Para kay Vice Ganda

Kandinsky1

Magandang araw. Nabasa ko ang limang tweets mo kaugnay ng State of the Nation Address ni Pang. Noynoy Aquino noong Hulyo 28. Sumusulat ako sa iyo dahil impluwensyal ka, maraming kababayan natin ang nakikinig at tumutulad sa opinyon mo sa maraming bagay. Mahalaga para sa akin na isang aktibista na masagot ang pagpuri mo kay Aquino at pagtuligsa sa mga nagprotesta. Iyun nga lang, hindi kita masagot sa pormang tweet din, at mas mainam na siguro iyun para mas matalakay ang mga usapin. Gusto ko rin talagang ipakita na mas kumplikado ang mga isyu para sa pormang tweet.

Kung susuriin, inilabas mo sa naturang tweets ang lahat ng armas mo na dahilan kung bakit ka sikat ngayon, mga armas na tila manerismo na lang para sa iyo na mahusay na komedyante: Iyung pagbatay sa pagdama o emosyon sa paggawa ng husga, paghalaw sa moralidad ng karaniwang tao, paglalantad ng totoong makitid na motibo sa likod ng marangal na aksyon, mabilis na pasaring sa nakakasagutan, at pagkutya sa masagwang aksyong kabaligtaran ng matayog na pahayag. Ang mga ito ang madalas mong gawin bilang komedyante — at tagahubog ng opinyong publiko, namamalayan mo man o hindi.

At ginamit mo ang mga armas mo pabor kay Aquino at kontra sa mga nagprotesta. Nagbatay ka sa pagdama noong sinabi mong naapektuhan ka ng talumpati niya. Humalaw ka sa moralidad ng karaniwang tao nang punahin mo ang mga tumutuligsa sa kanya dahil walang perpektong pangulo. Inilantad mo ang “totoong motibo” sa likod ng mga “nag-aaklas” — ang “pambili ng bigas.” Nagpasaring ka kay Teddy Casiño na hindi siya nakatanggap ng pera mula sa kontrobersyal na DAP kaya siya “tumatalak.” Kinutya mo ang mga nagprotesta sa maruming pulitika dahil nag-iwan sila ng dumi sa kalsada.

Bakit ganoon? Bakit naramdaman mo ang emosyon sa SONA ni Aquino, pero hindi ang galit ng mga nagprotesta sa labas? Bakit mas pinipili mong panghawakan iyung kawalan ng perpekto at hindi ang dapat na pagpapanagot sa nagkasala? Bakit iyung motibo ng mga nagpoprotesta, pinupulaan mo, pero bulag ka sa totoong motibo sa paiyak-iyak ni Aquino, ang magpaawa dahil arogante siya sa pagtatanggol sa DAP? Bakit hindi mo alam na kaiba ang grupo ni Casiño sa mga nasusuhulang tradisyunal na pulitiko? Bakit hindi mo kutyain na naging fashion show ang pag-uulat ng lagay ng maralitang bansa?

Kandinsky2

Hindi kita gustong sumbatan; seryosong mga tanong iyan. Ang gusto kong sabihin: Iyung mga nagprotesta, may mga dahilan, mga batayan — lampas sa paghahanap ng perpekto, lampas sa pambili ng bigas, lampas sa hindi pagtanggap ng pera galing DAP, nakapag-iwan man sila ng dumi sa kalsada o hindi. Ito ang pinakamalaking protesta sa limang SONA ni Aquino. Tinakot sila gamit ang maraming pulis at militar, ginawang garison ang lugar ng protesta nila, at binomba pa sila ng tubig — pero nanatili sila. Hindi kaya karapat-dapat sila sa pagrespeto’t pakikinig man lang, at hindi agad na paghusga?

Hindi ko gustong baguhin ang pagpanig mo; hindi iyan kayang gawin ng isang sulat. Pero nakapag-aral at matalino ka. Sana palawakin mo pa ang pananaw mo, Vice. Sumikat ka dahil sa masa at, sa kasaysayan ng bansa natin, talagang nagpoprotesta ang masa dahil sa kalagayan nila lalo na’t may nalalantad na korupsyon sa gobyerno. Bakla ka, na nakakaramdam ng diskriminasyon at pang-aapi; may ganyan ding nararanasan ang masa, at mas matindi pa. Nagbago na ang uri o katayuan mo sa buhay pero Viceral ka pa rin, at napakasagwa kung mag-aasta kang para kang Cojuangco tulad ni Kris.

Sasabihin mo siguro nang pakutya, “Para limang tweet lang, andami nang sinabe?” Pasensya na, hindi kasi ganoon kasimple. May mapupulot sa Bibliya sa usaping ito: “At sa sinumang binigyan ng marami ay marami ang hihingiin sa kanya: at sa sinumang pinagkatiwalaan ng marami ay lalo nang marami ang hihingiin sa kanya.” Uulitin ko: namamalayan mo man o hindi, humuhubog ka ng opinyong publiko. Hindi ka na lang basta nagpapahayag ng saloobin ngayon. Sana, huwag kang basta magsalita batay sa paimbabaw na persepsyon at sana, tiyakin mong makamasa ang iyong mga deklarasyon.

30 Hulyo 2014

Galing ang mga larawan dito.

At ito na ang pinakamabentang kolum ko sa Pinoy Weekly, kung saan mainit ang sagutan sa seksyong komento.

Basahin si Robin D. G. Kelley tungkol sa laban ng sambayanang Palestino. Itigil ang pambobomba! Kalayaan para sa Palestina!

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • Anita Bakery  On August 13, 2014 at 7:38 am

    Tama, sa gusto nya o hindi, sa pagsasabi niya ng mga saloobin niya ay marami na pala siyang naiimpluwensiyahang tao na tuwang tuwa sa kanyang Ostrich Dance at bughaw na piluka.

  • kapirasongkritika  On August 14, 2014 at 6:03 pm

    Naks. Nabuhay ka, Anita Bakery! Hehehe. Hindi ko naman napansin ang kanyang Ostrich Dance at bughaw na peluka.

Trackbacks

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: