Tayong Lahat ay Kristel Ngayon

UP Oblation Protest

(1) Matapos lumabas ang ulat ng Philippine Collegian hinggil sa pagpapakamatay ni Kristel, estudyante sa unang taon ng Behavioral Science sa Unibersidad ng Pilipinas-Maynila, dahil umano sa hindi pagbabayad ng matrikula ngayong semestre, agad-agad sumulpot ang tanong: Sapat bang dahilan ang kawalan ng kakayahang magbayad ng matrikula para magpakamatay ang isang tao? Tiyak, may mga nagtatanong nang ganito para kwestyunin ang pagsasabing kawalang-kakayahang magbayad ng matrikula ang dahilan ng pagpapakamatay, pero tiyak ding tanong ito ng marami, kahit ng mga kapwa niya iskolar ng bayan. Natural, dahil ngayon lang din nagkaroon ng estudyante ng UP na nagpakamatay dahil sa naturang sanhi, o ngayon lang lumabas sa balita ang ganyan.

Malinaw, kahit batay sa ulat, ang sagot: Hindi. Kawalang-kakayahang magbayad ng matrikula ang kagyat na sanhi, pero hindi tanging sanhi. Ang tatay niya, drayber ng taxi, isang trabahong sa konteksto ng Pilipinas ay resulta ng malaganap na kawalang-trabaho at nangangahulugan ng hindi regular na kita. Ang nanay niya, maybahay na hindi nakakapuno sa kakulangan ng arawang kita ng kanyang tatay. Panganay siya sa apat na magkakapatid, na sa lipunang ito ay batbat ng ekspektasyon – makapagtapos, tumulong sa pamilya, pag-aralin ang mga kapatid, at iba pa. At hindi istable ang ganyang kalagayan; mas malamang, kasama ang kanyang pamilya sa nakakaraming lumulubog sa kahirapan, dahil kakaunti lang sa bansa ang umaangat sa buhay na mas maalwan.

Maipagpapalagay na sinikap ni Kristel na alpasan ang kalagayan ng kanyang pamilya. Sa pagdausdos ng kalidad ng sekundaryang edukasyon sa bansa at sa dami ng mga estudyanteng gustong makapasok sa UP, maipagpapalagay na nag-aral siyang mabuti. Katulad ng maraming estudyante, tiyak na may mga pangarap siya sa pag-aaral: ang makapagtapos nang maaga, makapagtrabaho, at iba pa. Bumangga siya sa pader, kumbaga, nang pwersahin siyang mag-Leave of Absence dahil – lang! – hindi siya nakabayad ng matrikula ngayong semestre, alinsunod sa patakaran ng administrasyon ng UP-Manila. Bagong patakaran ito, hawig sa “No Permit, No Exam” ng mga pribadong paaralan. Ibig sabihin, lahat ng araling pinasukan niya ngayong semestre, mababalewala.

Tiyak, may mga makulit pa ring magtatanong: Wala bang mas personal na dahilan? Problema kaya sa pag-ibig o pamilya? Kahinaan ng emosyon sa pagdadala ng problema? Maipagpapalagay na malaganap sa lipunan ang ganitong pagtatanong. Ayon kay Mark Fisher, progresibong intelektwal, sa panahon ng neoliberalismo, palaging hinahanap sa personal, at sikolohikal pa nga, ang mga ugat ng problemang panlipunan. Hindi: Ano ang problema sa trabaho at hindi ito magawa? Kundi: Ano ang problema mo at hindi mo magawa ang trabaho? Hindi ba’t ang sabi ng Department of Labor and Employment nitong huli, “mapili” o “choosy” ang mga walang trabaho, lalo na ang mga bagong gradweyt, at isa ito sa mga dahilan kung bakit maraming walang trabaho sa bansa?

Anu’t anuman, malinaw ang malalaking suliraning kinaharap ni Kristel, na naging mabigat at humatak sa kanya sa panahong sinisikap niyang alpasan ang mga ito. Maaaring nasadlak siya sa depresyon – na, ayon kay Franco “Bifo” Berardi, anti-kapitalistang intelektwal, “may malaking kinalaman sa kahirapan, kawalang-trabaho at pighati, at may malaking kinalaman sa pagtangging pasanin ang araw-araw na pabigat ng hindi-makayang karahasan kapag nasimulan mong maramdamang hindi maaalis ang pabigat na ito.” Tawag-pansin ang “araw-araw na pabigat ng hindi-makayang karahasan” dahil may implikasyon sa araw-araw ang kahirapan. Katulad ng mga kaklase niya, may baon kaya siya? Pang-Xerox ng readings? Akses sa Internet para magsaliksik?

Tiyak, may mga magtatanong pa rin ng mga sanhing personal, tutal ay gawain iyan ng mga palaisip. Pero nakalatag ang malalaking suliraning kinaharap ni Kristel, sapat na para tanganan natin ang kolektibong tungkulin natin bilang kapwa – ang umunawa.

AS Steps Protest

(2) At ang mga problemang kinaharap ni Kristel ay pawang problema ng kanyang kinabibilangang uring panlipunan: Mahal na matrikula, pagkakait ng edukasyon katulad ng iba pang serbisyong panlipunan, kawalang-trabaho, walang-kaseguruhang kita, bumababang kita. Hindi kataka-takang ang mga ito mismo ang binabanggit ng mga kritiko na patunay na malaking kasinungalingan ang ipinagmamalaki ng gobyerno ni Noynoy Aquino na “panlahatang pag-unlad (inclusive growth).” Ipinapakita ng nangyari kay Kristel ang pagkabigo ng mga patakaran ng gobyerno na nangangakong magdulot ng naturang pag-unlad – mga pangakong sa maraming pagkakataon ay hindi lang napapako, kundi aktwal na ginagamit para pagtakpan ang gayong pagkakapako.

Inilalantad din ng nangyari kay Kristel ang kahungkagan ng de-papel na proceduralism ng gobyernong Aquno – na nakatali sa ilusyong kapag dumaan ka sa proseso, na kadalasang may pipirmahang papel, ay maitutulak mo ang gobyernong gawin ang gusto mo. Kailangan daw ng mga nakaligtas sa superbagyong Pablo ng listahan ng pangalan para makatanggap ng relief goods. Kailangan daw ng mga lumikas sa Sabah dahil sa pandarahas ng gobyerno ng Malaysia ng sworn statement para paniwalaan ng pamahalaan. Si Kristel, nag-aplay sa Socialized Tuition Fee Assistance Program – na notoryus sa maraming rekisito, arbitraryong pagpapasya, at pagkakait ng tulong sa mga estudyante. Nag-aplay siya, pero hindi pa rin ibinigay ng gobyerno ang dapat sa kanya.

Hindi kataka-taka na taong 1989 ipinatupad ang STFAP. Sa taon ding iyan pinagtibay ang Herrera Law, na nagligalisa sa kontraktwalisasyon at Assumption of Jurisdiction, marahas na instrumento ng pagsupil sa welga at mga pagkilos ng mga manggagawa. Sa taon ding iyan ipinatupad ang rehiyunalisasyon ng pagtatakda ng sahod sa bansa. Pagkaltas sa subsidyo sa edukasyon at iba pang serbisyong panlipunan, sa isang banda, at pagtali sa sahod sa pinakamababa, sa kabila – iyan ang magkakambal na mga mayor na patakarang itinutulak ng neoliberalismo. Mangangailangan ng malakas at malawak na protesta para maibasura ang STFAP, at iyan ang inuudyok ngayon ng pagkamatay ni Kristel, na patunay rin ng pagsahol ng naturang programa sa pagdaan ng panahon.

Sa kabila ng mga pagtuligsa at ng pagsahol ng pang-ekonomiyang krisis sa daigdig, tuluy-tuloy ang gobyernong Aquino sa pagyayabang na umuunlad ang bansa kakoro ang mga internasyunal na institusyong pampinansya at malalaking kapitalista. Sinasalubong nito, kung hindi man hinihikayat, ang pag-asa, ang pagtaas ng ekspektasyon at pag-aasam ng mga mamamayan. Hinihikayat ang pag-asa ng sistemang sa aktwal ay sumasawata at dumudurog dito. Sa kabilang banda, akma rin sa Pilipinas ang obserbasyon sa US ni John Protevi, progresibong intelektwal: ginagawang nakakahiya ang maging mahirap. Ang mahihirap mismo ang sinisisi, pinapalabas na may kasalanan, sa kanilang kalagayan, sa halip na ang sistemang panlipunan at ang pamahalaan.

Maaalala na isa sa naghudyat ng bantog na pag-aalsa sa Tunisia noong 2011 ay ang pagpapakamatay ni Mohamed Bouazizi, isang tindero sa kalsada na tumigil sa pag-aaral at nagpapaaral ng dalawa niyang kapatid. Matapos kumpiskahin ng pulisya ang kanyang paninda dahil wala siyang permit, sinunog niya sa harap ng isang tanggapan ng pamahalaan ang sarili. Tinamaan siya, napahiya siya, sabi ng kanyang ina. Bukod sa kahirapan, napahiya rin si Kristel sa ginawa sa kanya ng administrasyon ng pamantasan. Dinagdagan ng insulto ang pinsala ng kanilang kabuhayan. Ngayon, ramdam ng marami: Hindi lang si Kristel ang ipinahiya ng nangyari sa kanya, kundi lahat ng mahihirap na nangangarap mag-aral sa kolehiyo, lahat ng nag-aasam makatamasa ng edukasyon.

At akma ang minsang sinabi ni Karl Marx: Ang pagkapahiya ay isang rebolusyonaryong emosyon. Ibaling natin ang galit, hindi sa ating mga sarili, kundi sa mga naghahari at panginoon. Masasabi nating mga nagpupuyos ang loob: Tayong lahat ay Kristel ngayon.

17 Marso 2013

Galing ang mga larawan sa page sa Facebook ng Philippine Collegian. Kulturang asshole sa akademya? At kahit sa mga larangang labas sa akademya? May batayan iyan, ayon sa artikulong ito.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Trackbacks

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: