Paalala ng Maruming Gera

Henrik Drescher1

Sa mga mata ng sinumang taong nag-iisip nang matino, mahirap nang ikaila ang pananagutan ng gobyernong Aquino sa pagkamatay ng dalawang-araw na gulang na sanggol na si Diona Andrea nitong Mayo 18. Inaresto at ipiniit ang kanyang ina, si Andrea Rosal, noong pitong buwan siya sa sinapupunan. Tiyak na nagdulot ang pagkaaresto ng matinding stress at masamang lagay sa kulungan sa kanyang nanay.

Na hindi naman dapat, o ligal. Ang bintang ng militar at gobyerno kay Andrea Rosal ay lider siya ng New People’s Army, pero inaresto siya sa Caloocan City, hindi sa labanan. Nang maaresto siya, ipinanawagan na palayain siya agad sa batayang humanitarian o makatao, dahil buntis siya, pero hindi ito pinakinggan. Ipinanawagan din ang espesyal na atensyong medikal sa kanyang pagbubuntis, pero nagbingi-bingihan din dito.

Malinaw ang suri ng mga progresibong organisasyon at indibidwal sa social networking sites: ang tanging kasalanan ni Andrea Rosal ay anak siya ni Gregorio “Ka Roger” Rosal, na noong nabubuhay pa ay mukha ng NPA at tagapagsalita ng Communist Party of the Philippines. Bukod pa sa ang kanyang ina ay namatay rin na isang NPA. Sa pagdakip sa kanya, waring sinentensyahan na ng kamatayan ang anak niya ng militar at gobyerno.

Ngayon, walang propaganda ng militar at gobyerno ang nakakapaglinis ng dugo ng sanggol sa kanilang mga kamay. Nagpahayag sila ng pakikiramay, na itinuring na insulto mula sa pumatay. Hindi rin pinaniwalaan, at nagsilbing patunay ng kalupitan, ang sinabi nilang ang matinding stress na dinanas ni Andrea Rosal ay dahil sa pagtatago umano sa batas. Ginawa pa nilang napakaiksi ng oras niya kasama ang patay na anak.

Nabalik sa alaala ng marami si Rebelyn Pitao, noo’y 20-taong guro ng pampublikong paaralan na pinatay ng militar noong Marso 4, 2009 sa salang pagiging anak ni Leoncio Pitao, “Kumander Parago” ng NPA sa Mindanao. Ayon sa imbestigasyon, ginahasa at sinaksak si Rebelyn ng mga dumukot sa kanya mula sa sinasakyan niyang traysikel noong pauwi sa bahay, bago iniwan ang kanyang bangkay sa isang daluyan ng irigasyon.

At napakarami pa ng dapat maalala. Pinakahuli lamang si Diona Andrea sa malaon nang tinawag na “maruming gera” ng gobyerno laban sa mga mamamayan. Marumi dahil hindi pinag-iiba ang NPA at di-armadong aktibista, at lalong hindi kinikilala ang karapatan ng mga inakusahang NPA. Marumi dahil hindi sinasanto ang internasyunal na makataong batas tungkol sa mga gera. Marumi dahil pinipiling maging marumi.

Henrik Drescher2

Maaalala ang napakaraming biktima ng ekstrahudisyal na pagpaslang at pagdukot. Ang daan-daang bilanggong pulitikal. Mga pambansang minorya at magsasakang biktima ng militarisasyon. Mga dumanas ng tortyur sa kamay ng militar, kapwa buhay at patay. Mga iligal na inaresto at ikinulong na dapat ay katransaksyon ng gobyerno sa usapang pangkapayapaan. Mga sinampahan ng gawa-gawang kaso, kapwa nakapiit at nagtatago.

Marami pang pwedeng alalahanin. Ang mismong human-rights worker na pinaslang. Ang taong simbahang pinatay sa pinalabas na insidente ng pagnanakaw. Ang babaeng NPA na ginahasa muna bago pinatay at niluray ang katawan. Ang sinaktan sa ari sa proseso ng tortyur. Ang pamilyang minasaker. At marami pang iba, na parang duguang lubid na nagdudugtong sa kasalukuyang gobyerno sa mga dayuhang sumakop sa bansa.

Ipinapakita ng pagpatay kay Diona Andrea na ipinagpapatuloy ni Noynoy Aquino ang maruming gera. Gamit ang midyang mainstream, pinagtatakpan niya ito ng paglaban umano sa korupsyon. Ipinagyayabang rin niyang umuunlad umano ang bansa, pero ipinapakita ng panunupil ng militar at gobyerno niya ang desperasyon sa harap ng tumitinding kahirapan at kagutuman na siyang nagpaparami sa mga NPA at aktibista.

At tuluy-tuloy na nakikita sa ilalim ni Aquino kung para kanino inilulunsad ang maduming gerang ito. Para sa US na binigyan ng karapatang magtayo ng base-militar saanmang bahagi ng bansa at kung gaano man katagal. Sa mga dayuhang kapitalista na gustong bigyan ng 100 porsyentong pag-aari ng lupa at negosyo sa Pilipinas. Sa mga kurakot sa gobyerno na kanyang pinoprotektahan o pakitang-tao lang na inuupakan.

Silang lahat, at ang kanilang paghahari, isinasakdal ng pagkamatay ni Diona Andrea.

21 Mayo 2014

Galing ang mga larawan dito.

Panayam sa Aprikano-Amerikanong feministang si bell hooks, isa sa mga paboritong awtor: makukuha ang impresyong pesimistiko siya sa lagay ng pagbabago at daigdig, at humahanap ng lakas sa kanyang kalooban.

May rasismong dapat bakahin ang Kaliwa ng US, sabi ni Gary Younge. Magandang pagsusuri at mga datos ni John Pilger hinggil sa kapangyarihang militar ngayon ng imperyalismong US. Nahuling maligayang kaarawan kay Fredric Jameson!

Interesanteng pagtingin sa konsepto ng “Western Marxism” ni Perry Anderson ni Peter D. Thomas, eksperto sa mga sulatin ng Italyanong Komunistang si Antonio Gramsci. Awtoritatibong kritika ni David Harvey sa kontrobersyal na librong Capital ni Thomas Picketty.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • carlo sales  On May 26, 2014 at 1:57 pm

    Di ko talaga makuha yung pag-iisip ng ilang mga tao na she deserved what happened to her dahil nag NPA siya. Napaka twisted. Media driven din kasi. Uunahin pang i-headline sa balita na komunista o lider ng NPA bago sabihin na ina siyang namatayan ng anak dahil sa pambubusabos ng estado. Kainis.

  • kapirasongkritika  On May 27, 2014 at 4:37 pm

    Tapos minsan, napapansin ko, ang tawag kay Janet Lim-Napoles sa balita ay “detained businesswoman.” Sa headline, syempre, Napoles na siya. Pero sa balita mismo ay nyutral ang titulo. Si Andrea, kailangang tawaging leftist. Maganda rin ang entri ni Marocharim tungkol dito:

    http://marocharim.com/2014/05/21/this-is-very-black-and-white/

  • Carlo Sales  On June 10, 2014 at 2:01 pm

    Late comment. Pero buti na lang at may mga ganitong blog, bilang pang-depensa sa napakaraming pag-upak na ginagawa sa Kaliwa ng mga taong nasa internet.

    Nakakainis yung mga peeps, pero ang mas magandang isipin, wala naman talaga sa cyberspace ang tunay na laban. At maliit na porsyento lang din naman ng mga tao yung may access dito. So considering, malakas man sila umupak sa Kaliwa, kaunti lang naman talaga sila.

    • kapirasongkritika  On June 10, 2014 at 4:33 pm

      Salamat! Maaaring may naaabot ito sa general public, pero ang mas mahalagang maabot ay iyung mga aktibista rin na siguradong aabot sa general public. Kaya salamat din sa pagbabasa.

      Gusto ko lang ding sabihing marami mang taong medyo atrasado ang pagtingin, marami rin talagang komentong kontra-Kaliwa, gawa-gawa ng mga militar at gobyerno.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: