Ang Mali ni Ricky

Laszlo Moholy-Nagy1

Marami na ang nakapagsulat tungkol sa kontrobersyal na interbyu ni Ricky Lo, kolumnistang pang-showbiz, kay Anne Hathaway, sikat na artistang Amerikano. Maliban sa mga kapanalig sa showbiz ni Lo, mas marami ang tumutuligsa kaysa nagtatanggol sa kanya sa isyu. Saan, saan nagkamali si Lo sa panayam kay Hathaway?

Sa tingin ko, sa nilalaman at porma. Sa nilalaman, masasabing personal ang mga tanong ni Lo, hindi propesyunal; mas tungkol kay Hathaway bilang tao at artista, hindi tungkol sa pelikula. Mas malamang, nasa isip si Lo kung paano ibebenta ang pelikula at istorya, at ang naisip niya ay personal, kaya rin panay ang tanong niya tungkol kay Lea Salonga.

Sa porma, ratsada ang naging pamamaraan ni Lo, patalun-talon sa iba’t ibang paksa, hindi nagpalalim sa mga isinagot ni Hathaway tungkol sa pelikula. Sa kanyang pagkairita, matalas ang sagot ni Hathaway sa huling tanong ni Lo: Para talagang mas gustong pakinggan ni Lo ang sarili kaysa makinig sa sinasabi ng iniinterbyu niya.

Ang nakakakilabot, inilarga ni Lo ang panayam nang matikas, ramdam ang kanyang awtoridad sa Pilipinas. Hindi niya alintana ang pagtanggi ni Hathaway na sagutin ang una niyang tanong, na mahihinuhang masyadong personal. Hindi siya nagbago ng mga tanong at pamamaraan, iginiit ang kagawian niya sa telebisyon sa mga artista sa bansa.

Bilang isa sa pinakamalalaking reporter pang-showbiz sa bansa, na may kaakibat na yaman at kapangyarihan, tagapagdala si Lo ng kagawian ng lokal na industriya ng entertainment. Trinato niya ang panayam kay Hathaway tulad ng pagtrato niya sa panayam sa mga artista sa bansa: pakalkal sa personal at mainipin ang porma.

At sa mali ni Lo, makikita ang ilang mali sa showbiz sa bansa: Una, ang pagsandig sa mga intriga sa personal na buhay ng mga artista para magbenta ng mga pelikula at iba pang proyekto. Ikalawa, ang labis na awtoridad ng mga makapangyarihan sa showbiz – mga kolumnista, manager at estasyon ng telebisyon – na nagdidikta sa mga artista.

Halos kasabayan ng panayam kay Hathaway, pumutok ang “intriga” tungkol kina Kim Chiu, Maja Salvador at Gerald Anderson, at damay pa si Sarah Geronimo. Ang hinala ng iba, para ibenta ang teleserye ng unang dalawa. Kinasuhan naman ng GMA7 si Sarah Lahbati dahil naghayag ang huli ng umano’y mga anomalya sa paghawak sa mga artista.

Laszlo Moholy-Nagy2

Isipin na lang ang dinaranas ng mga artista. Kailangan nilang makilaro sa mga gawa-gawang kwento tungkol sa personal na buhay nila para lang magbenta. Kailangan nilang maging magalang sa mga makapangyarihang kumakaltas sa kita nila, dahil ang mga ito, kayang “wasakin” ang kanilang “career” – at ang iba’y nagbabanta talaga nang ganyan.

Maaaring may ganito ring mga problema sa showbiz sa US, maaaring wala; hindi ko masabi. Ang tiyak, hindi pantay ang ugnayang pangkapangyarihan sa pagitan nina Hathaway at Lo. Hindi kayang wasakin ni Lo ang career ni Hathaway tulad ng pwede niyang gawin sa mga artista sa bansa; ang problema, umakto siyang parang kaya niya.

At lumaban si Hathaway. Dahil nakita siya sa protestang Occupy sa US at sumusuporta sa kampanyang One Billion Rising laban sa karahasan sa kababaihan, mas may batayang isiping hindi lang siya bugnutin sa araw na iyun. Maaaring may gusto siyang gawing punto sa harap ng hindi naman talaga kaaya-ayang pakikipanayam ni Lo.

Kakatwa, pero parang ipinaghiganti ni Hathaway ang mga artistang Pinoy. Nagawa niya ang hindi kayang gawin ng mga lokal na artista. Kakatwa, dahil ang industriya ng entertainment sa US na pinagmulan niya ay responsable rin – sa panggigipit sa mga pelikula at palabas sa telebisyon sa Pilipinas – sa dinaranas ng mga artista sa bansa.

23 Enero 2013

Galing ang mga larawan dito.

Sabi ng kolumnistang si Lolit Solis sa isyu: ”Dyuskoday, hindi pa ipinapanganak si Anne, entertainment journalist na si Papa Ricky ’no?!” at ”At least, isang international star ang involved sa isyu ni Papa Ricky, hindi mga lesser star o starlet.”

Interesante pala ang buhay nitong si J. Robert Oppenheimer, imbentor ng bomba atomika. Tinalakay ni George Monbiot ang kaibahan ng mga bata sa US at bata sa Pakistan sa paningin ng gobyerno ng US. Pinsala ng neoliberalismo sa buhay, sa kaso ng dating mga bansang dating sosyalista sa Silangang Europa.

Magandang pagmumuni ni Jodi Dean tungkol sa isang sikat na meme: Keep Calm and Carry on. Rebyu ng pelikulang The Hobbit ni J. Hoberman. Kakatwa ang mga kwento tungkol sa pagbabago ng New Zealand pabor sa pelikula.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: