Peace Talks at Pangakong Pagbabago

diego-rivera1

Masama ang mga pinakahuling balita tungkol sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Masama rin ang implikasyon ng mga ito sa ipinangakong “tunay na pagbabago” ni Pang. Rodrigo Duterte.

(1) Kung matatandaan, ilang buwan nang kinokondena ng NDFP ang mga paglabag ng militar sa ceasefire o tigil-putukan na idineklara ng mismong gobyerno. Inilista ang mga paglabag na ito ni Atty. Edre Olalia ng NDFP: “pag-okupa… sa mga istrukturang sibilyan gaya ng paaralan, health center, tahanan; pagpaslang at pagdukot sa mga magsasaka at sibilyan; pagbansag at pagbanta sa mga sibilyan na umano’y tagasuporta o simpatisador ng [New People’s Army] o mga adik sa droga; pagpakat sa mga erya na itinuturing ng NDFP na teritoryo nito sa tabing ng ‘civil relations’ o ‘peace and development operations’.”

Nagbanta na nga noon ang Communist Party of the Philippines (CPP) at NPA na tatapusin ang kanilang idineklarang tigil-putukan. Agrabyado nga naman ang NPA kung hindi ito makakalaban sa harap ng mga atake ng militar. Mas agrabyado pa ang mga magsasaka at pambansang minorya na dumadanas ng iba’t ibang paglabag sa karapatang pantao.

At binawi nga ng CPP at NPA ang kanilang tigil-putukan at naglunsad ng depensibong mga aksyon laban sa mga atake ng militar. Pero malinaw ang pahayag nito: Pwede at dapat ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan kahit naglalabanan ang militar at NPA. Kung tutuusin, ganito ang matagal nang kalakaran – usapan habang may putukan – at ngayon lang ulit sa ilalim ni Duterte ang mga tigil-putukan.

Pero malabis ang tugon ni Duterte, bukod sa pagbawi sa tigil-putukan na idineklara ng gobyerno: tinapos ang usapang pangkapayapaan, pinawalang-bisa ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees o JASIG na mahalaga sa pagpapatuloy ng negosasyon, tinawag na “terorista” ang CPP at NPA, at nagdeklara ng “all-out war” o “todo-gera.” Kaalinsabay nito ang iba’t ibang atake sa NPA at paglabag sa karapatang pantao ng mga inaakusahang tagasuporta nito.

diego-rivera2

Ang tugon ng CPP-NPA-NDFP: paglaban sa todo-gera ng militar, habang nagbababala sa mga paglabag sa karapatang pantao ng mga pinagbibintangang kasapi o tagasuporta nila. Pero malinaw pa rin nilang binubuksan ang pinto para sa usapang pangkapayapaan. Tampok sa panawagang ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan si Prop. Jose Maria Sison, punong pampulitikang konsultant ng NDFP, tagapangulong tagapagtatag ng CPP, at dating propesor sa kolehiyo ni Duterte.

(2) Noong eleksyon, matatandaang maraming ipinangako si Duterte na pabor sa mamamayan sa pakete ng “tunay na pagbabago,” kahit pa babangga sa mga tinawag niyang “oligarkiya” o iilang mayayaman at makapangyarihan sa bansa. Inunawa ang islogan niyang “tapang at malasakit” na malasakit para sa karaniwang mamamayan at tapang laban sa mga bumabangga sa interes nila.

Hindi magandang indikasyon ang pagtapos ni Duterte sa peace talks sa NDFP sa ipinangako niyang pagbabago. Una, sa isang pakahulugan, maliit na pagbabago na ito: isa ito sa ipinag-iba niya sa mga sinundang pangulong sina Noynoy Aquino at Gloria Macapagal-Arroyo na sumabotahe sa usapang pangkapayapaan at naglunsad ng todo-gera sa NDFP.

Ikalawa, daluyan ang usapang pangkapayapaan ng mga panukalang reporma at pagbabago na maaari niyang ipatupad. Saktong ang pinag-uusapan ay ang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms o CASER na siyang esensya ng usapang pangkapayapaan. Ang panukala ng NDFP: tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, karapatan ng masang anakpawis at mamamayan, proteksyon ng kalikasan, kapakanan ng mga pambansang minorya, progresibong patakarang panlabas at pampinansya, at iba pa.

Ikatlo, pagbubukas ito sa mga pwersa ng pagbabago sa bansa. Kung tunay mang magsusulong si Duterte ng pagbabago, ang makakakampi talaga niya ay ang Kaliwa at ang mga mamamayan mismo. At kung tunay mang magsusulong siya ng pagbabago, dapat maging malinaw na kampi siya sa Kaliwa at mga mamamayan kaysa sa US, sa kampo nina Noynoy at Leni Robredo, sa mga oligarkiya at militar.

diego-rivera3

(3) Sa kabilang banda, balansehin natin: Ito na ang pinakamalayong narating ng usapang pangkapayapaan, ang pinakamatagal na tigil-putukan sa pagitan ng gobyerno at CPP, at makasaysayang muling nakapagpalaya ng mga bilanggong pulitikal. Lahat ng ito, kaugnay ng isa sa pinakamatagal na armadong insurhensya sa buong Asya at mundo. Sa puntong ito, lamang si Duterte kina Noynoy at Arroyo. Pero “tunay na pagbabago” ang ipinangako niya, at wala pa ito sa kalingkingan at sa makatarungan.

(4) Kung tutuusin, ang pagtapos sa usapang pangkapayapaan ay ang pinakahuli sa mga napakong ipinangakong pagbabago ni Duterte. Independyenteng patakarang panlabas daw, pero patuloy ang US sa ehersisyo ng mga pwersang militar nito at ang pagtatayo ng mga base-militar nito sa bansa. Ibabasura raw ang kontraktwalisasyon, pero regularisasyon lang pala sa mga agency. Ngayon, pati pagbabawal ni Sec. Gina Lopez ng Department of Environment and Natural Resources sa mapangwasak na pagmimina, nanganganib baligtarin.

Itataas ang pensyon sa Social Security System, pero may dagdag-premium din. Libreng edukasyon sa kolehiyo raw, pero modus operandi pala para magpatupad ng iskemang ladderized tuition sa maraming paaralan. Papalayain daw ang mga bilanggong pulitikal, iyun pala, itinuturing silang “alas” sa usapang pangkapayapaan. Lahat ng ito, sa konteksto ng malaganap na ekstra-hudisyal na pagpaslang at paglabag sa karapatang pantao dahil sa “gera kontra-droga.”

(5) Lalong nagiging malinaw, samakatwid, na hindi maaasahan si Duterte na magdulot ng pagbabago sa sarili niya – kahit pa ito ang ipinangako niya at kahit nagpakita siya ng kahandaang magpatupad ng maliliit na pagbabago. Ginagamit pa ngayon ng US, ng oligarkiya at militar, at ng pangkatin nina Noynoy at Robredo ang mga paglabag sa karapatang pantao dulot ng gera kontra-droga para bantaan ng pagpapatalsik, gipitin at pasunurin si Duterte. Kahit siyang pangulong nangako ng pagbabago ay kailangang pwersahin ng mga mamamayan na magdulot nito.

Ang mga pahayag at pagkilos na mismo ni Duterte ang lalong naglilinaw sa mamamayan na kailangang palakasin ang mga protesta at ang paglaban para sa tunay na pagbabago sa ating bayan.

14 Pebrero 2017

Galing ang mga larawan ng mural ni Diego Rivera rito.

Advertisements

Mahusay pa rin ang Buwan at Baril

johnson-tsang1

Madalas mabanggit ang “Buwan at Baril” ni Chris Millado bilang isa sa mga klasikong dula na kontra sa diktadurang US-Marcos at isa sa mga klasikong dulang makabayan. Nang ipalabas ito ngayong taon, may mga kaibigang nagsabi sa aking manood, dahil maganda raw at nakakaiyak pa nga. Kaya naman nanood ako, at hindi ako nabigo.

Binubuo ang “Buwan at Baril” ng limang istorya ng mga taong lumaban sa diktadura, partikular noong umigting ang pakikibaka nang paslangin si Sen. Ninoy Aquino petsa Agosto 21, 1983. Sa mensahe niya sa souvenir program ng dula, sinabi ni Millado na isinulat niya ito noong 1984, panahong kahit ang UP School of Economics ay nagsasabing binabayo ng matinding krisis ang bansa. Nasa iba’t ibang bahagi ng dula ang mga palatandan ng panahon: Lakbayan, August Twenty-One Movement, dilaw na confetti sa Makati, mga kamisetang may laman ng panawagang boykoteo sa eleksyon at larawan ni Ninoy, at iba pa.

Pero ang mainam sa dula, makabuluhan ang mga kwento lampas sa partikular na panahon na inilalarawan nila. Ang una, tungkol sa pagtatagpo ng magkapatid na magsasakang aktibista at manggagawang unyonista’t welgista sa Lakbayan nang dumating ang huli sa Metro Manila. Ang ikalawa, ang pagkukwento ng babaeng Itawis, isang pambansang minorya, sa tulong ng isang paring kumukupkop sa kanya tungkol sa pagpatay ng militar sa kanyang ama sa batayan ng akusasyong kasapi ito ng New People’s Army o NPA.

Ang ikatlo, ang pakikipag-usap ng isang socialite sa kanyang kasambahay tungkol sa kanyang pakikisangkot sa pakikibakang anti-Marcos. Ang ikaapat, ang pagsundo ng isang babaeng aktibista sa bangkay ng asawa niyang NPA, ang pagluluksa sa pagkamatay nito, at pagpapaalam dito. At ikaapat, ang pag-aresto, interogasyon at pagtortyur ng pulisya sa isang estudyanteng aktibista.

Ang kagyat na mapapansing kapuri-puri sa dula ay ang script. Kongkreto at buhay ang mga karakter, ang mga kwento ng buhay nila, at ang kwento ng mga buhay na inilalahad nila. Sabi ni Millado, “Lahat ng karakter… ay batay sa mga aktwal na taong nakilala ko, nakatrabaho, naengkwentro nang saglit, nabasa at nabalitaan sa mga lihim na pulong, piketlayn, mahabang martsa, demonstrasyon, pakikipamuhay, at barikada.” Makikitang matalas magmasid ng mga tao si Millado at lumubog siya sa kanilang saya, pighati, pag-ibig, drama, kakwanan, kakengkuyan at iba pang emosyon. Ito siguro ang aspetong “Buwan” sa titulo.

johnson-tsang2

Pero ang mahusay rin sa dula ay kung paanong nagtutulungan ang bahaging personal na ito at ang pulitikal – ang komitment hindi lang sa pakikibakang anti-diktadura, kundi sa pakikibaka para sa rebolusyunaryong pagbabago ng lipunan. Ito naman siguro ang aspetong “Baril” sa titulo. Pinasok ng dula ang personal hindi para magpakaligaw at magpakulong dito, kundi para paglingkurin ang mga nilalaman nito sa personal na katatagan sa kolektibong pakikibaka, at sa pampulitikang pakikibaka mismo.

Kaya dadalhin ka ng dula sa samu’t saring emosyon – sa paraang may bahaging marahan at may bahaging todo – para ibalik sa aktibismo at rebolusyon. Dito, mahigpit na magkaugnay, hindi magkabangga, ang buwan ng personal na buhay at ang baril ng pulitikal na pakikibaka.

Pinakamatining ang kakayahang ito sa kwento tungkol sa babaeng kumuha ng bangkay ng asawa niyang NPA. Dumaan siya sa matinding pagkwestyon sa prinsipyo at pakikibaka, pero humantong sa mas matatag na pagtangan dito; sa pakiramdam ng pagiging mag-isa pero tumungo sa pakiramdam ng pagiging kasama ng marami; sa pag-aakala ng kawalang-saysay ng kanyang buhay at kamatayan pero dumulo sa pag-unawa sa ibayong kabuluhan nito. Marami sa mga kasabayan kong manonood na may pampulitikang kamulatan ang marahang nagpunas ng luha at narinig ang mga pigil na singhot. Narito na yata ang pinakamasakit pero pinakamatamis na flying kiss na nakita ko sa buong buhay ko.

Ang mahusay na script, nabigyang-buhay ng magaling na pagganap ng mga aktor sa ekspertong direksyon ni Andoy Ranay. Napakagaling ni Angeli Bayani na gumanap na babaeng Itawis. Ang pananalita niya, waring Ilocano, pero ibang wika pa. Hindi na naisalin ng tagapagsalin niyang pari na si JC Santos ang mga sinasabi niya, pero mauunawaan mo nang malinaw, sa tulong ng ilang susing salita at marubdob na emosyon. Marami ang nagtanong pagkatapos: talaga bang wika ni Bayani ang sinambit niya? Dahil galing sa puso, at tagos sa puso.

Napakahusay rin ni Mayen Estañero na gumanap na asawa ng patay na NPA. Mahusay niyang naipakita ang pagmamahal, lungkot, poot, saya, pangungulila, pagluluksa at samu’t saring emosyon sa tagpong iyun ng buhay. Asawang-asawa, nanay na nanay, aktibistang aktibista siya.

Dapat ding papurihan si Jackie Lou Blanco na gumanap na socialite – kalakhan nang suot ang bathrobe lang. Binigyang-buhay niya ang mahabang monologo at binigyang-ligaya niya ang manonood nang ipinapakita ang kanyang karakter, na siguro’y papasang isa sa “Titas of Manila” ngayon: ang kanyang mga tunggaliang pinasok, saya at lungkot, pagdadalawang-isip sa pakikibaka, at iba pa. May nagsabing ang modelo niya sa pagganap ay si Maita Gomez, aktibista at dating NPA, na lumabas ang larawan bago nagsimula ang kwento. Namulat si Maita noong First Quarter Storm ng 1970 habang ang karakter ni Blanco ay noong dekada 80 na, pero sinumang namangha kay Maita ay makakaalala sa kanya sa naging pagganap ni Blanco.

johnson-tsang3

Maraming interesante at nakakapagpaisip sa dula. Matapang ito sa pagpapakita ng mga panganib at sakripisyo na hinaharap ng mga aktibista at rebolusyunaryo, pero malinaw rin ito sa pagpapakita ng mga paninindigan, kwento, alaala, pagiging tuso sa kaaway, at iba pang rekurso nila sa pagharap at pag-alpas. Matapang bagamat maingat din ito sa pagdadala ng mga impormasyon lalo na kaugnay ng kilusang lihim: mula sa pagbilang ng babaeng Itawis sa 21 sundalong dumukot sa kanyang ama hanggang sa pagpapanggap ng asawa na pinsan niya ang patay, hanggang sa pagkatuklas ng nakasulat na talambuhay ng estudyanteng aktibista.

Ang sinasabing kagyat na dahilan kung bakit muling ipinapalabas ang dula ay para kontrahin ang rebisyunismo sa kasaysayan hinggil sa diktadurang US-Marcos na naglalatag naman ng landas para sa pagpapanumbalik ng mga Marcos sa Malakanyang. Idagdag pa marahil ang gisingin ang alaala para palakasin ang paglaban sa malaganap na ekstrahudisyal na pagpaslang at paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ni Rodrigo Duterte.

Pero higit-higit pa diyan ang halaga at bisa ng “Buwan at Baril.” Kumbaga’y kinuhanan ni Millado ng larawan ang isang panahong malakas at maigting ang pakikibaka – hindi lamang laban sa diktadura kundi sa buong bulok na naghaharing sistema – at ipinapakita ang naturang larawan ngayon. Katulad rin marahil ng paggunita ng naunang henerasyon ng mga aktibista’t rebolusyunaryo sa FQS. Pinapalawak ang ating kaalaman at pag-unawa, binibigyan tayo ng inspirasyon at ahitasyon tungkol sa mga nagawa na at posible pang makamit na maaaring tanganan ngayon at lampasan sa hinaharap.

Sino nga ba iyung makatang nagsabing hindi mo pwedeng gawan ng buod ang isang tula? Ganoon pala iyun: Kapag napakaganda at napakahusay ng isang likhang-sining, walang anumang paliwanag o rebyu ang sasapat para ipagagap ito. Kailangang maranasan ito mismo ng mga tao. Kaya sinasabi ko sa lahat: panoorin ang “Buwan at Baril”! At marapat sabihan ang mga nasa likod ng dula: Padayon, itanghal sa buong bayan!

06 Pebrero 2017

Galing ang mga larawan dito.

Basahin at palaganapin natin ang magandang sulating ito ni Lizzie Presser na may mga larawan ni Kevin Kunishi tungkol sa kalagayan ng mga Pilipinong seaman. Maganda naman ang saliksik ni Arnold Padilla tungkol sa pagiging militaristang Amboy ni Delfin Lorenzana, secretary ng national defense.