Kwentong Akbayan

(1) Totoo, nauna ang Akbayan sa paglahok sa eleksyong partylist. Hindi kailangang ipagsigawang noong 1998 pa lang ay lumahok na ito samantalang ang mga progresibong partylist tulad ng Bayan Muna, noong 2001 pa lang.

Nasa loob pa lang ng Kaliwa ang mga pasimuno ng Akbayan, gustung-gusto na nilang lumahok sa eleksyon at pumasok sa gobyerno ng mayayaman at makapangyarihan. Labis-labis ang pagpapahalagang ibinigay nila sa paglahok sa eleksyon at pagpasok sa gobyerno, kumpara sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa para sa tunay na pagbabago. Tiyak na mayroon sa kanilang tumingin sa ikalawa bilang pamamaraan lang para epektibong magawa ang una.

Nagkalat sila ng ilusyong walang pagpipilian ang Kaliwa kundi ang lumahok sa eleksyon, pumasok sa gobyerno, at bitawan ang iba pang porma ng pakikibaka. Mayroon ding ang pagtingin ay sa ganitong pamamaraan lang maisusulong ang mga reporma. At mayroon ding ang pagtingin ay patse-patseng reporma na lang ang posible, hindi na ang tunay na pagbabago.

Kasama ang kaisipan ng mga promotor ng Akbayan sa mga iwinasto ng Kaliwa noong dekada ’90. Tinunggali sa loob ng Kaliwa ang labis na pagpapahalaga sa paglahok sa eleksyon at pagpasok sa gobyerno. Idiniin ang pagiging pangunahin ng pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa para sa tunay na pagbabago. Kinilalang may halaga ang paglahok sa eleksyon at pagpasok sa Kongreso pero bilang sekundaryo, malayong sekundaryong porma ng pakikibaka.

Kaya nauna talaga ang Akbayan na lumahok sa eleksyong partylist. Patapos pa lang ang pagwawasto ng Kaliwa sa mga lumaganap na maling kaisipan, kasama na ang dala-dala ng mga promotor ng Akbayan, noong dulo ng dekada ’90. Pero nang magpasya ang Kaliwa na lumahok noong 2001 sa porma ng Bayan Muna Partylist, napatunayan ang bisa ng pagbibigay-halaga sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa para sa tunay na pagbabago: Numero Uno agad ang Bayan Muna.

Sa mga sumunod na eleksyon, hindi man partylist ng Kaliwa ang naging Numero Uno, ang Kaliwa naman ang nakakuha ng pinakamaraming pinagsama-samang boto kumpara sa kahit anong blokeng nagpapakilalang progresibo. Partida pa iyan dahil pinalasap ito ng matinding pandarahas at pandaraya.

(2) Nagtuluy-tuloy naman ang Akbayan hindi lang sa paglahok sa eleksyon at pagpasok sa Kongreso, kundi maging sa pagsisikap na makapwesto sa gobyerno. Tampok na porma nito ang pakikipag-alyansa sa sinumang pangulo ang maupo.

Noong 1992, umawit na ng papuri ang mga promotor ng Akbayan sa gobyerno ni Fidel Ramos. Kesyo hindi raw siya tradisyunal na pulitiko, kesyo karapat-dapat bigyang-pagkakataon ang programang Philippines 2000, at iba pa. Nagtuluy-tuloy ang gawing ito hanggang kina Joseph Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo. Dumistansya lang sila sa dalawa nang nalantad na ang baho ng mga ito.

Pero naging pinakamalapit ang Akbayan kay Noynoy Aquino. Marami siyang ibinigay na matataas na posisyon sa gobyerno sa Akbayan. Bilang kapalit, sa pangkalahatan, humanay ang Akbayan sa mga posisyon ng rehimeng Aquino sa iba’t ibang usapin. Kung tumuligsa man ang Akbayan, iyan ay papitik-pitik, at mas ginawa para hindi lubusang malantad at mahiwalay sa mga progresibong grupo sa ibang bansa na hinihingian nito ng pondo – dati, at malamang hanggang ngayon.

(3) Kaya naman pagdating ngayong taon, bisperas ng eleksyong 2013, may batayan ang Anakbayan at iba pang grupo ng kabataan kasama ang sentrong unyong Kilusang Mayo Uno, na hilingin ang diskwalipikasyon ng Akbayan sa eleksyong partylist. Kahit ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV, kinilalang makapangyarihan at “overrepresented” na ang Akbayan sa gobyernong Aquino at kailangan nang tanggalin sa eleksyong partylist.

Hindi matanggap ng Akbayan ang paghahain ng petisyon para sa diskwalipikasyon nito. Sa isang banda, buong buhay nga naman nito, inilaan nito sa pagtakbo sa eleksyong partylist at pagpasok sa Kongreso ng mga haciendero at malalaking kapitalista. Sabi ng isang tagapagtanggol nito, “lumampas sa pampulitikang linya (crossed the political line)” ang Anakbayan at KMU nang hilingin ang diskwalipikasyon.

Dahil matibay at madaling maunawaan ng publiko ang batayan ng diskwalipikasyon nito, mabilis na naging desperado ang Akbayan. Lalo na’t nabigyang-itsura ang pagpapakasasa nito sa kapangyarihan sa gobyernong Aquino noong nabisto ang lider nitong may petisismo sa baril at piniratang DVD sa nakaraang mga buwan.

Sa desperasyon nito, inakusahan nitong prente ng radikal na Kaliwa, ng Communist Party of the Philippines, ang Anakbayan, KMU at iba pang organisasyon. Si Walden Bello, unang nominado ng Akbayan at nangunguna sa pagpapanggap na progresibo ang Akbayan, ito ang sinabi. Si Mon Casiple, nagpapanggap na “independyenteng manunuring pampulitika” gayung Akbayan talaga, hinubad ang lahat ng pagpapanggap at ganito rin ang sinabi. Pinakilos pa maging ang mga lider-estudyante ng Akbayan para palaganapin ang ganitong kasinungalingan.

Dahil diyan, nagprotesta ang Anakbayan sa isang press conference ng Akbayan. Kinondena nito ang “red-baiting” na ginagawa ng huli. Natural, mapanganib ang mabansagang prente ng CPP. Ito ang naging paliwanag ng militar, tampok ni Ret. Gen. Jovito Palparan, sa pagdukot, pagtortyur at pagpaslang sa napakaraming aktibista noon – at nagpapatuloy ang mga ito ngayon.

Syempre pa, pinalabo ng Akbayan ang isyu. Pinalabas na ang protesta’y para sa diskwalipikasyon nito, gayung hindi; tungkol ang protesta sa red-baiting. Pinaratangan ang mga aktibista na arogante at hindi sibilisado, gayung ang naturang mga aktibista ang biktima ng arogante at barbarikong atake ng militar sa utos ng reihmeng Aquino at sa tulong na rin ng pagbibigay-katwiran ng Akbayan.

(4) May mga kaibigan naman ng Kaliwa at ng Akbayan na gumigitna, nananawagan ng tigil-putukan, kumbaga, at nagpapahayag ng pagkalungkot o pagkabahala sa pagtuligsa ng Kaliwa sa Akbayan na umano’y “kapatid” nito at “kapwa-progresibo.”

Labag sa lohika ang panawagan nila. Una, matibay ang batayan kung bakit dapat idiskwalipika ang Akbayan. Ikalawa, sa desperasyon nitong makatakbo sa eleksyong partylist at makapanatili sa kapangyarihan, binibigyang-katwiran ng Akbayan ang pandarahas ng militar sa mga nasa Kaliwa. Kung ilang pwesto sa Kongreso ang posibleng mawala sa Akbayan, aktwal na buhay ang nawawala sa mga aktibista dahil sa pagtatanggol sa sarili ng Akbayan. Aanhin mo ang kaaway kung may kapatid kang ganyan, tulad ng Akbayan, hindi ba?

At ikatlo, ang progresibo ay nasa gawa, hindi sa salita. Kahit si Adolf Hitler, “sosyalista” ang pakilala sa sarili, pero pasista. Hindi sapat na nagpapakilalang progresibo ang Akbayan para ituring itong kasama o kapanalig sa pakikibaka para sa progresibong pagbabago. Sa rekord nito sa ilalim ng rehimeng Aquino, nagbigay lang ito ng progresibong bihis sa mga patakarang neoliberal – pabor sa mga imperyalista at naghaharing uri at kontra sa mga mamamayan.

Porke ba nagpakilalang progresibo, progresibo na? Hindi ba pwedeng nagpapanggap lang? Hindi ba pwedeng umiiwas lang sa makatwirang puna? At porke ba gumigitna, hindi na pwedeng pumanig? Hindi ba pwedeng naninimbang lang sa dalawa pero pumapanig din – sa tama at sa progresibo?

(5) Pero naging malinaw na sa mga mamamayan ang tunay na isyu. Alam nilang hindi na mardyinalisado ang Akbayan, na overrepresented na ito sa gobyernong Aquino, at karapat-dapat nang idiskwalipika sa eleksyong partylist.

Pilit palalabuin ng Akbayan ang isyu. Ang gusto nitong palabasin: labanan ito ng moderatong Kaliwa at radikal na Kaliwa, ng pino at ng barbariko, ng nakaupo sa pwesto at ng naiingit dahil hindi nakaupo sa pwesto. Pero mabuway ang batayan nito. Ang totoo, labanan ito ng tama bersus mali: ng mga mamamayan bersus isang partidong hindi na mardyinalisado pero nangungunyapit sa kapangyarihan at nagpapahamak ng mga aktibista sa pangungunyapit – at nagpapanggap pang progresibo. Ng mga mamamayan bersus isang partidong abusado.

Sa yugto ngayon, kung makakatakbo man ang Akbayan, malalantad ito at ang gobyernong Aquino na nagsisikap dominahin ang sistemang partylist, katulad din ni Arroyo noon, para hadlangan ang mga kritiko ng gobyerno. Makatakbo man ito, tiyak na uulanin ito ng tanong at batikos, direkta mula sa karaniwang tao. “Ah, kayo pala iyung Kapalmuks Partylist!” At tiyak, magpapatuloy pa ang paglalantad ng Kaliwa sa Akbayan at, higit sa lahat, ng Akbayan sa sarili nito.

19 Oktubre 2012

Ang mga larawan ay walang kahihiyang pinagkukuha sa Facebook ni Federico Boyd Sulapas Dominguez. Maraming salamat po!

Magsasara na pala ang Newsweek? Sino ang dapat sisihin? Pinag-iiba ang seksismo sa misogyny ng iba’t ibang feminista. Sipat sa mga dekada mula ’50, mula kay Fredric Jameson. Kritika sa komunismo ni Slavoj Zizek: masyado raw magaan. Maikling sulatin niya tungkol sa kapitalismo; nakakagpaisip tuloy. Maikli pang parangal sa radikal na historyador na si Eric Hobsbawm.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: