Maging Hugo Chavez ng Pilipinas

Duterte4

“Si Rodrigo Duterte ay hindi ang Hugo Chavez ng Pilipinas, kaya hindi siya dapat suportahan ng Kaliwa at ng masang anakpawis.”

Ito ang buod ng sanaysay nina Herbert Docena at Gabriel Hetland na “Why Duterte is not – and is unlikely to be – a socialist” na inilimbag sa Rappler.com noong Hunyo 29 at pinaikli at inilimbag bilang “Why Duterte is unlikely to pursue socialism” sa Philippine Daily Inquirer noong Hunyo 30.

Dito, naglahad ang mga awtor ng sumada ng rekord ni Duterte sa pagiging mayor ng Davao City at ng kalipunan ng mga pahayag at hakbangin niya mula noong eleksyon hanggang bago ang panunumpa niya bilang pangulo ng Pilipinas nitong Hunyo 30. Ikinumpara nila ito sa mahigit isang dekadang rekord bilang pangulo ng Venezuela ni Hugo Chavez, na lumaban sa mga neoliberal at militaristang dikta ng US sa kanyang bansa at sa mundo, at nagsulong ng pang-ekonomiya at pampulitikang kagalingan ng kanyang mga kababayan.

Anila, may mga maka-Kaliwa at maging anti-Komunista pa nga na nagpapahiwatig na si Duterte ang Chavez ng Pilipinas o magiging Chavez ng Pilipinas. Pero ang totoo, kaya lumaganap ang pagbanggit kay Chavez kaugnay ni Duterte ay dahil sa mga pahayag ng Communist Party of the Philippines (CPP) mismo at ng pambansa-demokratikong Kaliwa sa bansa. Hindi malinaw kung bakit hindi ito binanggit nina Docena at Hetland, pero ganyan ang karamihan ng mga sulatin ni Docena: kritikal sa CPP at sa pambansa-demokratikong Kaliwa, tahas man o hindi.

Sa kabuuan, sekundarya lang sa sanaysay ang mahabang paghahambing kina Duterte at Chavez, paraan lang para idiin ang pangunahin nilang punto: mali ang pakikipag-alyansa ng Kaliwa kay Duterte.

Pero ang pagbanggit ng CPP at Kaliwa kay Chavez kaugnay ni Duterte ay hindi bilang pagpapahayag ng pagsusuri, na si Duterte ay isang Chavez, kundi ng hamon – na si Duterte ay maging isang Chavez. Ibig sabihin, madaling makita na hindi si Duterte ang Chavez ng Pilipinas, o hindi pa. Pero ibig bang sabihin ay hindi na siya dapat suportahan ng Kaliwa at ng masang anakpawis, gaya ng sinasabi nina Docena at Hetland? Ibig bang sabihin ay mali ang taktika ng CPP at ng Kaliwa sa pagharap sa kanya, gaya ng sinasabi ng mga may-akda?

Malinaw na ang pagsisikap nina Docena at Hetland ay ang magbuo ng progresibong pagsusuri kay Duterte: gumamit sila ng makauring pagsusuri, dinala nila ang talakayan sa dapat na taktika ng Kaliwa, at tumatanaw sila sa tunay na pagbabagong panlipunan sa bansa.

Duterte3

Pero napakalimitado ng kanilang paraan ng pagsusuri – ang pagkukumpara kina Duterte at Chavez. Sa kanilang mga kamay, ang makulay na mga pahayag at hakbangin ni Chavez at maging ang makulay na mga pahayag at hakbangin ni Duterte ay ginagamit sa balangkas ng isang dahop at makitid na pagsusuri. Maaaring progresibo ang kanilang analisis, pero kulang na kulang para maging Marxista. Kulang na kulang din sa pagtatakda ng wastong pagharap na maka-Kaliwa kay Duterte.

Bantog na inilarawan ng Marxistang pilosopong si Georg Lukacs, sa History and Class Consciousness [1971] ang Marxismo, kaugnay ng makauring kamalayan ng proletaryado, na “pagsisikap patungo sa lipunan sa kabuuan nito (aspiration towards society in its totality).” Ibig sabihin, kailangan ng mapagbuo (totalizing) na paggagap sa lipunan: sa pang-ekonomiyang istruktura nito, sa mga uring panlipunan at pwersang pampulitika na bumubuo rito, sa kanilang mga obhetibong interes, sa kongkretong kasaysayan ng kanilang pagtutunggalian, at iba pa. Malayo sa ganito ang pagsusuri nina Docena at Hetland.

Una, wala silang pagkilala na may mga pahayag at hakbangin si Duterte na pabor sa masang anakpawis at sambayanang Pilipino. Pinapalabas nila na ang tanging positibo sa mga pahayag at hakbangin niya ay kaugnay ng CPP at ng buong Kaliwa bilang mga organisasyon o pampulitikang pwersa: pagtatalaga ng mga maka-Kaliwang opisyal sa gabinete at muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan.

Pero maraming pahayag at hakbangin si Duterte na para sa masang anakpawis at sambayanang Pilipino – at iyan ang pangunahing tinatanganan ng Kaliwa. Nawala ang mga ito sa larawang nilikha nina Docena at Hetland. Mga pahayag at hakbangin itong nakadireksyon laban sa kontraktwalisasyon, mapanirang pagmimina, at katiwalian; libreng irigasyon para sa mga magsasaka; pamamahagi ng coco levy funds; Freedom of Information; mas mataas na badyet sa mga serbisyong panlipunan; dagdag-pensyon sa Social Security System; pagpapalaya sa mga detenidong pulitikal; at iba pa. May mga pahayag siyang nakatanaw sa independyenteng patakarang panlabas, tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.

Totoo, marami rito, wala sa kanyang “10-Point Economic Program.” Pero todong ibinida naman niya ang mga ito sa masang anakpawis at sambayanan at umani ng malawak na pagsuporta – higit pa nga sa nabanggit na programa. Magagamit na batayan ang mga ito para ipaglaban ng masa at sambayanan na tuparin niya.

Ikalawa, wala silang pagsusuri sa mga mayor na pampulitikang pwersa sa bansa. Ang nabanggit lang nila ay ang “masayang pagkilala” ng “Goldman Sachs, Bloomberg at iba pang grupong pang-negosyo” sa pagkakahalal ni Duterte. Paano naman ang pagdedeklarang muli ng gobyerno ng US na terorista ang CPP at New People’s Army bago binuksang muli ni Duterte ang usapang pangkapayapaan? Ang babala ng World Bank laban sa pangako ni Duterte na ipapatigil ang kontraktwalisasyon? Ang mga kumpanya ng pagmimina na nagprotesta sa itinalaga ni Duterte na sekretaryo na may saklaw sa operasyon nila?

Duterte8

Makaisang-panig sa negatibo ang pagsusuri nila kay Duterte mismo. Minaliit nila ang tatlong dekadang pakikipagtulungan nito sa Kaliwa, partikular sa NPA mismo. Hindi man siya nagpatupad ng sosyalismo sa Davao, may mga hakbangin siya doon na mas abante kaysa sa kalakaran sa Pilipinas. Hindi nila gagap ang importansya na sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan, may pangulo ng Pilipinas na nagmamalaking dating miyembro ng Kabataang Makabayan, miyembro ng Bagong Alyansang Makabayan, “maka-Kaliwa” at “sosyalista” pa nga, at may malapit ang ugnayan sa mga Komunista at armadong Kaliwa – bukod pa sa maraming kritikal na pahayag laban sa oligalrkiya sa bansa at gobyerno ng US.

Mas mahalaga, wala sa kanilang pagsusuri ang malawak na masang anakpawis at sambayanang Pilipino. Sila na naghahanap ng pagbabago at nakatingin ngayon kay Duterte – dahil sa pagsahol ng krisis ng lipunang malakolonyal at malapyudal, dahil sa pagkalantad sa kabulukan ng neoliberal at militaristang paghahari ni Noynoy Aquino, dahil sa pag-upak ni Duterte sa rehimeng Aquino, at dahil sa mga pangako niyang tumutugon sa matagal nang mga kahilingan ng masang anakpawis at ipinakete pa nga sa “tunay na pagbabago.” Sila ang pinakamahalagang pwersang pampulitika dahil nasa kanilang kamalayan at pagkilos ang hinaharap ng administrasyong Duterte.

Ikatlo, wala silang pagsusuri sa tinakbo ng mga pangyayari na humantong sa pagkakahalal ni Duterte. Hindi nagsimulang malakas na kandidato si Duterte: noong una’y kaduda-duda kung may pondo at makinarya siya para sa isang pambansang kampanya at nagtuluy-tuloy lang ang pangunguna niya sa mga survey isang buwan bago ang halalan. Pero dahil sa kanyang pagdistansya at pagtuligsa sa rehimeng Aquino at maging sa bulok na sistemang pinaghaharian ng oligarkiya at dahil sa kanyang mababangong pangako, nagkaroon siya ng maraming masugid na tagasuporta, humamig siya ng napakaraming boto, at nabigo ang iskemang talunin siya sa pamamagitan ng pandaraya.

Dahil tahimik sina Docena at Hetland sa kung paano ipinatupad ni Chavez ang mga progresibong hakbangin, nalilikha ang impresyon na isang buhos ang mga ito – na mali. Sa kanyang sanaysay na “Social and Political Diversity and the Democratic Road to Change in Venezuela” [2014, nasa librong Latin America’s Radical Left: Challenges and Complexities of Political Power in the Twenty-First Century na inedit niya], sinabi ni Steve Ellner, propesor sa Venezuela, na dumaan sa limang yugto ang pagkapangulo ni Chavez.

Sa mga salita ni Ellner: Una, 1999-2000, moderatong patakarang pang-ekonomiya at moderatong diskurso. Ikalawa, 2001-2004, pagbubuo ng mga batas na anti-neoliberal. Ikatlo, 2005-2006, paglitaw ng balangkas ng bagong modelong pang-ekonomiya sang-ayon sa pagbibigay ng bagong kahulugan sa pribadong pag-aari at diskursong pabor sa sosyalismo. Ikaapat, 2007-2008, pagsasabansa ng mga batayang industriya. At ikalima, 2009-2013, pag-agaw sa pag-aari (“expropriation”) ng malalaking kumpanya pangunahin para makipagkumpitensya ang gobyerno sa pribadong sektor.

Duterte5

Paliwanag niya, “Naimpluwensyahan ang proseso ng radikalisasyon ng mga hangarin ng mga sektor na pampulitika at panlipunan sa loob ng [kilusang Chavista] at ng pang-ideolohiyang tanaw ng pamunuan, pero sa malaking bahagi ay tugon din ito sa mga aksyon at taktika ng mga kalaban ng gobyerno.”

Sa isang pakahulugan, kahit si Hugo Chavez, hindi nagsimula bilang Hugo Chavez ng Venezuela. Siya mismo, naging Hugo Chavez ng Venezuela sa takbo ng kanyang pamamahala, sa gitna ng pakikipagtunggali para sa mga progresibong mithiin niya at ng kilusang sumusuporta sa kanya kontra sa mga kalaban nito.

Mula sa kanilang makitid na pagsusuri, naghapag sina Docena at Hetland ng puna sa Kaliwa at panukalang dapat gawin ng Kaliwa. Tutol sila sa pakikipag-alyansa at Kaliwa kay Duterte. Kesyo hindi raw ito ang mas “mature” at mas “sopistikado” na “estratehiya para kamtin ang katarungang panlipunan.” Kung gaano kayaman ang kanilang karanasan sa pagsusulong ng rebolusyon at sa buong-panahong pakikibaka para sa tunay na pagbabagong panlipunan para gumawa ng ganitong paghusga, hindi natin alam.

At kung ano ang dapat na pagharap kay Duterte, hindi nila masabi nang direkta. Hindi raw Hugo Chavez ng Pilipinas si Duterte, pero dapat daw humalaw ng hakbangin sa mga mamamayang Venezuelan sa naging pagharap nila kay Chavez: “nanindigan sila, mapagbantay na ipinagtanggol ang kanilang awtonomiya, at pinaigting ang antagonistikong mga mobilisasyon laban sa mga elite ng Venezuela na suportado ng US at nagsisikap na patalsikin ang mga sosyalista – habang, kaalinsabay, patuloy na nagdidiin ng presyur sa mga sosyalista na nasa kapangyarihan.”

Ang mapupulot dito ay ang kagustuhan nina Docena at Hetland na ang Kaliwa ay magdiin ng presyur kay Duterte. Pero ang totoo, pumurol sa siping iyan ang direksyon ng sulatin nila. Ang lohikal na tinutumbok nila ay ang ilantad at labanan ang gobyerno ni Duterte, halos walang kaibahan sa naging pagharap ng Kaliwa sa kakatapos ng rehimeng Aquino. Iyan ang tinutungo ng mabangis nilang bansag-pagsusuri rito: “maka-Kanang populista na nagtatago sa kasuotang ‘sosyalista’,” “gustong palakasin ang neoliberalismo,” at may layuning “palakasin sa halip na hamunin ang kapitalismo.”

Dito na sila tinangay ng kanilang makitid na pagsusuri: Hugo Chavez lang ang susuportahan; kung hindi Hugo Chavez, ilantad at labanan. Hindi mahalaga ang mga partikular na kalagayan. Baka kahit sina Evo Morales ng Bolivia at Rafael Correa ng Ecuador, na itinuturing na hindi kasing-radikal ni Chavez, ay hindi pumasa sa kanilang gawa-gawang pamantayan.

Duterte7

Sa balangkas ng pakikipag-alyansa sa gobyernong Duterte, inilatag ni Prop. Jose Maria Sison, tagapangulong tagapagtatag ng CPP noong Hunyo 10 pa lang sa sulating “Prospects Under the Duterte Administration,” kung paanong matitiyak ang paglakas ng rebolusyonaryong pakikibaka sa ilalim ng gobyernong Duterte.

Aniya, “Anumang kasunduan at alyansa sa pagkapangulo ni Duterte ay dapat mabibigyang-katwiran sa paglilingkod sa pambansa at demokratikong mga karapatan at interes ng sambayanang Pilipino. Hangga’t ang naturang pagkapangulo ay umaabante sa ganitong direksyon, anumang pagkontra sa sarili, kagaspangan, o kakulangan dahil sa mga hakbanging ginawa o hindi ginawa ay maaaring maging paksa ng kritikal na pagsusuri at konstruktibong panukala. Papanatilihin ng mga makabayan at progresibong pwersa ang kanilang independensya at inisyatiba. Dapat magmantine ng balanse ng pakikiisa at pakikitunggali, na ang huli ay laging dapat nakatuntong sa makatarungan at makatwirang batayan, na may layuning paunlarin o palakasin ang alyansa.”

Mas mahalaga, malinaw ang pangunahing panawagan niya, hindi lang sa kabataang Pilipino marahil, kundi sa masang anakpawis at sambayanang Pilipino: “ipagpatuloy ang lahat ng kanilang pagsisikap na pagkaisahin ang sambayanan para sa pagbabagsak sa sistemang malakolonyal at malapyudal sa pamamagitan ng digmang bayan at sa paglubos sa pambansa-demokratikong rebolusyon.”

Pero kaduda-duda kung maniniwala rito sina Docena at Hetland. Isa pang problema sa kanila ang walang batayan, kung hindi man irasyunal, na galit sa Kaliwa – sa mga Komunista at sa mga kadikit nila.

Anila, si Duterte ay nakipag-alyansa lamang “sa isang seksyon ng kaliwa” bilang mayor ng Davao. Tahimik sila na ang tinutukoy ay ang pinakamalaki at pinakamilitanteng seksyon ng Kaliwa sa Davao at buong Mindanao na kinabibilangan pa ng armadong lakas.

Parang nakangising kinukutya nila ang mga sekretaryong maka-Kaliwa na itinalaga ni Duterte sa gabinete sa pagtawag sa kanilang “enthusiastic.” Ano kaya ang magandang salin nito? Sabik? Sabik sa kapangyarihan? Sabik sa tungkulin nang hindi alam ang buong kalagayan? Para bang bukod na pinagpala ng kaliwanagang progresibo sina Docena at Hetland.

Pinapalabas nilang makikipagkasundo ang CPP at NPA sa usapang pangkapayapaan sa gobyernong Duterte kahit pa mangangahulugan ito ng “mas malalim na pagpasok ng kapital” sa kanayunan. Malinaw ang unang pangungusap sa sipi kay Sison sa itaas, gayundin ang pangunahin niyang panawagan. Tanging mga galit sa CPP at NPA ang maniniwalang papayag silang maging kasangkapan para payapain ang kanayunan pabor sa mga imperyalista at mga lokal na naghaharing uri.

Hindi man nila naipaliwanag, ang huling panawagan ng kanilang sanaysay ay “Tungo sa isang nagsasarili, independyenteng Kaliwa.” Walang dahilan na isiping ang CPP o ang pambansa-demokratikong Kaliwa ang kanilang tinutukoy – kundi isang kilusan, nasaan man, na nakabukod at kritikal sa mga ito.

Duterte2

Bagamat may pana-panahong pakikiisa siya sa mga ipinapaglaban ng Kaliwa, tuluy-tuloy ang pagtuligsa ni Docena sa huli. Noon, mula sa perspektibang neoliberal at repormista gaya ng Akbayan; ngayon, mula sa perspektibang tila ultra-Kaliwa. Pero konsistent ang lapit: pagtuligsa.

Kaalinsabay ng kakapusan nina Docena at Hetland sa Marxistang analisis sa kongkretong mga kalagayan sa bansa ay ang kanilang di-kritikal na paggamit ng maka-Kaliwang teorya sa pagsuri sa kalagayan ng bansa.

Ang lagom nila sa magiging papel ng mga maka-Kaliwang opisyal ng gabinete ni Duterte: “mas malamang na hihilingin lang sa kanilang gawin ang papel na masayang ipinahintulot ng kapital sa kaliwa sa kasaysayan: ang linisin ang kanilang kalat – at akuin ang sisi.” Lapat ba sa kasaysayan ng Pilipinas ang ganitong paglalahat? Kaliwa ng anong bansa ang kanilang nilalait?

Pero mas malalim ang suliranin sa lagom nila sa “rebolusyon” na inilulunsad ni Duterte, hindi pa man nag-uumpisa, na galing sa Italyanong Komunistang pilosopo na si Antonio Gramsci. Anila, maglulunsad si Duterte ng “pasibong rebolusyon” – “isang rebolusyon mula sa taas na gumagamit ng maka-kaliwang retorika, gumagamit ng mga maka-kaliwang indibidwal, at nagpapakilos pa nga ng ‘masa’ para sa dulo ay palakasin sa halip na hamunin ang kapitalismo.”

Ayon kay Domenico Losurdo, Marxistang pilosopo, tinutukoy ng “pasibong rebolusyon” sa mga sulatin ni Gramsci “ang tuluy-tuloy na kakayahang mag-inisyatiba ng burgesya na nagtatagumpay, maging sa historikal na yugto kung kailan tumigil na itong maging tunay na rebolusyonaryong uri, na lumikha ng makabuluhang mga transpormasyong sosyo-pulitikal, pinapanatili nang may seguridad sa sariling mga kamay ang kapangyarihan, inisyatiba at hegemonya, at iniiwan ang mga uring anakpawis sa kanilang kalagayan ng pagkaduhagi (subalternity).”

Sa sanaysay niyang “The limits of passive revolution” [2010] kung saan galing ang sipi kay Losurdo, inilinaw ni Alex Callinicos, Marxistang iskolar, na ang tineorya ni Gramsci sa konseptong iyan ay ang pagpapanatili ng burgis na paghahari “sa isang epoka ng krisis, gera at rebolusyon.” Partikular ang mga mayor na pagbabago sa Italya – pangunahin ang Risorgimento ng ika-19 na siglo at sekundarya ang paghahari ng pasismo sa pangunguna ni Benito Mussolini. Ipinakita niyang binanat ni Gramsci ang konsepto mismo at tinuligsa niya ang lalong pagbanat dito sa kasalukuyan.

Kailangan ng malalimang pagsusuri, samakatwid, sa kalagayan sa Italya sa mga panahong nabanggit at sa Pilipinas sa kasalukuyan para mapangatwiranan ang paggamit ng konsepto ng “pasibong rebolusyon” sa gobyerno ni Duterte. Isang antas sa moda ng produksyon; isa pa sa pampulitikang sitwasyon. Hindi ito ginawa nina Docena at Hetland, sa kabila ng tila malaking pagkakaiba ng Risorgimento at pasismo sa kapitalistang Italya sa isang banda at ng malakolonyal at malapyudal na Pilipinas sa ilalim ni Duterte sa kabila.

Duterte6

Anuman ang kawastuhan ng paggamit ng konsepto ng “pasibong rebolusyon” ngayon sa Pilipinas, mali ang pagtingin nina Docena at Hetland na mas ang imperyalismong US at mga naghaharing uri sa bansa ang makikinabang sa pakikipag-alyansa ng Kaliwa sa gobyernong Duterte.

Malinaw ang mga pahayag ng Kaliwa kung paanong lalakas ang rebolusyonaryong pakikibaka sa kasalukuyang kalagayan, ginagabayan ng mga prinsipyo ng pakikipag-alyansa, ng pagtatakwil sa repormismo at pagsusulong ng pakikibaka para sa reporma sa balangkas ng pagpapalakas ng rebolusyon, at tuluy-tuloy na pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos para sa tunay na pagbabagong panlipunan.

Sa panig nina Docena at Hetland, naglahad sila ng sariling “estratehiya” ng pagharap sa gobyernong Duterte. Hindi natin alam kung tunay nilang maisasapraktika ito, labas sa paggamit dito para tuligsain ang Kaliwa at magpabango sa mga indibidwal at grupong anti-Komunista at anti-Kaliwa sa labas ng bansa.

Pero lumang tugtugin na ito: mas malamang na mangyari kaysa sa prediksyon nila sa Kaliwa na, pagkatapos ng ilang taon, dahil sa kadahupan sa ideolohiya, mananatiling walang rehistro sa pulitika ang kanilang kilusan at mananatiling maliit ito bilang organisasyon.

16 Hulyo 2016

Galing ang mga larawan sa Facebook Page na President Rodrigo Duterte.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: