Mahirap Maging Mahirap

Rest Period

Mahirap maging mahirap ngayon. Hindi lang ito nangangahulugan ng pagdama ng karalitaan; pinagmumukha pa itong kasing-kahulugan ng karalitaan ng pagdama. Sa ilalim ng pangulong ang pangako noong eleksyon ay “Kung walang corrupt, walang mahirap,” ang pagiging mahirap ay pinapalabas na pangako ng pagiging corrupted.

Kailangan ang Reproductive Health Bill dahil walang-awat ang pag-aanak ng mga maralita. Kailangan ang Sin Tax Bill dahil walang-hanggan silang manigarilyo at uminom ng alak. Hindi sila lumilikas kahit pilit inililikas ng gobyerno sa panahon ng kalamidad. Ayaw nilang maglipat-bahay kahit may relokasyon. Ayaw nilang magtrabaho.

Malapitan ang kanilang tanaw, hindi malayo. Agad-agad na kaligayahan ang gusto nila, hindi ang matagalang interes nila at ng bansa. Kailangan silang punahin, hiyain at disiplinahin ng gobyerno, katuwang ang masmidya at iba pang institusyon kung kailangan. Panginoon, patawarin mo sila dahil hindi nila alam ang kanilang ginagawa.

Kahit si Randy David, kolumnistang nagpapakilalang progresibo, ganito ang pananaw sa masa. Sa huli niyang kolum, tinanggihan niya ang implikasyon ng isang pahayag ni Sen. Miriam Defensor-Santiago: na kailangang magtapos ng hayskul ang mga botante at ng kolehiyo ang mga pulitiko para malunasan ang mga sakit ng pulitika sa ating bansa.

Kahit nakailag sa lantad na elitismo ng pahayag ni Santiago, may problema pa rin sa panukala ni David. “Kailangang ipaalala sa mga botante at opisyal-publiko na ang pagkamamamayan (citizenship) at pulitika ay mga instrumento ng ikabubuti ng lahat (common good): Nabibigo silang gumana kapag ipinapailalim sa personal na interes.”

Aniya, ang botanteng “mas interesadong punuan ang kanyang tiyan kaysa igiit ang kanyang pampulitikang tinig” ay “mas naitutulak na ibigay ang kanyang boto sa taong iniidolo niya o may kakayahang mabilis na tugunan ang batayang pangangailangan niya kumpara sa taong may napag-isipang tanaw (vision) ng kasaganaan para sa lahat.”

Astronaut

Bakit nga ba ibinoboto ng mahihirap ang mga artista at bumibili ng boto? Ang mga naglalakihan ang karatula sa pagbibigay ng samu’t saring proyekto? Hindi malayo ang mga tanong na ito sa umano’y sentral na tanong ng pilosopong si Baruch Spinoza: Bakit nga ba ipinaglalaban ng mga tao ang kanilang pagkaapi na parang ito ang kaligtasan?

Nakakahalinang tapatan ang ganitong sinisismo sa maralita ng romantisismo sa kanila. Pero reyalistiko ang tugon ng mga progresibo: pagdating sa pulitika, nahahati ang masa sa abante, panggitna at nahuhuli. Masasabi sigurong ang mga sinikal, nakatutok sa nakakaraming nahuhuli, habang ang romantiko, nakaranas ng dumaraming abante.

Samu’t sari ang implikasyon ng sinisismo sa maralita, gaya ng ipinapakita ni David. Isa na riyan ang tawaran ang kakayahan nila na magsulong ng malalimang pagbabago at sa gayo’y magpatali sa mga larangang pinapahintulutan ng kasalukuyang sistema, tulad ng eleksyon. Ganoon din ang hindi alamin ang mga dahilan nila sa kanilang mga aksyon.

Pero una, hindi kasing-layo tulad ng iniisip ni David ang kagyat na kahilingan ng mga maralita sa interes ng nakakarami. Niyayakap nila ang kahilingan para sa reporma sa lupa, makabuluhang dagdag-sahod, regular na trabaho, disenteng paninirahan, abot-kayang serbisyong panlipunan at iba pa. Hindi sila kasing-kitid ng iniisip ni David.

Ikalawa, may katotohanan sa likod ng tugon ng maralita sa eleksyon na ayaw kilalanin ng mga tulad ni David na umaasa rito: Alam nilang wala itong idudulot na tunay na pagbabago. Kahit mga kagyat na kahilingan, alam nilang hindi maidudulot. Nasaan ang “taong may napag-isipang tanaw ng kasaganaan para sa lahat”? Laging nasa gobyerno?

Dalawang beses na tiwalag sa maralita, kung gayon, ang panukala ni David. Una, sa interes nitong patatagin ang eleksyon at “baguhin” ang sistema sa pamamagitan nito, ala Edward Bernstein sa pinakamahusay. Ikalawa, sa estilo nito ng pagsalaksak sa mga maralita na hindi nito nauunawaan ng mga liberal-demokratikong ilusyon sa pulitika.

05 Disyembre 2012

Galing ang mga larawan dito. Magandang kolum ni Katha Pollitt tungkol sa stigma sa mga may lung cancer at sa epekto nito sa kanila.

Kahanga-hanga ang pagtulang ito ni Rafeef Ziadah, lalong nakakapagbigay ng pag-asa sa mga posibilidad ng progresibong pagtula. Heto naman ang artikulo tungkol sa pagtula at rebolusyon sa Latin America.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: