Talunin si Rodrigo Duterte sa eleksyong 2022. Ito ang hinangad at pinag-isipan ng maraming Pinoy sa social media nang matalo si Donald Trump sa eleksyong pampresidente sa US nitong Nobyembre.

Syempre, bawal nang tumakbo si Duterte sa eleksyong 2022. Pero pwede siyang magmaniobrang manatili sa pwesto. At kung matuloy man ang eleksyon, tiyak — sa bigat ng mga krimen niya at takot niyang mapanagot — magpapatakbo siya ng kandidato niya bilang proteksyon. Prominente ngayon ang mga pangalan ng mga posibleng kandidato niya. Paano siya tatalunin?

Marami na ang nagsikap humalaw ng leksyon sa eleksyon sa US. Nabanggit na ang pangangailangan ng malapad na nagkakaisang hanay — Kaliwa, gumigitna, Kanan, lahat — laban sa pinakamakitid na kalaban. Ang nakaupo, lalo na kung lantad na pasista, ang siyang pinakamakitid na kalaban. Napapahina ang buong naghaharing sistema sa paglaban at pagpapatalsik sa kanya.

Nabanggit na ang kawalan ng esensyal na pagkakaiba ng rehimeng Trump sa papalit ditong rehimeng Joseph Biden pagdating sa mga neokolonya gaya ng Pilipinas. Kaugnay nito, malinaw ang aral sa pagpapatalsik sa diktadurang Marcos at rehimeng Estrada: hindi kusang binibitawan ng US ang tutang pangulo nito sa bansa; napupwersa lang ito ng malawak na protesta ng sambayanan.

Nabanggit na rin ang pangangailangang palakasin ang kilusan at panawagan para patalsikin si Duterte ngayon pa lang. Pwede itong humantong sa pagpapatalsik kay Duterte bago ang 2022. O mag-ambag sa pagpapatalsik sa kanya sa pamamagitan ng eleksyon sa 2022. O klasikong 1986: dugasin niya ang eleksyon at mapatalsik siya sa protesta laban dito. Anu’t anuman, hahadlangan ng kilusang pagpapatalsik ang pananatili niya sa pwesto.

Kailangang malinaw ito: bagamat matitindi ang mga isyu laban sa rehimen at malawak ang galit dito, magiging kapani-paniwala ang lulutuin nitong panalo sa eleksyong 2022 kung hindi magiging malakas ang kilusan at panawagang patalsikin ito — ngayon pa lang, bago pa ang eleksyon. Ulitin para sa diin: ngayon pa lang, bago ang eleksyon. Hindi pwedeng pagdating na ng kampanya ang paglaban; kung ganyan, siguradong talo na ang mga kandidato ng oposisyon.

Sa puntong ito, mahalagang maging malay sa ilang leksyon sa kakatapos na eleksyon sa US. May tatlong bagay na kapansin-pansin sa isang panayam ni Alexandria Ocasio-Cortez, progresibong kongresista ng New York, pagkatapos ng eleksyon.



Una, malinaw at madiin siya sa iba’t ibang isyu na ginamit para ilantad at ihiwalay si Trump sa mga mamamayang Amerikano — paglaban sa rasismo kaakibat ng Movement for Black Lives, ang programang Medicare for All na nagagarantiya ng serbisyong pangkalusugan, at ang Green New Deal patungkol sa kalikasan at climate change. Nabanggit din niya ang pagtanggal ng pondo sa kapulisan at militar kaugnay ng rasistang karahasan at pagpondo sa mga serbisyong panlipunan.

Syempre, may mga nagsasabing hindi radikal ang mga panawagang ito. Maaari, pero ang nagawa nila ay ang tugunan ang mga kagyat na suliranin ng mga mamamayang Amerikano — rasismo at pagpatay sa mga Itim, magastos na serbisyong pangkalusugan sa gitna ng pandemya, at pagwawalang-bahala sa climate change — na pinatindi ng rehimeng Trump.

Ikalawa, malinaw at madiin si AOC sa paggamit ng mahahalagang larangan ng pangangampanya: “Kung hindi ka nangangatok ng mga pinto, kung wala ka sa internet, kung ang pangunahin mong inaasahan ay TV at koreo, kung ganyan, hindi ka nagpapatakbo ng mahusay na kampanya.” Higit sa debate sa timbangan ng TV bersus Net, mas mahalagang makuha ang diin niya sa direktang pagkilos sa mga komunidad.

Aniya, ito ang epektibong pangontra sa propaganda ni Trump at mga Republicans. Naging bulnerable ang mga natalong kandidato ng Democrats dahil hindi sila lumaban sa mga larangang ito — kahit pa dinala nila ang mga isyu ng mga mamamayan.

Pangatlo, malinaw at madiin si AOC na tanggalin man si Trump sa White House, nananatili ang mga problemang nagluwal sa kanya, at kailangang patuloy na labanan ang mga ito. Sa usapin ng rasismo, nagulat daw siya sa lawak ng suporta ng mga puting Amerikano para kay Trump. Kailangan aniyang makabig sila at kontrahin ang “pagradikalisa” sa kanila ng Facebook patungong rasismo.

Pinalawig ito ni Mike Davis, teoristang pampulitika, na nagsabing matindi ang pagkakahati ng US ngayon sa mga larangan ng “ideolohiya, lahi at relihiyon.” Ang mga Republicans, kinakatawan ang “takot ng mga puti sa lumalakas na pampulitika at panlipunang kapangyarihan ng mga migrante at mga taong may kulay ang balat.” Handa silang isantabi ang mga demokratikong prinsipyo at gumamit ng dahas para ipagtanggol ang paghahari ng mga puti (white supremacy) at “mga tradisyunal na pagpapahalaga.”  

Kung tutuusin, hindi na bago ang mga aral na ito kung ihahambing sa karanasan ng Pilipinas sa mga kilusan sa pagpapatalsik. Pinapagtibay ng mga ito ang katumpakan ng mga leksyong halaw sa Pilipinas.



Susi ang mobilisasyon ng pinakamalawak na mga mamamayan para magpatalsik ng pangulo. Pero ginagawa itong mahirap ngayon ng rehimen sa pamamagitan ng todong panlilinlang at panunupil — lalo na sa pagsamantala sa mga limitasyong ipinataw kaugnay ng pandemyang Covid-19.

Sa ganyang kalagayan, mahalagang mabukulan ito sa mga kasalukuyan at dumarating pang isyu, bukod sa mga nariyan na: patayan, pag-atake sa mga kritiko at pagkanlong sa mga bulok na alyado, pag-atake sa midya, pagpapakatuta sa China at US, mga pahirap na patakaran, kriminal na kapabayaan sa harap ng pandemya at mga bagyo, at iba pa. Sa ganito, mapaparami pa ang mga tumutuligsa at kumikilos laban dito.

Mahalaga rin na tuluy-tuloy itong mailantad at maihiwalay pa sa lahat ng larangan — social media, midya ng malalaking kapitalista, at pinakamahalaga sa lahat sa mga paaralan, komunidad, sakahan, empresa at iba pang konsentrahan ng mga mamamayan.

Bukod sa pagkabig sa pinakamarami ay ang pag-oorganisa at pagpapakilos sa kanila sa iba’t ibang paraan at porma. Sa tindi ng pasismo sa bansa, kumpara sa US halimbawa, mahalaga ang pagtutulungan ng mga mamamayan sa malalawak at malalakas na organisasyon nila.

Maganda ang pagkukumbina ni Sonny Africa, progresibong ekonomista nitong huli: “Pinagsasanib ng kilusang masa ang mga kongkretong pakikibaka sa mga kagyat na interes at ang tuluy-tuloy na gawaing edukasyon sa mga isyung sistemiko. Parehong esensyal ang kongkretong mga pakikibaka at walang humpay na edukasyon para magbuo ng solidong bag-as ng mga mamamayan para sa tunay na pagbabago.”

Malalim ang mga iiwang problema ni Duterte, kung mapapalayas nga siya: mas naging pasista ang pulisya at militar, mas naging pulitikal ang mga korte, todong nagamit ang Kongreso at Senado pabor sa presidente, lalong naitali ang bansa sa China at US, pinatatag ang mga pahirap na patakaran, lumaganap ang lason sa social media, at iba pa.

Mahalagang magkaisa sa mga gagawing hakbangin sa mga ito ang iba’t ibang pwersang kritikal, tumutuligsa at lumalaban sa rehimen, gaya sa nakaraan sa pagbubuo ng People’s Agenda.

Sumusuntok ang resulta ng kakatapos na eleksyon sa US. Si Biden ang kandidatong pangulong nakakuha ng pinakamalaking boto sa kasaysayan ng US. Pangalawa si Trump; katunayan, lumaki pa ang boto niya kumpara sa nakaraang eleksyon.

Sa madaling salita, ang pagsisikap ni Trump na humatak ng mga hindi bumoto sa mga nakaraang eleksyon mula sa kanyang base ng suporta (na mga puti) ay tinapatan at hinigitan ng mga Democrats (tampok sa mga Itim at may kulay ang balat). Matinding pagpapakilos ng mga base ng suporta: isa ito sa masasamang pangitain sa eleksyon sa US na kailangang tanawin at paghandaan para makapag-asam ng pinakamainam sa eleksyon sa Pilipinas.

Kapit-tuko sa pwesto ang rehimen, ginagawang mahirap ang pagpapatalsik dito. Matibay ang mga batayan para tanggalin ito at malawak ang diskuntento, pero mahirap, kung itanggi mang masalimuot, ang proseso ng pagsasalin sa mga ito sa papalaking mobilisasyon sa lansangan. Mainam at may mga aral na ipinapakita ang karanasan at may nagpupunyaging kilusang masa na tumatangan sa mga ito.

04 Disyembre 2020

Galing ang mga larawan sa Facebook Page na NX Visuals.