Matagal nang nagpapakilalang “independyenteng manunuring pampulitika” si Mon Casiple. Ang totoo, ayon sa mga matagal nang aktibista, kapanalig siya ng Akbayan, na alyado ni Pang. Noynoy Aquino. Kung malabo man ang mga ebidensyang pang-organisasyon, malinaw naman ang mga ebidensyang pampulitika. Lalo na ngayon, sa pagsusuri niya sa paglaya ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo sa hospital arrest nito.
“Okey lang iyan.” Ganito sa pangkalahatan ang tindig ni Casiple sa paglaya ni Arroyo. Hindi naman daw ito makakatakas ng bansa, at patuloy na lilitisin sa mga nakasampang kaso. Humina rin daw ang baseng pampulitika ni Arroyo, habang “nakapagkonsolida ng kapangyarihan” si Aquino. Maaalis din ang pananagutan ng gobyerno sa karamdaman o posibleng pagkamatay ni Arroyo. Malaya pero hindi talaga malaya ang dating pangulo.
Hindi nakakapanatag ang mga pahayag ni Casiple. Hindi pa rin matagpuan at maikulong ang berdugong si Hen. Jovito Palparan, at walang patunay na nasa bansa pa siya. Kung nagawa niyang magtago sa batas o maikanlong ng batas, paano pa kaya ang amo niyang si Arroyo? At bakit hindi imbestigahan ang sinasabing sakit ni Arroyo? Napakarami na niyang opisyal ang umiwas sa pananagutan sa pagsasakit-sakitan.
Tama si Casiple: Hindi isinampa ang kasong pagsabotahe sa eleksyong 2007 para ikulong si Arroyo. Ang layunin lang nito ay pigilan ang kanyang pagtakas sa bansa – hindi para papanagutin siya kundi para maiwasan ang posibleng pagsiklab ng galit ng mga mamamayan. At bakit humantong sa ganito ang gobyernong Aquino? Dahil mahigit isang taon na ito sa pwesto, wala pa itong isinampang kaso laban kay Arroyo.
Humina ang baseng pampulitika ni Arroyo, lumakas ang kay Aquino? Lalong dapat makulong at hindi mapalaya si Arroyo. Pero hindi: nakalaya siya sa panahong kumpleto ang kontrol ni Aquino sa gobyerno. Pinayagan ang hospital arrest niya noong pinapatalsik si Chief Justice Renato Corona, at nakalaya siya dalawang araw matapos ang State of the Nation Address. Gumaganansya si Arroyo sa mga papogi ni Aquino.
Wala ring pag-alala si Casiple sa postura ng kanyang organisasyong Akbayan noong eleksyon. Hindi ba’t nanalo ang kanilang kandidatong si Aquino sa pangakong papanagutin si Arroyo – sa usapin ng katiwalian at pag-abuso ng kapangyarihan, hindi sa paglabag sa mga karapatang pantao? Mangako ng isang bagay at iba ang gawin kapag naupo? Hindi ba’t ganyan ang tradisyunal na pulitiko? Nasaan diyan ang pagbabago?
Musika sa pandinig ng gobyernong Aquino ang iba pang sinabi ni Casiple: Hindi kabawasan sa “kampanyang kontra-korupsyon at pampulitikang katayuan” ni Aquino ang paglaya ni Arroyo. “Minimal” daw ang pampulitikang epekto nito. Hindi ito pasibong pagsusuri sa reyalidad, kundi aktibong interbensyon sa reyalidad. Nais nitong pahinain ang namumuong protesta laban sa pagpapalaya ni Aquino kay Arroyo.
Sa kanyang SONA, may depensibang patutsada si Aquino tungkol sa “industriya ng kritisismo” laban sa kanya. Kitang-kita kay Casiple ang tipo ng industriya ng kritisismo ng Akbayan: may renda basta’t may renta – prinsipyo ng mga bayaran sa pulitika.
29 Hulyo 2012
Galing ang larawan dito.
Aliw: rebyu sa isang libro tungkol sa hilig sa piano ng mga pilosopong sina Sartre, Barthes at Nietzsche.
Hindi raw totoong hindi umatras kahit minsan ang radikal na mamamahayag na si Alexander Cockburn sabi sa parangal na ito. Heto ang isa pang magandang parangal.
Heto ang magandang pagkukumpara ng ekonomiks ni Aquino at ekonomiks ng guro niyang si Arroyo.