Maita Mia

(1) Nakilala niya si Maita Gomez sa konteksto ng hindi pagkakasundo, sa maagang bahagi ng 2006. May hindi ito nagustuhan sa isang ginawa ng mga aktibista. Kinausap niya si Maita para magpaliwanag. At dahil kilala si Maita na prangka at hindi mahilig makipagbolahan, sinabi niyang mas malamang ay uulitin ang naturang ginawa, hindi man sang-ayon ang kausap. Siguro, nagustuhan ni Maita ang katapatan, ang palagay na mauunawaan niya, ang hindi pagmenos sa kakayahan niyang maintindihan. Doon nagsimula ang malapit na pagkakaibigan hanggang namatay si Maita nitong 12 Hulyo.

Sabi ni Prop. Jose Maria Sison, naganap ang huli nilang pag-uusap ni Maita simula alas-8:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng umaga. Sa ganyang mga kwentuhan din niya nakilala si Maita. Minsan, biglaang pagdalaw niya, pero mas madalas, imbitasyon ni Maita sa hapunan. Mahilig makipagkwentuhan at mahilig tumawa si Maita. Natuwa siguro si Maita na may mga taong hindi sa pagiging beauty queen niya interesado, kundi sa pagiging gerilya at aktibista niya, sa mga pananaw niya sa pulitika at ekonomiya ng bansa. Mahusay lang din niyang naitago ang pagkamangha sa ganda at gaang ni Maita.

(2) Bukas-palad, mapagbigay si Maita. Ibinukas niya ang bahay sa mga kabataang aktibistang kumikilos malapit sa dating bahay niya sa Malate, Maynila. Sabi niya, pinakain at kinanlong siya ng masa kaya panata niyang magpakain at tumulong sa mga nangangailangan. Dagdag pa niya, ang masa, hindi tinatandaan ang pagpapakain sa mga bisita – hindi katulad ng mga naghaharing uri na hindi malimut-limutan. Sa mga usapan, lagi siyang may mababanggit na tinutulungan – magpaaral ng anak, lumipat ng bahay, kumuha ng trabaho. Walang indikasyong siya’y umaasa ng kapalit o nasisiphayo.

Mapagbigay rin si Maita pagdating sa mga pananaw at kwento. “Lahat ng taon ko sa Kilusan, maganda,” sabi niya nang puno ng katiyakan. Hindi raw siya gumising nang patanghali at halos wala ring day-off. Lagi niyang pinag-isipan kung paano mas mahusay na maipapatupad ang mga tungkulin – at agad na tinatasa ang resulta nito. Minsan, maingat niyang tinapat ang isang alyado tungkol sa planong pagrekluta sa natitsismis noong ikalawang asawa ng mister nito. Ang sabi raw ng alyado, “Alam mo, Maita, ikaw ang paborito kong Komunista.” At hindi pa nga siya nagtatapat dito!

Ang maganda kay Maita, mapagbigay man siya sa kwento at komentaryo, hindi ka makakaramdam ng pagmamataas o pangangaral. Hindi rin siya mariringgan ng pagmamaliit o sama ng loob sa Kilusan. Masaya lang siya, sa paglalarawan ni John Berger, manunulat: “Nagaganap ang ligaya kapag kayang ibigay ng mga tao ang kabuuan ng kanilang sarili sa yugtong pinagdaraanan, kapag ang Pag-iral at Pagiging ay parehong bagay [“The Soul and Operator,” 1990, Selected Essays, 2001].” Masaya siyang ibinigay niya ang mga pinakaproduktibong taon niya sa Kilusan, sa sambayanan.

(3) Siguro, dahil handa siyang magbigay at magsakripisyo, matapang si Maita. May kasama raw siya sa New People’s Army na namatay sa tabi niya, habang natutulog sila sa mga cogon ng Gitnang Luzon. Lagi raw niyang kinokontra noon ang mga insureksyunistang pakana ni Felimon “Popoy” Lagman sa kilusang masa, kahit ang kapalit ay ang paglusob ng huli sa kanyang bahay nang sumisigaw. May nagsulat, sa mga kasamahan niya sa Women for Ouster of Marcos and Boycott o WOMB, na hindi siya binatuta sa mga raling kontra-Marcos dahil maganda siya. Hindi totoo, sabi niya.

Noon daw, may kasama siyang lalaking magsasaka sa NPA na minamaliit siya. Ang tingin niya, dahil galing siya sa maykayang uri at isang babae, ang tingin nito ay duwag siya, takot mamatay. Minsan, may “kaaway” o militar sa kanilang erya. Bilang lider ng yunit, nagpanukala siya ng rutang dadaanan para makaiwas sa militar at makatulog sa gabi. Kinontra siya ng kasama, na naggiit ng rutang malapit sa militar. Pumayag siya. Nang nasa delikado na sila, sabi niya “Para! Tigil tayo. Dito tayo matutulog.” Yanig ang buong yunit. Lumapit ang katunggali. “Sige na, kasama. Lumakad na tayo,”  sabi nito.

(4) Masayang kakwentuhan si Maita, parang kabarkada. Walang seryosong usapan ang hindi napapagaan ng ngiti, tawa at halakhak niya. Matalas, simple siyang magpaliwanag; hindi madalas masabi sa mga parangal na isa sa mga unang yunit niya ang Instructors’ Bureau ng Partido Komunista ng Pilipinas. Masarap pakinggan ang boses niyang parang malat, tulad ng kay Lotte Lenya, mang-aawit – “one octave below laryngitis.” Puno siya ng buhay. Minsan, pinilit niya ang mga kaibigan na manood ng bidyo ni BLKD, rapper na kanyang paborito. Kapag nagra-rap na ang kalaban, panay ang sigaw niya: “Gago!”

Handa rin siyang maging sentro ng katatawanan. Nang minsang may humingi ng payo tungkol sa buhay mag-asawa, ang bungad niya, “Una sa lahat, congratulations. Nagkaroon ka ng relasyon na mas matagal sa kahit aling relasyon ko.” Ang tsismis, may nagmumultong white lady sa nabili niyang isla sa Laguna. “Hala kayo, Ma’am,” biro ng mga kaibigan, “dahil kilala kayong tagapagtatag ng Gabriela, magpapatulong sa inyo iyun.” Hanggang may nakaisip ng solusyon: Kapag lumabas na ang white lady, dapat sumigaw si Maita ng “Anti-mining! Anti-mining na ang advocacy ko ngayon!”

(5) Nagulat ang mga kaibigan ni Maita sa biglaan niyang pagpanaw. Alam nilang may diabetes siya pero larawan siya ng katatagan. Kahit mas bata sila, naisip nilang pupunta si Maita sa burol nila, hindi sila ang pupunta sa burol ni Maita. Ni hindi nila siya natanong tungkol sa gusto niyang mangyari kapag namatay siya. Nakasubaybay siya sa bawat yugto ng buhay nila, nagpapayo, nagbibigay ng inspirasyon. Marami pa siyang plano, katulad ng pagsulat ng kanyang memoirs. Ni hindi sila nakapagpasalamat sa kanya sa lahat ng itinulong nito sa kanila. Paanong bigla na lang siyang mawawala?

Totoo, ayaw ni Maita na pinag-uusapan sa publiko ang buhay niya. Pero ang kamatayan niya, na sing-bigat ng Sierra Madre, wika nga, ay naganap sa gitna ng mga kongkretong buhay na kanyang tinulungan at hinikayat. At iyan ay dahil gusto niyang makatulong sa bayang ito, sa Kilusang inaasam niya ang pagtatagumpay. Kahit sa kanyang kamatayan, nagbibigay siya – ng liwanag na hindi man natin laging masusunod ay pwede nating kuhanan ng direksyon. Nagpupugay tayo kay Maita dahil binubuhay ng salaysay niya ang pinakamahusay sa ating sarili bilang tao, progresibo, aktibista, at rebolusyunaryo.

25 Hulyo 2012

Kuha ang mga larawan ni Kenneth Guda ng Pinoy Weekly. Maraming salamat! Kakamatay lang ng hinahangaang radikal na mamamahayag na si Alexander Cockburn, at ang sumulat ng magandang parangal sa kanya, hindi inaasahan – si Louis Proyect. Pagbati kina Angela Stuart-Santiago at Katrina Stuart Santiago sa kanilang mga bagong libro! Ikinararangal kong  malagay sa likuran ng The Filipino is Worth Blogging For!

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • angela  On July 26, 2012 at 3:30 am

    salamat uli sa blurb, teo, at sa iyong pagdalo. hindi ko malaman kung bakit parang namumukhaan kita, parang dati na kitang nakilala, eh hindi naman. sayang naputol ang ating chikahan. sa mauulit!

  • kapirasongkritika  On July 27, 2012 at 9:21 am

    Walang anuman, Tita Angela. (Naks! Nakiki-Tita!) Weird. Lagi akong nakakakuha ng ganyang reaksyon — sa mga tagahanga ni John Lloyd Cruz, lalo na. Hehe. May next time dapat! Marami pang kwento!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: