BoboBotanteBinayBashing

Ryszard Kaja 1

Pagkatapos ng araw ng eleksyon nitong Mayo 13, bumaha sa social networking sites ang dalawang bungkos ng sentimyento. Una, bobo ang mga botanteng Pilipino. Ikalawa, hindi karapat-dapat si Nancy Binay na manalo bilang senador. May mga pagkakataong nagdudugtong ang dalawa: Bobo ang botanteng Pilipino at patunay niyan ang pagkahalal sa batang Binay bilang senador. Pareho ang tinutungo ng dalawa: ang maliitin ang masang Pilipino, na siyang nakakarami sa mga botante, at itaas ang mga nasa panggitnang uri, na siyang nakakarami naman sa mga social networking sites.

Bakit pagmamaliit sa masa ang naging pag-insulto kay Binay? Maraming paraan kung paano siya pwedeng insultuhin. Pero ang naging porma ng pag-insulto sa kanya ay pag-insulto sa masa: walang kakayahan, puro on-the-job training at walang karanasan sa trabaho, hindi marunong makipagdebate, bobo, nakaasa sa ama. Ang panlalait sa kanya sa pagiging maitim ay rasismo lang sa paimbabaw na pagsusuri. Ang totoo, kodang salita o code word lang ang “maitim” para sa “mahirap.” Kaakibat ng panlalait kay Binay ang pagtanggi, malay o di-malay, ng mga nasa panggitnang uri sa paghalal ng mahirap.

Marami nang sumagot sa dalawang sentimyentong ito: Matalino ang masa, may dahilan sila sa pagboto kay Binay, kaunting paligo lang ang lamang ng ibang senador sa kanya, si Cory Aquino nga ay diretsong presidente, at iba pa. Pero may mapaminsalang epekto, kung hindi man layunin, ang paglutang ng dalawang sentimyentong ito. Kumbaga sa lumang problema sa pilosopiya ng subject bersus structure, idinidiin nito ang una para pagtakpan ang ikalawa. Kumbaga, sinisisi ang masa para pagtakpan ang pananagutan ng sistemang elektoral at pulitikal na kontrolado ng mga naghaharing uri sa bansa.

Ang epekto, kung hindi man layunin, ng dalawang sentimyento ay itali ang talakayan sa kamalayan at kagawian ng masa. Pero sino ba ang responsable sa resulta ng eleksyon? Hindi ba’t ang mga naghaharing uri na may samu’t saring pakana at maniobra? Nariyan ang malawakang pandaraya sa pamamagitan ng eleksyong automated. Nariyan ang pagbaha ng iba’t ibang tipo ng panlilinlang, panggigipit at pandarahas bago ang araw ng eleksyon. Dahil sa lahat ng ito, mababasa ang resulta ng eleksyon na mas pampulitikang pahayag ng mga naghahari kaysa ng masa – na kitang-kita sa bilang ng boto ng Kaliwa.

Ryszard Kaja 2

Lumang taktika na ito ng mga naghahari: ang humango ng lakas sa, at palakasin ang, sentimyentong kontra-maralita at elitista para pagtakpan ang pananagutan ng mga naghaharing uri na may kontrol sa sistemang pampulitika at pang-ekonomiya. Laging maralita ang may kasalanan! Hindi kataka-taka, na may bahagi nitong dumudulo sa pagtutulak ng diktadura para disiplinahin ang masa. Huwag tayong magkamali: Atake ito sa pagmamalasakit sa kapwa, lalo na sa maralita. Lalo nitong inihihiwalay ang loob ng mga nasa panggitnang uri, kahit pa dumadausdos din ang kabuhayan, sa mahihirap.

Naalala ko tuloy ang progresibong intelektwal na si Eqbal Ahmad. “Hindi pa ito nangyari noon,” aniya, patungkol sa “pagpokus ng kaisipan ng uring nakapag-aral, o isang seksyon nito, sa mga tao labas sa kanilang sarili – sa maralita, sa uring anakpawis, sa inaapi, sa mahihina…” Sagot niya ito sa isang tanong tungkol sa nagpapatuloy na kabuluhan ng kaisipan ni Karl Marx at ng Marxismo. Sabi niya, kaugnay ng pag-usbong ng naturang kaisipan: “Ito ang unang beses na nakita ang mga sekular na kaisipan na nagpokus sa mga isyu kaugnay ng kabutihan ng lahat [Confronting Empire, 2000].”

Hindi ang masang maralita ang may kasalanan, kundi ang sistema at mga naghahari sa bansa. Tanawin natin ang pagkakaisa ng online sa panggitnang uri at ng offline na masang maralita. Aktibidad na buong panahon, hindi lang pang-eleksyon, ang solusyon.

17 Mayo 2013

Galing ang mga larawan dito.

Basahin din ang isinulat ni Anton Dulce hinggil sa panlalait ng mga nasa panggitnang uri kay Nancy Binay.

Ilang pagwawasto ni Louis Proyect sa mga maling pag-unawa kay Marx kapwa ng mga kaaway ng Marxismo at ilang tagapagtaguyod nito. Sinuportahan ni Ronald Reagan si Ferdinand Marcos, gayundin si Rios Mott, diktador ng Guatemala na responsable sa maraming karimarimarim na krimen.

Yakap para sa progresibong pilosopong si Cornel West. Ipinagtanggol ng manunulat na si Alice Walker ang rebolusyunaryong si Assata Shakur, at makikilala ang isang tao: Si Marilyn Buck. Pinatay rin ng mga pumatay kay Malcolm X ang kanyang apong si Malcolm Shabazz.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • a1  On May 19, 2013 at 1:00 am

    Hay salamat.

  • Jules  On May 19, 2013 at 1:10 am

    Hello. Ako po si Jules. Hindi ko mapapalampas ang paninisi nila sa mga maralitang pinagbibintangan nilang “bobo” at “tanga.” Kaya salamat po na sinulat n’yo ito. May sinulat rin ako tungkol dito: http://juliomadiagajr.blogspot.com/2013/05/sinisisi-ba-tayo-ni-aba-lluch-dalena.html

  • Hernando B. Decena  On May 19, 2013 at 1:15 am

    Bakit noong tumakbo si Cory para Presidente, may political experience ba sya? Ha ha ha ha.

  • kapirasongkritika  On May 19, 2013 at 2:36 am

    Una sa lahat, gusto kong ilinaw ang lapit ko sa usaping ito, na sana’y kapansin-pansin sa sanaysay: Hindi ang sisihin ang masa, hindi rin ang ipagtanggol ang pinili nila. Parehong may suliranin ang ganyang pagtingin. Ang punto ay iturol ang sisi sa mga istrukturang panlipunan — na siyang dapat baguhin.

    @ a1: Salamat din, sa komento at sa link!

    @ Jules: Sa tingin ko, hindi naman kailangang puruhan si Bb. Dalena, dahil marami talaga tayong mga kababayan ang ganyan ang pagtingin, kahit sa mga nakakaunawa sa pulitika at eleksyon sa bansa.

    @ Hernando B. Decena: Tama. Kaya nga kitang-kita na iba ang epekto at layunin ng panlalait kay Binay.

  • missphilippines@gmail.com  On June 3, 2013 at 6:55 am

    amazing! a critique that pierces through the surfaces of our bourgeois sensibilities.

  • kapirasongkritika  On June 4, 2013 at 3:38 am

    Salamat! Nami-miss ka na ng blog, ah. Sobrang busy mo yata. Hehe.

  • Jules  On June 16, 2013 at 3:08 am

    Hindi ko po pinupuruhan si Bb. Aba Lluch Dalena. Pero malamang naman ay nauunawaan niyang may impluwensya ang kanyang bawat sinasabi. Tingnan n’yo na lamang ito: http://juliomadiagajr.blogspot.com/2013/06/what-idiot-aba-lluch-dalena.html

  • kapirasongkritika  On June 16, 2013 at 4:04 am

    Hindi mo pa ba pinupuruhan sa lagay na iyan? Ilang entri na sa blog mo iyang banat sa kanya, ah. May galit ka ba sa kanya? Hindi ko tuloy maiwasang itanong. Mas marami pang malalaking kontra-masa na dapat punahin kumpara sa mga alagad ng sining na maaaring mapurol pero may direksyong makabayan.

  • Jules  On June 16, 2013 at 7:42 am

    Ah, may direksyong makabayan po pala ‘yun. Pasensya na po ah. Sa tono ng mga banat niya, hindi halata. Baka sadyang bobo lang AKO gaya ng sabi niya at ng iba pa kaya hindi ko nahalata ‘yung sinasabi n’yong direksyong makabayan.

  • kapirasongkritika  On June 16, 2013 at 8:00 am

    May malasakit siya sa bayan kaya siya naaalarma sa pagkakahalal ng mga bulok na pulitiko. Ikumpara mo sa mga taong hindi man lang nakikialam sa pulitika.

    Huwag kang magdrama o magpaawa; hindi ikaw ang usapin. Ang usapin ay ang accurate na pagkilala sa tinutuligsa mo.

    Mas makabuluhang paggamit ng enerhiya ng mga progresibong blogger ang upakan ang mga naghahari sa lipunan, hindi iyung mga karaniwang tao o alagad ng sining.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: