Luha ang Tanging Nakamit

Stop Binay

Syempre, lehitimong karapatan ng mga mang-aawit at personalidad sa social media na sina Jim Paredes at Leah Navarro na maglunsad ng rali laban sa pagtakbong pangulo sa eleksyong 2016 ni Bise-Presidente Jejomar Binay. Hindi ako maka-Binay, pero maraming magandang tanong ang maiisip kaugnay ng raling #StopBinay na pinamunuan nila noong Hunyo a-10 sa Makati City.

Una, bakit ang panawagan ay huwag tumakbo si Binay o pigilan si Binay na tumakbo? Alam naman nating lahat na napakaraming kasong hinukay at binuhay ng mga alyado ni Pang. Noynoy Aquino laban sa kanya. Bakit hindi “Ikulong!” ang panawagan? Dahil ba hindi ito magagawa o gagawin ng matataas na opisyal sa gobyerno? Kung ganoon, anong sinasabi nito tungkol sa paghahari umano ng “Daang Matuwid” na tiyak na pinapaniwalaan nina Paredes at Navarro? Kung totoong matuwid ang daan, kailangan pa bang magrali laban sa kurakot?

Ikalawa, malinaw na motibasyon ng protesta ang takot sa mismong pagtakbong pangulo ni Binay – ibang bagay pa kung mananalo siya. Tiyak na layunin nitong magdagdag sa paninira kay Binay para mabawasan ang mga tagasuporta at botante niya. Sa madaling sabi, kakambal ng protesta ang palagay na malakas pa rin si Binay – sa kabila ng kaliwa’t kanang paninira sa kanya ng mga alyado ni Aquino. Mulat kaya ang mga organisador sa ganitong implikasyon? O naunahan na sila ng galit at grabeng pagmaliit sa pagsusuri ng botanteng Pinoy?

Ikatlo, bakit hindi na lang rali ng pagsuporta sa kandidatura ni Interior and Local Government Sec. Mar Roxas? Malamang, gustong palabasin nina Paredes at Navarro na nilahukan ang protesta ng mga sumusuporta sa ibang presidentiable, pero sinong maloloko nila? Sa puntong ito, ang tanong ay: Bakit sila naduwag na ilabas ang kanilang totoong panawagan? Baka makasuhan ng maagang pangangampanya? Ayaw pa naman nila iyan, silang nagpapanggap na kontra sa tradisyunal na pulitika. At dahil protesta itong dikit sa pulitiko, ang tanong: magkano?

Ikaapat, rali talaga laban sa kandidatura ni Binay? Hindi ba makakahintay ng kampanya sa eleksyon iyan? Wala bang mas kagyat na isyung dapat ralihan? Naganap ang protesta habang iniraratsada ng Kongreso ang paggahasa sa Konstitusyong 1987 at pagpayag sa 100 porsyentong pag-aari ng mga dayuhan sa mga lupa at negosyo. Habang inaangkin ng China ang mga teritoryo ng Pilipinas. Habang naghahanap ng katarungan ang mga manggagawa ng nasunog na pabrika ng Kentex. Habang ibabalik sa pagkapulis ang command ng Mamasapano na si Alan Purisima.

Ikalima, 1,000 katao talaga? Batay sa mga larawan at kuha sa telebisyon, parang hindi naman. Wala bang pulis para magbigay ng mas maliit na bilang? Bakit kaya wala? Nagrali rin ba ang mga trolls at fake accounts na pinakilos nila sa kampanya nilang online na #ingrata laban kay Celia Veloso, nanay ni Mary Jane Veloso? Eh iyung mga kasabwat nila sa Philippine Daily Inquirer sa pagpopopularisa ng hashtag? Ang lakas ng loob nilang mangwestyon ng bilang ng mga rali ng ibang grupo, noong sila na ang nag-organisa, bakit parang malaking palpak?

Sa dulo, narinig ang sigaw ng protestang pinamunuan nina Paredes at Navarro: sigaw ng desperasyon – ng pulitikong tulo-laway sa pagkapangulo pero malabong manalo. At ng mga mang-aawit na dating kumikita mula sa talento, kumita mula sa pagsipsip kay Aquino, pero nangangamba ngayong mawalan ng sweldo.

12 Hunyo 2015

Galing ang larawan sa Facebook account ni Jim Paredes.

Mabuhay si Stevie Wonder! Rebyu pa lang, ulam na: Tungkol sa libro ni Henry Marsh, isang neurosurgeon. Nagbalik-tanaw sa isang lumang debate si Prabhat Patnaik para iugnay sa neoliberalismo: hindi lang patakaran. Magandang pagbaybay sa kasaysayan ni Arsobispo Oscar Romero at sa lugar niya sa kasaysayan ng kanyang bayan.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: