kaso laban kay Arroyo.

Humina ang baseng pampulitika ni Arroyo, lumakas ang kay Aquino? Lalong dapat makulong at hindi mapalaya si Arroyo. Pero hindi: nakalaya siya sa panahong kumpleto ang kontrol ni Aquino sa gobyerno. Pinayagan ang hospital arrest niya noong pinapatalsik si Chief Justice Renato Corona, at nakalaya siya dalawang araw matapos ang State of the Nation Address. Gumaganansya si Arroyo sa mga papogi ni Aquino.

Wala ring pag-alala si Casiple sa postura ng kanyang organisasyong Akbayan noong eleksyon. Hindi ba’t nanalo ang kanilang kandidatong si Aquino sa pangakong papanagutin si Arroyo – sa usapin ng katiwalian at pag-abuso ng kapangyarihan, hindi sa paglabag sa mga karapatang pantao? Mangako ng isang bagay at iba ang gawin kapag naupo? Hindi ba’t ganyan ang tradisyunal na pulitiko? Nasaan diyan ang pagbabago?

Musika sa pandinig ng gobyernong Aquino ang iba pang sinabi ni Casiple: Hindi kabawasan sa “kampanyang kontra-korupsyon at pampulitikang katayuan” ni Aquino ang paglaya ni Arroyo. “Minimal” daw ang pampulitikang epekto nito. Hindi ito pasibong pagsusuri sa reyalidad, kundi aktibong interbensyon sa reyalidad. Nais nitong pahinain ang namumuong protesta laban sa pagpapalaya ni Aquino kay Arroyo.

Sa kanyang SONA, may depensibang patutsada si Aquino tungkol sa “industriya ng kritisismo” laban sa kanya. Kitang-kita kay Casiple ang tipo ng industriya ng kritisismo ng Akbayan: may renda basta’t may renta – prinsipyo ng mga bayaran sa pulitika.

29 Hulyo 2012

Galing ang larawan dito.

Aliw: rebyu sa isang libro tungkol sa hilig sa piano ng mga pilosopong sina Sartre, Barthes at Nietzsche.

Hindi raw totoong hindi umatras kahit minsan ang radikal na mamamahayag na si Alexander Cockburn sabi sa parangal na ito. Heto ang isa pang magandang parangal.

Heto ang magandang pagkukumpara ng ekonomiks ni Aquino at ekonomiks ng guro niyang si Arroyo.

Advertisements

Maita Mia

(1) Nakilala niya si Maita Gomez sa konteksto ng hindi pagkakasundo, sa maagang bahagi ng 2006. May hindi ito nagustuhan sa isang ginawa ng mga aktibista. Kinausap niya si Maita para magpaliwanag. At dahil kilala si Maita na prangka at hindi mahilig makipagbolahan, sinabi niyang mas malamang ay uulitin ang naturang ginawa, hindi man sang-ayon ang kausap. Siguro, nagustuhan ni Maita ang katapatan, ang palagay na mauunawaan niya, ang hindi pagmenos sa kakayahan niyang maintindihan. Doon nagsimula ang malapit na pagkakaibigan hanggang namatay si Maita nitong 12 Hulyo.

Sabi ni Prop. Jose Maria Sison, naganap ang huli nilang pag-uusap ni Maita simula alas-8:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng umaga. Sa ganyang mga kwentuhan din niya nakilala si Maita. Minsan, biglaang pagdalaw niya, pero mas madalas, imbitasyon ni Maita sa hapunan. Mahilig makipagkwentuhan at mahilig tumawa si Maita. Natuwa siguro si Maita na may mga taong hindi sa pagiging beauty queen niya interesado, kundi sa pagiging gerilya at aktibista niya, sa mga pananaw niya sa pulitika at ekonomiya ng bansa. Mahusay lang din niyang naitago ang pagkamangha sa ganda at gaang ni Maita.

(2) Bukas-palad, mapagbigay si Maita. Ibinukas niya ang bahay sa mga kabataang aktibistang kumikilos malapit sa dating bahay niya sa Malate, Maynila. Sabi niya, pinakain at kinanlong siya ng masa kaya panata niyang magpakain at tumulong sa mga nangangailangan. Dagdag pa niya, ang masa, hindi tinatandaan ang pagpapakain sa mga bisita – hindi katulad ng mga naghaharing uri na hindi malimut-limutan. Sa mga usapan, lagi siyang may mababanggit na tinutulungan – magpaaral ng anak, lumipat ng bahay, kumuha ng trabaho. Walang indikasyong siya’y umaasa ng kapalit o nasisiphayo.

Mapagbigay rin si Maita pagdating sa mga pananaw at kwento. “Lahat ng taon ko sa Kilusan, maganda,” sabi niya nang puno ng katiyakan. Hindi raw siya gumising nang patanghali at halos wala ring day-off. Lagi niyang pinag-isipan kung paano mas mahusay na maipapatupad ang mga tungkulin – at agad na tinatasa ang resulta nito. Minsan, maingat niyang tinapat ang isang alyado tungkol sa planong pagrekluta sa natitsismis noong ikalawang asawa ng mister nito. Ang sabi raw ng alyado, “Alam mo, Maita, ikaw ang paborito kong Komunista.” At hindi pa nga siya nagtatapat dito!

Ang maganda kay Maita, mapagbigay man siya sa kwento at komentaryo, hindi ka makakaramdam ng pagmamataas o pangangaral. Hindi rin siya mariringgan ng pagmamaliit o sama ng loob sa Kilusan. Masaya lang siya, sa paglalarawan ni John Berger, manunulat: “Nagaganap ang ligaya kapag kayang ibigay ng mga tao ang kabuuan ng kanilang sarili sa yugtong pinagdaraanan, kapag ang Pag-iral at Pagiging ay parehong bagay [“The Soul and Operator,” 1990, Selected Essays, 2001].” Masaya siyang ibinigay niya ang mga pinakaproduktibong taon niya sa Kilusan, sa sambayanan.

(3) Siguro, dahil handa siyang magbigay at magsakripisyo, matapang si Maita. May kasama raw siya sa New People’s Army na namatay sa tabi niya, habang natutulog sila sa mga cogon ng Gitnang Luzon. Lagi raw niyang kinokontra noon ang mga insureksyunistang pakana ni Felimon “Popoy” Lagman sa kilusang masa, kahit ang kapalit ay ang paglusob ng huli sa kanyang bahay nang sumisigaw. May nagsulat, sa mga kasamahan niya sa Women for Ouster of Marcos and Boycott o WOMB, na hindi siya binatuta sa mga raling kontra-Marcos dahil maganda siya. Hindi totoo, sabi niya.

Noon daw, may kasama siyang lalaking magsasaka sa NPA na minamaliit siya. Ang tingin niya, dahil galing siya sa maykayang uri at isang babae, ang tingin nito ay duwag siya, takot mamatay. Minsan, may “kaaway” o militar sa kanilang erya. Bilang lider ng yunit, nagpanukala siya ng rutang dadaanan para makaiwas sa militar at makatulog sa gabi. Kinontra siya ng kasama, na naggiit ng rutang malapit sa militar. Pumayag siya. Nang nasa delikado na sila, sabi niya “Para! Tigil tayo. Dito tayo matutulog.” Yanig ang buong yunit. Lumapit ang katunggali. “Sige na, kasama. Lumakad na tayo,”  sabi nito.

(4) Masayang kakwentuhan si Maita, parang kabarkada. Walang seryosong usapan ang hindi napapagaan ng ngiti, tawa at halakhak niya. Matalas, simple siyang magpaliwanag; hindi madalas masabi sa mga parangal na isa sa mga unang yunit niya ang Instructors’ Bureau ng Partido Komunista ng Pilipinas. Masarap pakinggan ang boses niyang parang malat, tulad ng kay Lotte Lenya, mang-aawit – “one octave below laryngitis.” Puno siya ng buhay. Minsan, pinilit niya ang mga kaibigan na manood ng bidyo ni BLKD, rapper na kanyang paborito. Kapag nagra-rap na ang kalaban, panay ang sigaw niya: “Gago!”

Handa rin siyang maging sentro ng katatawanan. Nang minsang may humingi ng payo tungkol sa buhay mag-asawa, ang bungad niya, “Una sa lahat, congratulations. Nagkaroon ka ng relasyon na mas matagal sa kahit aling relasyon ko.” Ang tsismis, may nagmumultong white lady sa nabili niyang isla sa Laguna. “Hala kayo, Ma’am,” biro ng mga kaibigan, “dahil kilala kayong tagapagtatag ng Gabriela, magpapatulong sa inyo iyun.” Hanggang may nakaisip ng solusyon: Kapag lumabas na ang white lady, dapat sumigaw si Maita ng “Anti-mining! Anti-mining na ang advocacy ko ngayon!”

(5) Nagulat ang mga kaibigan ni Maita sa biglaan niyang pagpanaw. Alam nilang may diabetes siya pero larawan siya ng katatagan. Kahit mas bata sila, naisip nilang pupunta si Maita sa burol nila, hindi sila ang pupunta sa burol ni Maita. Ni hindi nila siya natanong tungkol sa gusto niyang mangyari kapag namatay siya. Nakasubaybay siya sa bawat yugto ng buhay nila, nagpapayo, nagbibigay ng inspirasyon. Marami pa siyang plano, katulad ng pagsulat ng kanyang memoirs. Ni hindi sila nakapagpasalamat sa kanya sa lahat ng itinulong nito sa kanila. Paanong bigla na lang siyang mawawala?

Totoo, ayaw ni Maita na pinag-uusapan sa publiko ang buhay niya. Pero ang kamatayan niya, na sing-bigat ng Sierra Madre, wika nga, ay naganap sa gitna ng mga kongkretong buhay na kanyang tinulungan at hinikayat. At iyan ay dahil gusto niyang makatulong sa bayang ito, sa Kilusang inaasam niya ang pagtatagumpay. Kahit sa kanyang kamatayan, nagbibigay siya – ng liwanag na hindi man natin laging masusunod ay pwede nating kuhanan ng direksyon. Nagpupugay tayo kay Maita dahil binubuhay ng salaysay niya ang pinakamahusay sa ating sarili bilang tao, progresibo, aktibista, at rebolusyunaryo.

25 Hulyo 2012

Kuha ang mga larawan ni Kenneth Guda ng Pinoy Weekly. Maraming salamat! Kakamatay lang ng hinahangaang radikal na mamamahayag na si Alexander Cockburn, at ang sumulat ng magandang parangal sa kanya, hindi inaasahan – si Louis Proyect. Pagbati kina Angela Stuart-Santiago at Katrina Stuart Santiago sa kanilang mga bagong libro! Ikinararangal kong  malagay sa likuran ng The Filipino is Worth Blogging For!

Pidol/Facifica

Nang mapag-usapan nitong huli si Dolphy – sa konteksto noon ng kanyang muntik-muntikang pagkamatay – at ang progresibong pagsusuri sa kanya, ang tanong ko: “Okey ba ang karakter niyang si Facifica Falayfay?” Sa isang banda, gusto kong magpatawa, na laging reaksyon sa pangalang iyan. Sa kabilang banda, talagang tanong ito sa ating panahong politically correct. Marami siyang napatawa, pero okey ba sa mga progresibo ang kanyang pagpapatawa? Ang posibleng sabit: ang pagganap niya bilang bakla.

Iyun pala, ang mismong pagganap niya bilang bakla ang nakahadlang sa pagiging National Artist o Pambansang Alagad ng Sining niya. Inamin ito ni Nicanor G. Tiongson, progresibong manunuring pangkultura at isa sa mga hurado sa parangal. Aniya, “Ang paniwala ko noon, ang dalawang icon na likha niya para sa pelikula at telebisyon… ay, sa mayorya ng mga pelikula niya, nagpapalabas na ang pagiging bakla ay kasingkahulugan ng abnormalidad at walang katuturang kaligayahan sa maliliit na bagay (frivolity)…”

Sinagot si Tiongson ng direktor na si Peque Gallaga sa isang panayam ni Angela Stuart-Santiago, kaibigang blogger. Ani Gallaga, ang pagganap ni Dolphy bilang bakla sa pelikula “ay sa isang banda siyang mas subersibong landas patungo sa pagtanggap [sa mga bakla] ng lipunang Pilipino, nang hindi nangangaral, nanenermon…” Dagdag pa niya, “Ginawang okey, hindi malaking problema ni Dolphy ang magpalit-damit at gumanap na bakla; sa puntong [ang ibang artista] ay hindi natakot ‛magbakla’…”

(Kakatwa ang itinuturong dahilan ni Gallaga kung bakit kinayang gawin ito ni Dolphy: “Karamihan ng kanyang manonood, alam na isa siya sa may pinakamalalaking ari sa industriya at siya’y 100 porsyentong ‛tunay na lalake’ sa sukatan ng pagkamacho sa kanto.” Nagawa niyang labagin sa pelikula ang namamayaning kalakaran ng mga kasarian dahil alam ng mga manonood na kampeon siya nito sa totoong buhay. Kumbaga, kinaya niyang sumugal sa papel dahil malaki naman ang puhunan niya.)

May punto si Gallaga. Kung magiging historikal tayo sa pagsusuri, dapat sukatin kung progresibo o hindi ang isang artista o isang bagay batay, una sa lahat, sa kanyang konteksto. Sa panahong iyun na hindi pa nakikita sa pelikula, na black and white pa noon, ang mga bakla, pagsulong na ang kanilang paglabas dito – bagay na nagawa ni Dolphy. Natural, istiryutipikal ang karakter, nakakompromiso sa kanyang panahon. Kahit ang kaisipan tungkol sa paglaya ng kababaihan, lumalaganap pa lang noon.

Saan nagkamali si Tiongson? Imbes na alamin o kilalanin ang historikal na konteksto ng mga naunang pelikula ni Dolphy, ipinataw niya ang pamantayan ng kasalukuyan sa nakaraan. Hindi historikal at isang kalabisan ang asahang may progresibong representasyon – lalo na’t “progresibo” sa pakahulugan ngayon – si Dolphy sa mga bakla sa panahong iyun. Positibo na ang nakita ang mga bakla sa pelikula, at posibleng naghawan ito ng landas sa anumang pagsulong sa pagtanggap sa mga bakla ngayon.

Hawig ito sa puna ni Elayne Rapping, feministang second wave sa US, sa galit at siphayo ng mga feminista sa lagay ng midya: “Isang dahilan kung bakit napakadaling ibasura [ng mga feminista] ang telebisyon ay dahil nalimutan na natin ang kalakaran bago ang dekada ’60. Parami nang parami sa atin… ang hindi sapat ang edad para maalala. At, dahil sa feminismo, lumobo ang ating ekspektasyon at hinihingi mula zero tungong infinity [Media-tions: Forays into the Culture and Gender Wars, 1994].”

Sa dulo, pwede namang pagsalubungin ang mga punto nina Tiongson at Gallaga. Magkabilang panig sila ng isang kaisahang masasabing diyalektikal: Pagsulong ang pagganap ni Dolphy na bakla kumpara sa nakaraan noon at sa panahong iyun mismo, pero kulang kumpara ngayon. Pero hindi ito nangangahulugan ng linyar na pag-abante tungo sa mas sulong; sa halip, makikita na may tunggalian kung saan ang pagkilala sa mga bakla ng lipunan ay maaaring may pag-abante at pag-atras sa pagtakbo ng panahon.

Kung pag-abante pala ang pagganap na bakla ni Dolphy sa mga una niyang pelikula, dapat na ba siyang maging National Artist? Isang aspekto lang ng pagiging “alagad ng sining” ang natalakay rito; kailangan pa sigurong suriin ang iba. Higit pa diyan, ano naman ngayon kung kilalanin siya ng Estado, na pakitang-tao lang ang pagsuporta sa sining at kultura? Maganda ang sabi ni Cong. Teddy Casiño ng Bayan Muna: Kilalanin man siya ng Estado o hindi, kinikilala na siya ng marami sa bansa. At iyun ang mahalaga.

12 Hulyo 2012

Galing ang mga larawan dito. Basahin ang magandang parangal ni Prop. Judy Taguiwalo kay Maita Gomez, kilala bilang dating NPA at beauty queen. Susulat din ako ng munting parangal.

KolonyalNation

Sunud-sunod ang kontrobersya ngayon tungkol sa mga patalastas na tinawag nang “rasista.” Una ang sa BAYO, sumunod ang sa Belo Medical Group, at humabol ang sa Executive Optical. Sa tatlo, malinaw ang pagbibigay-halaga sa Kanluraning modelo ng kagandahan at ang pagwawalang-halaga naman sa Pilipinong kulay at itsura. Magkakaiba rin naman ang kulay at itsurang tinatawag na “Pilipino” bagamat mas tumatampok ang pagkakatulad kapag inihambing sa Kanluranin.

Maaaring hindi sinadya ang mga kontrobersya: Baka matapang lang na naipahayag ang pagpapahalaga na malay na tinatanganan pero itinatago o hindi malay na tinatanganan pero namumuo. Maaari rin namang sinadya: Dahil publisidad pa rin ng produkto o serbisyong ibinebenta ang kontrobersya. Kung sinadya man, malinaw ang iniisip ng mga promotor: Hindi makakasama sa matagalan sa kikitaing tubo mula sa produkto o serbisyo kahit ang negatibong reaksyon sa rasistang patalastas.

Ang sigurado, hindi lahat ng kumondena sa mga rasistang patalastas, at sa gayo’y lumikha ng kontrobersya hinggil sa mga ito, ang kumondena rin sa mga sumusunod:

>> Sa larangang militar, sa pag-iisip ni Pang. Noynoy Aquino na humiling sa US na magpalipad ng mga eroplanong pang-espiya sa pinaglalabanang teritoryo sa South China Sea – laban sa Tsina, syempre. Na sinagad ni Sen. Gringo Honasan sa pagpanawagang mga tropang Kano ang aktwal na dalhin sa naturang teritoryo, para kunwari’y maging “barangay tanod” ang mga ito. Gusto ng gobyerno na maging matikas laban sa Tsina, pero ang paraan nito, todong pagsandig sa US.

>> Sa larangan ng ekonomiya, sa “pagpapautang” ng Pilipinas ng $1 Bilyon sa International Monetary Fund, sa batayan, ayon kay Gob. Armando Tetangco Jr. ng Bangko Sentral ng Pilipinas, na “Miyembro tayo ng pandaigdigang komunidad ng mga bansa…” na dinodomina syempre pa, ng pinakamalalakas na bansa – ang mga abanteng kapitalistang bansa, pangunahin ang US. Katunayan, ang gamit ng gobyerno sa “pandaigdigang komunidad” ay pamalit-salita lang sa “US.”

>> Sa pagyayabang ng gobyernong Aquino, sa pagtuntong nito ng dalawang taon sa pwesto, na “Kinatangian ang dalawang taong ito ng tunay, makabuluhang pagbabago: sa pagpapatakbo ng gobyerno, [at] sa kung paano tinitingnan ang bansa ng internasyunal na komunidad…” Karugtong nito ang diskursong nagsasabing kapag may tiwala ang ibang bansa – katunaya’y ang pinakamayayamang bansa – sa Pilipinas, dadaloy ang pamumuhunan at kasunod ang empleyo at kaunlaran.

Ang kailangang ilinaw: ang rasismo, tulad ng iba pang isyung pangkultura, ay hindi lang isyung pangkultura. Nakaugat ang pagiging dominante ng Kanluraning modelo ng kagandahan sa aktwal na dominasyon ng Kanluran sa ekonomiya, pulitika, at militar ng mundo. Sa aktwal na tinakbo ng kapitalismo, mga makapangyarihang bansa sa Kanluran ang naging dominante, at sa batayan ng pagiging dominante nila naipataw-ipinataw ang kanilang kultura at modelo ng kagandahan.

Dahil sa kolonyalismo at imperyalismo, ang mga matang gamit natin sa pagtingin ng “maganda” ang siya ring gamit natin sa pagtingin ng “maunlad,” “mahusay,” at maging “demokratiko.” Hangga’t hindi lumalaya ang bansa sa dominasyon ng mauunlad na bansa sa Kanluran, pangunahin ang US, lagi’t laging may rasismo, iwawalang-halaga ang kulay na kayumanggi at itsurang Pilipino.

04 Hulyo 2012

Galing ang larawan sa Facebook. Maanghang ang banat ni Slavoj Zizek sa mga kritiko niya. May bagong sulatin si Salud y Benedicto. Magandang paggunita ni Elmer Ordoñez sa dekada ’30. Maganda ang parangal ni Anton Dulce kay Arman Arbarillo.