Malay Niya kay Maita

Love is chilled by the value
that the ego places on itself.
– Theodor Adorno

Gaya ng ipinakita ng kakatapos na Araw ng mga Patay, malaki ang pagpapahalaga nating mga Pilipino sa mga yumao na. Isang halimbawa rin ang pag-iwas nating magsabi ng mga negatibong bagay tungkol sa mga kakamatay lang – kahit pa nga, sa ilang pagkakataon, katuli-tuligsa talaga ang namatay.

Pero hindi kasama diyan ang mang-aawit na si Heber Bartolome, na sa “Music, Martial Law and Maita Gomez,” ay nagbitiw ng mga negatibong komentaryo tungkol sa dati niyang asawang nasa titulo ng artikulo. Hindi rin ang manunulat na si Eric S. Caruncho, na buong giliw na nagsulat ng sanaysay. At hindi rin ang Sunday Inquirer Magazine, na naglathala ng naturang mahabang artikulo nitong Setyembre, sa edisyong laan sa paggunita sa ika-40 anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar.

Tawag-pansin ang pambungad ni Caruncho, ibang bagay pa kung makatotohanan. Inaamin na raw ng Communist Party of the Philippines ang pagbomba sa Plaza Miranda noong 1971 at ang mga “pagpurga” ng huling hati ng dekada ’80, kaya ang natitirang “misteryo” na lang ng Kaliwa ay kung paano nagkatuluyan sina Heber at Maita. Mariing itinatanggi at hindi inaamin ng CPP ang pagbomba, at nagpupuna ito sa sarili at hindi itinatanggi ang tinatawag ni Caruncho na “pagpurga.” Iba rin si Caruncho: para ibenta ang sariling sulatin, nakipagkoro pa sa paninira sa Kaliwa.

Pero agad ginawang tiyak ni Caruncho ang layunin ng sanaysay: hindi lang ang ikwento ang pag-iibigan at pagsasama nina Heber at Maita kundi ang pamosong paghihiwalay na kinahantungan nito. Inakusahan daw ni Maita si Heber ng “domestic abuse” – na maraming pakahulugan, simula pambubugbog hanggang pananakot at pandodomina – nang maghiwalay ang dalawa noong 1984. “Ngayon, pagkakataon na ni Bartolome na magsalita,” taimtim na deklarasyon ni Caruncho. Ngayon nga namang patay na si Maita at hindi na maipapaliwanag at maipagtatanggol ang sarili.

Kung makapagbida si Heber sa artikulo, akala mo, siya si John Lloyd Cruz. Nagkakilala raw sila ni Maita sa isang safehouse sa Bulacan kung saan nagtipon ang mga tagahanga niya. Sabi niya, “Iniwan [ni Maita] ang kabundukan para makasama ako. Naging instrumento ako para makabalik siya sa normal na buhay.” Nagseselos daw si Maita at nang minsang gumawa siya ng kanta para sa isang dating karelasyon, nagalit si Maita at tinapakan ang tanging nakarekord na kopya ng kanta. Kung bakit niya ginawa iyun noong mag-asawa na sila ni Maita, hindi niya ipinaliwanag.

Asal-mayaman si Maita, makamasa si Heber, at naapi si Heber. Ito ang isang paliwanag ni Heber kung bakit naghiwalay sila ni Maita. Kesyo de-uniporme ang mga katulong sa bahay ng nanay ni Maita at “señora” ang tawag nila kay Maita at “señorito” sa mga bata. Kesyo naglalagay ng pasas sa ulam sina Maita, bagay na hindi matagalan ni Heber dahil nakagawian niyang pampyesta lang ang mga ito – kahit pa ang totoo’y mura na lang ang mga ito. At kesyo nagbabasag ng gamit si Maita kapag nagagalit – na gawi lang ng mayayaman, hindi ng mahihirap ayon kay Heber.

May mabubuting salita naman si Heber tungkol kay Maita. Una, “matangkad na magandang babae” – bagay na alam ng lahat, nagpapakita ng paimbabaw na pagkilala, at pagpapakilalang kinabwisitan noon ni Maita. Ikalawa, para raw si Gautama Buddha si Maita, nagimbal sa karalitaan at nakipamuhay sa mahihirap. Marami nang pumuri sa pakikisangkot sa lipunan ni Maita bilang aktibista at gerilya, at mayroong mas magagandang paliwanag kaysa sa inihain ni Heber.

Pagdating sa pagiging asawa at ina ni Maita, bagay na aasahang may bagong masasabi si Heber, ganito ang pagsusuri niya: “May problema ang mga Gemini sa mga pigura ng awtoridad,” aniya, at “nagdulot ito ng kawalan [ni Maita] ng kakayahang magsustine ng mga relasyon sa mga lalake,” paliwanag ni Caruncho. Ipinapaalala ng pahayag nila ang kalakarang kasing-tanda siguro ng mga bituin at horoscope: ang lalake ang siyang awtoridad sa relasyon at ang babae ay dapat tumalima lang sa lalake. Malinaw ang pahayag ng dalawa: Si Maita ang may problema.

Umamin din naman ng kahinaan si Heber: “Ang isang pinakamalaking kabiguan ko sa buhay ay hindi ko napalaki ang dalawang anak kong lalake.” Pero ang kahinaan niya, gaya ng alam ng lahat, ay pinunuan ni Maita: Si Maita ang nagpalaki sa dalawang anak ni Heber, na ayon sa artikulo’y naging “mga alagad ng sining, manunulat at guro.” Pero sa bahaging ito, sa pagkilala sa pagpapalaki ni Maita sa kanyang mga anak, walang mabuting salita si Heber, lalong walang pasasalamat.

Sa dulo, sabi ni Heber, “Galing kami sa magkaibang uring panlipunan. Nagkapareho kami sa pagtatanggol sa mahihirap, pero pagdating sa pagrerelasyon, hindi kami bagay sa isa’t isa.” Nyutral ang pagtatapos sa artikulong negatibo ang paglalarawan kay Maita. Sa kabila nito, halos tatlong dekada matapos nilang maghiwalay ni Maita, nagagawa pa rin ni Heber na sabihin ang ganito, hindi maubos-maisip ang kahit anong kahinaan: “Hindi ko talaga makita kung bakit siya nagalit sa akin.”

07 Nobyembre 2012

Galing dito ang mga larawan.

Rebyu ni Scott McLemee ng libro ng mga political scientist tungkol sa eleksyong 2012 sa US. Parangal kay Shulamith Firestone, radikal na feministang namatay nitong nakaraang mga linggo. Ilang pagmumuno ng Keynesian na ekonomistang si Paul Krugman sa kabuluhan ng pananaliksik niya sa mundo.

Nai-link ko na ba ito? Pinaiksing kritika ni Ramon “Bomen” Guillermo sa Pantayong Pananaw. Seme-semetre pa rin bang ipinapabasa ang PP sa mga estudyante? Dapat mapabasa rin ang sanaysay ni Prop. Guillermo.

Parang scam na parang hindi raw ang pagtuturo ng malikhaing pagsulat. Nakakaiyak ang kabayanihan ni Nanay PJ. Magandang parangal sa isang kaibigan at nanay nito ni Giba Guevarra. Magandang tula ni Eduardo Galeano, isinalin ni Ronalyn Olea.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • menix  On November 7, 2012 at 12:48 am

    Speaking from experience, may mga lalake talaga na ganyan, at malas na lang kung ganyan ang ama ng mga anak ng isang babae. Nakakapanggigil ang naivete or/and ego! Dapat sa mga ganyan hindi binibigyang halaga ang mga sinasabi.

  • Leon  On November 7, 2012 at 1:16 am

    Nagawi muli ako dito nang makita ko ang artikulo ay tungkol kay Heber. Sa kwentuhan lang kasi nababalitaan ang kasaysayan nila ni Mam Maita. Nang nabasa ko ito, naging kongkreto ang abstraktong galit sa pyudal at lumpenic na si Heber.

  • kapirasongkritika  On November 7, 2012 at 2:04 am

    @ menix: Malas talaga. Kaya dapat kilalanin bago pakamahalin. Kung sa araw-araw, pwede mong hindi pansinin. Kaso ito, sa SIM pa talaga lumabas. Para tayong binabastos, kaya magandang sagutin.

    @ Leon: May kaunting kwento akong narinig, pero grabe iyung artikulo. Nariyan ang kanyang best na pag-unawa sa paghihiwalay nila ni Maita, at iyun nga, sa kanyang best, lantad na lantad ang pyudal-patriyarkal na pagtingin — nagkukubli pa sa pagiging makamasa.

  • Tine  On November 7, 2012 at 8:03 am

    Salamat sa link sa article ni Sir Bomen!

    Ang kapal ni Heber! Grabe lang… One word: feeling

  • ronvil  On November 7, 2012 at 11:35 am

    Parang Bobby Brown lang kay Whitney Houston, malakas loob magsalita dahil wala nang kakayahang sumagot at magtanggol ng sarili ang kabilang panig.

    Buti pa nga ang “upper-class scion,”, nagpatuloy sa pakikisangkot sa iba’t ibang isyung panlipunan…

  • kapirasongkritika  On November 7, 2012 at 3:12 pm

    @ Tine: Walang anuman! Resulta na rin ng ideolohiyang pyudal-patriyarkal, kaya feeling. Hehe.

    @ ronvil: Una sa lahat: Naks! May bagong website! Pangalawa, trivia: Tagahanga rin si Maita ni Whitney. Wala lang. Hehe.

    Pangatlo: Talagang idiniin si Bobby Brown tungkol sa pagdodroga na nag-ambag sa pagbagsak at pagkamatay ni Whitney. Sa kaso ni Maita, wala namang nag-ungkat pa ng nangyari sa kanila ni Heber. Kaya parang hugot sa kawalan itong banat ni Heber. Pang-apat: Oo nga. Hehe.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: