Winnie Monsod vs. Lumad

Samarca

Sa kolum niyang “Who is exploiting the ‘lumad’?” sa Philippine Daily Inquirer nitong 19 Setyembre, ipinagtanggol ni Prop. Solita “Mareng Winnie” Monsod ang militar laban sa malaganap at patuloy pang lumalaganap na pagkondena rito dahil sa pagpatay, at pagmasaker pa nga, sa mga Lumad sa Mindanao.

Sa maraming taon, pinatatag ng midyang pag-aari ng malalaking kapitalista ang imahe ni Monsod, propesor ng ekonomiks at komentarista sa dyaryo at telebisyon, bilang tinig ng makatwirang opinyon. Malaking bagay ang estilo niya ng pagsusulat at pagsasalita – pang-araw-araw, direkta-sa-punto, para tuloy “makamasa” at “totoo.”

Pero sa kolum niyang ito tungkol sa maramihang pagpatay sa mga Lumad, malinaw na hindi katotohanan ang hangad niya, kundi ang pagbaluktot at pagtatago nito. Hindi ang pagtigil sa pagpatay sa mga Lumad, kundi ang pananaig sa publiko ng paliwanag ng militar sa naturang mga pagpatay.

Ang ugat: ang agad at awtomatikong pagpanig niya sa militar nang labag sa mga datos, historikal na karanasan, at kritikal na pagsusuri. Na nakaugat naman sa pagtatanggol niya sa mga namamayaning patakarang pang-ekonomiya sa bansa.

May dalawang tauhan sa isyu, aniya. Nasa isang banda ang grupong partylist na Bayan Muna, koalisyong elektoral na Makabayan, at Karapatan, grupong nagtatanggol sa karapatang pantao – na tinawag niyang “matigas na Kaliwa (hard Left)” at agad binansagang kakampi ng rebeldeng grupong New People’s Army o NPA at kaaway ng militar. Nasa kabilang banda ang Armed Forces of the Philippines o AFP.

Sa kamay ni Monsod, ang isyu ay naging usapin ng pagpanig: sa mga pahayag ng Kaliwa o sa mga pahayag ng AFP? Pinapalabas niyang ang militar ang siyang inaakusahang pumapatay sa mga Lumad dahil lang ang Kaliwa ang siyang nag-aakusa.

Ang ginawa niya, agad niyang idineklara ang kanyang pagpanig – “sa pagkakataong ito, ako ay malinaw na maka-militar” – at mula rito ay naglatag ng kanyang mga “argumento” at “datos.” Sa kolum na ito, malinaw na nagmumula sa pagpanig ang mga argumento at datos, at hindi ang kabaligtaran – gaya ng dapat asahan, pero bihirang makuha, sa isang akademiko at komentaristang tulad niya.

Ipinapaalala ng ganitong takbo ng isip ni Monsod ang takbo ng isip na terorista, pero nagpapakilalang “anti-terorista,” ni Pang. George W. Bush ng US: “Kakampi mo kami o kakampi mo ang kaaway.” Ang biktima o kaswalti rito, gaya sa bintang ni Bush na may Weapons of Mass Destruction ang Iraq, ay ang katotohanan, at ang mga mamamayan na itinuturing nang tagasuporta ng kaaway.

Hindi tatanggapin ni Monsod sa kanyang korte, kumbaga, ang ebidensyang galing sa Kaliwa. Pero may dalawang kagyat na mapagkukunan ng ebidensya na dapat niyang sinangguni kung totoong nagsasaliksik siya at hindi lang basta nagtatanggol sa militar. At iyan ay kahit tanggalin natin ang mahabang kasaysayan ng paglaban ng mga Lumad at panunupil ng militar.

Una, ang mga Lumad mismo. Higit sa pagtaghoy, nagsasalita sila at nagpoprotesta, itinuturo ang mga nasaksihan nilang pumatay sa kanilang mga kaanak at kaibigan – ang militar at ang mga alaga nitong paramilitar. Sa konteksto ng mga Lumad, hindi biglang pangyayari ang mga serye ng pagpatay o mga masaker; nauuna ang mga pananakot at iba pang porma ng pandarahas na natutukoy ang mga salarin.

At hindi paisa-isang “lider” ng mga Lumad ang nagsasalita, tulad sa kaso ng mga nagsasalita pabor sa militar, kundi buu-buong populasyon nila. Hindi kataka-taka, inaakusahan ni Monsod ang Kaliwa na nagpipilit na magsalita para sa mga Lumad, at ginagamit niya itong palusot para hindi sila pakinggan.

Campos

Ikalawa, ang militar at gobyerno mismo. Kung susuriin ang programang kontra-insurhensyang Oplan Bayanihan, madaling makita ang kongklusyon ni G. Renato Reyes, Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan: target talaga ng militar ang mga Lumad. Para saan ang pagsasabi ng militar na 74 porsyento ng mga NPA sa Silangang Mindanao ang mga Lumad? At 90 porsyento ng mga base ng NPA sa isla ang nasa mga komunidad ng mga Lumad?

At mahalagang pansining bahagi ng Oplan Bayanihan ang ang mga islogang ipinagmamalaki ni Monsod kaugnay ng militar: ang “mga lapit na people-centered at whole-of-nation sa mga usapin ng internal na kapayapaan at seguridad.”

Hindi kataka-taka, inangkin ni Monsod ang kalayaang balewalain ang katotohanan. May mga patutsada siyang hindi maipagtatanggol nang makatwiran: Ang mga Lumad daw ay nag-anak nang nag-anak na “parang mga kuneho,” bagay na nagpapasama sa imahe nila. Tubong Surigao del Sur si Hen. Hernando Iriberri, na para bang dahilan ito para hindi gumawa ang heneral ng masama sa mga Lumad.

Marami rin siyang absurdong kasinungalingan. Hindi man daw “mga santo” ang militar ay “ginagawa nila ang lahat ng makakaya” at may paraan para maghanap ng katarungan kung magkamali sila. Ang batayan daw ng Kaliwa sa pag-akusa sa militar: mahal ang mga baril na ginamit sa mga pagpatay sa mga Lumad. Parang sinigawan daw ng opinyong publiko para patahimikin si Iriberri sa mga pahayag nito.

Malaking kalokohan ang mga batayan ni Monsod sa pagpanig sa militar: Una, nagbitiw o nagretiro na raw ang mga labi sa militar ng Martial Law. Ikalawa, nahubog raw ang kasalukuyang militar sa “karapatang pantao, sa mga lapit na people-centered at whole-of-nation sa mga usapin ng internal na kapayapaan at seguridad.”

Nakatali ang unang punto sa antas ng mga indibidwal na tauhan at opisyal o ng henerasyon ng mga ito. Pero kinaligtaan ito sa ikalawang punto: Hindi ba’t ang mga pwersang militar ngayon ay hinubog ng mga rehimen pagkatapos ni Marcos na pawang responsable rin sa malaganap na paglabag sa mga karapatang pantao?

Pero higit pa diyan, tinatalikuran ng ganitong pagsusuri ang mas malalaking usapin: ang oryentasyon ng instrumentong mapanupil na ito na napakahalaga sa Estado – sa pagtatanggol sa pribadong pag-aari at sa panunupil sa mga lumalaban sa sistemang panlipunan na nagpapayaman sa iilan at nagpapahirap sa nakararami –  gayundin ang sistemang umiiral sa loob ng militar, at ang mahabang historikal na rekord nito ng paglabag sa mga karapatang pantao.

Ikatlo, at hindi nahiya si Monsod na aminin, may “mga multisektoral na grupong tagapayo” raw ang militar at miyembro raw siya nito simula 2010. Kaugnay marahil ito ng punto niyang may “Army Transformation Roadmap” ang militar na sineseryoso nito umano.

Interesante ang pag-amin na ito: siya na nagtanggol at sumipsip sa rehimen ni Arroyo hanggang dulo, ay nakahanap na rin pala ng pwesto sa rehimen ni Aquino. Kaya pala sa pangkalahatan ay pabor kay Aquino ang kanyang mga opinyon. Siya na nanahimik at hindi kumondena sa madugong rekord sa karapatang pantao ng rehimen ni Arroyo ay nagpapayo na ngayon sa militar, at nagtatanggol rito.

Sinzo

Matapos paniwalaan ang pagtanggi ng militar sa pagpatay sa mga Lumad, pinagsalita sila ni Monsod para magbigay-katwiran: “Kung pumatay man ang militar ng Lumad, iyan ay hindi dahil lumad sila, kundi dahil NPA sila. Paano nalalaman ng militar kung ang lumad ay NPA? Simple: kung may baril sila, NPA sila.” Lahat ng pahayag ng binansagan niyang “Kaliwa” ay kinwestyon niya, pero hindi ang pahayag na ito ng militar.

Hindi rin niya kinwestyon ang iba pang pahayag ng militar: Na galing ang impormasyon tungkol sa mga miyembro ng NPA na Lumad sa mga Lumad mismo na dating rebelde at sumuko na sa gobyerno. Na ang mga nagpapakilalang lumikas na Lumad ay hindi talaga lumikas. Na NPA, hindi militar, ang siyang pumapatay sa mga Lumad at umabot na nga raw sa 357 ang mga Lumad na pinatay ng NPA sa panahong 1998-2008.

Sa madaling salita, sinasang-ayunan at binibigyang-katwiran ni Monsod ang pagpatay sa mga Lumad. Bersyon lang ang pahayag niya ng aroganteng hacienderong linya ni Pang. Noynoy Aquino: “Walang kampanya na patayin ang kahit sino sa bansang ito. Ang mayroon ay kampanya na tugisin ang mga salarin sa mga krimen na ito maging sino man sila.” Sinusunod ni Monsod ang paliwanag ng militar sa mga namatay: mga NPA sila at dapat lang patayin dahil mga mamamatay-tao.

Tulad ng mga pahayag ni Aquino, mapanganib ang mga pahayag ni Monsod. Bukod sa hindi nila itinutulak ang pagtigil sa mga pagpaslang, binibigyang-katwiran nila ang pagpatay sa mga Lumad, sa batayang mga NPA ang mga ito. At hanggang diyan lang ang kayang sabihin ng militar; hindi sila lalampas diyan sa antas ng pahayag. Hindi nila sasabihing pumapatay sila ng mga sibilyan kahit ganoon ang aktwal nilang ginagawa.

Ang kailangan ay alamin at lutasin ang mga ugat ng paglaban ng mga Lumad, ng pandarahas ng mga militar, at ng armadong tunggalian sa bansa – sa pamamagitan ng usapang pangkapayapaan. Pero walang ganyang panawagan si Monsod, kahit pakitang-tao. Mas malamang, alam niya ang naturang mga ugat sa kalagayang sosyo-ekonomiko ng bansa, pero tutol siya sa pundamental na pagbago rito. Ang kailangan lang, para sa kanya, ay ang supilin ang mga lumalabang Lumad.

Mas kilala si Monsod na tagapagrekomenda at tagapagtanggol ng mga patakarang pang-ekonomiya ng gobyerno – na pawang neoliberal at mas pinapakinabangan ng mga malalaking dayuhan at lokal na kapitalista at mga haciendero. Sa kolum niya hinggil sa mga Lumad, ipinapakilala niya ang isa pang aspeto sa kanyang personalidad: tagapagrekomenda at tagapagtanggol rin ng mga patakarang mapanupil ng gobyerno.

Kailangan nga naman ng ekonomiyang nagpapayaman sa iilan mula sa pagpapawis ng nakakarami ang panunupil sa nakakarami – at ang panlilinlang sa nakararami gaya ng ginagawa ni Monsod sa kolum niya. At sa kanyang katauhan, magkasanib ang umano’y hindi-nakikitang kamay ng pamilihan at ang sumusuporta ritong itinatagong bakal na kamay ng Estado.

Dinala ni Monsod sa pagtatanggol sa militar ang estilo ng pag-iisip na tatak niya at ng mga katulad niyang ekonomistang neoliberal sa pagtatanggol sa mga patakarang pang-ekonomiya: mahigpit na paghawak sa dogma kahit pa taliwas ito sa reyalidad. Labag sa maraming ebidensyang kontra rito, tinatanganan niyang mabuti ang umano’y pagiging labas sa anumang pananagutan noon ng pamilihan at ngayon ng militar.

Akusasyon niya sa Kaliwa na hindi ito nagbabago ng isip kahit nagbabago ang panahon. Sa kolum niya sa mga Lumad, umatras pa nga sa kasaysayan si Monsod. Dito, at marahil sa mga nauna pang kolum, idinedeklara niya sa daigdig ang muling pagkabuhay niya: hindi na lang ekonomistang neoliberal kundi mandirigmang anti-Kaliwa na rin ng Cold War.

21 Setyembre 2015

Galing ang mga larawan sa Facebook ng Anakbayan-New Jersey. Maraming salamat!

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • imakulit  On September 23, 2015 at 2:54 am

    Reblogged this on shades of thought and commented:
    A sharp commentary on Monsod’s empty assertions defending the AFP vs. the lumads.

    “And sound analysis is impossible without an intimate knowledge of life and without real understanding of pertinent contradictions.” – Mao

    Winnie Monsod might tag me for using this statement for whatever its worth but she certainly lacks this kind of “sound analysis.” She should go to ALCADEV and see the situation herself before she says or writes anything more. #HelpSendWinnieToSchool

  • kapirasongkritika  On October 8, 2015 at 4:53 pm

    Maraming salamat! #HelpSendWinnieToSchool nga dapat!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: