Cybercrime After Time

Sabi ni Paul Virilio, pilosopong Pranses, “Ang bawat teknolohiya ay nagpoprodyus, nag-uudyok, nagpoprograma ng isang partikular na aksidente… Ang pagkakaimbento ng highway ay ang pagkakaimbento ng tatlong daang kotseng nagsasalpukan sa loob ng limang minuto. Ang pagkakaimbento ng eroplano ay ang pagkakaimbento ng pagbagsak ng eroplano… [Pure War, 1997].” Ano kaya ang aksidenteng partikular sa teknolohiyang Internet? Kung anuman iyun, tiyak na hindi ang pagsupil dito, gaya ng gustong gawin ng gobyernong Aquino ngayon, dahil eksternal ito sa teknolohiya.

Para sa isang gobyernong halatang mataas ang pagpapahalaga sa pagpapapogi o pagpapaganda sa propaganda, kakatwang walang paghahandang pampropaganda sa pagpasa ng Cybercrime Prevention Act of 2012. Wala man lang pagpapatampok sa child pornography, halimbawa, o sa talaga namang abusadong kritisismo, kung anuman iyun, sa gobyerno bago ito ipinasa para maging katanggap-tanggap sa publiko. O talagang sinadyang ang porma ang siya ring nilalaman, kumbaga? Mapanupil ang nilalaman at kailangang golpe de gulat ang pag-apruba at pagpapatupad?

Ang naiwang impresyon tuloy sa publiko, napikon lang si Sen. Tito Sotto sa mga pagtuligsa sa kanya  – na umabot sa puntong pati ang umano’y nakaraan ng mga kapatid niya kay Pepsi Paloma ay nahalungkat – sa debate sa Reproductive Health Bill kaya isiningit niya ang mga probisyon tungkol sa libelo. Pero bakit ipinagtanggol rin ng Malakanyang ang hakbangin ng kalaban umano nito sa debate sa RH Bill? May pag-uusap ba sila tungkol sa hangganan ng “sibilisadong” debate hinggil sa naturang panukalang batas? O may koordinasyon sila sa ibang bagay?

Anu’t anuman, lumalabas na todo-suporta sa bagong batas ang gobyernong Aquino, walang modang kahiyaan lang. Kakambal raw ng kalayaan ang responsibilidad, kahit ayon sa mga eksperto ay lampas sa kasong ito ang gobyerno sa kalayaang ibinibigay rito ng Konstitusyon. Kakatwa ito, dahil lubos pa rin naman ang suporta ng malalaking kumpanya sa midya, at maging ang maraming komentaristang online, sa gobyernong Aquino. Sa pagpasa sa Cybercrime Law, ang totoo, nagkakalamat ang ugnayan ng gobyerno sa naturang mga komentarista at maging sa midya.

Bakit sinusuportahan, kung hindi man talagang itinulak, ng Malakanyang ang naturang batas na hindi popular? Nagsunuran ang mga sintomas ng sagot: pakikipag-alyansa kay Sen. Bongbong Marcos para sa eleksyong 2013 at pagsuporta kay Sen. Juan Ponce Enrile nitong mga nakaraang panahon – sa kabila ng mga krimen ng mga ito sa pamilya ng pangulo, bukod pa sa sambayanan. Ang pulitika ay pagdadagdag, paliwanag ng nangungunang pahayagan na matapat pa rin sa pangulo. Walang mga permanenteng kaibigan, mga permanenteng interes lang, dagdag pa nito.

Dating gawi sa pulitika ito, na syempre’y nakaugat sa dating gawi sa ekonomiya. Ang batayan ng gobyerno: sinusuportahan nila ang “adyendang pang-reporma” ng pangulo. Bakit, gaano ba kasahol ang adyendang pang-reporma na iyan at kailangan ang suporta ng mga pulitikong alamat na ang pagiging kaaway ng pamilya ng pangulo? Gaano na ba ka-desperado ang gobyerno na maipatupad ang mga ito? At saan magmumula ang inaasahan nitong pagtutol? Sa mga mamamayan, syempre pa: Charter Change, pagpapababa ng sahod, pang-aagaw ng lupa, demolisyon…

Sa huling State of the Nation Address ni Aquino, hindi siya nakapagpigil na tuligsain ang tinawag niyang “industriya ng kritisismo.” Mas malamang, alam niyang patuloy itong lalago sa hinaharap. Kaya nga hindi sang-ayon si Noam Chomsky sa pahayag ng kapwa-intelektwal na si Edward W. Said, na “Ang tungkulin ng intelektwal ay sabihin ang katotohanan sa kapangyarihan.” Alam ng kapangyarihan ang katotohanan at ang kailangang makaalam nito ay ang nakakarami sa lipunan, at alam din ng gobyernong Aquino na nagagawa ito ngayon, sa isang antas, sa Internet.

Muli, nagpapakita ang gobyernong Aquino ng arogansya sa pagsalaksak sa mapanupil na batas na ito. Sa proseso, ipinapakita nito ang marupok na batayan ng arogansyang iyan. Takot ito sa pagbabahagi ng kritikal na impormasyon at kuru-kuro, sa pagbibigay ng mga mamamayan ng kahit katiting na reaksyon, sa larangan kung saan maaaring mabilis at malawak na makapanawagan ng pagkilos. Alam nito: May hangganan ang magagawa ng kontrol nito sa midyang dominante. Pero sa pagbabanta nitong supilin ang kalayaang magpahayag, ginagalit nito ang marami.

01 Oktubre 2012

Kahit si Jessica Zafra, umaalma sa Cybercrime Law. Pagbibigay-halaga ni Karlo Mikhail Mongaya kay Che Guevara. Ang pagbabalik ng blogger na si Mark Fisher – sa Tumblr. Patay na ang progresibong geographer na si Neil Smith. At agad namang humabol ang Komunistang historyador na si Eric Hobsbawm.

Kakalathala pa lang, nabanatan na: inilinaw ni Angela Stuart-Santiago ang ilang bahagi ng memoir ni Juan Ponce Enrile. Bakit kaya wala pa sa Pixel Offensive ang magagandang pinapalaganap nito sa Facebook ngayon?

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • angela  On October 1, 2012 at 2:25 pm

    eh kasi binanatan ako!

  • kapirasongkritika  On October 1, 2012 at 2:50 pm

    Hehe. Oo nga. Pinartikular ka. Ke bago-bagong labas, dinaluhan pa ng kung sinu-sino, mali naman ang impormasyon! Siguro, may malisya. Hehe.

  • jep  On October 2, 2012 at 9:37 am

    bok, pwede ako maka-shameless self-promotion?

    http://bayongniboyong.wordpress.com/2012/10/02/ipagtanggol-ang-mga-kalayaang-cyber-at-sibil/

    sana kasi masundan pa ng mas malalim yung hype tungkol sa Cybercrime Law. ayun.

  • fjord kaia  On October 2, 2012 at 1:43 pm

    Bottomline, kelan ba ang malawakang protesta laban dito?

  • kapirasongkritika  On October 2, 2012 at 4:21 pm

    @ Jep: Sorry, hindi ko napansin na may bago kang blog entry. Sa susunod, kasama ka na sa links. Pasensya na.

    @ Fjord Kaia: Mayroon na kanina. May mga susunod pa, tiyak. Dahil nagmamatigas ang gobyernong Aquino.

  • jep  On October 3, 2012 at 11:13 am

    nyehehehe nahiya naman ako. magkahalong sori at salamatz. hehe
    sa susunod na comment ko nga pala apoljacinto na ako ha. anggulo ng buhay ko e. hehe

  • kapirasongkritika  On October 3, 2012 at 12:02 pm

    Walang problema! Mabuti’t nagsusulat ka tungkol dito sa mapanupil na batas na ito. Sige, sige. Abangan kita, Apol Jacinto? Hehehe.

  • karlo mikhail  On October 6, 2012 at 8:45 pm

    Salamat sa link.

  • apoljacinto  On October 8, 2012 at 4:45 am

    hehe sige kitakits tayo. unti-unti nang naa-isolate si Aquino ano? tapos ang arogante pa nya.

  • kapirasongkritika  On October 8, 2012 at 6:14 am

    @ Karlo Mikhail: Walang anuman.

    @ Apol Jacinto. Mas nae-expose pa. Hehe. Masaya iyan kapag nagmatigas siya. At kahit lumambot pa siya. Hehe.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: