Instrumentalismo at Kidapawan

Hearth Post Kinabagat Ifugao

Napakalaking krimen ang ginawang pamamaril at pagpatay sa mga magsasakang payapang nagprotesta noong Abril 1 sa Kidapawan City, North Cotabato. Matalas na nasapul ng sumikat na hashtag sa social media na #BigasHindiBala ang kawalang-katarungan ng paggamit ng baril laban sa mga magsasakang humihingi lang ng bigas na makakain bilang tulong ng gobyerno sa panahon ng tagtuyot dulot ng El Niño.

Mas malamang, gayunman, na ang ikinabahala ng mga opisyales ng gobyerno ay hindi ang mismong pamamaril at pagpatay sa mga magsasakang nanawagan ng bigas. Mas malamang, ang ikinabahala nila ay ang katotohanang maraming video footages na nagpapakita na mga pwersa ng Estado ang siyang nagsimula at mismong nagsagawa ng karahasan. Dawit samakatwid silang opisyales ng gobyerno na nag-utos ng pandarahas.

Sa harap ng mabigat na krimen at matibay na ebidensya, maaasahan nang hakbangin ng gobyerno – kung gusto nitong bigyang-katwiran ang pandarahas at umiwas sa pananagutan, at malinaw na ganito nga ang gusto nito – ang maglabas ng masasahol na kasinungalingan. Sa takbo ng mga pangyayari, ang napiling kasinungalingan ay: Ginamit ng Kaliwa – militante, Komunista, New People’s Army – ang mga magsasaka.

Dahil ang Kaliwa ang gustong idiin ng gobyerno, mahalaga sa paghahasik nito ng kasinungalingan ang mga espesyal na ahente nito laban sa Kaliwa, na mas mapanlinlang dahil nagpapakilalang galing sa Kaliwa: ang Akbayan. Hindi kataka-takang walang kapaguran, halimbawa, ang mag-inang akademikong Akbayan na sina Sylvia Estrada-Claudio at Leloy Claudio sa pagpapalaganap ng naturang kasinungalingan sa Facebook.

Siguro’y kumuha sila ng payo kay Gabriel Claudio, bayaw ni Sylvia at tiyuhin ni Leloy, na tagapayo ni Gloria Macapagal-Arroyo noong masaker sa Hacienda Luisita noong Nobyembre 16, 2004: sisihin ang Kaliwa! Kung may magtatyaga lang, madaling ilantad ang pagiging reaksyunaryo at mababaw ng mga sulating “akademiko” nila, at anumang kasikatan nila sa social media ay dahil sa mga loyalista ni Noynoy Aquino at anti-Kaliwa.

Sa ganitong konteksto mailulugar ang “Lessons from Kidapawan: The left and the question of accountability,” sanaysay ng isang Emman Hizon. Nagpapakilala siya sa artikulo na “research and policy analyst” ng Active Citizenship Foundation na ngayon lang narinig ng marami. Pero noon, nang nantaboy siya ng mga aktibistang nagprotesta sa presscon ng Akbayan, tahasan siyang nagpakilalang opisyal sa propaganda ng grupo.

Jorge Pineda A Young Nation

Para ilusot ang puntong may kasalanan din ang Kaliwa sa nangyari sa Kidapawan, todo ang pagpapanggap ni Hizon. Kesyo ang gobyerno naman talaga ang pangunahing may pananagutan. Kesyo 18 taon na siyang sosyalista, at sinsero at seryoso ang kanyang pag-aanalisa sa sanaysay. Kesyo maalam siya sa mga taktika sa militanteng protestang lansangan. Kesyo ang layunin niya ay iabante ang pulitikang maka-Kaliwa sa Pilipinas.

Sa totoo lang, nakakabwisit basahin ang sanaysay ni Hizon. Sa bulok na paraan pa lang ng paglalatag ng argumento, malalaman mong bulok na ang mismong kongklusyong tinutumbok. Puro akusasyon na walang solidong batayan. May mga bahaging hinay-hinay na pag-iisip, na rururok naman sa todong kasinungalingan. Pinahaba nang husto na parang may bayad ang bawat salita; dinaan sa Ingles sa halip na sa nilalaman.

Ilan munang sekundaryang punto na naglalantad sa kung anong tipo ng “maka-Kaliwa” si Hizon – na kampi sa neoliberal at mapanupil na gobyerno ni Aquino. Una, sabi niya, “nabigo” ang kapulisan na magpatupad ng “maximum tolerance.” Napakabait na paghatol nito. Nasa highway ang protesta, pero nagtatanggol lang, hindi naggigiit ang mga magsasaka. Bawal magdala ng baril sa protesta, pero todong ginamit ito ng pulisya.

Ikalawa, sabi niya, “Ang pakikibaka para sa mas mainam na Kaliwa ay pakikibaka para sa mas mainam na gobyerno.” Hindi ito opinyong maka-Kaliwa kundi opinyong liberal. May katangiang makauri ang gobyerno ngayon: hawak ng malalaking burges-komprador at panginoong maylupa na tuta ng imperyalismong US. Kailangan itong ibagsak, hindi ireporma lang, para makapagtayo ng gobyernong mas mainam.

Nakasalalay si Hizon sa isang susing akusasyon sa Kaliwa, sa tinawag niyang “instrumentalismo.” Kung isasantabi ang mga pangkalahatang satsat niya tungkol rito, ito, aniya, ay ang pagpapasabak ng Kaliwa sa mga magsasaka sa “reaksyunaryong karahasan” para “matuto ng pampulitikang leksyon,” para yakapin ang “armadong pakikibaka.” Aniya, ginusto o pinahintulutan ng Kaliwa na mabaril ang mga magsasaka.

Minsan nang sinagot ni E. San Juan, Jr., Marxistang intelektwal, ang akusasyong may “instrumental na pagtingin sa tao” ang mga maka-Kaliwa, partikular ang mga Marxista-Leninista. Aniya, hindi alam ng mga nag-aakusa ang mayamang tradisyong Marxista. Mas mahalaga, instrumento ng mga anti-Komunista noong Cold War, hindi ng Kaliwa, ang konsepto [“The Struggle for Socialist Transformation in the Philippines,” 1996].

Esteban Villanueva y Vinarao India del campo

Konsepto nga naman ng mga anti-Kaliwa ang instrumentalismo. Pilit nitong inihihiwalay ang Kaliwa sa masang anakpawis na pinaglilingkuran, inoorganisa, at pinagmumulan ng lakas nito. Pinagmumukha nitong masama ang ugnayan ng Kaliwa at masa. Ibinabalik nito sa Kaliwa ang tuligsa ng huli sa kapitalismo at mga naunang sistemang makauri: na pinagsasamantalahan ang masa na parang mga instrumento.

Para kay Hizon, instrumentalismo ang dahilan kung bakit ipinagpatuloy ng mga organisador ng Kaliwa ang protesta kahit “may tsansang papaputukan ng mga pulis ang mga magsasaka” dahil “mayroon nang mga armadong pulis sa lugar bago magsimula ang marahas na dispersal.” Pero dapat suriin ang naganap mula sa mga konsepto at kagamitan sa pagsusuri ng Kaliwa, hindi ng mga anti-Kaliwa tulad ng gusto ni Hizon.

Sa panig ng mga organisador, nagpatuloy ang protesta dahil makatwiran ang hinaing, at hindi pa nakakamit ang taktikal na panawagan. Nagpatuloy ang protesta dahil may nakatakdang negosasyon kay North Cotabato Gov. Emmylou Taliño-Mendoza sa hapon ng Abril 1. Pero agad binalewala ito nina Kidapawan Mayor Joseph Evangelista at Alex Tagum, hepe ng Philippine National Police sa probinsya at sinimulan ang pamamaril.

Makatwiran man ang protesta ay marahas ang Estado. Dahil dito, tungkulin ng mga organisador na tiyakin ang kaligtasan ng mga nagpoprotesta. Alam ang lahat ng iyan ng Kaliwa. Sa kaso ng Kidapawan, hindi nagkulang ang mga organisador sa usaping ito; mas namayani ang pagiging mapanupil ng Estado. Ang problema kay Hizon, agad ang pagsisi niya sa Kaliwa dahil sa anti-Kaliwang konsepto niya, ang instrumentalismo.

Kung susundan pa ang lohika niya, laging dapat maghanap ang mga nagpoprotesta ng posibilidad na magkaroon ng matinding pandarahas, lalo na ng pamamaril, para iatras ang pagkilos. Ilang pulis kaya? Ilang mahabang armas? Ilang distansya mula sa hanay? Kung susundan ang baluktot na lohika ni Hizon, walang dapat maganap na pagmasaker sa nagpoprotesta, pero iyan ay dahil walang dapat maganap na militanteng protesta.

07 Hunyo 2016

Galing ang mga imahen dito.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: