Survey Isang Buwan Bago Halalan

Alan Fletcher1

Naging usap-usapan ang survey ng Social Weather Stations para sa unang kwarto ng taon hinggil sa mga kandidato sa pagka-presidente at pagka-bise-presidente. Mahalaga ito, ayon sa mga tagamasid, dahil lumabas kulang-kulang isang buwan bago ang mismong halalan sa Mayo a-9. Kahit sa kritikal at matindi ang duda sa eleksyon, mahalaga ito kung maging kapani-paniwala o hindi ang posible, o malamang, na elektronikong pandaraya ng kampo ni Pang. Noynoy Aquino.

Sa unang pagkakataon ngayong taon, nanguna sa survey sa pagkapangulo si Davao City Mayor Rodrigo Duterte (27%). Ganito ang pagkakasunud-sunod mula sa kanya: Sen. Grace Poe (23%), Vice President Jejomar Binay (20%), dating Department of Interior and Local Government Sec. Mar Roxas (18%), Sen. Miriam Defensor-Santiago (3%). Sa isang balita, sinabi ng SWS na “statistically tied” – tabla, hindi magkatali – sina Duterte at Poe. Sa isa pang balita, sa Philippine Daily Inquirer, ganito rin ang sinabi ng SWS tungkol naman kina Poe at Binay.

Masasabi na siguro na ang pangunguna nina Duterte, Poe at Binay ay resulta ng botong protesta o protest vote laban kay Aquino at sa gobyerno niya. Lahat sila ay nakilalang tumuligsa kay Aquino at lalo na sa kandidato nitong si Roxas sa isang panahon. Lalong tumitibay ang ganitong pagbasa sa paglabas ng huling survey ng SWS tungkol sa todong pagbagsak ng popularidad ni Aquino sa parehong panahon bunsod ng naipong matitinding kasalanan niya sa sambayanan.

Karugtong ito kung bakit pang-apat si Roxas, partida na sa kanya at maysakit ang kahit paano’y nakakapagpatawa na si Defensor-Santiago. Alam na ng lahat na siya ang kandidato ni Aquino, at hindi ito nakakatulong sa kanya. Lumalabas na ang gusto ng mga Pilipino ay “pagbabago” mula kay Aquino kahit sa napakalimitadong pakahulugan ng eleksyon; ang armas ni Aquino noon laban kay Gloria Macapagal-Arroyo ay nakapuntirya sa kanya ngayon.

Bakit lumakas at nanguna si Duterte? Sa tingin ko, dahil sa tuluy-tuloy at pasabog, bagamat minsa’y mababaw, na pagtuligsa niya kay Roxas at minsan ay kay Aquino. Kung may umupak man nang malinaw kina Roxas-Aquino ngayong eleksyon, si Duterte na iyun. Sa iba’t ibang isyu sa panahon ng eleksyon, tumindig siya nang malinaw na taliwas sa dalawa. Isang rurok ang mga pahayag at aksyon niya kaugnay ng pagbaril at pagpatay sa mga magsasaka sa Kidapawan City nitong Abril 1, bagay na kinondena ng marami, gaya ng makikita sa social media.

Alan Fletcher2

Sa kabilang banda, mas pag-iba at hindi pagbangga ang ginagawa ni Poe kina Roxas-Aquino. Bukod sa “pagdidiin” niya kay Aquino sa pagdanak ng dugo sa Mamasapano at paghanay ng tagasuporta niyang Nationalist People’s Coalition sa pag-override sa veto ni Aquino sa panukalang dagdag-pensyon sa SSS, wala siyang prominenteng pagkontra. Madalas, kahanay pa niya sina Duterte at Binay sa mga posisyong taliwas kina Roxas-Aquino. Ang lumutang pa nga ay mga pahayag niyang pabor kay Aquino: tutol sa korupsyon, nagdulot ng kaunlaran, gagawing anti-corruption czar – dahilan para maakusahan siyang lihim na kandidato nito.

Bagamat umuupak din si Binay kina Roxas-Aquino, para sa marami ay nahuli na ito. Dapat ay ginawa niya ito noong kasagsagan ng mga mayor na isyung tumama sa gobyernong Aquino. Pagkatapos, siya talaga ang pinuruhan ng operasyon ng paninira – o mas eksaktong tawaging “pangwawasak” – nina Roxas-Aquino. Halatang umasa siya sa pinalutang na posibleng pagsuporta ng magkakapatid na Aquino, o sa hindi pagtodo ng pag-upak nina Roxas-Aquino sa kanya. Mali ang kanyang tantya at ano man ang dahilan ay hindi siya epektibong nakasalag.

Sa eleksyon sa Pilipinas, kakambal ng popularidad ang suporta ng malalaking kapitalista – bilang tagapagpondo para maging popular o bilang ani mula sa pagiging popular. Sa kaso ni Poe, nalantad nitong nakaraan ang matagal na namang alam ng marami – na sinusuportahan siya ng malaking kapitalistang si Danding Cojuangco, dating kroni ng diktador na si Ferdinand Marcos. Syempre pa, hindi kapani-paniwalang walang kapalit ang ganitong pagsuporta.

Sa kaso ni Duterte, nagsimula siyang tila walang suporta ng malalaking kapitalista. Pero makikita sa propaganda at mga patalastas niya ang pagbuhos ngayon ng suporta. Katas na kaya ito ng pangako niyang “papatayin” ang mga unyonista sa ilalim ng Kilusang Mayo Uno at pagpayag sa dayuhang pag-aari sa lupa sa Pilipinas kapag nahalal? Nitong huli, mga kapitalistang Tsino naman ang kinakabig niya sa pagposisyon niya sa alitang teritoryal ng Pilipinas at China. Halata rin, simula’t sapul ng kampanya niya, ang suporta ng kampo ni Macapagal-Arroyo mismo.

Alan Fletcher3

May dalawang Duterte: ang maton na padaskul-daskol magsalita sa kung anu-anong isyu, at ang tusong pulitiko na may tantyadong panghatak sa iba’t ibang pwersang pampulitika sa bansa. Madalas, ginagamit ng ikalawa ang una bilang pantago. Pero sa dulo, magkasanib sila: lumalabag siya sa takbo ng dominanteng pulitika nina Roxas-Aquino para kabigin ang iba’t ibang grupong pampulitikang na-etsapwera, mabuti man o masama. Siya ang tagalabas na gustong pumasok sa sentro ng kapangyarihan, ang probinsyano na gustong maluklok sa Malakanyang.

May nakakabahalang balitang kasama ang pinakahuling survey ng SWS: numero uno na si Sen. Bongbong Marcos (26%) sa mga kandidato sa pagka-bise-presidente. Narito na ang pagkakasunud-sunod: Sen. Francis Escudero (21%), Camarines Sur Rep. Leni Robredo (19%), Sen. Alan Peter Cayetano (13%), Sen. Gregorio Honasan (5%), at Sen. Antonio Trillanes (5%).

Bakit malakas at nanguna si Marcos? Marami nang dahilan ang nabanggit. Una, ang boto mula sa sinasabing solidong Norte, na balwarte ng kanyang ama, at sa Silangang Visayas, na balwarte ng mga kamag-anak niya sa ina. Maikukumpara naman ang pagkahati ng pamosong botong Bicol sa pagitan nina Escudero ng Sorsogon at Robredo ng Camarines Sur. Ikalawa, ang komposisyon ng mga botante: kung hindi man masyadong bata para matandaan ang pandarambong at panunupil noong Batas Militar, ay kailangang paalalahanan ng lagim nito.

Syempre, huwag nang banggitin ang napakalaking yamang hawak pa rin ng mga Marcos, at ang pagkabigo ng rehimen ni Cory Aquino at mga sumunod na rehimen – kasama na ang ikalawang Aquino na pangulo – na papanagutin ang mga Marcos sa kanilang malulubhang krimen sa sambayanan. Binanatan lang ng unang pangulong Aquino si Marcos sa isang panahon at nang hindi todo – para sa mga layuning taktikal, hindi para sa katarungan. Kakatwang sinasamantala ng batang Marcos ngayon ang disgusto sa batang Aquino para palakasin ang sariling kampanya.

Pero malaking salik din ang pagiging iilan ng maingay na kritiko ni Marcos at, kakambal nito, ang pagsuporta pa nga ng maraming kampong pampulitika sa kanya. Sinu-sino ang mga kritiko? Ang Campaign Against the Return of the Marcoses to Malacañang o CARMMA na pinapangunahan ng mga progresibong organisasyon ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan. Sa mga tumatakbo sa presidente at bise-presidente, si Robredo lang ang umuupak, at nitong huli na lang, dahil alam niya ang pakinabang na makukuha sa pagtuligsa sa nangungunang kandidato.

Alan Fletcher4

Sa kabilang banda, sinu-sino sa mga kandidato sa pagkapangulo ang nakikipagmabutihan kay Marcos? Dalawa sa mga nangunguna, sina Poe at Binay, ang walang sinasabing masama laban at nanliligaw pa nga rito. Pero mayroong masasabing higit sa nakikipagmabutihan ay nakikipagtulungan kay Marcos – si Duterte mismo. Sa anong paraan? Bukod sa hindi tinutuligsa, tahasan niyang pinupuri ang mga Marcos at ang kanyang kampanya sa “kapayapaan at kaayusan” ay nagsisilbing pansuporta kay Marcos, higit pa nga sa bise niyang si Cayetano.

Huwag magpabulag sa pasabog na pag-upak ni Cayetano kay Marcos sa unang debate ng mga kandidato sa pagka-bise; isinasalba lang niya ang kampanya niya. Hindi inuupakan, bagkus pinupuri, ni Duterte si Marcos. Sa tindi ng mga krimen ng mga Marcos sa sambayanan, hindi sapat ang “Kung hindi kayo magboto kay Alan, ’wag na rin ninyo akong botohin” galing kay Duterte. Ang kailangan ay tahasang pagtuligsa, lalo na’t nangunguna na sa survey si Marcos – kahit man lang para lumakas si Cayetano at madala niya ito sa pangunguna.

Lantad din ang malakas na pangangampanya ng ilang seksyon ng militar at pulisya para sa tambalang Duterte-Marcos. Sa totoo lang, mukhang ang direktang pagtutol ni Prop. Jose Maria Sison ng National Democratic Front of the Philippines – na nililigawan din ni Duterte – noong pinapalutang pa lang ang posibilidad ng tambalang ito, ang tanging nakapigil sa direktang pagtakbong magkasama ng dalawa sa eleksyong ito.

Sa dulo, mahirap ituring na wala na sa karera si Roxas, sa harap ng napakatagal at napakarami niyang pagpupursige na maging presidente. Parang imposible na ang muling pagbibigay-daan niya sa ibang kandidato, at pabor pa rin sa kanya ang galaw ng mga pwersang pampulitika na maka-Aquino.

Pero malaki-laking pagsisikap ang kailangang gawin ng kampong Roxas-Aquino para umangat sa survey at mapagmukhang kapani-paniwala ang pandaraya para kay Roxas sa natitirang ilang araw bago ang eleksyon. Sa tinatakbo ngayon, pag-angat sa survey at pandarayang elektroniko na lang ang tanging tsansa niyang manalo nang kapani-paniwala. Ang nabubuong pagtingin: Kailangang abangan at maagap na ilantad at labanan ang mga susunod na maniobra ng kampo niya.

19 Abril 2016

Galing ang mga likhang sining ni Alan Fletcher dito.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: