Sky

Sa kanyang kolum na “Resignation at what cost?” nitong 07 Pebrero, tinanong ni Solita Collas-Monsod ang mga nananawagang magbitiw sa pwesto si Pang. Noynoy Aquino: Nababaliw na ba kayo? Ayon sa propesor ng ekonomiks sa Unibersidad ng Pilipinas, sa usapin ng pagtutulak na mag-resign si Aquino, mas malaki ang magiging gastos ng sambayanan kaysa sa magiging pakinabang nito. Sabi pa niya, kahit pagsama-samahin ang mga kritisismo niya kay Aquino, mas matimbang pa rin ang mga positibo rito at mas mainam pa rin ito sa posibleng pumalit na si Bise-Presidente Jejomar Binay.

Malamang, dahil napakababaw naman ng mga kritisismo niya kay Aquino. Lalabas nga, tutol siya sa pagbitiw nito sa pwesto dahil wala siyang nakikitang mabigat na kasalanan nito, hindi pa dahil ayaw niya kay Binay. Anu-ano ang mga tuligsa niya kay Aquino? Tungkol lang sa pagtatalaga ng mga tao sa iba’t ibang pwesto sa gobyerno – interes ng mga akademikong may pamantayan sa mga lingkod-bayan, interes din ng mga gustong magpwesto ng sariling mga kaibigan. Ano ang teorya sa likod nito? Na huhusay na lang ang gobyerno kung maitatalaga rito ang mga maabilidad na tao? Hindi ba’t makitid ito?

Sa kaso ng pagdanak ng dugo sa Mamasapano, Maguindanao noong 25 Enero, ligal at hindi moral ang nakikita niyang pinakamabigat na kasalanan ni Aquino: paglabag sa chain of command ng gobyerno. Ni hindi ang resulta ng paglabag na ito – ang pagkamatay ng 44 operatiba ng Philippine National Police-Special Action Force, 18 mandirigma ng Moro Islamic Liberation Front, at walong sibilyan. Hindi rin ang paglalagay sa panganib ng usapang pangkapayapaan sa MILF. Hindi rin ang pagsugal at paglustay ng buhay ng mga Pilipino dahil sa utos ng US na walang malasakit sa buhay.

Ang totoo, hindi kinonsidera ni Monsod ang matitinding kritisismo kay Aquino. Hindi ang pagkabigo sa paglikha ng trabaho, bukod pa sa disenteng trabaho, na mahalagang indikasyon ng lagay ng ekonomiya. Hindi ang pagkabigong sumaklolo sa ating mga kababayang nasalanta ng superbagyong Yolanda. Hindi ang pagkopo ng iilang malaking kapitalista sa mga kontrata sa pribatisasyon. Hindi ang militarisasyon sa kanayunan at patuloy na paglabag sa mga karapatang pantao. Para kay Monsod, abswelto na agad si Aquino sa korupsyon, kahit ipinagtanggol at pinalaki nito ang pork barrel sa gobyerno.

Coastline

Binanggit lang ni Monsod ang mga tuligsa niya kay Aquino para palabasing nyutral siya, na pwede siyang maging hukom at magbaba ng kapani-paniwalang hatol. Pero hindi pwede, dahil hindi niya pinakinggan ang prosekusyon. O mas eksakto: dahil simula’t sapul ay nasa depensa siya. At ano ang depensang ito? Isang hanay sa lipunan na kumbinsido sa mga batayang patakaran ng gobyerno, maalwan ang buhay sa gitna ng lahat ng ito, at humahatol lang batay sa mga itinatalaga ng pangulo. Hindi mula sa batayan ng nakakaraming matagal nang naghihirap at naghahanap ng pagbabago.

Marami nang sumagot nang diretso sa akusasyon ni Monsod. Ang mga gustong mag-resign si Aquino, gusto ba nilang si Binay ang pumalit? Hindi, kahit pa iba ang igiit ni Monsod. Posible bang si Binay ang pumalit? Oo, dahil isinasaad sa Konstitusyon na bise ang papalit sa presidente. Pero pwede at mas mainam ang isang konsehong transisyon– tulad ng pinlano noong pinapatalsik si Ferdinand Marcos at si Joseph Estrada. Ang programa nito: itigil ang mga krimen ni Aquino, panagutin siya sa mga ito, magpatupad ng mga maka-mamamayang reporma, at magdaos ng eleksyon ng papalit na pangulo.

Ang kakatwa, sumuporta si Monsod sa Edsa 1 at Edsa 2; alam niya, kung huhukayin lang sa alaala, ang ideya ng konsehong transisyon bilang pamalit sa pangulo. May mga sinserong nangangamba na si Binay ang papalit kay Aquino. Pero mayroon din namang mga mulat na maka-Aquino na ginagamit si Binay bilang panakot para huwag nang matalakay ang mga krimen ng pangulo. Alam nila, na kung kikintal ang mga krimen ni Aquino sa bayan, hindi nito iisiping mas malaki ang gastos kaysa pakinabang sa pagre-resign ng pangulong tuta, kurakot, maka-elite, sinungaling at duguan ang mga kamay.

Dahil, sa totoo lang, may konsiderasyong mas mabigat kaysa timbangan ng gastos at pakinabang. Kung tutuusin, parang sirang plaka na ngayon si Monsod. Ganyan din ang sinasabi niya noon sa gitna ng madilim na paghahari ni Gloria Macapagal-Arroyo: mas malaki ang gastos kaysa pakinabang kung papalit ang bise-presidenteng si Noli de Castro. Kaya natapos ang paghahari ni Arroyo na nakahanay si Monsod sa mga kakampi nito. May konsiderasyong mas mabigat kaysa timbangan ng gastos at pakinabang. Mas mahalaga ang pagtindig sa tama – at hindi si Monsod ang magandang halimbawa.

08 Pebrero 2015

Galing ang mga larawan dito.

Nakakaaliw na mga pangalan na kaugnay sa pagkapanalo sa eleksyon ng Syriza, alyansang kontra-austerity sa Greece: Costas Lapavitsas, Stathis Kouvelakis, at Yannis Varoufakis. Mahalaga raw ang mga propesor na naging pulitiko sa pangyayaring ito.