DAPat Managot

aquino primetime speech dapKMU Noynoy DAP

Simula nang ideklara ng Korte Suprema noong Hulyo 1 na labag sa Konstitusyong 1987 ang Disbursement Acceleration Program (DAP), marami nang nasulat at nasabi ang mga kritikal sa naturang programa. Dumami pa ang mga ito nang ipagtanggol ni Pang. Noynoy Aquino ang DAP sa kanyang talumpati sa telebisyon noong Hulyo 14. Matapos ang pagdepensa sa sistemang pork barrel, kriminal na pagpapabaya sa mga biktima ng superbagyong Yolanda, at pag-apruba sa Enhanced Defense Cooperation Agreement, ang Hol-DAP na ang pinakamalaking kontrobersyang yumanig sa rehimen ni Aquino.

Matibay ang mga batayan nila: (1) Inilihim ng rehimen ang pagpapatupad ng DAP sa mga taong 2011-2013, nasiwalat lang nang ibulgar ni Sen. Jinggoy Estrada ang P50-milyong suhol sa mga senador matapos ang pag-impeach kay dating Chief Justice Renato Corona. (2) Labag sa Saligang Batas ang DAP, partikular sa prinsipyo ng solong kapangyarihan ng Kongreso na magtakda ng pambansang badyet, pag-iwas sa pagkontrol ng ehekutibo sa lehislatura at hudikatura sa pamamagitan ng badyet, at pagtataguyod sa dapat na “checks and balances” sa tatlong sangay ng gobyerno.

(3) Sa aktwal, ginamit na pork barrel ni Aquino ang DAP, instrumento ng korupsyon at patronage, tampok ang pagsuhol sa mga senador sa impeachment ni Corona at iba pang anomalyang natutuklasan at matutuklasan pa. (4) May pagtatakip o cover-up na patuloy na ipinapatupad ang rehimen sa paggastos sa DAP, tampok ang pagtangging i-audit ito ng Commission on Audit at ulat na pangkalahatan hinggil dito ng Department of Budget and Management. (5) Napaka-arogante ni Aquino, samu’t sari ang palusot at palabas para panindigan ang pagkakamali na napakalinaw sa marami at dumarami sa bansa.

Sa kabilang banda, napakarami na ring nasulat at nasabi ng mga tagapagtanggol ng DAP at ng rehimeng Aquino. Pero hindi matibay ang depensa nila – hindi solidong mga argumentong nakakakumbinsi, kundi parang maliliit na kahoy-kahoy na iniharang sa bumubwelong tren ng makatwirang pagtuligsa at galit ng mga mamamayan. Tampok na halimbawa ang sinabi ni Rep. Walden Bello ng Akbayan, na may mga taong kahit buhay-pag-ibig ni Aquino ay gagamitin para i-impeach ito. Nauubusan na ng depensa ang rehimen: si Bello, ang makutatang propesor, ay humantong na lang sa patutsada.

Liar Noynoy DAPKMU Noynoy DAP2

Tampok ding halimbawa ang pagyayabang ng rehimen na nakatulong sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa ang DAP. Masinsing sinagot ito ni Sonny Africa ng Ibon Foundation: Para makatulong sa ekonomiya ang pagbubuhos ng pondo ng gobyerno, dapat malaki ang pondo at mabilisan ang pagbubuhos, at dapat ay ilaan ito sa mga proyektong may malaking epekto sa ekonomiya. Pinagtibay ni Africa ang mga argumentong madaling maunawaan ng publiko – na hindi nakakapagpaunlad sa ekonomiya ang pork barrel gaya ng DAP, at hindi umuunlad ang ekonomiya, piryod.

Dahil matibay ang mga batayan ng mga kritikal sa DAP at rehimen at walang sinabi ang mga satsat ng mga tagapagtanggol, lumalakas kahit sa midyang mainstream ang nauna – bagamat nainterbyu pa rin si Randy David, lider ng Akbayan at kumikita ang mga kaanak sa pamahalaan, bilang “manunuring pampulitika” noong Hulyo 14. Lumalakas din sila sa social media – bagamat lumaganap pa rin si Raissa Robles na, sa kanyang estilo ng pag-ipit sa anumang orihinal na datos o pagtingin hanggang dulo ng artikulo, ay nagtangkang kumontra sa Korte Suprema at magbigay ng depensa sa rehimen.

Magandang sintomas ng panahong ito ang alagad ng sining na si Juana Change, kasama sa kilusang patalsikin si Gloria Macapagal-Arroyo na paglaon ay sumuporta kay Aquino. Dahil sinsero at seryoso siya sa pagkontra sa pork barrel at korupsyon, kritikal na rin siya sa rehimeng Aquino ngayon. Galing siya sa kampong maka-Aquino, at mas maraming Pilipino ang ni hindi nagmumula doon. Sa pagsigla ng mga talakayan sa mga komunidad, sakahan, empresa, opisina at paaralan, titining ang tama at mali lampas sa mga palusot at palabas ng rehimen, at mas marami ang kikilos sa darating na panahon.

20 Hulyo 2014

Galing ang mga larawan ditodito, dito at dito.

Bagamat may ibinubungkos sila ng ibang komentarista, may pagkakaiba talaga: Sabi raw ni Herbert Marcuse, ayon sa anak niyang si Peter Marcuse, tungkol kay Theodor Adorno, “I have always found Teddy’s ‘political’ utterances rather abhorrent.” Ang mga kakaibang pagtingin sa kasaysayan ng sosyalistang historyador na si Gabriel Kolko.

Sa tingin ko, totoo rin sa mga aktibista ang sinasabi ng artikulong ito tungkol sa motibasyon. Nakakatawang artikulo tungkol sa mga pagbabagong dulot ni Pope Francis sa Simbahang Katoliko. Nakaka-excite! May memoir na ang paboritong awtor na si Barbara Ehrenreich! Naulit at trahedya ang nagaganap ngayon sa Gaza, ayon kay David Palumbo-Liu.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • tanglad  On July 25, 2014 at 7:08 pm

    Pandagdag sa mahusay na sinulat ni David Palumbo-Liu itong blog ni Jenn sa Reappropriate, kung sakaling hindi mo pa nakikita
    http://reappropriate.co/?p=6230
    Kamusta!

  • kapirasongkritika  On July 26, 2014 at 2:36 pm

    Tanglad! Napagawi ka! Kumusta na? Napapagawi ako sa Tumblr mo, pero pareho yata tayong hindi madalas mag-blog lately. Hehehe.

    Maganda ang artikulo! Iniugnay ang dinadanas ng mga Palestino ngayon sa dinanas/dinadanas ng maraming tao sa mundo. Maraming salamat! Nakakagalit talaga ang nangyayaring genocide na ito.

  • tanglad  On July 27, 2014 at 3:12 am

    Heh puro IRL ako nagsusulat and nagtuturo ngayon, kasama. Pero patuloy na nagbabasa. ingat!

    • kapirasongkritika  On July 27, 2014 at 7:48 am

      Tiwala naman akong patuloy ka pa rin. Ano ibig sabihin ng IRL? Noong nag-Google ako, “In Real Life.” Ganoon ba? O Related Lit ba iyung RL? Hehe.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: