Beyond Good and EdVil

Edberto Villegas Mga Kuwento mula sa Lipunan1

Rebyu ng Edberto M. Villegas, Mga Kuwento mula sa Lipunan: 12 Maikling Kuwento. Quezon City: Pantas Publishing & Printing, Inc., 2016.

“Hindi ka magmamadali,” sabi ni Terry Eagleton, Ingles na kritikong pangkultura, “na magbukas ng nobela ni Jurgen Habermas, pero walang dudang may ilang swabeng maikling kwento na naitatago si Richard Rorty.” May kaibahan, aniya, ang mga posibilidad sa pagkukwento ng pilosopong Aleman at ng pilosopong Amerikano. Paliwanag niya, “kapansin-pansin ang mga pilosopong Anglo-Saxon sa hilig sa mga biro, satirikong hirit, pang-araw-araw na halimbawa, kakatwang anekdota, habang ang mga German na Neo-Hegelian ay hindi [“Steven Lukes,” Figures of Dissent, 2003].”

Si Edberto Malvar Villegas, awtor ng Mga Kuwento mula sa Lipunan: 12 Maikling Kuwento, ay hindi Aleman at hindi rin Anglo-Saxon; hindi rin siya kabilang sa dalawang malaking kampo ng pilosopiya, ang umano’y Kontinental at Analitikong Pilosopiya, na kinakatawan ng mga pilosopong may naturang nasyunalidad. Si Villegas, gaya ng alam ng sinumang nagmamasid sa larangang intelektwal sa bansa, ay isang Pilipinong Marxista. Hindi kataka-taka na isa siyang konsultant ng National Democratic Front of the Philippines o NDFP sa usapang pangkapayapaan nito sa gobyerno ng Pilipinas.

Marxista si Villegas at magmamadali kang buksan ang mga salaysay niya – gaya ng dalawa niyang nobela at, ngayon, itong kalipunan ng maiikling kwento niya. Sa kabila iyan ng pagiging awtor niya ng mga seryosong saliksik tungkol sa ekonomiyang pampulitika – sa mga batas-paggawa, moda ng produksyon, pinansyalisasyon, krisis pang-ekonomiya, Das Kapital, at iba pa. Wala naman siguro siyang kwento tungkol sa pag-aaway-bati, pangunahin ang matinding pag-aaway, sa pagitan ng halaga-sa-gamit (use-value) at halaga-sa-palitan (exchange-value) sa ilalim ng sistemang kapitalismo?

Bakit ka magmamadaling buksan ang kalipunan ng maikling kwento ni Villegas? Dahil siguro iyan sa kanyang pampublikong persona – bilang pang-araw-araw na “Sir Ed” o “EdVil,” hindi ang seryosong awtor na “Villegas.” Isang propesor sa Unibersidad ng Pilipinas-Maynila na maalamat sa kanyang mga estudyanteng nagmamalaking naging guro siya. Isang aktibistang palangiti, palabati, at mahilig magkwento. At, higit sa lahat, isang maalab na tagapagsalita sa mga pagtitipon, nag-aapoy ang bibig at damdamin sa mga kabulukan ng naghaharing sistema na kailangang ibagsak ng sambayanan.

EdVil1

Sa Marxismo rin mahuhugot ang pulang hibla na tumatahi sa maiikling kwento ni Villegas sa librong ito. Tinutukoy ko ang diyalektika ng pangkalahatan at partikular – kung paanong magkaiba sila pero magkasanib, hindi magkahiwalay; kung paano nila sinasalamin, hindi sinsarhan, ang bawat isa; kung paano nila pinagtitibay, hindi pinapatay, ang bawat isa. Sabi ng intelektwal na Amerikanong si Bertell Ollman, may naglarawan noon sa mga salita ni Karl Marx na parang paniki – pagsasanib ng ibon at ng daga: lumilipad sa kalangitan habang gumagapang sa kalupaan [Alienation, 1976].

Sa Mga Kuwento mula sa Lipunan, naghahain si Villegas ng mga partikular na nagbibigay ng buhay, dugo at laman sa pangkalahatan. Ang pangkalahatan, ang iba’t ibang uri at grupo sa lipunang Pilipino; ang partikular, ang mga buhay na nilalaman ng bawat maikling kwento. Nagbibigay ng leksyon – humihinga, nasasalat, madaling maunawaan – ang libro hinggil sa iba’t ibang uri at grupong panlipunan, minsan sa kanilang pagtutunggalian, sa hiwalay nilang kalagayan. Masasabing isa itong kapatid na libro ng mga katha ng Philippine Society and Revolution [1970] ni Amado Guerrero.

Kaya naman may kwento rito ng walang trabaho na dating manggagawa, senador na burukrata-kapitalista at mula sa uring burgesya-komprador, taong grasa o palaboy, kriminal o lumpen, burges-komprador, pulubi, estudyante sa kolehiyo na anak ng manggagawa, aktibistang galing sa uring panginoong maylupa, magkasintahang petiburgis sa paaralan, madreng naging New People’s Army o NPA, anak ng burges-komprador, aktibistang detenidong pulitikal. Sa kabuuan, matagumpay ang paglalahad ni Villegas ng mga buhay bilang larawan ng iba’t ibang uri at grupong panlipunan.

Ang interesante at kapana-panabik ay kung paano niya binigyan ng buhay, dugo, at laman ang sentral na karakter ng bawat maikling kwento at ang kinahantungan nila. Ang siklo ng buhay patungong pagkasayang ni Rolly. Ang pagkaligtas ni Senador Juanito L. Montelibano sa isang eskandalo ng korupsyon. Ang malagim na sinapit ni Popoy na bagamat sintu-sinto ay may respeto sa sarili at pagkalinga sa kapwa. Ang kagustuhan ni Zaldy na patunayang matapang siya at matapat sa sindikato. Ang malungkot na sinapit ni Toti Lorenzo, mayamang hindi makapagladlad bilang bakla.

Edberto Villegas Mga Kuwento mula sa Lipunan2

Ang makahulugang paggala ni Kardo sa gitna ng panghihina ng katawan niya. Ang pagpapakamatay ni Kristina bunsod kawalan ng pambayad sa paaralan. Ang buhay at pakikibaka ni, at pagkamatay at pagpaparangal kay, Rico Villaruel. Ang mahigpit na pagyayakapan nina Manny at Kathy na tumungo sa pagkasakal at pagkamatay nila. Ang pagkamulat at pagiging kasapi ng NPA ni Sister Claire Trinidad. Ang pag-abuso ng lalake kay Sonia Medina na naging dahilan para lalo siyang maging playgirl. Ang kahirapang dinanas ng mga aktibista, kasama ang isang “Ka Monico,” sa detensyon.

Ilang tampok na kwento: Sa “Ang Senador,” magmamadali ang mambabasa para makita ang katapusan, at magngingitngit siya rito. Sa “Ang Ulila,” kongkretong naipakita ang marangal na pagkatao ng isang sintu-sinto, na madalas ituring ng lipunan na basura. Sa “Ang Gangster,” naipakita ang salimuot ng sabwatan ng sindikato ng krimen at pulisya. Nakakaantig ang pagkatao ng mga pulubi sa “Ang Mama sa Kariton.” Pabigat nang pabigat ang kwentong “Kristina” habang patungo sa alam nating katapusan nito. Nakakabuhay ng diwang palaban ng mga aktibista ang “Ang Aktibista” at “Sister Claire.”

Hindi karaniwan ang “Sino ang Baliw?” na may talababa: “batay sa tunay na karanasan ng may-akda.” Karaniwan ang pagkukwento tungkol sa kalupitang dinanas ng mga detenidong pulitikal lalo na sa bilangguan ng diktadurang US-Marcos. Pero hindi karaniwang ikwento, at nang detalyado, ang epekto nito sa katinuang mental ng mga detenido, lalo na ng isang kilalang kadre ng Partido Komunista ng Pilipinas, propesor, at aktibista na walang iba kundi si Monico “Ka Togs” Atienza. Mas ang dapat kunin sa kwento ay ang pagiging malupit, malupit, malupit ng diktadura sa mga Komunista.

Bilang mga kwento tungkol sa buhay-buhay, palaisipan sila tungkol sa isa pang bungkos ng usaping Marxista: ang diyalektika ng tao at lipunan, ng indibidwal at uring panlipunan. Materyalista ang Marxismo: hinuhubog ng pag-iral (being) ang kamalayan. Sa mga kwentong ito, may mga indibidwal na nakakulong sa kanilang uri, tampok ang mga naghahari. Pero kinikilala rin ng Marxismo ang paghulagpos ng indibidwal sa kanyang uring panlipunan. Sa mga kwentong ito, may mga maralita na busilak at burak ang kalooban at ang mga nag-NPA ay galing sa uring panginoong maylupa at madre.

EdVil2

Sa unang paglulunsad ng aklat, sinabi ni Prop. Ramon “Bomen” Guillermo na mababasa rin sa maiikling kwento si Villegas bilang pilosopo, nagmumuni tungkol sa kabuluhan ng buhay: Ano nga ba ang makabuluhang buhay? Paano nga ba nagiging makabuluhan ang buhay ng isang tao? Magandang ipaubaya na sa mga mambabasa ang pagtuklas sa naging sagot ni Villegas sa mga tanong na ito –kung sinu-sino, sa wika ni Mao Zedong, ang nabuhay-namatay para sa kapwa, nang kasing-bigat ang Sierra Madre at kung sinu-sino naman ang nabuhay-namatay para sa sarili, nang kasing-gaan ng balahibo.

Hindi ako maalam sa pormang pampanitikan, maging ng maikling kwento. May mga panahong may pakiramdam akong masyadong mabilis ang takbo ng mga kwento, at pwedeng napaigting pa ang mga emosyong hinahatak nito sa iba’t ibang paraan. Pero naisalaysay ang mga kwento sa paraang madulas at naging epektibo pa nga, sa pagtingin ko, ang marami sa mga ito. Hindi ko masasabi kung papasa ito sa mga kritikong pampanitikan, pero kung ang hanap ay kaalaman hinggil sa iba’t ibang uri at grupo sa lipunan, at ang pandama para sa kanila, basahin ang Mga Kuwento mula sa Lipunan.

Iyun naman ang dapat na resulta ng Marxistang kaalaman at salaysay, sa mga partikular na larawan ng pangkalahatan sa kasong ito – ang imulat ang kamalayan, gisingin ang mga emosyon, itulak ang pagpapasya at pagkilos tungo sa pagbago sa umiiral na sistemang panlipunan. Binabasag ng Marxismo ang mahigpit na pag-iiba ng kaisipang burgis sa pagitan ng datos o fact at pagpapahalaga o value, ng pag-iisip at pagkilos, ng utak at puso, ng kamalayan at emosyon. Sa pagsasakongkreto niya ng Marxismong ito sa librong ito at iba pang akda, marapat na pasalamatan at parangalan si Villegas.

17 Hunyo 2016

Magandang parangal sa mahusay na progresibong iskolar na si Cedric J. Robinson ng mahusay na progresibong iskolar din na si Robin D. G. Kelley. Luma na, pero bagong tuklas na parangal ni Joseph G. Ramsey sa nobelistang si E. L. Doctorow, na ang nobelang The Book of Daniel ay  paborito ko. Interesanteng sanaysay ni Benedict Anderson tungkol kay Isabelo delos Reyes. Maganda namang parangal ni Caroline S. Hau kay Benedict Anderson.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: