Ang Kalaban ng Bayan sa 2016

Otto Dix1

Noong eleksyong 2010, sinikap ng Kaliwa, sa abot ng makakaya nito, na ang kampanya sa eleksyon ay maging tungkol sa pagpapatalsik sa kinasusuklamang pangulong si Gloria Macapagal-Arroyo. Ibig sabihin, pagkondena sa kanyang matitinding krimen sa sambayanan at mga patakarang kontra-maralita, at paghadlang sa pagtatangka niyang magpatuloy sa kapangyarihan sa pamamagitan man ng Charter Change o pagluklok sa inendorso niyang si Gilbert Teodoro.

Mahalaga ang pariralang “sa abot ng makakaya” sa itaas, dahil hawak naman talaga ang eleksyon ng malalaking kapitalista at haciendero na sunud-sunuran sa US, at sekundaryang larangan lang ito ng pakikibaka para sa Kaliwa. Alam natin ang aktwal na nangyari: biglang namatay si dating Pang. Cory Aquino at ang pagluluksa sa pagkamatay niya ay naging pagsasakdal-protesta laban kay Arroyo. Sa ganitong kalagayan nagdeklarang tatakbo sa pagkapangulo ang anak niyang si Noynoy. Nagkaisa ang pinakamalalaking kapitalista at haciendero sa pagsuporta sa kanya at, gamit ang kanilang midya, inilarawan siya na tunay na kalaban ni Arroyo.

Sinikap ng Kaliwa na makipag-ugnayan sa batang Aquino para sa posibleng pakikipagtulungan, pero todong tumanggi ito. Sinisikap pa noon ng kampo niya na baligtarin, at palabasing ang Kaliwa ang galit at ayaw makipag-usap sa kanya. Pero limang taon pagkatapos, ngayon, malinaw na kung sino ang malalim ang galit kanino. Malinaw kung sino ang tumangging makipag-usap kanino at sumabotahe pa nga kahit sa matagal nang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng mga rebeldeng grupo at ng gobyerno.

Sa ganitong kalagayan, sinuportahan ng Makabayang Koalisyon ng Mamamayan o Makabayan ang isa sa mga nangungunang kandidato noon sa pagkapangulo, si Manny Villar. Ang lantad na batayan: pagkakaisa sa plataporma. Pero malinaw na para sa Makabayan, nasa balangkas ito ng pagtapos sa paghahari ni Arroyo at pagpreno man lang sa mga patakaran niya, na pawang mapaminsala sa nakakarami.

Anu’t anuman, dahil si Villar ang nangungunang kalaban noon, pinuntirya siya ng makapangyarihang makinaryang pampropaganda ni Aquino, at pinalabas na siya ang lihim na kandidato ni Arroyo – kaya “Villarroyo.” Kaakibat nito, kinutya ang Makabayan, at ang buong Kaliwa, ng mga propagandista ni Aquino na napasubo sa pagsuporta sa kandidato ni Arroyo, kundi man, hindi na kinilabutan, aktwal na kasabwat ng huli.

Nakatala sa kasaysayan ang pagsisikap ng Makabayan at Kaliwa na hikayatin-itulak si Villar na magsalita laban kay Arroyo, para pasinungalingan ang akusasyon, pero masyado nang huli at masyadong mahina ang ginawa niyang pagtuligsa. Sa dulo, hindi man naniwala ang Kaliwa na si Villar ang lihim na kandidato ni Arroyo, ito mismo ang nagsabing isa iyan sa mga dahilan kung bakit siya natalo – ang pagtanggi niyang tuligsain si Arroyo.

Otto Dix2

Nagawang angkinin ni Aquino, na huli at bahagya lang lumaban kay Arroyo, ang pakikibaka laban dito. Mula sa ganitong pag-angkin, inatake niya ang kandidato sa pagkapangulo na inendorso ng Makabayan, at ang Kaliwa mismo. Sa kabila iyan ng katotohanan na ang Kaliwa ang pinakamaaga at pinakapursigidong lumaban kay Arroyo, magiting na humarap sa pinakamarurumi at pinakamatitinding atake nito tulad ng ekstrahudisyal na pagpaslang, militarisasyon at mga paglabag sa karapatang pantao. Sa paglaban sa rehimeng Arroyo, hindi lang matatalim na salita kundi puspusang pakikibaka ang ginawa ng Kaliwa, buhay man ay ialay.

Mahalagang magbalik-tanaw sa eleksyong 2010 para linawin ang isa sa mga pangunahing motibo ng Makabayan sa pag-endorso ng kandidato sa pagkapangulo noon – ang mag-ambag sa paglalantad at paglaban sa nakaupong pangulo, paghadlang sa patuloy niyang pananatili sa pwesto, at pagpreno man lang sa pagpapatupad sa kanyang mga patakaran. Natabunan ang motibong ito ng naging takbo ng mga pangyayari sa eleksyong iyun, ngunit mahalagang muling ipakita sa harap ng eleksyong 2016.

Matindi ang labanan ng mga paksyon ng naghaharing uri ngayong eleksyong 2016, dahilan para marami sa kanila, kung hindi man lahat sila, ang manligaw sa suporta ng Makabayan. Maaaring may gampanang malaking papel ang Kaliwa sa halalang ito, at dapat gamitin ng Kaliwa ang naturang papel nang makabuluhan – kahit pa sekundaryang larangan lang  ang eleksyon para rito at wala itong ilusyong napakabuti sa maralita at mamamayan ang magiging resulta.

Sa eleksyong 2016, malinaw na ang nakaupong pangulo, at ang inendorso nitong isa sa mga nangungunang kandidato sa pagkapangulo, ang kalaban ng sambayanan at sa gayon ay ng Kaliwa. Wala silang idudulot kundi ang pagpapatindi ng nagaganap na gera kontra-maralita sa ekonomiya at pulitika ng kasalukuyang gobyerno. Isang mayor na hamon at tungkulin sa sambayanan at sa Kaliwa ang iwaksi ang pangulo at ang inendorso niya. Mahalagang idagdag na may potensyal na magtagumpay sa layuning ito ang sambayanan at ang Kaliwa.

Para sa eleksyong 2016, inendorso na ng Makabayan si Sen. Grace Poe. Na hindi nangangahulugang naging Kaliwa na siya, syempre pa, at ipinapakita iyan ng ilan niyang pahayag. Pero ang batayan, ayon mismo sa Makabayan: “Komitment sa platapormang nagtataguyod ng makabuluhang repormang sosyo-ekonomiko at pulitikal; mabuting rekord bilang lingkod-bayan; at pagiging bukas sa pakikipagtulungan sa mga progresibong pwersa.”

Nakatulong syempre na sa kabila ng nangunguna niyang pwesto sa mga sarbey, malakas na makinarya, at hatak sa iba’t ibang pwersang pampulitika, maagap, bukas at tuluy-tuloy niyang kinausap ang Makabayan para sa iba’t ibang porma ng pagtutulungan. At isa na nga diyan ang pagtakbo ni Neri Colmenares, kandidato sa pagka-senador ng koalisyon, sa kanyang tiket.

Otto Dix3.jpg

Kung matatandaan, niligawan nang todo at napakapubliko ni Aquino si Poe para tumakbong bise-presidente ni Mar Roxas, na siyang inendorso ng pangulo. Pero malinaw at napakapubliko rin, syempre pa, ng naging pagtanggi ni Poe sa alok. Sa kabila iyan ng “guns, goons, gold,” mga sarbey, midya, at iskema ng pandaraya na maaaring maitulong ni Aquino sa kanyang kandidatura. Malinaw na indikasyon ang pagtanggi niya na ang hangad niya ay pagkapangulo, hindi alinmang posisyong mas mababa.

Sa aktwal at potensyal na pakikipagtulungan sa Makabayan, at sa pagbubuo ng platapormang pinagsasaluhan dito, pinag-iba na ni Poe ang sarili kina Aquino at Roxas. Kung itutulak ang lohika ng plataporma, masasabing handa si Poe na pigilan ang ilang mayor na patakaran nina Aquino at Roxas at banggain pa nga ang mga ito: pagbarat sa sahod, pagpiga ng malaking buwis, pagkaltas sa badyet ng mga serbisyong panlipunan, todo-gera sa mga rebeldeng grupo.

Bukod pa diyan, si Prop. Jose Maria Sison ng Kaliwa na rin ang pumansin: “napatunayan na ni Poe ang kanyang katatagan sa Senado sa mga mayor na isyu gaya ng Mamasapano, [PNP chief Alan] Purisima, at ang kapalpakan sa MRT” – na pawang nakaturol kina Aquino at Roxas. Ito aniya ang dahilan kung bakit naging Numero Uno siya sa mga sarbey.

Sa pagdedesisyon ng Second Divison ng Commission on Elections nitong Disyembre 1 na hadlangan si Poe sa pagtakbong pangulo, lalong lumaki ang pagkakahati niya sa pangkatin nina Aquino at Roxas. Hindi naman kailangang maging henyo, bukod pa sa aktwal na ebidensya, para matukoy na ang naturang pangkatin ang nasa likod ng mga kaso ng diskwalipikasyon laban kay Poe. Nagsalita na rin sina Aquino at Roxas na ipinagtatanggol ang desisyon ng Second Division ng Comelec.

Kaya maaasahang lalo pang lalaki ang pagkakahati. Buhong na buhong na si Roxas na matupad ang buong-buhay na pangarap niya na maging pangalawang kapamilya na nailuklok sa Malakanyang. Sa harap ng tuluy-tuloy na mababang ranggo sa mga sarbey at lantad na kawalan ng kahit anong dating sa masa, tiyak na gagawa siya ng maruruming pakana laban sa pangunahin niyang katunggali.

Ang suma-tutal, itinutulak ng mga pangyayari ang pagtampok ng motibo ng Makabayan sa pag-endorso ng kandidato sa pagkapangulo, o kay Poe sa partikular: ang lalong ilantad ang mga patakaran ni Aquino, tapusin ang paghahari niya na tiyak na todo-todong ipapagpatuloy ni Roxas, at ipatigil man lang ang mga patakaran niya na pawang kontra-maralita, kung hindi pa man ibasura ang ilan dito. Walang ilusyon ng malawakang pagbabago o pagtatagumpay ng pakikibaka, kundi tanaw na magkaroon ng ginhawa, kahit pansamantala, para sa sambayanan, at magkamit ng maliit na hakbang pasulong sa pakikibaka.

Otto Dix4.jpg

Kaugnay ng katayuang ligal ng mga kaso laban kay Poe, magandang basahin ang malinaw na tindig ni dating Chief Justice Artemio Panganiban sa dalawa niyang kolum. Aniya, “nagmumula ang natural-born citizenship o pagkamamamayan ni Sen. Poe hindi sa pagkakaampon sa kanya kundi sa katanggap-tanggap sa pangkalahatan na mga prinsipyo ng pandaigdigang batas hinggil sa ipinagpapalagay na pagkamamamayan ng mga foundling o batang napulot.” Sabi pa niya, “naniniwala akong malalampasan ni Sen. Poe ang rekisitong 10-taong paninirahan pagdating ng Araw ng Eleksyon, Mayo 9, 2016.”

Pero, gaya ng maraming bagay sa ating bayan, hindi ang wastong interpretasyon ng batas ang mananaig sa mga kasong diskwalipikasyon laban kay Poe, kundi ang pulitikal na kagustuhan ng mga may hawak ng batas. Kung talagang desperado sina Aquino at Roxas, hahanap at hahanap ang kanilang kampo ng butas para idiskwalipika si Poe nang tuluyan. At talagang desperado na sila.

Ibig sabihin, pulitikal at hindi ligal ang isyung ito. Mas mahalaga ang pampublikong opinyon at pampulitikang presyur kaysa matalas na pagbasa sa batas. Ibig sabihin, ayaw man ni Poe na palakasin ang paglaban kina Roxas at Aquino, ang dalawa na mismo ang nagtutulak sa kanya para gawin iyan mismo.

Paano naman si Davao City Mayor Rodrigo Duterte? Totoo at walang duda, may mahaba, mahusay at hindi matatawaran siyang rekord ng pakikipagtulungan sa Kaliwa.

Pero hindi nakatulong na huli siyang nagpasya kumpara sa pagpapasya ng Makabayan. Malayo na ang inabot ng pakikipag-usap kay Poe, at sa katunaya’y naideklara na ng Makabayan ang suporta kay Poe, bago siya nagdeklara. Kailangan ding ilinaw na bagamat may mga tindig siya na pareho sa tindig ng Kaliwa, makikita sa mga pahayag niya na hindi purong plataporma ng Kaliwa ang dala niya para tumanggap ng awtomatikong suporta mula rito.

Balita ngayong umaga ang pangunguna niya sa pinakahuling sarbey ng Social Weather Stations na ginawa lima hanggang anim na araw matapos niyang magdeklara ng pagtakbo. Lumalabas na nakatulong sa kanya ang huling pagdedeklara ng kandidatura, at ang walang patid na pagsubaybay rito ng midya. Maaaring mas marami ang nahatak niya kumpara sa mga nanlamig ang suporta bunsod ng pag-uurong-sulong niya sa pagtakbo at huling pagdeklara.

Hindi pa saklaw ng sarbey ang panahong nagpakawala siya ng maraming kontrobersyal na pahayag: tungkol sa pagsugpo sa kriminalidad, pambababae, Simbahang Katoliko at iba pa. Ngayon, malinaw na binawasan na niya ang ganyang mga pahayag. Maaaring nagmumula ito sa pagkilala na ang naturang mga pahayag ay maaaring aliw kapag sinasabi ng isang lokal na pulitiko, pero asiwa para sa marami kapag sinasabi ng isang kandidato sa pagkapangulo.

Otto Dix7.jpg

Sa pangunguna niya sa sarbey, tiyak na papatindihin ang pag-atake sa kanya ng ibang kandidato sa pagkapangulo, pangunahin ang kampo ni Roxas. Tiyak na mauungkat ang samu’t saring isyu laban sa kanya, at dapat niyang labanan nang malakas ang mga ito.

Anu’t anuman, may batayan pa ring maniwala sa pagsusuri ng komentaristang si Inday Espina-Varona, na taliwas sa pahayag ng kampo ni Duterte, wala siyang malaking kakayahang pampinansya. Isang malinaw na ebidensya ang kawalan niya ng tiket ng mga kandidatong senador. Tiyak na may epekto ito sa kakayahan niyang maglunsad ng isang pambansang kampanya.

Gaya ng paulit-ulit na ipinakita ng eleksyon sa Pilipinas, mas mahalaga kumpara sa popularidad sa sarbey sa maagang bahagi ng kampanya ang pagkakaroon ng malakas na kakayahan para sa isang pambansang kampanya. Maaaring ang kawalan niya ng naturang kakayahan ay napagtatakpan ng ingay ng kampanya niya ngayon, pero tiyak na lalabas din paglaon. Posibleng kapusin ng hangin ang kanyang kampanya habang lumalapit ang araw ng eleksyon.

Sa dulo: Tama na si Aquino! Sobra na kung may Roxas pa! Palitan na!

07 Disyembre 2015

Galing ang mga likhang-sining ni Otto Dix dito.

Nagpunta sa North Korea ang paboritong blogger na si Roland Boer at marami siyang iwinawastong maling pagtingin hinggil sa bansa. Natapos na rin niya ang pagbabasa kay Stalin, at dapat ngang aralin ang karanasan ng sosyalismo sa kapangyarihan. Namatay na pala ang Amerikanong pilosopong pampulitikang si Sheldon Wolin.

Isinalin ni Marocharim sa Filipino ang isang sanaysay niya tungkol sa mga Marcos, sa udyok ng pagiging cover sa magasing Philippine Tatler ni Imee Marcos, naging viral. Yehey! Aliw na sanaysay ni Teddy Casiño: “Kung ako si Duterte.”

Magandang pagsusuma ni Adam Kotsko sa mga komentaryong pampulitika ni Slavoj Zizek. Magandang tanong: “Do we really gain much by going through a series of dialectical reversals if we are going to wind up in the ballpark of a Paul Krugman column?”

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

Trackbacks

  • By Some 2016 scenarios | gayunpaman on January 7, 2016 at 4:30 am

    […] nakaraan ang paparating na 2016 elections. Dadagdag lang uli ako sa marami at mas mahuhusay nang nagkomentaryo (at magkokomentaryo). Ito sa palagay ko ang ilang scenarios na maaring mangyari pagkatapos ng May […]

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: