Angie, Angie

… when will those clouds disappear?
– Rolling Stones

Rebyu ng Angie Bisuña-Ipong, Mars Marata, at iba pang bilanggong pulitikal, A Red Rose for Andrea: Writings from Prison. Quezon City: Southern Voices Printing Press, 2012. 148 pahina.

Sa panahong ginugunita ng sambayanan ang deklarasyon ng Batas Militar 40 taon na ang nakakaraan, natatawag ang pansin natin sa mga paglabag sa karapatang pantao hindi lang sa panahong iyun, kundi maging sa kasalukuyan. Gustuhin man ng rehimen ngayon ang purong pagsariwa sa kasaysayan, dahil mapapatampok nito ang “pagkakaiba” ng panahon ni Macoy at panahon ni Noynoy, malay ang sambayanang lumilikha ng kasaysayan na nagpapatuloy sa iba’t ibang porma ang Batas Militar. Binabalikan man ng tanaw ng sambayanan ang madilim na nakaraan, iyan ay para mailawan ang mga pagpapatuloy, higit pa sa pagbabago, sa takbo ng kasaysayan.

Hinggil sa paglabag sa karapatang pantao nitong nakaraang mga taon ang librong A Red Rose for Andrea nina Angelina “Angie” Bisuña-Ipong, Mars Marata at iba pang bilanggong pulitikal. Tampok dito ang salaysay ng pagkamulat at pagkilos, pagkaaresto at pagkabilanggo ni Ipong – na sa maraming dahilan ay nakakahalinang tawaging “Angie” matapos mabasa ang libro. Laman din ang salaysay ng pagbabanta sa buhay ni Marata at ang pagkaaresto’t pagkabilanggo niya pagkatapos. Sa pamamagitan nilang dalawa, mababasa ang mga katulad at mahuhusay na salaysay ng iba pang bilanggong pulitikal, gayundin ng mga bilanggong nakasama nila sa buhay sa loob ng piitan.

Si Angie ay matagal nang aktibistang guro at misyonaryo, inaresto noong Marso 8, 2005, inakusahang namumunong kadre ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Kanlurang Mindanao, tinortyur at pinagsamantalahang sekswal, sinampahan ng mga gawa-gawang kaso, at ikinulong sa loob ng anim na taon. Si Marata naman ay mamamahayag na nagtago matapos ang ekstrahudisyal na pagpaslang noong 2005 sa kanyang kapatid na pamprobinsyang tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, lumutang noong 2006 matapos ikulong ng militar ang kanyang misis na bagong panganak, sinampahan ng mga gawa-gawang kaso, ikinulong noong 2009, at nakalaya lang nitong 2011.

Sa isang banda, mabigat basahin ang libro – syempre pa. Marami ritong kwento ng pagtortyur at pang-aabuso ng mga militar, nailarawan ang iba’t ibang sanhi ng kalungkutan ng mga bilanggo mula madalang na dalaw hanggang pagkabalam ng pagdinig sa kaso, at nailahad ang malulungkot na sirkumstansya ng mga bilanggo. May seksyon tungkol sa mga babae at batang bilanggo, na pawang biktima ng kahirapan, ng pyudal-patriyarkal na kalakaran, at maging ng sekswal na pagsasamantala sa kulungan. Kongkretong nailarawan nina Angie at Marata kung paanong ang Estadong mapanupil na instrumento ng iilang naghahari ay gumagamit sa militar, pulisya, korte at kulungan.

Sa kabilang banda, magaang basahin ang libro. Simple ang estilo ng pagkakasulat nito, maiksi lang, at ang takbo ng salaysay ay kasing-bilis ng pagkukwento ng isang dumalaw na kaibigan. Kaiba sa sulatin sa piitan ng ibang awtor, lalo ng mga Kanluranin, hindi naglunoy ang mga awtor sa mga detalye ng kanilang dinanas at sa mga sikolohikal o eksistensyal na tunggalian. Hindi nga sila nagkulong sa kanilang mga sarili kundi yumakap sa mga nakasama nila. Sa huli, libro rin ito ng katatagan, paglaban at tagumpay – ng samu’t saring produktibong aktibidad ng mga bilanggo; pagtangan sa prinsipyo, pag-asa at diwang palaban; at kapasyahang makalaya at bumalik sa pagkilos.

Bakit masarap tawaging “Angie” ang prinsipal na awtor ng libro? Dahil parang kilala mo na siya matapos basahin ang aklat; karaniwang tao siya rito. Higit pa riyan, dahil parang gusto mong maging malapit sa kanya, “feeling close,” maisip na kabahagi ng isang kilusan na komunidad din ng mga taong may malasakit sa kapwa, may marangal na pangarap sa bayan, at may tatag sa harap ng panunupil at karahasan. Sa gitna ng todong panunuhol ng militar ng masarap na pagkain at buhay kapalit ng “kooperasyon” –ano’ng pagsalaula ang paggamit nila sa salitang iyan! – tumanggi si Angie dahil katumbas ito, aniya, ng pagkakaroon ng bahid o pagsuko sa “esensya ng piniling buhay.”

Sa gitna ng posibilidad ng kamatayan, nasumpungan niya ang tatag. “[N]atuklasan kong may kakayahan tayong hangganan ang ganoong mga takot. Ang susi ay ang pagtanggap sa kasalukuyan. Napansin kong nang lubos kong tanggapin ang katotohanang pwede talaga akong mamatay, nagsimula akong kumalma… Naging mas madaling pasanin ang pag-iisip ng kamatayan… Kung mamamatay ako, marami pang iba ang papalit sa aking lugar, dahil alam kong ang pakikibakang pinag-alayan ko ng buhay ay karapat-dapat. Walang masasayang.” Ginamit din niyang armas ang hunger strike para magprotesta at ipresyur ang militar para kagyat siyang ilutang at itigil ang pandarahas sa kanya.

Sabi ni Amado Guerrero sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino, na nalimbag noong 1970 bago ang Batas Militar pero parang isinulat lang kahapon, sa panahong pangulo si Aquino, “Kapag ginagamit na ang pinakamararahas na hakbangin laban sa rebolusyunaryong masa, humahantong ang mga reaksyunaryo sa pinakamatatamis na salita ng pagmamalasakit.” Isang hakbang ang pagbasa at pagkukwento’t pagpapabasa sa pinakamarami ng libro nina Angie para masalag at makontra ang matatamis na kasinungalingang ipinapaulan ng rehimen kasabay ng mga banta at mismong mga bala.

22 Setyembre 2012

Galing dito ang larawan ni Angie. Galing naman dito, sa blog nina Jo at Jordan, ang ikalawang larawan. Tingnan din ang mga larawang ito.

Ang problema sa mga kasabihan, ayon kay Patrick Cockburn. Hindi ako komportable sa mga parangal na ang laging pinapatampok ay kung gaano ka-layo ang isang aktibista sa istiryutipo ng mga aktibista – na ang kadalasang paksa ay si Lean Alejandro. Kakatwang larawan sa Kasama Project. May bagong tula si Ericson Acosta, isa ring bilanggong pulitikal.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • Mag  On September 25, 2012 at 11:00 am

    May rebyu ka na rin ba ng Agaw-dilim, Agaw-liwanag ni Lualhati Abreu? Noong hinanap ko kasi sa Google ay wala akong makita. Kung wala pa pero nabasa mo na ito, ano ang tingin mo sa libro? Sa tingin ko kasi, bukod sa pagtutuwid sa kasaysayan ng kalabisan sa loob ng KIlusan sa ilang piling panahon, ito ay nananatiling puna hanggang sa kasalukuyan.

  • kapirasongkritika  On September 26, 2012 at 12:11 am

    Ikaw ba iyung Mag na dati nang nagkokomento dito?

    Kontrobersyal ang libro ni Abreu, alam ko. Pero hindi ko pa narerebyu. May nagpadala ng PDF, pero parang ang hirap basahin sa kompyuter. Hehe.

    Sige, gawan ko ng paraan na mabasa at marebyu. Iyun din ang balita ko, may pagtutuwid sa kasaysayan ng Kilusan. At tumutuligsa sa mga komentaristang bumabanat sa Kilusan dahil sa nangyari.

  • jpaul  On October 11, 2012 at 3:49 pm

    naggu-google ako ng entries tungkol kay ‘lualhati abreu’ at nakita ko ito.

    nabasa ko nitong nakaraang buwan lang ang ‘agaw-dilim, agaw-liwanag’. nagustuhan ko. napakahusay para sa akin dahil sa personal na pagsasalaysay at pagsasakasaysayan ng isang malagim na karanasan (kampanya laban sa mga espiya) ng kilusang lihim mula sa mismong nakaranas nito.

    malupit niyang pinuna ang pagkakamali at iminungkahing dapat daw itong ugatin sa ideolohiya. mas mahalaga pa ay nanindigan siya laban sa mga gumagamit ng pangyayari na ang layunin naman ay siraan at labanan ang kilusan na mapagpasya nang nagwasto. idiniin din niyang maaaring maulit ang pagkakamali at kailangang matuto sa nakaraan na ang ilang mga pagkakamali ay inilahad niya. tingin ko ay makatotohanan ang pagsagot niya sa mga ginawa at sinasabi nina robert francis garcia, nathan romulo kintanar, quimpo, patricio abinales, etta rosales, at iba pa.

  • kapirasongkritika  On October 12, 2012 at 12:51 pm

    Na hindi naman tungkol kay Lualhati Abreu. Hehe. Salamat sa pagdalaw!

    Wow! Pabasa! Hehe. Iyan nga ang balita ko, nagsiwalat ng mga bagong impormasyon — na medyo nakakagulat sa ibang kasama. Pero sa pangkalahatan ay wastong dinala ni Abreu ang malagim na kabanata.

    Marami pang katulad ni Abreu, dumanas ng matinding pagkakamali pero nananatili at nagpupunyagi.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: