Hindi Lahat ng Mahirap

Stanislav Plutenko1

“Wala sa suicide note ni Kristel Tejada ang matrikula, kaya may ibang posibleng dahilan sa pagpapakamatay niya.” Ito ang pinag-uumpisahang punto ni Manuel Buencamino, propagandista ng gobyernong Aquino, sa sanaysay niya tungkol sa naturang isyu.

Napakateknikal namang pamantayan ng suicide note. Kapag nagpakamatay ka ba, ilalagay mo, “Dahil ito sa wala akong pambayad ng matrikula”? Marami sa mga nagpapakamatay, nagsusumamo ng pag-unawa, pero hindi nang ganyan ka-direkta.

Ang mga umaakyat sa billboard at nagbabantang tumalon o tumatalon, hindi naman hinihingian ng suicide note ng lipunan. Sapat nang matanong sila o mga kaanak nila kung bakit sila nagpakamatay. At ang sagot ng lukso ng dugo ng marami: kahirapan.

Napakarami nang “ebidensya,” sa wikang ligal ni Buencamino, ang lumabas hinggil sa isyu, kapwa impormasyon at kwento. Walang dudang binagabag si Kristel ng kawalan ng pang-matrikula, kahirapan, at pagkapahiya sa dulong bahagi ng maikling buhay niya.

“Pero hindi naman lahat ng estudyante ng UP na hirap sa matrikula, nagpapakamatay,” pakli ni Buencamino. Totoo. Sariwa pa lang ang isyu, nasagot na ito ng nanay ni Kristel: May mga taong kinakaya ang naging kalagayan ni Kristel, pero siya mismo, hindi kinaya.

Hindi rin lahat ng mahirap, pumapasok sa prostitusyon. Hindi rin lahat, nagbebenta ng bato sa katawan o iyung droga. Hindi rin lahat, lumilikas pa-Maynila o ibang bansa. Ibig bang sabihin, hindi resulta ang lahat ng ito ng kahirapan? May iba pang dahilan?

Maaaring may iba pang dahilan sa pagkamatay ni Kristel, pero tiyak na isa sa mga pinakamahalaga diyan ang kahirapan. May direktang kinalaman ang sistema: kawalang-trabaho, di-regular na kita, mataas na matrikula, mababang subsidyo sa edukasyon.

May magandang prase si E. San Juan, Jr., progresibong intelektwal na Pilipino, na hango kay Antonio Gramsci, Marxistang intelektwal na Italyano: “morbid symptoms of a moribund society” – mga nakakarimarim na sintomas ng nabubulok na lipunan.

Kasama riyan ang prostitusyon, ang pagbebenta ng bato sa katawan at ng droga, ang paglikas papuntang Maynila at ibang bansa. Kasama riyan ang nangyari kay Kristel: Bunsod ng kahirapan kahit hindi lahat ng mahirap ay naibubunsod sa ganoong hakbang.

Kakatwa ang lohika ni Buencamino: Dahil raw sinisi ng mga aktibista ang kahirapan sa pagpapakamatay ni Kristel, nagmukha siyang mahina. At ang mga prostitute, mahilig sa seks? Para lang kay Buencamino, mangmang sa nakakarimarim na epekto ng kahirapan.

Ginagamit lang daw ng mga aktibista si Kristel para upakan ang sistema, sabi niya sa pag-upak sa mga aktibista nang hindi nakikiramay sa pamilya ni Kristel. Naghahapag lang daw siya ng kaibang pagtingin, pero tinawag niyang “assholes” ang mga aktibista.

Stanislav Plutenko2

Kakatwa ang todo-depensang postura niya. Hindi man lang ituring ang nangyari na pag-alerto sa gobyerno na kailangang lumikha ng trabaho at lakihan ang subsidyo sa edukasyon. Indikasyon ang ganito na hanggang diyan na lang ang gobyernong Aquino.

Wala na sa katwiran si Buencamino. Binabalewala at iniinsulto niya ang nabubuhos na dugo para patatagin ang paghaharing dilaw sa sistema at gobyerno. Binabaluktot niya ang lohika para sa umano’y daang matuwid ng sinasamba niyang si Noynoy Aquino.

25 Marso 2013

Galing ang mga larawan dito.

May pagtingin si Marck Ronald Rimorin sa isinulat ni Buencamino at sa sagot ko. Liham para sa nanay ni Kristel Tejada, mula sa isang dating iskolar ng bayan na isa na ring nanay ngayon. Welcome kay Kim A. Gargar, bagong kapwa-kolumnista sa Pinoy Weekly!

Paano inaatake ng imperyalismo ang mga kritiko nito? Sa paraang mas gusto silang patahimikin kaysa sagutin, ayon sa artikulong ito tungkol kay Noam Chomsky.

Ayon sa magandang parangal na ito, isa sa pinakamagandang pagbabagong idinulot ni Hugo Chavez: “kahit sa mga pinakamalayo at pinakanapabayaang lugar, lumalakad at nagsasalita ang mga tao nang may kumpyansa, tinitingnan ka sa mata, at nagbibiro nang parang kapantay hindi tulad dati.”

Magandang salaysay at pagsusuri ni Delia Aguilar, progresibong intelektwal na Pilipino, sa Venezuela sa pamumuno ni Chavez. Matalas na natukoy ang mga bukod-tanging salik na nag-ambag sa tagumpay sa ilang panahon ng pamumuno ni Chavez.

Tungkol sa rekord ng pananahimik, sa pinakamainam, ng bagong Papa na si Jorge Mario Bergoglio, o Pope Francis, sa harap ng diktadura sa Argentina at paglabag nito sa karapatang pantao.

Pinalayas daw ang mga tropang Kano sa Iraq noong 2011; hindi sila kusang umalis.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • anita bakery  On May 6, 2013 at 6:15 am

    Kapag ako gagawa ng suicide note, ii-specify ko lahat ng dahilan ko, naka enumerate pa o kaya naka -alpha order. Tapos may patlang sa ibaba para sa “conforme” para sigurado akong nabasa at naintindihan ng addressee/s ang mga daing ko.

  • kapirasongkritika  On May 6, 2013 at 12:37 pm

    Hahaha! Anita Bakery! Na-miss kita rito sa blog ko! Iyung ibang tao kasi eh ano? Napaka-literal! Salamat sa pagdaan!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: