Heckler Skelter

Hindi pa man humuhupa ang mga balita at komentaryo hinggil sa pag-heckle kay Pang. Noynoy Aquino habang nagtatalumpati sa Naga City noong Hunyo 12, nasa balita na ang pag-heckle sa kanya sa Iloilo City ngayong Hunyo 27.

Dinahas ang aktibistang si Emmanuel Pio Mijares sa Naga: hinila palayo sa mga tagapakinig, hinablutan ng mga telang banner na hawak, binusalan ng naturang mga banner, idinapa sa sahig, pinosasan, ikinulong at kinasuhan.

Mas maraming komentaryo ang nagsabi sa pangulo na kumalma kaugnay ng heckler. Ang manunulat na si Boying Pimentel, na kritikal sa Kaliwang kinabibilangan ni Mijares at kakampi ni Aquino, sinabihan ang pangulo na tularan si Pang. Barack Obama ng US sa maayos na pagtrato sa mga heckler. Sekundarya pala kay Pimentel ang pagiging kontra-Kaliwa at maka-Aquino sa kaisipang kolonyal.

Sa harap ng mga heckler sa Iloilo, sinunod ni Aquino si Pimentel: nagpasalamat sa mga heckler at pinilit silang ipahiya sa mga tagapakinig sa pagsasabing “Kitang-kita na ng mga taga-Iloilo sino ang tunay na magsusulong ng makabuluhan… na pagbabago.” Pero dinahas pa rin ang mga heckler: itinaboy mula sa pinagtatalumpatian ni Aquino at ayon sa maagang balita sa telebisyon ay may isang nasugatan.

Maraming maituturong dahilan kung bakit halatang nayayanig si Aquino sa mga heckler. Sinamantala ng gobyerno niya ang pagkampi ng dominanteng midya sa pagtutok sa pagkontrol sa opinyong publiko. Kaya laging malinaw ang tema ng propaganda nito: sa ekonomiya, pag-unlad para sa lahat; sa pulitika, daang matuwid; sa ugnayang panlabas, kontra-China; sa mga rebelde, kapayapaan at kaunlaran.

Mahalaga sa lahat ng ito ang pagpapakita ng umano’y malawak na suporta ng publiko at umano’y makitid na hanay ng mga nagpoprotesta. Kahit pa ang totoo, nagbago na ito dahil sa pagbayo ng iba’t ibang isyu sa gobyernong Aquino – pagiging Pork Barrel King ng pangulo, kriminal na pagpapabaya sa harap ng Yolanda, pagtutulak ng EDCA kahit masama sa bansa, at papatinding kahirapan ng nakakarami.

Isa sa mga nagpayo kay Aquino na kumalma kaugnay ni Mijares ang Philippine Daily Inquirer. Maganda ang paghahambing nito: Bakit mas malupit ang dinanas ni Mijares kumpara sa dinanas ni Maria Theresa Pangilinan, heckler ni Gloria Macapagal-Arroyo na lantad na marahas at korap? Magkaiba kasi ng yugto: malaganap na ang galit kay Arroyo noon, at sumusulak pa lang ang galit kay Aquino ngayon.

Maganda rin ang tanong na inuudyok ng pagkukumpara kay Obama. Bakit nga ba kaya ni Obama at hindi kaya ni Aquino na maging kalmado sa harap ng mga heckler at hindi maging marahas sa kanila? Dahil kaya, taliwas sa US, may kasaysayan ang Pilipinas ng pagpapatalsik sa mga pangulo? Dahil kaya, alam ni Aquino na hudyat na ang harapang pagprotesta at pagbastos sa kanya ng posibleng katapusan?

27 Hunyo 2014

Galing dito ang larawan.

Magandang panayam kay Alex Callinicos tungkol sa kanyang pag-aaral sa Das Kapital. Sa librong ito, mas mahalaga raw ang ugnayan ni Marx kay David Ricardo kaysa kay Hegel. Magandang paglilinaw ni Richard Seymour tungkol sa retorikang kailangan ng mga sekular na diktadura sa mga bansang Muslim. Parangal kay Yuri Kochiyama, tagasuporta ng mga armadong paglaban ng mga maralita.

Pagkilala ng isang Palestina, ni Loubna Qutami, sa pakikiisa at ambag ng mga Pilipino sa kanilang pakikibaka. Sobrang nakakatuwa! Okey naman ang pagpapahalaga ni Slavoj Zizek sa Wikileaks, pero hindi siguro gagawin ng Kaliwa sa Pilipinas na sabihin, halimbawa, na mas mapanganib ang “demokrasya” ni Cory sa diktadura ni Marcos dahil hindi alam ng mga tao na kontrolado sila.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: