Chavez Otra Vez

Hugo Chavez1

Lahat ng matapat na salaysay ng naging buhay ni Hugo Chavez, anti-imperyalistang pangulo ng Venezuela na namatay nitong Marso 5, ay naglalaman ng mahigpit na ugnayan niya sa mga maralita ng kanyang bansa.

Galing siya sa hanay nila, una sa lahat – sa hanay ng mga maralitang sa konteksto ng Venezuela ay binubuo ng mga mas madilim ang kulay ng balat. Isinilang siya sa mababang panggitnang uri, at pumasok sa militar na tanging bukas na landas para sa mga tulad niya tungo sa edukasyon at kahit paano’y pag-unlad.

Nakilala siya sa kudetang pinamunuan niya noong 1992 laban sa gobyernong sunud-sunuran sa mga dikta ng International Monetary Fund. Nang masukol ang kudeta, sinabi niya sa telebisyon na hindi makakamit ang kanilang mga layunin – por ahora, sa ngayon. Ang mensahe: darating ang tamang panahon.

Nanalo siyang pangulo sa eleksyong 1998, salamat sa suporta ng nakakaraming maralita. Sa kabila ito ng kaliwa’t kanang paninira ng mga naghaharing uri sa Venezuela. Kapansin-pansing nanalo rin sa Pilipinas noong 1998 ang nagpakilalang mula at para sa masa, matapos ang isang rehimeng sagad-sagaring neoliberal.

Bago nito, itinatanghal ang Venezuela na modelo ng demokrasya sa Latin America na nagbubunga ng pag-unlad. Sa unang tingin, sorpresa ang pagkakahalal ng isang progresibong tulad ni Chavez. Pero nakakasorpresa lang para sa mga hindi sigurado sa pagkulo ng diskuntento sa mga patakarang kontra-maralita.

Agad-agad, ikinampanya niya ang pagbago sa Konstitusyon ng Venezuela noong 1999. Pinrotektahan ang mga karapatan ng mga katutubong mamamayan at kababaihan at ang kalikasan, kinilalang karapatan ang mga serbisyong panlipunan, at itinakdang pwedeng tanggalin ang pangulo sa pamamagitan ng reperendum.

Pagkatapos, binawasan ang tubo ng malalaking korporasyong dumudukal sa langis ng Venezuela na mas marami pa sa Saudi Arabia. Ginawa niyang 70% ang 84% naitatabi ng mga korporasyon sa benta ng krudong inilalabas sa bansa. Ginawa niyang 16.6% ang dating 1% kabayaran sa espesyal na krudo sa kanyang bansa.

Nagpasa rin siya ng batas na nagtatakda na ang mga lupang nakatiwangwang at hindi tinatamnan ay dapat ibenta sa mga walang lupa. Kakaiba ito para sa isang lipunang tulad ng Pilipinas na maraming lupa ang kontrolado ng iilang pamilya, habang ang tanging lupa ng nakakarami ay iyung naiiwan sa kanilang kuko’t paa.

Hugo Chavez2

Dahil sa kanyang mga reporma, na bumawas sa yaman at kapangyarihan ng mga naghahari, kinudeta siya noong Abril 2002. Nailipad na siya paalis sa Miraflores, Malakanyang ng Venezuela, pero agad lumusob ang laksa-laksang masang Venezuelan para igiit ang kanyang pagbabalik sa pwesto. Nabigo ang kudeta.

Sa halip na masindak sa kudeta, lalong tumapang si Chavez sa suporta ng masa. Aniya, utang niya ang nalalabi niyang buhay sa mga maralita ng Venezuela kaya sa kanilang kapakanan na niya ito ilalaan. Sa buhay-at-kamatayang pangyayaring iyon lalo niyang nagagap at nayakap ang halaga ng pagsandig sa masa.

Disyembre 2002, nagwelga naman ang korporasyon ng langis na pag-aari ng gobyerno ng Venezuela. “Pahiyawin ang ekonomiya,” pamosong atas ni US Secretary of State Henry Kissinger noon para pabagsakin si Salvador Allende, sosyalistang presidente ng Chile, at ito ang layunin ng welga laban kay Chavez.

Sa paghahanap ng mapagkukunan ng lakas, nakita niya ang isang maralitang ina na humatak sa kanya sa bahay nito. “Tingnan mo ang ginagamit kong panggatong… ang likod ng kama namin. Bukas susunugin ko ang paa, tapos ang mesa, tapos ang mga upuan at pinto. Makakaraos kami, pero huwag kang susuko.”

Taong 2006, gumawa ng eksena si Chavez sa General Assembly ng United Nations. Tinawag niyang “Diyablo” si Pang. George W. Bush ng US na nag-iilusyong pag-aari niya ang mundo. Hitik sa drama at maanghang na salita ang eksena, sinabi niyang naaamoy pa ang asupre ni Bush at nag-antada pa siya ng krus.

Patok sa balita ang eksena, dahil sa sinabi niya pero dahil rin sa pagkakasabi niya. Hindi para sa kanya ang pulido, mapagmuni at taimtim na mga talumpati. Masa ang target niyang makabalita, hindi dahil maemosyon sila at hindi palaisip, kundi dahil hanap nila ang kagitingan, na kailangan sa ganoong pagtatanghal.

Ang mga kaaway niya, inilantad ang tunay na kulay sa pag-upak sa kanya. Si Pat Robertson, Amerikanong tele-mangangaral, nanawagang patayin siya. Tutal naman daw ay inaakusahan niya ang US na gusto siyang ipapatay. Marami rin daw langis ang Venezuela at hindi na ubra ang gerang magastos tulad sa Iraq.

Hugo Chavez3

Sa kanyang pagpanaw, kakatwa ang ibang parangal, dahil naglalaman ng mga datos ng kung paano niya napabuti ang lagay ng kanyang mga kababayan. Kongkretong mga pag-unlad ang binabanggit, hindi lang abstraktong paglago ng Gross Domestic Product o mga pantawid-buhay at panakip-butas na limos ng gobyerno.

Pero hindi Robin Hood si Chavez. Hinikayat niya ang pagbubuo ng mga organisasyon ng mga maralita at paglahok nila sa pagtatakda ng patakaran ng gobyerno. Nakilala siya sa pagiging masalita, na may pana-panahong pagkanta at pagtula, at may programa siya sa telebisyon na walang oras, walang taning at tila wala ring daloy.

Sa panahon ng mga lider na waring simbolo lang, kontrolado ng IMF at World Bank at binibihisan ng mga bayarang propagandista, may sariling paninindigan at pag-iisip pabor sa mamamayan si Chavez. Habang may mga pangulong lulong sa mga computer games at bisyong binata, naging abala siya sa mga talakayan at ideya.

Masasabing nakapagtanim ng mga binhi at nakakuha ng panimulang ani ang mga mamamayan ng Venezuela. Sa pagpanaw ni Chavez, tulo-laway ang mga imperyalista at naghaharing uri na salantain ang naipundar nila. Hamon sa kanila na magpunyagi sa nasimulan at magkamit ng mas malalaking tagumpay.

Nakakalungkot man ang pagpanaw ni Chavez, nabibigyan tayo, hindi ng pampalubag-loob na nakakapagpakalma, kundi ng pag-asang nakakapaghikayat, na marami pang tulad niya ang susulpot sa patuloy na pakikibaka ng masa.

10 Marso 2013

Galing ang mga larawan dito, dito at dito.

Ang sahol ng isinulat ni Walden Bello tungkol kay Hugo Chavez. Sabi nga ng aktibistang si Mon Ramirez sa Facebook, kunwari parangal kay Chavez, pero parangal pala ni Bello sa sarili. Pinuri si Chavez para punahin sa dulo at para itaas ni Bello ang sarili. Iba rin!

Parang hindi naman totoo ang sabi ni Eric Hobsbawm na hindi na aplikable ngayon ang konsepto ng aristokrasya ng paggawa, bagamat totoong makabuluhan ang konsepto ni Lenin ng ekonomismo. Ano raw ang silbi ng edukasyon ayon kina Plato at Aristotle? Hindi lang responsableng pagkamamamayan, kundi ang mismong pagsangkot at pamamahala – at mahalaga rito ang “liberal arts,” ayon kay Adam Kotsko.

Panakot? Dahil masyado raw bumaho ang rehimeng W. Bush dahil sa pagtortyur, papatayin na lang ng rehimeng Obama ang mga mapaghihinalaang terorista – at ginagawa na itong ligal. Makabuluhan ang sanaysay ni Richard D. Wolff sa maraming bagay. Mayroon ba talagang suportang masa ang programa ng paghihigpit ng sinturon ni Obama? Anu’t anuman, maganda ang salaysay sa kung paano winasak ang New Deal ng dekada 1930.

Magandang salaysay ng mga welga at pag-aalsa ng mga manggagawa ng Tsina, gayundin ng mga sanhi at tunguhin nila.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: